Share

Chapter 3

Chapter 3

“Anastacia! Anastacia!”

Tumataas na ang kilay ng Head ng mga servants na si Mada’am Rosel dahil sa hindi pagpansin sa kanya ng labing-walong taong gulang na si Anastacia na mukhang abalang-abala sa pagde-daydream at nakakakalumbaba pa nga sa mesa ng silid nito.

“Anastacia!” mas malakas na tawag ni Lady Rosel.

Napaigtad naman si Anastacia at gulat nang makita ang galit na galit na hitsura ni Lady Rosel.

“Mada’am Rosel!” Kaagad tumayo si Anastacia at muntik ng makalimutang isara ang kanyang diary.

“Nariyan na ang Master King.”

Hindi mapigil ni Anastacia ang ngiti pero pilit na pilit siyang hindi iyon mahalata.

“Sandali, sandali, sandali!” Hinila siya ni Mada’am Rosel sa Balikat. “Nasaan ang bakal mo sa leeg?”

“Ay, pasensiya na Mada’am.”

Kaagad binalikan ni Anastacia ang pabilog na bakal at inilagay sa kanyang leeg. Proteksiyon nila ‘yon para hindi sila maamoy ng mga bampira. Hinuhubad lamang nila ‘yon kapag maliligo sila at ibabalik din pagkatapos.

Silang mga tao sa lugar ng mga bampira ay mga alipin ng mga ito. Ang karamihan sa mga aliping tao ay iyong isinilang na silang alipin dahil ang magulang nila ay mga alipin na ng pamilyang pinagsisilbihan. Ang halimbawa no’n ay si Mada’am Rosel, ang pamilya nito mula sa ninuno ay nagsisilbi na sa salinlahi ng mga bampirang ‘Vezarius’.

Ang iba naman ay katulad ni Anastacia na binili sa lugar ng mga tao at dinala sa lugar ng mga bampira na kilala sa tawag na ‘Vampire City’ ang hiwalay na lugar sa mga tao at tanging mga iilang lagusan lamang ang daan para makabalik sa lugar ng mga tao. Pero sa higpit ng pagbabantay roon, walang alipin ang nabuhay o hindi nakatikim ng malupit na kaparusahan sa pagtatangkang tumakas.

Lumabas si Anastacia sa bahay na nagsisilbing tahanan ng tatlong-daang tagapagsilbi ng pamilya Vezarius. Ang tahanan nila ay hiwalay sa malaking mansion ng mga ito at pumapasok lamang sila kung kailangan sila sa lugar. Sa likurang bahagi ng mansion siya dumaan.

Sa salamin na para sa kanilang mga tagasilbi sa bahagi ng kumedor kung saan sila dumaraan ay saglit siyang tumigil para siyasatin ang sarili’t kasuotan. Maayos naman at walang lukot ang kanyang itim na bestidang pang-tagasilbi na may mahaba ring itim na manggas. Nakaipon naman ang kanyang buhok at malinis tingnan. Nginitian pa niya ang sariling repleksiyon bago nagmamadaling lumakad patungo sa sala ng mansion.

Sa malaking sala ng mansion kapansin-pansin kaagad na kahit alikabok mahihiya sa sobrang kalinisan at kintab ng mga kagamitan. Walang pinalalampas ang mga Butler servant pagdating sa paglilinis ng sala. Maging ang naglalakihang mga kuwadro ng salinlahi ng pamilya ay malinis na malinis dahil araw-araw ang toka sa paglilinis ng mga iyon.

“Paulit-ulit ka na lang nakikipag-away, King! Hindi ka na bata!”

Malakas ang sigaw ni Mada’am Rosanna sa anak na kaedaran niya, si King. Paikot-ikot ang ginang dahil sa sobrang stress na nararamdaman.

Tumayo naman si Anastacia malapit sa sampung babaeng naroon na tagasilbi, mga nakahanay ang mga ito at naghahanda sa iuutos ng pamilya.  Ang Sampung Butlers din ay maayos ang pagkakahanay sa magkabilang gilid ng pintuan, handa rin sa iuutos ng pamilya.

“Hindi nga ako ang nagsimula, mom,” iritableng tugon ni King.

“Simula pagkabata mo ‘yan na ang dahilan mo na hindi ikaw ang nagsimula—”

“Anastacia!” Tumayo si King sa kinauupuang sofa at masayang lumapit kay Anastacia nang mapansin ito.

Nabigla naman si Anastacia dahil galit na galit pa at hindi pa nga tapos magsalita ang ina nito.

Hindi makatingin si Anastacia kay Mada’am Rosanna, sapat na ang presensiya nito para masabi niyang pinanlilisikan na naman siya ng mata nito.

“Anastacia, kailangan ko ng gamot at magpalit ng kasuotan kaya pagsilbihan mo na ‘ko para makapagpahinga na rin ako,” malambing na sabi ni King.

Sa pagkakangiti ni King, alam ni Anastacia na pinamumulahan siya. Hindi talaga siya nasanay simula noon sa atraktibo nitong hitsura lalo nang magkaroon na siya ng pagtingin dito.

 Bumaling si King sa ina, “Mom, sasamahan lang ako ni Anastacia. Mamaya mo na ‘ko pagalitan pagdating ni dad para isahang sermon na lang kayo mamaya.”

“King! Anak ka talaga ng tatay mo!” gigil na sabi ni mada’am Rosanna.

Hinila na ni King si Anastacia hanggang sa silid nito. Siniguro ni King na naka-lock ang pintuan pagkapasok nila.

“Ano na naman ang ginawa mo, Young Master?” nag-aalalang tanong ni Anastacia nang mapansin ang namumulang bahagi sa gilid ng labi nito.

“Hindi ko ‘yon kasalanan,” tila batang sabi nito.  “Bihisan mo na ‘ko,” ani King na humarap na sa kanya.

“Young Master!”

Pulang-pula si Anastacia dahil sa sinabi nitong biro.

Nabigla pa siya nang hapitin nito ang kanyang balakang para mas mapalapit siya rito.

Kumabog nang husto ang dibdib ni Anastacia dahil sa sobrang lapit nila, nalalanghap niya ang mabangong amoy nito. Maging ang init ng katawan nito ay nagbibigay sa kanya ng kakaibang pagkabuhay sa bawat himaymay ng kanyang ugat.

Ang mga bampira, hangga’t hindi pa umaabot ng isangdaan ang edad nito ay mayroon pa raw talagang init ang mga katawan nito. At dahil ang edad nila ay pareho kaya parang tao din si King, maliban na lamang sa kakayahan nito na hindi maihahalintulad sa tao.

“Y-Young Master, b-baka may makakita sa ‘tin,” kinakabahang sabi ni Anastacia.

“Kailan ba may nakahuli sa ‘tin?” nakangiting tanong nito.

Napalunok si Anastacia. Napatitig na naman siya sa kulay ruby na mga mata nito.

Namula si Anastacia nang lumapit ang mukha nito sa kanya.

“Kapag nasa dalawampu’t isa na ‘ko, aalis na tayo rito at magsasama tayo sa lugar ng mga tao. Magpapakasal na tayo no’n.”

Hindi mapigil ni Anastacia ang mangiti at mag-init ang mga mata.

Batang-bata pa sila nang unang magkaroon ng damdamin sa isa’t isa. Labing-apat na taon nang aminin nila ‘yon sa isa’t isa, at ngayon na pareho na silang labing-walo ay paapat na taon na ang sikretong relasyon nila.

Bumalik sa alaala ni Anastacia ang isang gabi kung saan napakalakas ng ulan at nagkaroon sila ng pagkakatampuhan ni King. Pinipilit nito sa magulang na mag-aral siya sa Vampire Academy kung saan ito nag-aaral ng junior high. Iyon ang request nito sa magulang sa ikalabing-apat na kaarawan nito. Pero hindi pumayag ang magulang nito at pinipilit pa rin nito, sinabi niya rito na hindi siya masaya sa pagpupumilit nito, at hindi niya gustong mag-aral sa Vampire Academy. Sapat na iyong tinuturuan na siya ni Butler Calixto at Maid servant Kaya at nakasasabay niya ‘to sa aklatan at sabay silang nag-aaral.

Pinuntahan niya ‘to sa tree house kung saan sila madalas dalawa. Labing-dalawa sila no’ng maisipan nitong magpagawa ng tree house sa ibang mga Butlers. Basang-basa siya no’n dahil sa lakas ng hangin at ulan, nasira rin no’n ang dala-dala niyang payong.

Naabutan niya ‘tong nasa gilid na bahagi ng tree house at magkadikit halos ang mga kilay nito.

“Bakit pumunta ka pa rito?” galit na tanong nito.

Lumapit siya rito at ginaw na ginaw rin siya.

 “Young Master, hindi ako puwede sa akademiya na pinapasukan mo. Tao ako—”

“Pero may ibang tao na naroon! Hindi lang naman ikaw!” sigaw nito sa kanya.

“Gusto mo bang pumayag ako kahit hindi ko gusto? Kung magiging dahilan ng galit mo sa ‘kin ang pagsuway ko sa ‘yo ay ipipilit ko na rin na pumasok sa akademiya mo. Mas gusto at responsibilidad ko naman ang kasiyahan mo.”

Nakita niya ang pagkabigla kay King, ang matapang nitong hitsura ay unti-unting lumambot.

“Hindi ko sinasadya na pilitin ka. Naging sobrang pilit ko na naman.” Ginulo nito ang buhok.

Nangiti si Anastacia, maraming nagsasabi sa kanya noon pa na maganda ang impluwensiya niya kay King dahil sumusunod ito sa kanya kung minsan higit sa magulang nito. Pero tama ang sinabi ng mga ito na agresibo si King, mapilit, kapag masyado ‘tong natutuwa nakalilimutan na nitong isipin ang iba.

Umusog pa siya hanggang mapalapit dito.

Lumingon naman ‘to sa kanya nang makalapit siya.

“Nilalamig ako, Young Master,”natatawang aniya.

Nag-alala naman ito. “Sakitin ka pa naman.” Kinabig nito ang kanyang ulo patungo sa balikat nito.

Nangiti si Anastacia. “Kapag naman nagkasakit ako, sobrang suwerte ko dahil mismong ang Young Master ang nag-aalaga sa ‘kin.”

Napasimangot naman si King. “Ayokong nagkakasakit ka dahil para kang mamamatay kaagad.”

Natawa naman si Anastacia.

“I love you.”

Napadiretso nang upo si Anastacia sa sinabi nito.

“B-bumaba na tayo—”

“Malakas pa ang ulan.”

“Oo nga pala.” Umusog na lang palayo si Anastacia.

“I love you,” ulit ni King.

Napabaling na rito si Anastacia. Inaalam kung nagbibiro ba ito o hindi.

Nakangiti ito nang magtama ang kanilang mga mata.

“Kapag natapos na ‘kong mag-aral aalis tayo rito, dadalhin kita sa lugar ng mga tao kung saan puwede tayong dalawa.”

Nag-init ang mga mata ni Anastacia, hindi niya alam kung bakit parang may mainit na palad na humaplos sa kanyang puso.

“Hindi mo ba ‘ko gusto?” tanong nito.

Ngumiti si Anastacia. “Mayroon bang hindi magkakagusto sa ‘yo?”

Namula ito at mukhang hindi alam kung paano tutugon sa kanya.

**

Pitik sa noo ang nagpabalik sa kasalukuyan kay Anastacia.

“M-magbihis ka na.”Lumayo siya ng bahagya rito.

Natawa naman si King.

“Hintayin mo ‘ko diyan o gusto mong samahan na ‘kong magbuhos?”

Matigas na umiling si Anastacia. Pulang-pula ang kanyang mukha.

Natawa naman si King. Bago pa ito tuluyang pumasok sa paliguan ay humakbang ito palapit sa kanya.

“Masakit talaga ‘to.”Itinuro nito ang bahagi ng nagpapasang gilid ng labi.

“Masakit?” nag-aalang tanong ni Anastacia.

“Oo, halikan mo nga.”

Nagitla naman si Anastacia, napalunok at lalong namula.

“Dali na—”Mas inilapit nito ang mukha.

“Young Master—”

Hindi na makahindi si Anastacia dahil lumapit na ito, kinintalan niya ng magaang halik ang pasa nito sa bahaging gilid ng labi. Pero dahil pilyo ito, umatras ang labi nito ng bahagya para tuluyan ng magkahalikan sila.

Natulak pa ito ni Anastacia, pero hindi rin nagtagumpay dahil gumalaw na ang labi nito. Sino bang makahihindi sa mainit at sensuwal na halik nito na halos ipalimot sa kanya na siya ay personal maid servant nito. Ipinagbabawal ang ano mang ugnayang lalagpas sa mag-amo sa kanilang pagitan.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status