Chapter 9

NAKATULALA at iniisip si Noreen. Kanina ay nagkasalubong kami sa elevator pero hindi namin makuhang mag-usap dahil may ibang tao.

"May problema?" ang tanong ni Gab matapos tapikin ang balikat ko.

Umiling ako bilang sagot.

"Oh, by the way, gusto ng management na gawan ka ng documentary project for your 10th year anniversary."

"Documentary?"

"Yup, your life before and now."

"I don't like it," mauungkat na naman ang buhay ko noon. "Pwedeng pass na lang? Pwede namang i-celebrate ang 10th year anniversary ko ng walang ganyan."

"Pero nakarating na sa taas at pumayag si Mr. Ben."

Of course, dahil sa tulong nito ay hindi ako magiging si Aaron ngayon.

"Yeah, gustong-gusto pa naman ni Mr. Ben na nakikita sa camera," ang komento ko at natawa.

"Laging nagri-replay sa utak ko ang boses niya kapag sinasabi niyang pinangarap niyang maging artista dati kaya tinayo niya ang T. R. Entertainment Company," ang komento naman ni Gab.

Napabuntong-hininga ako ilang sandali. Ayoko man sa idea na tungkol sa buhay ko ang project celebration ay hindi na ako kumuntra. Hindi naman naging sikreto ang buhay ko bago nanalo sa singing contest. Kung paano kami iniwan at pinagpalit... alam iyon ng halos lahat ng nakakakilala sa akin.

"O siya, tapos ng break time mo kaya bumalik ka na do'n at may last shoot ka pang tatapusin," ang paalala ni Gab matapos muli akong tapikin sa balikat.

"Sa'n punta mo?"

Pero tinging kakaiba lang ang binigay niyang sagot matapos ay lumabas na.

May nakita na naman sigurong type niya kaya magpapa-pogi na naman iyon. "Tsk, tsk, tsk."

NAGULAT ako ng makita si Thalia kasama ng team na kukuha sa akin. Ito ang unang shoot ko para sa documentary project.

Ka-text ko lang siya kagabi pero hindi man lang nagsabi na magkikita pala kami ngayon. Ang nakwento lang ay nag-umpisa na two weeks ago ang On-the-Job Training niya.

"Ayusin ko lang po ang mic niyo," ang sabi ng isang staff sa team. Napansin ko pa ang I.D. niya.

"Regular employee ka nila, April?" ang tanong ko.

"A-ah, hindi po. Nag-o-OJT," ang sagot niya. Gulat ang mata pero bumalik din sa natural ilang sandali.

"Bakit?" nagtatakang tanong. "Nagulat ba kita?"

"A-ah, na-shock lang kasi kinausap niyo po ako."

Ngumiti ako para hindi na siya mailang. "Ilan kayong nag-OJT?"

"P-po? A-ah... dalawa lang po pero—" bigla siyang nahinto at tila may naalala.

"Pero?" na curious na tuloy ako.

Umiling siya saka nagpaalam. Bago ko pa siya mapigilan ay nakaalis na ito.

Ilang sandali ay nag-umpisa na ang shoot. May mga nakahanda silang tanong na sinagot ko naman.

Inabot ng isang oras o higit pa ang shoot dahil sa dami ng tanong at next week ay pupuntahan naman namin ang mga lugar kung saan ako lumaki at nag-aral.

Paalis na sana kami ni Gab nang makita si Thalia na hirap na hirap sa binubuhat na box. May nahulog pa siyang gamit mula sa box.

"Ano ba! Hindi ka nag-iingat. Alam mo ba kung magkano 'yang nahulog mo?!" sigaw ng isa sa kasamahan. Malaki ang pangangatawan ng lalake pero bakit sa babae pa pinapabuhat ang pagkabigat-bigat na bagay?

Tinitigan ko si Thalia. Nakayuko ito at namumula na ang tenga— dalawa lang ang ibig sabihin nito. Kung hindi galit, tiyak naluluha na ito.

Mabilis akong lumapit sa kanya at inagaw ang box. Tulad nga nang akala ko, mabigat ang box. Humarang ako sa harap niya para hindi siya makita ng lalake at para na rin punasan ang tumulong luha sa mga mata niya.

"Ako ng magbubuhat nito," saka humarap sa lalake. "Grabe! Ang bigat naman nito!" In-emphasize ko pa ang salitang 'bigat'.

"A-ay, Sir, ako na lang ang magbubuhat n'yan kasi mabigat," ang sabi ng lalake at saka tinangkang kunin sa akin ang box.

Pero agad ko itong iniwas. "Hindi, 'wag na... baka iutos mo pa sa iba," saka muling hinarap si Thalia. "Sa'n 'to ilalagay?"

"S-sa van."

Wow! Napaigting ang panga ko. Sa may van pa?! Nasa 4th floor kami ngayon at malayo-layo pa ang parking lot ng mga visitors sa company. Kung hindi pa ako nakialam... bubuhatin niya to hanggang doon?!

"Samahan mo na lang ako," ang sabi ko sa kanya pero muling sumabat ang lalake.

"Ako na lang, Sir."

Tumingin ako kay Gab na nasa malapit lang at tinitignan kami. Sumenyas akong siya na ang bahala sa lalake na ginawa naman niya.

Matapos dalhin sa ibang side ng studio ang lalake ay umalis na kami ni Thalia.

"Ayos ka lang?" ang tanong ko pagka-sakay sa elevator.

"Hmm, thanks."

"Gano'n ba talaga 'yung lalakeng 'yon? Hindi ko gusto ang ginawa niya kanina." At binaba sa may paanan ang box.

"Anong gagawin mo pagkatapos?" ang pag-iiba niya ng topic.

Sumulyap ako sa mukha niya. Ito na naman siya. "Iniba mo na naman ang topic. Bakit mo hinahayaan? Eh, ang sama naman ng ugali no'n."

"Hindi naman, medyo stress lang siya sa trabaho kaya niya ako nasigawan."

Humarap ako sa kanya at namewang. "Hindi ka naman ganito ka bait dati, pero ngayon... iba na. Ano? Magmamadre ka na ba?"

Hinampas niya ang balikat ko pero mahina lang. "Ikaw kaya ang nagsabi sa akin dati... Na 'don't judge a book by it's cover'."

"Sinabi ko nga 'yun... pero hindi ko naman sinabi na 'don't judge a book after you open it'. Kita mo naman ang ugali no'n ni minsan hindi kita nakitang nagbuhat ng mabibigat."

Nag-pout siya at hinawakan ang braso ko. "'Wag mong sasabihin kay Daddy, ha?"

Napabuntong-hininga ako. "Lagi naman, secret diary mo nga ako 'di ba?" —Kapag may problema o nalulungkot ka. Sa akin mo sinasabi ang lahat. Ako ang takbuhan mo kapag nahihirapan ka sa school o sa ibang bagay.

MATAPOS mailagay sa likod ng van ang box ay nag-usap pa kami saglit ni Thalia.

"Sino nga pala 'yung trainee na kausap mo last time?" ang tanong ko.

Nagtaka siya at sandaling nag-isip. "Si Christian ba?"

"Hindi ko sigurado ang pangalan, eh, basta trainee siya sa company."

"Si Christian nga, pinsan ko."

"Siya ba 'yung sinasabi mo sa 'king pinsan sa probinsiya? 'Yung lagi mong binibida na magaling kumanta?"

"Siya nga... ang galing niya, 'no?"

Tumaas ang kilay ko. "Talaga? Eh, magaling din naman ako."

Naalala ko tuloy kung paano niya ipagmalaki ang pinsan niya kaya minsan ay naiinis ako kasi ni minsan ay hindi man lang siya nagalingan sa akin.

Tumingin siya sa akin nang kakaiba. "Selos ka na n'yan?"

"Oo, nagseselos ang ego ko. Ni minsan hindi mo man lang na-appreciate ang ganda ng boses ko... dati."

"Na-appreciate ko naman... ayaw ko lang aminin. Kasi nga 'di ba sabi mo sa 'kin no'n na hindi maganda sa artista 'pag lumaki ang ulo... kaya never kitang pinuri."

Ngumiti ako at bahagyang ginulo ang buhok niya. "Sa wakas inamin mo rin. So, crush mo pa rin ba ako?" ang biro ko.

"Hindi na!" ang sagot matapos alisin ang kamay ko sa ulo niya. "S-sige na, balik na ako sa team ko at baka hinahanap na nila ako. Bye!" At mabilis na tumakbo paalis.

Ang bilis niyang nakatakas kaya hindi ko na nagawang pigilan.

Nagpunta na lang ako sa van at saka t-in-ext si Gab para bumaba na.

Ilang sandali lang ay sumakay na siya sa van.

Habang nasa biyahe ay nagsalita siya, "Naisip ko lang... baka oras na para kumuha tayo ng stylist mo?"

Agad kumunot ang noo ko sa narinig. "Ayoko."

"Aaron, matagal na 'yung nangyari... saka hindi naman lahat tulad no'ng last—"

"Basta ayoko. Alam mo namang hindi ako sanay sa ibang tao."

"Ikaw lang ata ang kilala kong artistang unsociable."

"Kasi wala ka namang pakialam sa iba, maliban na lang kung babae."

Agad siyang nag-deny. "Hindi, ah!"

"Ah, basta, ayoko... baka dumaldal na naman tulad no'ng huling stylist ko. Tanda mo pa ang ginawa no'n?"

"Siyempre! Muntik ko na ngang masakal 'yun kung hindi lang babae. Grabe talaga... kung ano-anong kinukwento kaya kung ano-anong issue tuloy ang kumalat tungkol sa 'yo."

Kumalat pa na bakla ako at may secret relationship kami ni Gab. Porket nakita lang kaming natutulog ng magkasama sa loob ng van.

At muntik pang palitan ng management si Gab bilang manager ko.

"Hindi ko na kailangan ng stylist. Nand'yan ka naman, mas maalam ka pa kaysa sa iba."

Si Gab ang manager ko na may alam din pagdating sa fashion. Pareho kami ng taste pagdating sa damit at magka-size pa. Kaya mas may tiwala ako sa kanya kaysa sa professional stylist.

Hindi lang siya isang manager... kundi kaibigan din— mainitin nga lang ang ulo.

***<[°o°]>***

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status