Chapter 1

ILANG minuto ko ng tinititigan ang mukha ni Noreen habang mahimbing na natutulog sa tabi ko. Ilang beses ko na siyang hinalikan sa pisngi at labi pero hindi pa rin magising-gising. Mukhang napagod talaga siya kagabi.

Napapangiti ako habang iniisip kung gaano ka swerte dahil kasama ko siya at katabi. Ang babaeng ilang taon ko ng pinapangarap...

[Past]

LUMABAS ako ng bahay para maglaro sa may malapit na court. Dala ko ang laruang bola at patakbong nagtungo roon nang mapahinto.

May nakaagaw kasi ng aking pansin. Isang batang babae na malusog at mas matangkad pa sa akin.

Sa tabi nito ang isang pink na bike. Pero sa halip na sakyan ay hila-hila niya lang ito. Tinitigan ko ito pero ilang sandali ay hindi rin nakatiis at lumapit na.

"Sa 'yo 'yan?" ang tanong ko.

"Oo, bakit?" ang sagot nito.

"Ba't hindi mo sinasakyan?" ang tanong ko at nag-dribble nang isang beses.

Kumunot ang noo nito at pagkatapos ay nilampasan ako.

Ang sungit naman niya.

Magpapatuloy na dapat ako sa may court nang magsalita ito, "H-hindi ako marunong."

Lumingon ako at pagkatapos ay sa direksiyon ng court. At muling binalik ang tingin sa kanya.

"Gusto mo turuan kita?"

Ngumiti ito sa akin at pagkatapos ay inilapit ang hawak na bike.

PAWIS NA PAWIS at hingal na hingal ako sa kakatulak. Tinuruan ko ngang matutong mag-bike si Noreen—ang pakilala niya sa akin kanina. Hindi naman siya mahirap turuan pero nakakapagod lang dahil kanina ko pa tinutulak ang bike na sakay siya.

Sobrang bigat niya kaya!

Sa kakatulak ay hindi ko na alam kung saang kalye na kami napunta. Mukhang napalayo na yata kami.

Ilang sandali lang ay bigla siyang sumigaw. "P-pusa!"

Nahinto ako sa pagtulak. Siya naman ay biglang natumba kasama ang bike. Nakatulala lang ako sa tumakbong pusa. Bigla kasing tumawid sa harap. Nang maalala siya ay lumapit ako. Tinulungan na makatayo.

Pero hindi ko magawa! Masiyado siyang mabigat!

O, ayaw niya lang talaga tumayo.

"Tumayo ka na," ang utos ko at saka napatingin sa tuhod niya. "Hala, may dugo!"

Sinilip ko ang mukha niya na nakatitig lang din sa dumudugo niyang tuhod.

At nang tumingin siya sa akin ay nag-alala ako. Baka kasi bigla siyang umiyak... pero nagkamali ako. Dahil sa halip na umiyak ay bigla siyang ngumiti.

"Ang lampa-lampa ko talaga," ang sabi niya at saka natawa. Kusa siyang tumayo at pinagpagan ang nadumihang damit dahil sa pagkakatumba.

"A-ayos ka lang?" ang tanong ko. Kakaiba kasi na sa halip na maiyak ay natawa lang siya sa nangyari.

"Okay pa sa alright!" ang ngiti niya saka tinayo ang bike.

Hindi ko alam kung anong nangyari pero parang biglang nag-slow motion ang lahat. Ang buhok niyang nililipad ng hangin ay tila mahinang sumasayaw sa paningin ko. Kahit ang mga kilos at sinasabi niya ay mabagal rin.

"Hoy!" bigla niyang sigaw. "Okay ka lang? Kanina pa kita kinakausap pero nakatulala ka lang."

"Ha?" Napakurap ako. Ilang beses.

Kumunot ang noo niya at napanguso. "Ang sabi ko uwi na tayo. Lilinisin ko pa 'tong sugat." Sabay turo sa tuhod.

"Ha?" Hindi ko alam kung bakit hindi ko maintindihan ang sinabi niya. Para akong nabingi.

"Ewan ko sa 'yo," aniya at saka ako iniwan.

Nang malayo-layo na siya ay doon lang ako natauhan at mabilis na sumunod.

At simula ng araw na iyon ay madalas ko na siyang makita at makalaro. Sa tuwing nasasagi niya ang kamay ko ay lagi akong naiilang o hindi kaya ay kinakabahan.

Hindi ako sigurado sa nararamdaman kaya nagtanong ako kay Mama. Baka alam niya kung anong nangyayari sa akin.

Pero tinukso lang niya ako. Na crush ko daw si Noreen.

"Hindi nga sabi, eh!" ang tanggi ko. Ayaw kong tuksuin pang lalo. "Ang taba-taba at ang pangit ng mukha at katawan niya." ang panglalait ko kahit hindi naman.

Ang totoo ay cute siya at bagay sa kanya ang maging chubby. Pero hindi ko aaminin iyon kay Mama.

May mga pagkakataon na natutulala ako kapag kasama siya at kung ano-ano ang nai-imagine ko.

Minsan malambing siya, kahit hindi naman.

Minsan nginingitian niya ako, kahit ang totoo ay nakasimangot siya.

Sa paningin ko lagi siyang kakaiba. Sa paningin ko ay siya lang ang nakikita.

HINDI ko mapigilang maiyak. Sobrang nakakalungkot ang araw na ito.

Namatay ang magulang ni Noreen sa car accident. Ilang araw ko siyang hindi nakita at nakausap.

Kapag nagpupunta naman kami ni Mama para makiramay ay wala akong lakas ng loob na kausapin siya. Hindi ko alam ang sasabihin. Ayokong may masabing mali na baka ikalungkot niya pang lalo.

Pero sana pala, lumapit ako. Sana pala, kinausap ko siya.

Dahil malalayo na pala siya at hindi na makakasama pa.

Ilang araw lang matapos ang libing ay kinukuha na siya ng nag-iisang kamag-anak na meron siya.

"K-kailangan mo ba talagang umalis? Dito ka na lang sa 'min," ang pakiusap ko kahit nasa tabi pa ang kanyang Lola.

Ngumiti siya sa akin at saka ako niyakap. "'Wag kang mag-alala. Magkikita pa naman tayo. Dadalaw ako, pangako. Kung gusto mo susulatan din kita."

Suminghot ako at saka tumingin sa kanya. "P-pangako?"

"Promise."

At tinupad naman niya. Linggo-linggo niya akong sinusulatan. At nagri-reply naman ako.

Tumagal ang sulatan namin ng walong buwan hanggang sa ang linggo-linggo ay naging buwan na lang.

Sobrang saya ko noong binati niya ako sa sulat ng 'Merry Christmas'. Pero iyon na pala ang huli niyang sulat sa akin.

Ilang beses akong sumulat at pinilit ko pa si Mama na samahan akong puntahan kung saan nakatira si Noreen.

Pero lumipat na raw sila.

Nangako siyang dadalaw, pero hindi niya ginawa. Nawala siyang parang bula at wala na akong balita.

Kaya nga nang muli siyang makita sa isang restaurant kung saan siya nagta-trabaho ay hindi ko na siya pinakawalan.

Maraming taon ang nawala. Sa loob ng mga taong iyon ay walang oras na hindi ko siya naiisip at naaalala.

Kaya gumawa ako ng paraan para maging akin siya.

Hindi madali... at talagang napakahirap dahil nasa entertainment industry ako. At para sa kanya napakahirap na makipagrelasiyon sa isang katulad ko.

Pero hindi ako sumuko. Para saan? Nasa harap ko na siya.

Sa kanya ko unang pinangarap ang lahat. She was my first love. I dreamed kissing her and married to her. And specially... grow old with her.

[Present]

Muli ko siyang hinalikan sa labi bago nagpasiyang tumayo na sa kama. Ipaghahanda ko siya ng breakfast bago man lang ako umalis para sa trabaho.

Pinakialaman ko na ang refrigerator at kusina— na lagi naman kahit ayaw niya, baka masunog ko raw kasi ang apartment. Walang tiwala sa cooking skills ko.

Pinagluto ko siya ng itlog at bacon na nakita sa may ref. Ginawa ko na ring sinangag ang malamig na kanin sa may kaldero.

Gigisingin ko na sana siya nang makitang palabas na pala sa kwarto.

“Good Morning,” ang bati ko sa kanya at balak sanang halikan sa labi nang iniwas niya ang mukha.

“Wala pa akong toothbrush,” ang tugon niya.

Kaya sa may pisngi niya na lang ako humalik. “Pinaghanda na nga pala kita ng breakfast.”

“Amoy ko nga mula sa loob ang niluto mo,” ang sagot niya. “’Di ba sabi ko sa ‘yo na ‘wag mong pakialaman ang kusina ko?”

Niyakap ko siya mula sa likuran at muling hinalikan ang pisngi niya. “Sorry,” ang sagot ko na lang. “Baka kasi hindi ka makapagluto dahil sa sobrang pagod.”

Bigla niyang pinalo ang braso ko. “Ang bastos mo!”

“Bakit? Hindi ba totoo ang sinabi ko?” ang tanong sa kanya habang may pilyong ngiti sa labi.

“Kumain na nga lang tayo,” ang pag-iiba niya ng usapan.

“Ikaw na lang, kailangan ko ng umalis at baka mapatay na naman ako ni Gab, kapag na-late ako."

“Kahit sandali lang?” Humarap siya sa akin at saka naglambing.

Tinitigan ko ang mata niya at mapait na ngumiti. “Sorry, sa susunod na lang,” ang sagot ko at hinalikan siya sa noo.

Kinuha ko lang sandali ang gamit sa kwarto at mabilis na umalis sa apartment niya. Hindi ko na siya nilingon habang nakatingin sa akin palabas ng apartment.

Gusto ko mang samahan siya ng matagal ay hindi ko magawa. Kailangan na ako sa trabaho ko. Babawi na lang ako sa kaniya kapag natapos ko na ang schedule ko ngayong araw.

Maingat akong naglakad palayo sa apartment habang patingin-tingin sa paligid. Naninigurado na walang nakakapansin sa akin.

Agad akong sumakay sa naka-park kong kotse ilang metro ang layo sa apartment niya. Matapos ma-on ang makina ay saka ko tinanggal ang suot na mask.

Tinignan ko mula sa side-mirror ang pinanggalingan kong apartment kahit hindi naman na kita mula sa pwesto ko. “Promise, babawi ako,” ang bulong ko bago paandarin ang sasakyan palayo.

***<[°o°]>***

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status