Share

Chapter 1

Chapter 1

Nanginginig ang mga palad ni Anastacia habang pinagmamasdan ang mga nakamaskara at pormal ang kasuotan na tumitingin sa kanya mula sa kinalalagyang hawla. Nayakap niya ang sarili dahil sa takot sa mga nanlilisik na pulang mga mata nito. Nayakap niya ang sarili dahil sa panlalamig nang buong katawan.

Siyam na taong gulang pa lamang siya at hindi naiintindihan kung bakit nasa harapan siya ng mga hitsurang tao pero tila kung tatanggalin ang mga maskara ng mga ito ay mga halimaw ang kanyang makikita dahil kakaiba ang mga ruby nitong mga mata.

Hindi siya makaimik, makasigaw o makaiyak man lamang. Para bang umatras ang kanyang dila sa oras na ‘yon.

Naging kabayaran siya ng ama sa utang ng pamilya nila. Ayon sa negosyanteng si Mada’am Florenza na pag-aaralin siya nito at parang inampon lamang siya nito dahil bibigyan siya ng magandang buhay. Dahil hikahos ang kanilang pamilya kaya para makabayad sa utang at magkaroon siya ng ibang buhay na mas maganda pumayag ang kanyang ama nang mamatay ang ina. Isasama raw siya ni Mada’am Florenza sa ibang bansa.

Sa edad na siyam hindi rin siya marunong bumasa’t sumulat dahil ganoon din ang kanyang magulang. Pero marunong naman siyang bumilang at tumingin ng pera, pero hindi rin lahat ng numero ay alam niyang isulat. Malayo rin ang eskuwelahan at mas kailangan ng magulang ang tulong niya kaya hindi siya nakapag-aral.

Nag-angat ng tingin si Anastacia nang mapansin na palayo na ang mga nakatitig sa kanya at bumaba na sa entablado na kinalalagyan. Nagsimula ring magsalita ang maliit at malapad na lalaking mukhang giliw na giliw sa sinasabi nito sa ibang lengguwahe at itinuturo pa nga siya na tila isang karneng ibinebenta sa palengke.

Wala na sa lugar na ‘yon si Mada’am Florenza. Hindi totoo ang sinabi nito sa ama na pag-aaralin siya nito, ituturing na anak at mamahalin na parang kanya at magkakaroon ng magandang buhay. Dahil ang totoo ay ibinenta siya nito sa isang black market, kung saan ang may pinakamataas na halagang handang sayangin sa kanya ang mag-uuwi sa paslit niyang katawan.

Dahil hindi nauunawaan ni Anastacia ang usapan ng mga ito sa ibang lengguwahe, kaya nabigla siya nang buksan bigla ang kanyang hawla makalipas ang sampung minuto. At base sa palakpakan mukhang may nakabili na sa kanya.

Dumilim ang bahagi ng ibabang entablado at nagkaroon ng ilaw sa iisang bahagi para agawin ang pansin ng mga naroon. Ang natapatan ng ilaw ay babae’t lalaking na may pares din na ruby na mga mata. Mukhang masayang-masaya ang dalawa na ito ang nakabili sa kanya.

**

Binihisan siya ng dalawang babaeng nakamaskara. Maganda ang isinuot ng mga ito sa kanya na bestidang bulaklakin at kulay dilaw. Maging ang buhok niya ay itinali ng mga ito para magmukha siyang malinis na malinis. Binigyan din siya ng mga ito ng doll shoes at nangiti nang makita na ang kanyang kabuuan.

“Napakabait naman ng batang ito, hindi man lamang umiiyak o nagpapapadyak katulad ng iba. Hindi ba ito pipi?”tanong ng isang babae sa kasamahan nito.

“Hindi naman, siniguro nila ‘yon bago pa ‘yan ibenta.”

Sa totoo lang, hindi rin alam ni Anastacia kung bakit hindi siya maiyak parang sa tindi ng takot niya, hindi na rin niya alam kung paano magsalita pa. Pinagmamasdan niya lang ang paligid at iniisip kung mamamatay na ba siya kapag naroon na siya sa mga bampira?

“Huwag kang mag-alala, hindi naman lahat ng bampira pinapatay ang taong nakukuha nila. Palalakihin ka lang nilang alipin doon, at malay mo may magkagusto sa ‘yong bampira paglaki mo, naku! Napakayaman nila! Suwerteng-suwerte ka na roon!”

Hindi alam ni Anastacia kung positibo ba niya dapat tanggapin ang sinabi ng isa sa babae o hindi.

“Pero bakit naman sila kukuha ng ganito kabata para maging alipin?” takang tanong ng isa.

“Sa pagkakaalam ko madalas humahanap ang mga bampira ng kaedaran ng anak nila para maging tagasilbi. Siguro, kaedad nito o malapit ang edad nito sa anak no’ng mag-asawa. Hanggang paglaki nila siya ang magiging personal na tagasilbi no’n.”

Sasagot pa sana ang isa pero bumukas na ang pintuan. Pumasok doon ang lalaking nagsilbing host kanina. Malaki ang tiyan nito, maliit ang mga binti’t kamay at naroon sa bibig nito ang malaking ngiti na abot tainga. Kasunod nito ang bampirang mag-asawa.

“Nasisiguro ko na makapagsisilbi ng maayos ang batang ‘yan. Nagta-trabaho na ‘yan sa batang edad, mada’am, at nasiguro ko na madali ninyo siyang matuturuan pa,” sabi ng lalaki na tila waging-wagi ang ngiti.

“Isa pa po, kompara sa ibang mga batang dumating dito ay tahimik lamang siya at masunurin. Hindi siya magiging sakit ng ulo sa inyo at nasisiguro ko na madali rin siyang turuan,”bigay impormasyon ng isa sa mga babaeng nag-ayos sa kanya.

Marami pang sinabi ang lalaking nagsilbing host bago ito patigilin ng lalaking bampira. Tinawag na siya ng babae at pinalapit.

Kinakabahan man ay humakbang si Anastacia at lumapit sa mga ito.

Tumungo ang babae at may inilagay na manipis na bakal sa kanyang leeg.

“Proteksiyon mo ‘yan para hindi ka maamoy ng mga bampira.”

Nahawakan ‘yon ni Anastacia. Magaan lang iyon, ang hindi lang maganda roon ay para iyong collar na isinusuot ng aso.

Nang makalabas sila sa gusali kung saan dinaos ang bentahan ng mga katulad ni Anastacia na tao ay sumakay sila sa isang mamahaling sasakyang itim. Mayroong driver ang mga ito.

“Nakapagsasalita ba ang batang ‘yan?” tanong ng lalaking bampira sa katabing asawa.

“Nakapagsasalita naman daw ‘yan. Pagdating na lang natin, madali lang naman gumawa ng paraan para pagsalitain ‘yan.” Tila pagod na ang babaeng bampira.

“Sa tingin mo talaga magugustuhan ni King ang batang ‘yan?” duda ang lalaki.

“Kung sa ugali’t pagkilos, magkaibang-magkaiba sila dahil masyadong aktibo ‘yong anak natin. Pero malay mo naman magustuhan niyang kalaro ‘yan, lalo at cute naman ‘yang binili natin.” Nangingiti ang babaeng bampira at muling tiningnan ang batang nakatulog na pala sa kinauupuan nito. Para itong manyikang natutulog ng tahimik.

Para sa kanilang mga bampira, ang katulad nitong tao ay isa lamang premyo, laruan, tagasilbi, at bagay na nabibili na maaaring masira at palitan ng mas bago sa susunod. Ang iba sa mga bampira ay kinokolekta pa ang mga ito.

Nasa bahagi na sila ng kakahuyan kung saan naroon ang lagusan sa hiwalay na daigdig ng mga bampira. Tatlong oras ang biyahe nila bago makarating sa kakahuyang pag-aari nilang mga bampira na ginawa rin nilang lugar lagusan patungo sa lugar ng mga tao at kanilang lugar.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status