Chapter 7

UMIINOM ako ng kape habang hinihintay ang producer na makapag-decide sa final set-up ng new show na pinaplano ng management.

Mahigit isang oras ng nagdi-discuss pero hindi pa rin sila makahanap ng ipapalit sa isa sa mga judges na ni-reject ang offer dahil sa schedule conflict.

Isa ako sa mga napili nila at agad ko namang tinanggap ang offer. Kahit dito man lang, connected pa rin ako sa propesiyon na hindi ko na mababalikan.

Ilang sandali lang ay naayos na nila ang problema at may papalit ng judge. Binaba ko ang iniinom na malapit ng maubos at pinakinggan ang sinasabi ng isa sa mga staff.

"Ito ang mga list ng contestants na magpa-participate sa competition." Isa-isa nitong binigay ang list at saka kami pinapanuod ng mga audition videos.

Tinignan ko ang list at saka nagtanong, "50 lahat?"

"Sila lahat ang mga male trainees natin. Pero pipili lang kayo ng 25 na papasok sa elimination round."

Muli kong tinignan ang list na may picture at information. Mula rito sa mga trainees na ito ang bubuo sa pinaplanong boygroup ng company.

Binalik ko ang tingin sa TV screen kung saan makikita ang performance ng mga trainees. May mga magagaling at meron namang kailangan pang hasain nang mabuti.

Mayroong magaling sa pagkanta at pagsayaw. Pero ang nakaagaw ng pansin ko ay ang isang trainee na kinanta ang debut song ko.

Sobrang stable ng pag-deliver niya lalo na sa high notes. Mas mataas pa nga ata ang boses niya kay sa sa akin noong kaya ko pa.

Agad kong hinanap ang information nito. "Christian Tan?" Bahagya pang nanlaki ang mata ko ng makitang 2 months pa lang siya sa company.

"Okay lang ba kung pumili na ako?" ang tanong ko. Hindi pa kasi kompleto ang mga judges, pero gusto ko ng piliin itong Christian na ito.

Baka makuha pa ng iba lalo na at kami ring mga judges ang magiging mentor sa competition. Gusto kong i-handle ang trainee na ito.

Dahil para sa akin ay hindi dapat pinapakawalan ang ganito ka talented na tao.

PINAG-AARALAN ko pa ang mga napili kong trainee nang pumasok si Gab. Lumapit ito sa staff at may kung anong binulong.

Nang tumingin sa akin ay nagtanong ako pero ang walangh*ya, hindi man lang ako pinakinggan at sumenyas lang sa labas.

"May taping ka pa," ang sagot nito kalaunan nang hindi ako kumilos.

Sumunod ako sa kanya sa labas. Mukhang nagmamadali siya dahil hinila niya ako papasok sa elevator.

"Ba't biglang may taping ako?"

"Gag* kasi 'yong isang staff... hindi pinaalam sa 'tin. Kahit 'yong manager ni Kim hindi rin alam na may taping pala."

Hindi na lang ako nagsalita kahit nakakainis nga. Ayokong sabayan ang yamot ni Gab.

Napatingala na lang tuloy ako... sayang, akala ko ay wala na akong trabaho after ng meeting.

"Ay, putek! Naiwan ko pa 'yong gamit mo sa taas... bw*sit talaga 'yong staff na 'yon! Kasalanan niya pero tayo pinupurwesiyo."

Muling sumakay si Gab sa elevator para kunin ang gamit ko.

Habang naghihintay ay napansin ko si Thalia sa labas ng studio kung saan nagti-training ang mga trainees.

In-obserbahan ko lang siya. Hanggang sa may lumabas na lalake sa studio. Namukhaan ko agad kung sino ito.

Christian Tan.

Lumapit ito kay Thalia at ginulo ang buhok. Napataas ang kilay ko sa closeness nila. Baka ito na iyong bagong crush niya. Hindi na kasi nahihiya kapag nagkikita kami.

Pinagmasdan ko lang silang dalawa habang nagkukulitan. Napangisi pa ako ng pinunas nito ang pawis sa damit ni Thalia.

Bagay silang dalawa. Ang cute nilang tignan.

MAGANA kong kinakain ang lunch nang maupo si Kim sa harap ko.

"Pa-share ng table," ang sabi niya at nilapag ang pagkain.

Agad kong napansin na wala siya sa mood. Hindi naman siya ganito kanina habang nagsu-shoot kami.

Baka may nangyaring masama.

"An'yare sa 'yo?" ang tanong ko.

Nahinto siya sa pagsubo at tinignan ako. "Ba't ganyan kayong mga lalake? Nagkukunwari kayong hindi niyo alam na may mali kayong nagawa."

Agad akong nag-react sa sinabi niya. "Oh, ba't nadamay ako?"

Nanliit ang mata niya saka tila may na-realize. "Ay, tama, good boy ka nga pala. Nasaan na si Manager Gab? Siya na lang ang tatanungin ko." Sabay lingon sa paligid. Hinahanap si Gab.

"'Wag mo nang subukan kung ayaw mong makatikim. Kanina pa mainit ang ulo no'n."

"Nakakainis kasi, eh," ang reklamo niya. "We've been in this relationship since college days. Last year nakalimutan niya 'yong anniversary namin. Tapos nakalimutan niya ulit this year. Nagpaparinig ako sa kanya, pero hindi niya nagi-gets 'yong sinasabi ko. I think, hindi na niya ako mahal."

"Nasa utak mo lang 'yan. Sa dami ng ginagawa ng boyfriend mo? Lawyer siya kaya hindi malabong may makalimutan siyang special occasion."

"Pero nagbibigay naman ako ng hints sa kanya last month pa lang."

"Dapat sinabi mo ng diretso, hindi 'yong papahulaan mo pa siya kung anong tinutukoy mo. Hindi siya manghuhula... Lawyer siya, lawyer."

"You're not helping at all. Dapat suportahan mo man lang ako."

"I do support you... but not this."

Sinamaan niya ako ng tingin saka hinampas ang braso pero tumawa lang ako sa ginawa niya.

"Sana mag-suffer ka rin tulad ko," ang banta niya.

Pero malabong mangyari iyon. Noreen and I treasure every little things. Ni minsan ay wala siyang nakalimutan na mahahalagang bagay o okasiyon tungkol sa relasiyon namin.

She's the best girlfriend I ever had. And soon... my other-half.

"'Wag kang panira sa love life ko."

Napangisi siya sa sinabi ko. "Ipakilala mo naman kasi sa 'kin. Curious na curious na akong ma-meet ang girlfriend mo."

"Soon."

Napatili siya at hinampas ang braso ko. Ilang beses na niyang ni-request sa akin na ipakilala ko si Noreen after kong sabihin ang tungkol dito. Pero hindi ko lang matiyempuhan. Parehong hectic ang mga schedule kaya walang oras para mag-set ng meet-up.

"Excited na akong makilala siya personally."

Ako rin... excited na akong ipakilala siya sa lahat. At sisiguraduhin kong mangyayari iyon.

PABAGSAK akong naupo sa sofa. Sinulyapan ko si Gab na binababa ang iba kong gamit.

Nang lumingon siya sa akin ay pumikit ako at nagkunwaring inaantok.

"Matulog ka na kung inaantok ka," ang bilin niya. "Uuwi na rin ako pagkatapos ko rito."

Tumango lang ako at pagod na pumasok sa kwarto. Pagkasara ng pinto ay umayos ako ng tayo at dinikit ang ulo sa may pinto. Pinakikinggan kung nakaalis na ba si Gab.

Ilang sandali lang ay wala na akong naririnig mula sa labas kaya sumilip ako. Nang makumpermang wala na nga siya ay agad kong kinuha ang susi ng kotse.

Pupuntahan ko si Noreen. Namimiss ko na siya.

Ilang weeks ko na kasi siyang hindi nakikita. Hindi sapat ang tawag at chat lang, gustong-gusto ko na talaga siyang makita at mayakap.

Iniwasan kong magmadali at baka hindi pa tuluyang nakakaalis ang van at mahuli ako ni Gab.

Pasilip-silip ako mula sa pwesto kung saan ay nakita kong sumakay na siya sa van. At ilang sandali nga lang ay umalis na ito.

Hudyat ko na iyon para pumunta sa naka-park kong kotse at umalis para puntahan si Noreen.

Habang nasa daan ay biglang tumawag si Gab. Agad akong nataranta at biglang napa-preno.

Sandaling natigilan at nang matauhan ay itinabi saglit ang sasakyan.

Huminga ako ng malalim bago sagutin ang tawag.

"Ang tagal mo atang sagutin... nagising ba kita?"

"A-ah... oo, nakatulog na ako, ba't ka nga pala napatawag?"

"Sinungaling! Naka-on ang GPS mo. Sa'n ka na naman pupunta?!"

"N-nasa condo ako, oy!"

"Condo?! Eh, kung bumalik kaya ako?"

Agad akong nataranta at nasabi sa kanya ang totoo. "Miss ko na siya, Gab!"

"Wala akong pake! Basta bumalik ka!"

"Bahala ka basta pupuntahan ko siya ngayon."

"Subukan mo lang!"

"Sige, bye~" at in-end na ang call sabay off sa cellphone.

Ilang beses na niya akong pinagbantaan pero buhay pa rin naman ako hanggang ngayon. Wala ring nabaling buto at gasgas sa balat. Kaya hindi na uubra mga banta niya.

Alam kong pinag-iingat niya lang ako. Dahil marami talagang paparazzi sa paligid.

Pero si Noreen kasi pinag-uusapan dito! Kahit pa ata bumagyo ay walang makakapigil sa akin para makita ito.

Malapit na ako sa apartment, mga limang kalye na lang nang mapansin na may nakasunod na kotse sa akin.

Pinakatitigan ko ito sa rearview mirror. Itim na kotse... at sa tingin ko ay kinukuhanan ako ng picture. May napapansin kasi akong nagpa-flash.

Kaya imbis na magpatuloy ay agad akong lumiko sa ibang direksiyon.

Kailangan ko munang iligaw ang isang ito. Nagawan ko ng paraan ang kay Gab, kaya hindi ako makakapayag na dahil lang sa isang asungot na bubuntot-buntot ay hindi ko makita ang girlfriend ko!

Ilang beses akong nagpaliko-liko sa mga kalye. Mabuti na lang at kabisado ko ang lugar.

At nang masigurong nailigaw ko na ang kotseng sumusunod ay saka ko in-on ang cellphone. Sunod-sunod ang pag-beep, mga messages ni Gab.

P-in-ark ko ang kotse sa bakanteng lote at saka tinakpan para walang makakilala kung sakaling tinandaan man ng sumusunod sa akin ang sasakyan ko.

Lagi kong pina-park ang kotse rito at saka nilalakad ang papunta sa apartment. Suot ang jacket at round cap ay nakayuko akong naglakad.

Muling nag-beep ang cellphone pero hindi ko na lang pinansin... puro mura lang naman ang first word sa mga message niya.

D-in-ail ko ang number ni Noreen.

"Aaron," ang lambing nang pagkakasabi niya.

"I miss you, papunta nga pala ako d'yan," ang sabi ko at lumiko kung saan ay isang kalye na lang ang layo ko sa kanya.

"I miss you too, sige, hihintayin kita."

Kahit hindi ko siya nakikita ay nararamdaman ko naman sa boses na excited siyang parating na ako.

Ako rin Noreen, excited na akong makita ka at mayakap.

***<[°o°]>***

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status