Share

Chapter 5

(Past)

SOBRANG saya ko pauwi. Tumambay kasi ako sa bahay ng classmate ko para makinuod ng anime movie na ibinida niya kanina sa school.

“’Ma! Andito na ako… may kwento ako sa ‘yo,” ang sigaw ko pagpasok sa bahay. “Alam mo kanina nanuod ako nang—“ bigla akong nahinto nang may maapakan.

Pinulot ang naapakan na damit ni Papa sa sahig. “’Ma?” ang tawag ko. “’Pa?” pero nahinto ako nang makita si Mama na umiiyak sa may sahig.

Lumapit ako at tinanong siya kung anong nangyari pero tanging mga hikbi niya lang ang naisagot.

Wala akong nagawa kundi ang umiyak rin kahit hindi ko naman alam kung ano ang nangyayari. Umiiyak si Mama sa dahilang hindi ko alam… at umiiyak rin ako dahil nakakaiyak ang mga hagulgol niya.

Matapos niyang umiyak ay tumayo siya at nagluto ng pagkain para sa akin. Pagkatapos ay nagkulong sa kwarto.

Ganoon siya sa loob ng ilang araw. Lumalabas lang siya kapag kailangan akong ipagluto ng makakain o kung may kailangan ako.

Kapag tinatanong ko naman kung bakit hindi umuuwi si Papa ay umiiyak lang siya.

Akala ko nag-away lang silang dalawa na hindi na bago sa akin kasi ganoon naman daw talaga ang mag-asawa… iyon ang sabi ni Mama.

Ang hindi ko alam ay malala na pala ang nangyari at sa kapitbahay ko pa nalaman ang lahat.

Iniwan kami ni Papa at sumama sa kabet niya… iyon ang narinig ko mula sa tsismosa naming kapitbahay.

Umiiyak akong umuwi sa bahay kasi hindi ko alam kung anong pinagsasasabi nito. Tinanong ko pa iyong kapitbahay namin kung anong ibig niyang sabihin… pero ang naintindihan ko lang ay hindi na raw babalik sa amin si Papa.

Hindi ko naman makausap si Mama kasi laging nasa kwarto.

“’Ma?” katok ko sa pinto. “Nagugutom na ako,” ang patuloy ko pa.

Hindi ko na sana siya balak abalahin pa pero wala na kasing makain. Ubos na ang laman ng refrigerator at wala na ring stock na delata.

Ilang sandali lang ay lumabas si Mama sa kwarto. Tinignan ko siya, halos hindi makilala dahil mugto ang mga mata at nangingitim pa.

Magulo rin ang buhok at noong isang araw pa ang suot niyang damit.

Pumunta siya sa kusina kaya sinundan ko. May kung anong hinahanap.

Ilang sandali lang ay lumingon siya sa akin. “’Nak… pumunta ka muna sa tindahan ni Aling Lordes, mangutang ka muna ro’n ng bigas at pang-ulam.”

Hindi ako kumilos kasi nakita kong hawak ni Mama ang kutsilyo. Napansin niya atang nakatingin ako roon kaya ibinaba niya. “Sige na ‘Nak, pumunta ka na sa tindahan ni Aling Lordes para makapagluto na ako,” ang utos niya.

Dali-dali naman akong tumakbo palabas para sundin ang utos ni Mama. Minadali ko pa si Aling Lordes kasi ang bagal niyang kumilos, eh, nanunuod lang naman siya ng palabas sa tv.

Pag-uwi ko ay naabutan ko uli si Mama na umiiyak na naman habang naghihiwa.

Lalapitan ko sana siya kaso pinalayo niya ako. “’Wag kang masiyadong lumapit. Masakit sa mata ‘tong sibuyas.”

Nilapag ko malapit sa kanya ang mga inutang at pagkatapos ay naupo. Pinanuod ko ang bawat kilos ni Mama.

Inaalam kung maayos na ba siya.

Ganoon ako hanggang sa ilapag niya sa harap ko ang kakainin naming hapunan.

“’Nak…”

Nahinto ako sa pagsubo nang magsalita siya.

“Hindi ko pa nasasabi sa ‘yo pero…” nahinto siya at tumingala sa kisame. Suminghot siya ilang sandali at muli akong tinignan. “Iniwan na tayo ng Papa mo, kaya kailangan kong maghanap ng trabaho. Magpapatulong ako kay Aling Lordes at baka may kakilala siyang naghahanap ng kasambahay,”

“Sama ako, ‘Ma.”

Umiling siya at hinaplos ang buhok ko. “Hindi pwede Aaron, dahil kailangan mong pumasok sa school habang naghahanap ako ng mapapasukan.”

Pero ayokong maiwan dito ‘Ma… gusto ko sana iyong sabihin pero ayoko nang dumagdag pa sa iisipin niya.

MAHIRAP ang naging buhay namin simula nang iwan kami ni Papa. Nakahanap nang mapapasukan si Mama bilang kasambahay. Alam kong mahirap ang trabaho niya dahil kailangan niya pa akong alagaan bago siya pumasok sa trabaho at ganoon din pag-uwi niya.

Gustong-gusto ko siyang tulungan. Pero anong magagawa ng isang ten years old na batang katulad ko?

Kahit lagi kong sinasabi na kaya ko ng gawin ang mga bagay na nakasanayan na niyang gawin sa akin araw-araw ay hindi niya ako hinahayaan… para sa kanya isa pa rin akong batang dapat alagaan.

Tanging ang pag-aaral ko lang ang maitutulong ko sa kanya. Gusto niyang pagbutihin ko kaya nag-aaral talaga ako ng mabuti.

Ito lang ang hiling niya na dapat kong suklian.

Pero bakit kahit anong gawing pagsisikap ay hindi pa rin patas ang mundo?

Bakit kailangang may mahirap na mas lalo pang naghihirap sa kabila ng pagsisikap?

“’Ma… hindi ako papasok ngayon,” ang sabi ko kay Mama matapos siyang bigyan ng gamot. Dalawang araw na siyang may sakit at lalo pang lumalala.

“Hindi…” ang tugon niya na halos hindi ko na marinig sa sobrang hina. Nahihirapan na siyang magsalita at kinakapos ng hininga.

“Magpunta na tayo sa ospital, ‘Ma.”

“Wala tayong pera pambayad.”

Nakagat ko ang labi para pigilan ang pag-iyak. Pagod niya akong pinagmasdan. Ilang sandali ay inangat ang kamay at dahan-dahang dinala sa ulo ko.

“Sige… pupunta na tayo sa ospital kung ‘yan ang gusto mo.” Hinaplos niya nang ilang ulit ang buhok ko.

Suminghot ako at saka tumayo. “Kukuha lang ako ng gamit ‘Ma.” Agad akong tumalikod bago pa tumulo ang luha ko sa harap niya.

Nagtagal nang tatlong araw si Mama sa ospital. Hindi malaki ang nagastos sa pagpapa-ospital niya pero naubos naman ang pera namin pambili ng gamot.

Pag-uwi ay may sumalubong kaagad sa amin na babae.

“Hoy, Carmen. Kanina pa akong naghihintay sa inyo! Aba! Isang oras akong naghintay. Bayaran mo na ‘yong inutang mo sa aking five thousand!” ang sabi ng babae kay Mama. Inis pa nitong tinignan si Mama mula ulo hanggang paa.

“Naku, pasensiya ka na Lisa, wala kasi akong pera ngayon. Naubos pambili ng gamot,” ang paliwanang naman ni Mama.

Mas lalong nagalit ang babae. “Ano?! Matapos kang mangutang at mangakong babayaran ako ngayong araw ay ‘yan pa ang sasabihin mo?!”

“Nagkasakit si Mama, kailangan niya ng gamot,” ang sabat ko at agad namang pinigilan ni Mama.

“Wala akong pakialam kung nagkasakit ‘yang Mama mo! Ang gusto ko bayaran niya ‘yong inutang niya sa akin.”

Hinawakan ni Mama ang ulo ko at dinala malapit sa tiyan. Niyakap niya ang ulo ko na tila ayaw akong ipakita sa babae. “Pasensiya na talaga, pangako babayaran naman kita. Bigyan mo lang ako ng palugit, pangako hindi kita tatakbuhan.”

“Siguraduhin mo lang!” ang sagot nito ilang sandali.

Sumulip ako at nakitang nagmamadaling umalis ang babae. Tumingala ako kay Mama na nakatanaw doon sa babae.

“’Ma..."

Tumingin siya sa akin at ngumiti. “’Wag mong isipin ‘yon… hindi pa kasi ‘yon nag-aasawa kahit malapit nang mag-forty," ang biro niya pa habang nakangiti.

Pero alam kong pinagagaan lang ni Mama ang sitwasiyon… ganoon naman palagi. Idinadaan niya sa biro ang lahat kapag sobrang hirap na.

***<[°o°]>***

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status