Share

Concern

THIRD PERSON POINT OF VIEW

                Itinaas ni Carmen ang kanyang bintana sa kwarto. Kalagitnaan ng gabi na ng mga oras na iyon. May nabubuong bagay sa kanyang isipan. Nais niyang makasigurado na ligtas si Gilda.

                Mula sa kanyang maliit na bintana ay dahan dahan siyang lumabas upang tumakas sa kanyang ina.

                Paniguradong tulog na rin ang mga ito ngunit kung sa mismong labas ng kwarto niya siya dadaab ay siguradong maririnig siya ng kanyang ama na mababaw lamang ang tulog dahil maingay ang kanyang pintuan sa tuwing magagalaw.

                Lumalangitngit ito sa buong kabahayan.

                Dahan dahan siyang naglakad palabas ng kanilang gate. Umakyat siya sa kanilang bakod saka lumabas ng tuluyan dala ang isang maliit na flashlight na kanyang gagamitin habang tinatahak ang madilim na daan.

                Tinungo niya ang pasukan na daan kung saan matatagpuan ang bahay nila Gilda. Ilang minuto niya ring nilakbay ito bago tuluyang marating ang bahay ng dalaga.

                Natatanaw niya na ito kahit papaano.

                Dahan dahan siyang umakyat sa nakasaradong gate nila Gilda. Hindi naman ito kataasan kaya hindi siya nahirapan na akyatin ito.

                Walang ilaw sa loob. Madilim ang bahay na animo ay walang nakatira. Ang pagkakakwento sa kanya ni Gilda ay mayroong tatlong silid doon, at tig isa isa silang tatlo sa bawat silid.

                Sa pagkakatanda ni Carmen ay ito ang pinakahuling silid sa kabahayan.

                Agad siyang nagtungo sa likurang bahay. Napatingin siya sa bintana ng 2nd floor.

                Agad niyang napansin ang isang basag na bintana roon. Iyon ang nakita niyang basag na bintana noong nagvideo call sila ni Gilda kaya naman sigurado siya na iyon ang silid ng dalaga.

                Pinagmasdan niya ang bahay. Medyo mataas ito pero tingin ni Carmen ay kaya niya namang akyatin.

                Matapos ng kanyang pag – oobserba ay lumapit na siya sa bahay at sinimulang akyatin ang bahay nila Gilda.

                Hindi naging madali para kay Carmen ang pag – akyat niya sa bahay. Mahirap hawakan ang pader nito. Halos dumikit na siya  sa mga kahoy para lamang huwag mahulog.

                Ang tanging maakyatan niya ay ang paunang kwarto sa tabi ng kwarto ni Gilda. Kailangan niya pang tawirin iyon ng dahan dahan upang makapunta sa bintana ni Gilda. Iyon kasi ang pinakamadaling akyatan kaya iyon ang pinili niya. Hiling niya lamang ay huwag siyang mahulog sa kanyang kinatatayuan.

                Tinignan ni Carmen ang bintana sa kanyang itaas. Malapit na niya itong maabot.

                Iniakyat niya ang kanyang paa. Sumunod ay humawak siya sa may bintana upang iakyat ang kanyang katawan.

                Buong lakas niyang iniangat ang katawan niya ngunit biglang bumitaw ang kanyang hinahawakan.

                Muntikan na siyang mahulog, at mapasigaw. Mabuti na lamang, at nakahawak pa ang kanyang isang kamay kaya hindi siya natuluyan. Napigilan niya rin ang kanyang pagsigaw.

                Mabuti na lamang dahil kung  hindi ay malalaman nila na may taong umaakyat sa kanilang bahay. Muntik ng mabagok ang kanyang ulo sa semento kaya naman labis labis ang kanyang kaba.

                Ikinalma niya muna ang kanyang sarili. Nanlalamig, at nanginginig ang kanyang kamay. Parang ayaw na niyang tumuloy. Gusto na niyang bumaba at bumalik sa kanilang bahay. Ngunit narito na siya at wala ng urungan. Ito na ang pinili niyang desisyon.

                Ilang minuto ang lumipas at naglakad na si Carmen ng dahan dahan upang mapunta na siya sa kwarto ni Gilda.

                Paisa isa niyang iginalaw ang kanyang mga paa sa tungtungan sa gilid na mas maikli pa sa kanyang paa. Isang maling hakbang niya lamang ay madudulas siya at baka matuluyan na siya pag nangyari iyon.

                Nakaharap siya sa may bintana habang ginagawa ito. Nakaamoy siya ng nakakasulasok na amoy. Batid ni Carmen na sa loob ng kwartong kaharap niya nanggagaling ito. Amoy bulok na laman. Tila nabubulok na laman ng isang karne.

                Ito lang naman ang panggagalingan niyon dahil doon siya nakaharap at bahagyang nakabukas ang bintana. Hindi niya matanaw ang loob nito dahil madilim sa loob.

                Gusto niyang isuka ang lahat ng kanyang naamoy ngunit hindi niya iyon magagawa sa kanyang sitwasyon ngayon. Minabuti na niya lamang na umabante upang makarating na sa dapat niyang puntahan.

                Matapos ang ilang hakbang at ilang kaba sa kanyang dibdib ay narating na ni Carmen ang harapan na kwarto ni Gilda.

                Tinanggal niya ang tela na nakaharang sa may bintana. Wala siyang makita sa loob noong kanyang silipin pagka’t napakadilim.

                Kinuha ni Carmen ang flashlight sa bulsa at inilawan ang kwarto ng dalaga. Wala siyang nakita roon. Walang laman ang kwarto ni Gilda.

                Naisip niya nab aka umihi lamang ito kaya naman pinatay na niya muna ang ilaw saka nagpahinga saglit habang hinihintay na bumalik ang dalaga sa sarili niyang kwarto.

                Ilang minuto ang lumipas ay wala pa ring nagbubukas ng pinto. Inilawan muli ni Carmen ang kwarto ngunit wala siyang nakitang tao roon.

                “Gilda?” mahinang tawag ni Carmen sa loob ng kwarto.

                “Gilda?” pag – uulit niya.

                Walang sumagot sa kanya. Nagtataka si Carmen kung nasaan ang dalaga. Sigurado siyang kwarto iyon ng dalaga ngunit nagtataka siya na wala ito dati ng ganitong oras. Dapat ay tulog na ito sa kanyang kwarto.

                Lumalakas tuloy ang kanyang hinala na may masamang nangyari dito.

                Iniisip ni Carmen nab aka mali siya ng kwartong pinuntahan. Nais niyang icheck ang ibang bintana ngunit kapag iba ang nakasilid doon ay baka mahuli siya ng mga kasama nito sa kanilang bahay.

                Lagot siya kapag nangyari iyon.

                Tinignan ni Carmen ang kanyang ibaba. Mataas ang kanyang kinalalagyan. Natatakot siya na baka mapilay siya kapag tinalon niya iyon ngayon.

                Minabuti niya na lamang na bumalik sa kanyang inakyatan kanina. Bago siya humakbang pabalik ay muli niyang sinilip ang kwarto ni Gilda. Wala talagang tao sa loob.

                Huminga siya ng malalim, at nagsimula na siyang humakabng pabalik. Nais niyang takpan ang kanyang ilong dahil siguradong maaamoy na niya nanaman ang masangsang na amoy sa loob ng kwarto ngunit kailangan niyang humawak upang hindi siya mahulog.

                Dahan dahan siyang humakbang pabalik. Napatigil siya noong makita ang bintana kanina na may siwang.

                Tumambol ang kanyang dibdib pagka’t mas malaki na ang bukas nito kaysa kanina. Tila may nagbukas.

                Hindi niya sana papansin ngunit isang kamay ang biglang lumabas roon at hinablot siya.

                “AHHHHH!!!” sigaw ni Carmen sa kanyang sindak.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status