Share

Chapter 4

February’s POV 

I wake up early in the morning, hindi katulad kahapon na maulan, papasikat naman na ang araw ng buksan ko ang bintana. 

Kusa na lang kumibot ang mga labi at napangiti habang pinagmamasdan ang payapang paligid. Nanatili lang ang mga mata ko doon hanggang sa mapagpasiyahan ng magluto ng almusal. 

Nagluto naman na ako ng binating itlog at nagsangag na rin ng kanin. Pakanta kanta pa ako habang nagluluto, sinasabayan ang awitin sa radyo. 

Nagtimpla na muna ako ng kape bago ako tuluyang lumabas ng bahay. 

“Tang, mag-almusal ho muna kayo," sabi ko kay Lolo habang nilalapag ang pagkain sa lamesa dito sa kubo. 

“Aya, Cali, kain na!” sigaw ko kina Aya at Cali na siyang nakatingin lang kay Lolo na siyang pinapastol na ang kanyang kalabaw. 

Pakusot-kusot pa ng mga matang lumapit ang dalawa sa akin. 

“Nasaan si Nanang?” tanong ko sa kanila. 

“Nasa kapitbahay na, Ate Febi,” sagot ni Cali. Ang aga-aga ay nakikipagchismisan na agad ito. Napailing na lang ako at natawa.

Lumabas naman ako at tinawag si Nanang na siyang nasa tapat ng tindahan nina Aling Juana. 

“Nang, kakain na ho!” tawag ko dito. 

“O siya sige na, uuwi na muna ako at tinatawag na ako ng apo ko,” nakangiti niya pang paalam kina Aling Delilah. 

Sumunod naman na siya sa akin at nagtungo na sa kubo. Lumapit na rin naman si Lolo habang sina Cali ay nagkukwentuhan lang. 

Pinaghain ko naman na ang mga ito ng pagkain. 

“Ano itong nabalitaan ko, Berting?” tanong ni Lola kay Lolo na siyang sumubo na. 

“Ano?” tanong naman ni Lolo sa kaniya. 

“Hindi na daw ang mga De Castro ang may-ari ng lupa na pinagtataniman diyan sa kabila," sabi ni Lola sa kanya kaya agad din akong napalingon dito. 

“Oh? Sino na daw?” tanong ni Lolo na medyo nagulat din dahil doon. 

“Ang mga De Silva na ata,” sabi ni Lola at napakibit ng balikat. 

“Oh? Nagbabalik na si Emilya?” tanong ni Lolo. Hindi naman ako makarelate sa usapan nila kaya nagpatuloy lang ako sa pagkain. 

Teka? Emilya? Hindi ba ‘yon ang Lola ni Sapphire? Sa kanila na ang katabing lupain? 

“Nang, tapos na po kami. Makikipaglaro na kami kina Desery,” sabi ni Aya at kinuha ang dangkal ng teks nila na nasa garapon. 

Hinayaan naman na nila Lola ang mga ito umalis. Nang matapos kaming kumain ay si Lola na ang naghugas ng pinagkainan habang ako naman ay nagsimula ng magpakain ng manok ni Tatang dahil abala siya sa sa pag-aayos ng kariton niya. 

Habang nagpapakain ng manok, natigilan naman ako nang makitang may paparating. Naglalakad ito sa pilapil habang papalapit dito sa bahay. Puting-puti pa ang suot nitong t-shirt habang ang kanyang boots ay halatang naputikan na rin. Nakasalamin pa ito at may kasama mula sa likuran. 

Napakunot naman ako ng noo ng mamukhaan kung sino ito. 

“Sino ‘yan? Malayo pa lang mukhang yayamanin na,” natatawang saad ni Isaac. Nabatukan ko naman siya dahil sobrang lapit ng mukha nito at nagulat na lang ako na sumusulpot na lang bigla. 

“Punyeta ka, ang aga aga nambubulabog ka nanaman," sabi ko sa kanya at sinamaan siya ng tingin. 

“Nagtatanong lang,” natatawa niyang saad at napatingin pa ulit sa papalapit na si Sapphire. 

“Hi!” nakangiti nitong saad nang makarating sa tapat ko. Pinagkunutan ko naman siya ng noo dahil dito. 

“Sir, hindi po dito ang pagtutuluyan niyo,” bulong ng isang kasama niya. 

“I know," sabi naman ni Sapphire at napakibit ng balikat. 

“Anong ginagawa mo dito?” tanong ko sa kanya. 

“Hmm, I’ll be living there,” nakangiti niyang saad at tinuro ang katabing lote namin. 

“Huh?” gulat kong tanong sa kanya. Lumapad pa lalo ang ngiti nito. 

“Kailangan ko pa bang ulitin, Febi?” natatawa niyang tanong sa akin. 

“See you around,” nakangisi niya pang saad. Hindi tuloy mawala ang tingin ko sa kanya habang tinitignan siyang patungo sa katabing lote nga ng bahay. Wala talagang nakatira dito dahil ito lang ang tanging hindi nila pinapagamit na bakanteng lote. Ngayon, mukhang alam ko na kung bakit. 

Sinusundan ko lang siya ng tingin. Nagtataka sa kanya. Bakit dito? Well, ano nga bang pakialam ko? 

“Hoy, halos lumuwa na ang mga mata mo riyan,” natatawang saad ni Isaac sa akin. 

“Sino ‘yon? Parang pamilyar ang mukha,” sabi pa ni Isaac na nag-iisip kung saan nakita si Sapphire. 

“Si Sapphire, ‘yong apo ng mga De Silva ata?” tanong ko na hindi rin sigurado sa sagot. 

“Oh? Anong ginagawa naman niyan dito? Nagmamatiyag sa atin?” natatawang tanong ni Isaac at napailing pa. 

“Saka nickname basis na agad, ha?” sabi niya pa na tinignan ako na tila nang-aasar. Sinamaan ko siya ng tingin at hinampas ng tabo na hawak-hawak. 

“Kahit kailan umaandar ‘yang pagiging chismoso mo,” sabi ko at inirapan siya. 

“Inutangan ko ‘yon kahapon,” sabi ko at napanguso. Mabilis naman na napatingin sa akin si Isaac. 

“Aba, ganiyan na ba kakapal ang mukha mo?” natatawa niyang saad sa akin kaya binatukan ko ulit siya. 

“Tigil-tigilan mo nga ako. Nabasag ang mga itlog kahapon at hindi naman kita maasahan,” biro ko sa kanya kahit na wala naman akong balak mangutang dito dahil siya lang mag-isa ang bumubuhay sa kanila ng Mama niya. 

“Pasensiya na, Febi...” guilty’ng saad niya kaya hinampas ko siya ng tabo. 

“Ito naman, hindi ka mabiro,” sabi ko at napailing sa kanya. 

“Alam ko naman ‘yon 'no. Saka babayaran ko rin naman ‘yang si Sapphire kaya ayos lang,” sabi ko pa sa kanya. Napangiti na lang siya. Kami-kami lang din naman kasi ang nagtutulungan dito. 

“Basta kapag yumaman na ako, sagot kita,” natatawa niyang saad sa akin. Napatawa na lang ako at tumango sa kanya. 

Nagtungo naman ako sa labas. Sa may tapat ng bahay. Magkaharap harap kasi ang nga bahay dito sa amin, bali ang katapat ng mismong likod ng bahay ang bukid. Sa likod bahay namin, nandito ang mga tanim, ang mga alagang hayop at ang bukirin. 

Sa harap naman, makikita ang mga bahay bahay at ang mga taong abala lang sa kanya-kanyang trabaho. 

“Oh? Hindi mo pa ba tutulungan si Aling Sally?” tanong ko kay Isaac na naglalaro lang sa keypad niyang cellphone ng snake snake. 

“Huh? Kanina pa ako tapos. Maya-maya ulit,” sabi niya sa akin. Mukhang tinapos na nga niya ang pagsisibak, siguradong maaga nanaman itong bumangon. Napaupo naman ako sa gilid ng bahay dahil wala namang gaanong gagawin ngayon. 

Naglalaro na sina Aya at Cali kasama ang nga bata rin dito. 

“Lahat na pati pato,” mayabang na saad ni Aya at pinakita pa ang isang dangkal niyang teks. Napailing na lang ako dito, ang ending kasi kapag natalo siya, si Cali ang mawawalan. 

Kahit na sabay naman silang pinanganak, mas Kuya pa rin ang dating ni Cali dito. 

Napatingin naman ako sa kabilang parte ng bukid nang makita ang nga taong nagdadagsaan habang buhat buhat ang malaking bahay kubo. Napatayo naman ako at lalapit na sana doon ngunit agad kong nakita si Sapphire na patungo doon at tumulong din sa pagbubuhat. 

Nilagay ang kubo sa bakanteng lote na hindi na bakante ngayon. Napatingin na lang ako habang inaayos nila ‘yon. Ang dami ng taong nagtulong tulong para buhatin ito. 

“Salamat... po...” Narinig kong pahabol na saad ni Sapphire. Pinapanood ko lang naman ito habang nag-aayos ng bahay kubo niya. Hindi ko alam kung anong trip nito sa buhay. Naputikan na rin halos ang putting puti niyang damit. Nako, ang hirap naman ng maglalaba doon.  

“Hoy, malusaw ‘yan,” natatawang saad ni Isaac sa akin at diniin ang panyo sa labi ko. 

“Laway mo tumutulo na,” sabi niya kaya hindi ako nag-alinlangan na hampasin ito. 

“Lumayas ka na nga!” sabi ko sa kaniya at inirapan siya. Tinawanan niya lang naman ako at hindi nagpatinag sa upuan. Parehas lang kaming nakatago habang nakikinood kay Sapphire. 

“Bakit ba kailangan mo pang magtago? Hindi naman tumitingin ‘yan dito. Tignan mo nga, hindi nga ata napapansin sina Ana Marie na nakikinood sa kaniya oh,” natatawang sambit ni Isaac at tinuro pa sina Ana Marie kasama ang mga kaibigan nito na nasa tapat mismo ng bahay kubo ni Sapphire. 

“Patulo na ang mga laway,” natatawa pang saad ni Isaac kaya kinurot ko siya sa tagiliran. 

“Ewan ko sa'yo,” naiiling ko na lang na saad at umupo na lang ulit sa pinaguupuan ko. 

“Isn’t it weird?” Hindi ko maiwasang itanong kay Isaac. 

“Ano?” tanong niya at nagpatuloy lang sa pagcecellphone. 

“I mean bakit dito? May hacienda naman sina Donya Ligaya at sigurado naman ako na mayroon din sila,” sabi ko na hindi maiwasang magtaka. 

“Why are you even thinking about that? Maybe he just want another experience or whatever,” naiiling niya na lang na saad. Napakibit na lang din tuloy ako ng balikat. 

“O baka naman grounded,” natatawa niyang saad. 

“Alam mo na, ganiyan naman ang mga mayayaman. They wanted their children to learn through experience," sabi niya at napatingin pa kay Sapphire. Napatingin din tuloy ako dito at hindi maiwasang maisip ang sinabi ni Isaac. 

“Bakit nga ba tayo nangingialam?” natatawa niya pang saad. 

“Kahit kailan napakachismosa mo talaga,” sabi pa niya sa akin kaya agad ko siyang kinurot. Tinawanan niya lang ako. 

“He’s looking here,” bulong niya sa akin kaya agad akong napatingin kay Sapphire na seryoso ang mukha habang nakatingin sa amin ngunit nang makitang nakatingin ako sa kaniya ay agad siyang ngumiti at kumaway sa gawi ko. 

Hindi ko naman alam kung ano bang magiging reaksiyon ko kaya nginitian ko na lang siya ng tipid at tinanguan. Bumalik na rin naman siya sa kanyang ginagawa habang ako naman ay nag-iwas na rin ng tingin. 

“What was that?” tanong ni Isaac sa akin at binigyan nanaman ako ng tingin na nang-aasar. 

“Alam mo? Sisimpangulin na kita kapag hindi mo pa ako tinigilan diyan,” sabi ko sa kanya at sinamaan siya ng tingin. Natatawa naman siyang napalayo sa akin. 

“Ano? Nakatingin lang. Masama na ba ‘yon?” sabi pa niya. Natigilan naman kaming dalawa nang makitang nasa tapat nanamin sina Ana Marie kasama sina Grace at Nora. 

“Anong ibig sabihin no’n, Febi? Kalilipat lang nalandi mo na agad?” tanong niya na pinagtaasan ako ng kilay. Napatawa at napailing na lang ako dito. 

“Alam mo, Ana Marie? Mag-aral ka na lang,” sabi ko at naiiling sa kanya. Sanay na sanay na kasi ako dito dahil maski ang ina niya ay maldita at talaga namang isa pang makikipatol. 

“Si Noel ngang napakatahimik lang, naakit din diyan sa kamandag niyang Febi na ‘yan," sabi naman ni Grace. Hindi ko naman maiwasang mapahagalpak ng tawa dahil dito. 

Natawa na lang din si Isaac sa akin. Hindi na namin pinatulan pa ang sinasabi ng mga ito dahil baka mamaya ay iba nanaman ang isumbong sa mga nanay nila at sina Lola nanaman ang susugurin. 

“Magsitigil na nga kayo, Ana Marie. Umuwi na lang kayo o ‘di kaya ay bumalik sa pagtitig diyan sa bagong lipat,” naiiling na saad ni Isaac sa kanila. 

“Tara na, Ana, Grace,” pagyayaya ni Nora sa kanila at pasimple pa nitong tinitignan si Isaac. Napangisi naman ako dahil doon, hindi naman ‘yon napapansin ni Isaac o wala lang talagang pakialam. 

Baka nga hindi talaga si Sapphire at tinitignan nito, kung hindi ay ang katabi kong si Isaac. Pero kung wala ito? Isa rin ‘tong nagmamaldita sa akin. 

“Tara na nga.” Padabog pang umalis sa tabi namin sina Ana Marie. Parehas naman kaming natawa na lang ni Isaac. 

“Hindi mo ba talaga napapansin?” tanong ko kay Isaac. 

“’Yong?” tanong niya na nakakunot ang noo. 

“Si Nora." Turo ko pa kay Nora na pasimple pang binalik ang tingin kay Isaac ngunit agad ding nag-iwas ng tingin. 

“Bakit? Anong meron?” tanong niya na napakunot pa ng noo tila walanh kaideya ideya dito. Nailing na lang ako sa kanya. 

“Wala," sabi ko at hinayaan na siyang maglaro sa cellphone niya. 

Agad ko siyang hinampas nang makita kung sino ang paparating. 

“Sina Donya Ligaya...” bulong ko habang tinitignan ang dalawang donyang may suot-suot na hat at salamin. Parehas pa silang nakangiti habang naglalakad palapit sa bahay kubo ni Sapphire. 

Ang mga kapitbahay naman namin ay kaniya-kaniyang sulyap sa dalawang matanda. Kaniya-kaniyang tago na rin ang iba na akala ata’y sisingilin na sila nito sa kani-kanilang utang. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status