Share

Chapter 4

MAINGAY ang gabi at puro mga sasakyan ang nakikita ko sa labas ng van. May kasama ako pero bakit tila hindi ko marinig ang lahat na tila napakatahimik… pakiramdam ko ay nag-iisa ako. Tumatakbo naman ang oras pero bakit tila nakahinto ang lahat.

“Sa bahay tayo,” ang utos ko sa driver. Gusto ko munang umuwi kay Mama ngayong gabi. Gusto ko siyang makita at makasama.

“Masiyado ng gabi para umuwi ka pa sa inyo. Maaga pa tayo bukas,” ang sabi ni Gab.

“Sunduin mo na lang ako bukas.”

“Ang layo-layo kaya—“ nahinto siya nang tignan ko… at mukhang naintindihan naman niya ang pinahihiwatig ko. “Bahala ka na nga, basta maaga kang gumising bukas para hindi mo na ako maabala pa ng husto.”

Tumango ako at pagkatapos ay pumikit. Hindi ko napansin na nakatulog ako sa biyahe kung hindi lang ako ginising ni Gab.

“’Yong usapan, ah,” ang paalala niya at pagkatapos ay sumakay sa van.

Hindi ko na hinintay pang makalayo ang sasakyan at pumasok na sa loob kung saan ay naabutan ko sa sala si Jimson. Agad uminit ang ulo ko.

“Anong ginagawa mo rito?” ang tanong ko agad sa kanya at saka nagpalinga-linga sa paligid. “Sinong nagpapasok sa ‘yo?”

“Si Tita,” ang tipid niyang sagot at lumapit sa akin. “Kasi…” kumamot siya sa may leeg. “May gusto sana akong—“

“Magkano?” ang matigas na tanong. Alam kong ito lang naman ang pakay niya kaya naparito.

Napakurap siya at tila nasaktan sa inasta ko pero wala na akong pakialam. Ang gusto ko lang ay umalis na siya agad rito. Kinuha ko ang wallet sa bulsa at bumunot ng limang libo.

“Aaron?”

Napalingon ako sa likod matapos marinig ang boses ni Mama. Agad kong napansin ang hawak niyang pera na agad niyang itinago sa likod.

“Dito ako matutulog ngayon ‘Ma,” ang sabi ko at muling hinarap si Jimson. “Sakto na ba ang limang libo?” sabay abot sa kanya ng pera.

“Sobra ito, Kuya—“

“Kunin mo na ‘yan at gusto ko nang matulog,” ang tugon ko at hinarap si Mama. “Aakyat na ako sa taas,” ang nasabi ko na lang kahit gusto kong magtanong kung bakit niya ito pinapasok.

“Aaron—“

Napapikit ako, nag-uumpisa ng sumakit ang ulo. “Bukas na tayo mag-usap ‘Ma, pagod ako.” At nagtuloy-tuloy na sa pag-akyat sa hagdan.

Bahagya ko pang naririnig ang paghingi ng pasensiya ni Jimson kay Mama bago tuluyang makalayo.

Pagpasok sa kwarto ay inalis ko lang ang suot na pang-itaas at saka pabagsak na nahiga sa kama. Hindi ko na inabalang buksan ang ilaw… mas maganda kapag ganitong madilim.

May ilalala pa ba ang araw na ito sa susunod? Bakit sobrang malas ko naman ata ngayong araw at talagang nagkasunod-sunod pa.

Akala ko ay okay na ako kanina matapos mailabas ang nararamdaman.

Bigla ko lang naisip umuwi at makasama si Mama pero nandito pala ang isang iyon.

Tahimik at puro dilim lang ang nakikita... mas payapa kapag ganito. Tinakpan ko ang mga mata kahit hindi na kailangan. Gusto ko lang ng mas madilim pa.

Ilang sandali akong nasa ganoong posisiyon ng makarinig ng katok sa pinto. Inalis ko ang kamay at dumilat.

Dahang-dahang bumukas ang pinto at sumilip si Mama. “Aaron… tulog ka na anak?”

Hindi ako sumagot. Alam ko namang alam ni Mama na hindi pa ako natutulog.

“Pasensiya ka na at hindi ko pinaalam sa ‘yo na nandito ang kapatid mo.”

Napabuntong-hininga ako. “Ayos lang ‘Ma." Hindi ko dapat ibunton sa kanya ang inis.

“Alam kong napag-usapan na natin ‘to ilang beses na… pero wala namang kasalanan si Jimson. Hindi niya kasalanan anak.” Nahimigan ko ang lungkot sa boses ni Mama.

Parang gusto ko na lang saktan ang sarili dahil pinapasama ko ang loob niya.

At tama siya. Hindi kasalanan ni Jimson... wala siyang kasalanan.

Pero hindi ko maiwasang mainis at pagbuntunan ito ng galit.

Dahil ang Ina nito ang dahilan kaya tayo iniwan ni Papa.

Alam ko namang wala itong kinalaman sa kasalanan ng mga magulang. Ilang beses ko iyong sinabi sa sarili ko… pero bakit?

Hindi ko maiwasang magtanong kung bakit?

Bakit mas mahal siya ni Papa kaysa sa akin? Bakit mas importante sila kaysa sa amin?

Kami naman ang unang pamilya.

Kami ang unang minahal… pero bakit sila ang mas mahalaga?

Bakit sila ang kasama ni Papa?

At bakit niya kami iniwan?

Lalo na sa panahong hindi pa namin kayang wala siya.

HINDI ko na nakausap ng maayos si Mama kagabi. Hindi malinaw ang usapan. Pero alam kong ako mismo ang nagkamali.

Maaga akong nagising at bumaba para hanapin siya. "Si Mama?" ang tanong ko sa katulong.

"Nasa kusina po, Sir."

"Sige, salamat." At pagkatapos ay nagpunta sa kusina.

Naabutang nakatalikod habang may suot na apron. Nagluluto siya kaya hindi ko na inistorbo at balak sanang bumalik sa itaas nang mapansin niya.

"Gising ka na pala. Halika, kumain ka muna ng almusal bago umalis."

Mariin kong itinikom ang bibig at saka lumapit sa kanya. Sa isang iglap ay niyakap ko siya ng mahigpit. "Sorry, 'Ma."

Ilang sandali lang ay niyakap niya rin ako habang tinatapik-tapik ang likod ko. "Wala 'yun, 'Nak. Naiintindihan ko. Masakit pa para sa 'yo ang lahat."

Isinubsob ko ang ulo sa balikat niya. "Sorry po talaga. Promise, susubukan ko pong hindi na magalit kay Jimson."

Ilang sandali kaming nasa ganoong posisiyon hanggang sa bigla siyang kumalas. "Ang niluluto ko, baka masunog!"

Hinayaan ko siyang tapusin ang ginagawa.

Napangiti nang maamoy ang niluluto. Isa sa mga paborito kong pagkain.

"Malapit na itong matapos," ang sabi niya pa.

Muli akong lumapit at niyakap siya mula sa likod.

"Ang lambing, ah," ang komento niya pa habang hinahalo ang niluluto.

"Siyempre, nagpasaway, eh. Inaway kayo," ang sagot ko na ikinatawa niya.

Nang pinatay na niya ang stove ay saka lang ako lumayo.

"Kumusta naman si Noreen? Hindi ko na siya nakikita lately."

"Busy lang sa trabaho."

"Ikaw rin, masiyado ng busy. Nagkikita pa ba kayo?"

"Kapag may time, pumupunta ako sa kanya."

"'Wag masiyadong pagurin ang sarili," ang paalala niya saka hinain sa harap ko ang pagkain.

"Yes, 'Ma. Lagi kong inaalagaan ang kalusugan ko kaya 'wag na po kayong masiyadong mag-alala."

"Hindi ko lang maiwasan 'Nak. Alam mo naman, ikaw lang ang meron ako."

Ngumiti ako sa sinabi niya. Si Mama talaga. Laging ako ang inuuna at iniisip.

"At kayo rin lang po ang meron ako."

"Hmp, sinungaling. May Noreen ka, kaya 'wag mo na akong bulahin."

Natawa ako sa sinabi niya.

"Ay, naalala ko, dumaan dito si Thalia nu'ng isang araw. Binigyan ako ng regalo. Ang sweet talaga ng batang 'yun. Lagi akong naaalala."

Napangiti ako. "Sinabi niyo pa 'Ma."

"Kaya gustong-gusto ko ang batang 'yun. Sayang at hindi ako nagka-anak ng babae."

"Siya na lang kaya?" ang biro ko.aa

"Ay naku, malapit na," saka natawa. "Sana nga lang at nagkaroon pa ako ng isang anak na katulad niya."

***<[°o°]>***

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status