Share

Chapter 3

February’s POV 

“I’m just kidding,” humahagalpak ng tawa niyang saad. Kinagat ko naman ang ibabang labi ko para pigilan ang magsalita. 

“Let’s go, ihahatid kita," sabi niya at ngumiti pa sa akin. 

“Ibigay mo na lang ang bike ko ng makauwi na ako," inis kong saad sa kanya. Tumango naman siya sa akin. Sinamaan ko siya ng tingin dahil mukhang wala talaga itong balak na ibalik ang bike ko sa akin. 

Wala naman akong nagawa kung hindi ang sumunod na sa kanya. Tumapad naman kami sa kotse niya. Nakalagay sa likod ang bike ko. 

“Tara na, mukhang matagal pang titila ang ulan,” sabi niya sa akin at sumakay na sa kotse niya. Kukunin ko na sana ang bike ko kaya lang ay nakatali pa sa likod kaya nahila niya na ako bago ko pa maalis. 

“Alam mo ba ang daan?” tanong ko sa kanya. 

“Hindi," aniya. Mas lalo naman akong nainis sa kupal na ito. Sinamaan ko pa siya ng tingin ngunit tinawanan lang ako. Tinuro ko lang sa kanya ang daan patungo sa bahay hanggang sa makarating na kami dito. Dadaan pa sa pilapil kaya bumaba na ako sa daan. 

“Dito na ako," sabi ko sa kanya. 

“Saan ang bahay niyo? Wala namang mga bahay dito, ah?” tanong niya sa akin na nakakunot ang noo. 

“Doon pa. Pwede mo naman akong ihatid kung willing kang idaan ang kotse mo diyan sa putikan," natatawa kong saad dahil wala ng daan dito para sa mga sasakyan, depende na lang sa bike. 

Tumulong din siya sa pag-alis ng tali ng bike. Aangal pa sana ito at sasabihin nanaman na ihahatid ako sa mismong bahay ngunit pinigilan ko na siya. 

Naglakad na ako sa pilapil at nagpaalam na lang dito. Hindi naman siya umalis sa pagkakatayo niya. Habang nasa kalagitnaan na, hindi ko maiwasang mapatingin, nakita ko namang nakatingin pa rin siya sa akin. Hindi pa rin umaalis sa tapat. Tinitignan lang ako. Napa-buntonghininga ako at nagtuloy tuloy ng maglakad. Nang makarating sa bahay ay hindi ko naman na makita ang daan kaya inisip ko na lang na nakaalis na siya. 

“Boo!” Panggugulat ni Isaac. Nasampal ko naman siya dahil sa gulat. 

“Nagpaulan ka nanaman, lagot ka sa Lola mo,” natatawa niyang saad ay sumunod pa sa akin pagpasok sa bahay. 

“Saan galing ‘yang jacket mo, ha? Kay Piolo ba? Aba, aba, mamaya pagbintangan ka pa ni Donya Ligaya na nagnakaw sa apo niya," sabi niya sa akin kaya nailing na lang ako. 

“Ah, Hindi," sabi ko at inalis na ang jacket. Nakalimutan ko na pala itong alisin. Napatakbo naman ako sa labas. Tinignan kung nandoon pa si Sapphire ngunit wala na ito. 

“Lola! Nagpaulan si Febi!” sigaw ni Isaac mula sa loob. Sinamaan ko siya ng tingin at nauna ng pumasok sa loob dahil kapag siya ang nauna paniguradong gagatungan niya nanaman sina Lola. 

“Ano, Febi? Nagpaulan ka nanamang bata ka?” sabi ni Lola na sinalubong ako. May dala dala na itong tuwalya. 

“Aba, hindi ka na talaga nadadala. Gusto mo ata talagang makurot sa singit," sabi pa niya sa akin at sinamaan ako ng tingin. 

“Hala, Lola, hindi naman po. Nabasa lang po,” sabi ko kahit mukha na akong naligo dahil sa ulan. 

“May nabasa bang ganyan buong katawan ang basa, Febi?” tanong ni Isaac kaya sinamaan ko siya ng tingin. Tinawanan niya naman ako dahil dito. 

“Mayroon!” sabi ko at inirapan siya. 

“Nag-aaway nanaman kayong dalawa. Magbihis ka na nga, Febi, at baka magkasakit ka pa,” sabi ni Lola na tinitignan pa rin ako ng masama. Natatawa naman si Isaac na pumasok lang din sa loob. 

Sina Aya at Cali ay pasimple lang na nakalahad ang kamay sa ulanan at tuwang tuwa ang mga ito. Mukhang kakatapos lang din nilang maligo dahil basa pa ang buhok. 

“Hoy, hoy, kayong dalawa diyan, magsipasok na nga kayo. Alam ko na ‘yang style niyong ‘yan, nagawa ko na ‘yan," natatawa kong saad sa kanila. Parehas naman nila akong nilingon. 

“Ate!” Sabay pa ang mga ito at ngumiti ng malapad. 

“Dito lang kami, Ate, hindi kami magpapaulan, promise,” sabi pa ni Aya. Tinignan ko naman silang dalawa ng tingin na hindi naniniwala. Napatawa tuloy sila sa akin. Binantaan ko lang sila ng tingin bago ako pumasok sa loob. 

Naligo naman na ako. Mabuti na lang din ay may tubig na sa kubeta. Saka ko lang naman naramdaman ang lamig ng makalabas na ako ng Cr. 

“’Yan, saka ka giniginaw ngayon,” sabi ni Lola at napailing pa sa akin. Maski si Lolo na nasa tabi niya ay napapailing na lang sa akin. 

“Napakapasaway mo talagang bata ka, saka magtext ka kay Isaac o kahit sinong kapitbahay natin kapag malelate kang uuwi,” sabi ni Lolo sa akin. 

“Opo, Tang,” sabi ko at ngumiti na lang. Parehas silang nagkakape habang nakatingin lang sa ulanan. Nakikisama rin naman si Isaac na siyang nakikipagkwentuhan din kina Lolo at Lola. 

Nagtungo naman ako sa kusina para magtimpla ng kape. Sumunod naman si Isaac sa akin. 

“Timplahan mo rin ako." Akala mo katulong niya ako kung makapag-utos. 

“Tigil-tigilan mo nga ako at magtimpla ka para sa sarili mo,” sabi ko at inirapan siya. Tinawanan niya lang ako at siya na mismo ang nagtimpla ng sa kanya dahil magkaiba naman kami ng panlasang dalawa. 

Binuksan ko ang bintanang kahoy. Nilagay ko naman sa bintana  ang kape ko at tumakbo sa kwarto para kunin ang kumot. Bumalik naman ako doon. Nakaupo na sa gilid si Isaac. Umakyat naman ako sa mismong bintana at doon naupo. Binalot ang sarili sa kumot na kinuha ko. 

“Nilalamig ka na’t lahat-lahat gustong-gusto mo pa rin diyan,” naiiling na saad sa akin ni Isaac at sumimsim sa kape niya. Hindi ko naman pinansin ang sinabi nito at nanatili lang ang tingin sa labas. 

Makikita dito ang buong imahe ng bukid na pinagtataniman ni Lolo, ang dahon ng narra na siyang sumasabay sa ihip ng hangin, ang mga tanim na sumasayaw sa tutugin ng ulan. 

Kahit ilang beses ko na atang nakikita ang paulit ulit na senaryo na ito, hindi ko pa rin maiwasang mamangha habang nakatingin sa labas. Hindi na namamalayan ang sariling napapangiti na pala. 

“Gustong-gusto mo talaga ang ulan 'no?” tanong niya sa akin. 

“Oo naman, ang tunog nito’y tila hinehele ka at hindi ata ako magsasawa habang pinagmamasdan ang pagbagsak nito mula sa kalangitan,” sabi ko at inilahad pa ang kamay sa labas. Kusa na lang akong napangiti nang makitang bumagsak ang tubig sa palad na nakalahad. 

Hindi naman siya nagsalita kaya agad ko siyang tinignan. 

“Ikaw lang naman ata itong ayaw na ayaw kapag umuulan," sabi ko sa kanya. Maaaring marami ring hindi gusto ito. 

“Alam mo naman ang dahilan,” mahinang saad niya. 

“Alam ko. Pero hindi ba ganoon naman talaga?” tanong ko at binalik ang tingin sa labas. 

“Gagawa kayo ng mga alaala,  gustong maulit muli subalit kapag nagtagal na? Makakalimutan at makakalimutan mo rin ito," sabi ko at napangiti na lang ng mapait habang nakatingin sa ulan na tila naiintindihan ang emosiyong mayroon ka. 

Parehas naman kaming natahimik ni Isaac. Sumimsim naman ako sa kape ko. Ang maririnig lang ay ang tunog ng hangin, kulog at ulan. 

“Ikaw, ah! Kanino ang jacket na suot mo kanina?” Pambabasag niya sa katahimikan naming dalawa. 

“Saka ano ‘yong sinasabi ni Ate Daisy na kasama mo raw?” tanong niya pa. Kahit kailan talaga ay chismoso ang mokong. 

“Ah, si Sapphire," sabi ko sa kanya. 

“Aba, aba, sino ‘yan?” tanong niya at umiral nanaman ang pagkapakialamero. 

“Hindi ko rin alam, ngayon ko lang ‘yon nakita sa hacienda nina Donya Ligaya,” sabi ko naman. 

“Baka anak sa labas ni Don Lucano?” tanong niya at natawa pa ng mahina. Tinuktukan ko naman siya dahil dito. Kahit kailan talaga ay umiiral ang pagkachismoso nito. 

“What? Hinuha ko lang naman,” natatawa niyang saad kaya mas lalo pa akong napailing sa kanya. 

“Magtigil ka nga at mamaya may makarinig pa sayo. Alam mo namang madaming mata si Donya Ligaya, baka mamaya hindi na pautangin ang Mama mo,” sabi ko sa kanya. Napakibit naman siya ng balikat dahil dito. 

Agad naman akong napatingin sa labas nang makitang tuluyan ng naligo sa ulan sina Aya at Cali. Kaliligo lang ng mga ito at naliligo nanaman ngayon. 

“Hoy!” malakas kong sigaw at binaba ang kape maski ang kumot ay ibinigay ko kay Isaac. 

“Aya Liana! Cali!” malakas kong sigaw at napatakbo mula sa labas. Tumakbo lang ang mga ito na tila hindi ako naririnig. Ang mga batang ‘to talaga. 

“Nanang! Tang! Naligo nanaman sa ulan sina Aya at Cali," sabi ko at napakamot sa ulo. 

“Oo nga, pinayagan nanaman ng Tatang mo dahil paiyak nanaman," sabi ni Lola. Napakamot naman ako sa ulo dahil doon. 

“Bakit niyo naman po pinayagan, Nang? Style lang nila ‘yon," sabi ko pa. 

“’Yan, alam na alam ang style mo, ha?” sabi ni Lola at napatawa sa akin ng mahina. Natawa lang din si Lolo at sumimsim ng kape habang nakatingin sa malakas na ulan. 

Ganoon kasi nakukuha sina Lola at Lolo, kapag umiiyak na, wala na silang magagawa kung hindi payagan ang mga ito. 

Napa-buntonghininga na lang ulit ako at pumasok na ulit sa loob ng bahay. Bago pa ako makapasok ay dumating na ang Mama ni Isaac, may dala itong sopas para sa malamig na panahon. 

“Nandiyan po ba si Isaac, La?” tanong nito habang inaabot ang sopas kay Lola. 

“Salamat, Sally. Hindi ko lang napansin,” sabi ni Lola na pinagtatakpan nanaman si Isaac. Tumakas nanaman ito sa bahay nila panigurado. 

“Nakita mo ba si Isaac, Febi?” tanong ni Aling Sally sa akin. 

“Opo, nasa loob po ng bahay,” natatawa kong saad. Aba, laglagan kami. 

“Hoy, Isaac! Lumabas ka riyan, kanina pa kita hinahanap na bata ka, kung saan-saan ka nagpupunta!” sabi ni Aling Sally. 

“Sunduin ko na po sa loob,” nakangiti ko pang saad habang papasok sa loob. 

Natawa naman ako nang makita ko si Isaac na nakatago na sa gilid. 

“Hoy! Hinahanap ka na ng Mama mo!” sabi ko sa kanya at humagalpak ng tawa. Sinamaan niya naman ako ng tingin. 

“Alam mo ikaw, hindi ka talaga maasahan. Humanda ka talaga sa akin,” banta niya pa kaya natawa lang ako sa kanya. 

“Lumabas ka na, mas lalo mo lang iniinis ng Mama mo,” natatawa kong saad. 

“Kakapahinga ko lang kaya," sabi niya. 

“Saka kakaligo ko lang. Pinagsisibak na ako ni Mama ng kahoy," sabi pa niya. Hindi naman ako naawa sa kanya kaya tinulak ko pa ito para tuluyan ng makalabas ng bahay.

“Aling Sally! Ito na po siya!” natatawa kong saad at tinulak pa si Isaac. 

“Ikaw na bata ka, ang sabi ko magsibak ka na,” sabi ni Aling Sally at pipingutin pa sana si Isaac kaya lang ay agad itong napigilan ni Lola. 

“Nako, Sally, masiyadong maulan, mababasa lang ang kahoy at si Isaac,” sabi ni Lola dito. Napanguso naman ang ina ni Isaac. Kita ko naman ang pagngisi ng loko. Hindi ko alam kung natatawa ba ako dito o ano. Napailing na lang ako sa kanya. 

“Oo nga naman kasi, Ma! Kita mo nga ang buhos ng ulan saka ang fresh fresh ko ngayon,” sabi pa niya kaya napahagalpak ako ng tawa. 

“Samahan mo na lang ang Mama mo sa bahay, Isaac, paniguradong namimiss ka lang,” biro pa ni Lolo sa kanya. 

“Opo, Lo," sagot ni Isaac, sa lolo ko lang ata talaga ito sumusunod. 

“Halika na," sabi ni Tita at kinuha na ang mangkok na pinagsalinan. Umuwi naman na rin silang dalawa. 

Nang matapos ng maligo sina Aya at Cali. Parehas ko silang sinesermonan habang pinupunasan ang ulo. 

“Kayo talaga napakapasaway niyo, mamaya magkasakit pa kayo, mag-aalala si Lola at Lolo," sabi ko sa kanila. 

Katulad ko parehas din silang iniwan ng mga magulang nila dito. Ang sabi ni Tita ay mag-aabroad daw siya dahil nga iniwan na rin ng tatay nina Aya ngunit hanggang ngayon, wala pa ring balita dito. Hindi ko alam kung tuluyan ng kinalimutan ang mga anak o ano. 

Napapaisip tuloy ako kung bakit may mga taong ang dali-dali na lang kalimutan ang kanilang mga anak. Nakakatulog kaya sila ng maayos?  Siguro naman hindi. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status