Share

Chapter 2

Chapter 2

Namangha si Anastacia nang makita ang mabulaklak na hardin na nilalakaran ng lalaking buhat-buhat siya. Iba ito sa driver, at nakasuot ito ng pormal na kasuotan. Nauuna sa kanila ang mag-asawang nakabili sa kanila. Inikot niya ang paningin at tanging ang malaki’t nakamamanghang mansion lang ang tahanan na naroon—hindi, mayroon pa siyang isang nakita na mukhang natatakpan lang ng malaking mansion.

Mapuno rin ang lugar, para iyong isang paraiso.

Nag-angat din siya ng mukha sa kalangitan at makulimlim iyon. Sa pagkakaalam niya gabi sila umalis sa gusali kung saan siya kinuha ng mag-asawa. Pero ngayon, mukhang papasikat na ang araw. Pero bakit parang buwan ang nakikita niya?

“Gising na siya Master, Mada’am.” Bigay impormasyon ni Calixto sa mag-asawa.

“Mabuti naman, nakauwi na rin ba si King?” tanong ng babaeng bampira.

“Yes, mada’am, may bago ring liham mula sa eskuwelahan.” Natawa pa ng bahagya si Calixto.

“May bago pa ba roon?” tila iritable ang mada’am.

“Mom! Dad!” Mula sa ikalawang palapag kumakaway ang batang siyam na taong gulang.

Napatitig doon si Anastacia. Buhay na buhay ang kulay ruby na mga mata ng batang lalaki. Itim ang kulay ng buhok na sinasayaw ng hangin. Nakasuot din ito ng uniporme na may vest.

Nabaling ang atensiyon ng batang lalaki sa kanya at nawala ang katuwaan.

 Kaagad ding nawala ang lalaki sa bintana kaya naman nagtaka si Anastacia.

Nang makapasok sila sa napakalaking mansion, nalulula ang pakiramdam ni Anastacia.

“Maligayang pagbabalik, Master Ezekiel, Mada’am Rossana.”

Namangha rin si Anastacia nang makita ang nakapilang mga unipormadong babae at sabay-sabay na tumungo pagkabati sa dalawang bampira.

“Mom! Dad!” masaya ang boses ng batang lalaki na tumatakbo sa hagdanan. “Sino ‘yang kasama ninyo?”

Ibinaba si Anastacia ng lalaking buhat-buhat siya. Kaagad siyang nagtago sa likuran nito dahil parang natakot siya sa sobrang sigla ng batang lalaking papalapit sa kanya.

Tumungo ng bahagya si Mada’am Rossana para kausapin ang batang lalaki na hindi nawawala ang pagkakangiti.

“Hindi ba sinabi ko sa ‘yo na magkakaroon ka na ng tagasilbi na sa ‘yo lamang?”

Tumango-tango ang batang lalaki, hindi nawawala ang abot taingang ngiti.

“Siya iyon pero sa isang kondisyon.”

Nagtaka naman ang batang lalaki pero muli ngumiti ito.

“Kapag nagawa mong hindi makipag-away sa loob ng isang buwan, magiging sa ‘yo na siya, nauunawaan mo ba, King?”

Nangunot ang noo nito at kaagad napasimangot.

“Hindi puwedeng one day lang?”

Natawa ang lahat kahit ang mga tagasilbi. Kilalang-kilala kasi ito bilang bully sa mga kapwa batang bampira at matigas ang ulo, masyado rin itong masayahin kaya nakakapanakit ito kahit ang tingin nito sa ginawa ay nakikipaglaro lamang ito.

“Two days?” tawad pa uli nito.

“One month.” Mariing wika ng babae na umayos na sa pagkakatayo.

“Mom, puwede ko ba siyang tingnan muna? Titingnan ko lang kung worth it siya para sa one month.”

Muli natawa ang halos lahat dahil sa sinabi nito.

“Tingnan mo na siya,” sangayon ng ina.

Natutuwa naman si King na sinilip sa likuran ni Butler Calixto ang batang babae na tila hiyang-hiya.    

“Halika rito, hindi kita makita nang maayos!” Hinila ni King na sobrang excited si Anastacia.

“Ouch!”

Natigilan si King.

“King, tao ang batang ‘yan, kung nasasaktan mo na ‘yong kalaro mong bampira sa paghila mo, ano pa iyan? Tandaan mo na nagkakasakit ang katulad niya at mamamatay kung hindi mo aalagaan na maigi.”

Kaagad naman gumaan ang pagkakahawak ng batang si King kay Anastacia.

“Hindi ko sinasadya, hindi ko na uulitin.” Nag-angat ito ng mukha para tingnan ang ina, “Mom, isang buwan akong magiging mabait para sa ‘kin na siya habang-buhay.”

“Kapag hindi mo nagawa, ibabalik namin siya o ibibigay sa iba.”

Nagulat si King sa sinabi ng ama.

Kaagad niyang hinila uli si Anastacia at inilagay na sa kanyang likuran.

“Sa ‘kin na siya! Magiging behave ako kahit mahirapan ako, basta sa ‘kin na ang cute na tao na ‘to!”

Nagkatawanan uli ang lahat.

Naghapunan ang mga ito habang si Anastacia naman ay dinala sa likurang bahagi ng mansion kung saan naroon ang isang malaki ring bahay.

 “Dito lahat nakatira ang mga servants,” sabi sa kanya ng maid servant na si Kaya, nasa dalawampu na ang edad nito at isa rin itong tao.

Lahat silang servants sa lugar ay mga tao. Ang pamilya raw na kanilang pinagsisilbihan ay ‘noble family’. Ayon din kay Kaya habang pinapamilyar siya nito sa lugar na personal servant siya ni King, ang batang anak ng bampirang bumili sa kanya.

“Ano ang personal servant?” tanong niya rito.

“Aba, nagsasalita ka pala?” namangha pa si Kaya.

Naroon na sila sa silid daw niya sa ikalawang palapag.

Nangiti naman si Anastacia.

“Ang personal maid servant ay iyong sa kanya ka lang magsisilbi. Kung ano ang ipagawa niya iyon lang ang susundin mo. Hindi mo rin kailangan maglinis, magluto, o tulungan kami sa mga gawain. Madalas ang personal maid servant ay iyong nag-aaral kasama nila rito sa bahay, nag-aaral din ng mga instrumento kagaya nila, para kayong magiging magkaibigan na para ring hindi.”

Napakurap si Anastacia, hindi niya alam kung maganda lang ba iyong pakinggan o naiisip niya lamang iyon dahil hindi niya gaanong maunawaan.

“Kaya, Kaya,” tawag mula sa pintuang bumukas.

Iyon ang may edad na maid servant, si Apostola na limampu’t pito ng nagsisilbi.

“Ano po iyon?” tanong ni Kaya.

“Tapos ng kumain ang Young Master, gusto niyang makita iyang si Anastacia.”

“Pero kasisimula pa lang nila, hindi ba?” takang tanong ni Kaya.

“Binilisan niya ang pagkain. Tuwang-tuwa ang Young Master kaya nakatutuwa rin talaga. Pero nag-aalala ako dahil babae itong napili nila, ang usapan ng mag-asawa noon ay batang lalaki rin ang kukunin nila.” Nasa mukha nga ni Apostola ang pag-aalala.

“Sa palagay ko dahil ‘yon sa kabilang noble family na ang kinuha ay male servant na bata rin no’ng nagkaedad ay nagkaroon ng relasyon sa lalaki rin, napakalaking kasalanan no’n sa mga bampira, kaya siguro batang babae ang binili nila.”

“Naku, pareho lang din naman ‘yon, maaari pa ring magkarelasyon ang anak nila sa batang babae na ito paglaki. Hindi ko talaga alam ang takbo ng isip ng mga amo natin.”

“Anastacia! Anastacia!”

“Iyan na nga!” sabay na bulalas ni Apostola at Kaya nang marinig ang boses ni King sa labas.

“Halika na, makipaglaro ka muna sa kanya.” Binitbit na ni Apostola si Anastacia.

Kinakabahan naman si Anastacia nang marinig pa lang niya kanina ang pagtawag ni King.

Habang bumababa sila ng hagdanan ni Apostola ay may sinabi ito sa batang si Anastacia.

“Huwag kang gagawa ng ikagagalit niya, ang Young Master King ay mabilis mairita, magalit, at mapanakit din iyon, kaya iwasan mo na magsalita ng hindi niya magugustuhan. Isa pa, ‘wag na ‘wag mong sasabihin na gusto mong umuwi o bumalik sa inyo dahil baka magalit sila sa ‘yo paniguradong parurusahan ka nila at ikukulong ng walang pagkain sa madilim na selda.”

Natakot naman si Anastacia sa narinig. Mas natakot pa nang makita ang nakangiting si King sa paglabas nila sa pintuan. Kasama nito si Butler Calixto.

“Tara, samahan mo akong mag-aral.” Inilahad nito ang kamay sa kanya.

Tiningnan niya si Apostola, hindi niya alam kung tatanggapin niya ang kamay nito.

Tumango si Apostola bilang pagsang-ayon.

“Dalian mo na, Anastacia.” Hindi naman nawawala ang ngiti ni King at pilit inaabot ang kamay.

“Magiging mabait naman ako sa ‘yo.” Hinawakan ni King ang buhok ni Anastacia na nabigla. Marahan nito ‘yong hinaplos at sinabing, “Huwag kang matakot sa ‘kin, hindi kita kakagatin.”

Hindi alam ni Anastacia kung bakit siya nangiti sa sinabi nito na hindi siya nito kakagatin.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Milanimfa Dela Cruz Castro
maganda sa simula palang
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status