Share

Chapter 2

Chapter 2

“Hindi ko akalain na dinala ka ni Rodrigo rito…”

Natigilan ako sa pag-aayos ng gamit ko sa guest room nang marinig ko ang boses ng asawa ni Papa na si Tita Taliana. Nasa may pintuan siya kasama ang mayordoma na ngayon ay nakatingin din sa akin.

“Anak niya rin naman po ako,” mahinahon kong sagot.

Humalakhak siya at inilingan ako. “Pareho nating alam na hindi ka tanggap ng asawa ko, at mas lalong hindi kita tanggap para maging parte ng pamilya ko. Naaalala ko lang ang malandi mong ina.”

Natigilan ako dahil sa narinig. Hindi talaga magiging madali ang buhay ko rito kaya kailangan kong magpapakatatag. Alam kong hindi nila ako titigilan hanggang sa maging miserable ang buhay ko.

Hindi na ako nagsalita at nagpatuloy na lang sa pag-aayos.

Narinig ko ang kanyang mga yapak kaya pinagtiim ko ang bagang ko.

“Wala ang asawa ko rito at may lakad,” sambit niya sa akin nang makaabot siya sa gilid ko. Napapikit ako nang tinapunan niya ako ng isang damit. “Suotin mo ang damit na ‘yan. Pagsilbihan mo kami…”

Kinuha ko ang damit at namilog ang mata ko nang makita ko ang uniporme ng kasambahay. Hindi makapaniwalang nag-angat ako ng tingin sa kanya.

“Hindi ako kasambahay,” sambit ko at kinunutan siya ng noo.

Ngumisi siya at napasinghap ako nang hinawakan niya ang aking baba. “Alam ko, Hija. Pero ako ang masusunod dito. Hangga’t wala ang asawa ko rito, hindi ka magdo-donya rito!”

Kinuyom ko ang kamao ko.

“Maiwan na kita. Galingan mo sa pagseserbisyo,” sarkastiko niyang sambit bago lumabas ng kwarto.

Bumuntonghininga ako at naibaba ang tingin sa uniporme. Mapait akong napangiti at tinapos ko na ang pag-aayos ng gamit.

***

“Bilisan ninyo sa pagkilos! May darating na bisita mamaya!”

Bumungad sa akin ang mga busy na mga kasambahay na mabilis sa kani-kanilang mga ginagawa. Suot ko na ang damit ng pangkasambahay gaya ng gusto ni Tita Taliana. Wala naman akong paki kung magseserbisyo ako rito. Hangga’t hindi pa ako ikakasal sa kung sino man ang lalaking iyon, tutulong muna ako rito.

“Hija, bago ka ba?” tanong ng matanda sa akin sabay lapit. “Ano ang pangalan mo?”

Kulubot na ang kanyang balat at maputi na ang buhok pero malakas pa rin. Hindi ko mapigilan ang mamangha sa kanya. Maamo ang kanyang mukha at palangiti siya na matanda. Hindi kagaya ng mayordoma na kung makaasta ay parang may-ari ng mansyon.

“Alexa po,” sagot ko agad sabay libot ng tingin. “Ano po ang gagawin ko?”

Umawang ang labi ng matanda. “Alexa? Ikaw ba ang anak ni Rodrigo kay Alejandra?”

Nagulat ako at agad siyang nilingon. Nakita ko na pinasadahan niya ako ng tingin.

“Bakit ka nakadamit kasambahay? Hindi ka nababagay rito!” agad niyang sambit at medyo nataranta.

Agad ko namang tinapik ang kanyang balikat. “Naku! Ayos lang po… Sanay na rin ako sa gawaing bahay…” Nginitian ko siya.

Nakita ko ang awa sa kanyang mata. Siguro alam niya na hindi ako katulad ng iba na humiga ng salapi. Alam niyang hindi ako kinilala ng sarili kong ama dahil lang sa anak ako sa labas.

“Hindi pa rin talaga nagbabago si Taliana, ‘no?” Umiling siya at nag-iwas ng tingin. “Sa katunayan, ako ang naaawa kay Rodrigo dahil alam naming lahat na nandito na walang pagmamahal ang kasal nilang dalawa. Pera lang ang habol ni Taliana…Kaya siguro naghanap ng iba si Rodrigo…”

Umawang ang labi ko. Si Nanay? Wala nga yatang paki si Papa kay Nanay, eh. Ang alam ko, minahal ni Nanay si Papa pero nagulat na lang siya nang iniwan siya nito nang mag-isang taon na ako. ‘Yon pala, may asawa pala.

Tumulong na ako kay Manang Ena sa paglilinis ng bahay. Kaya pala maraming katulong kasi sobrang lawak ang laki ng mansyon. Hindi sapat ang fifty maids sa bahay na ito.

“Hija, huwag ka na masyadong magbuhat. Huli mo na ‘yan,” sambit ni Manang Ena nang makita niya ako na may dalang garbage bag.

“Okay lang po, Manang Ena, at saka ang dami niyo na pong gawain. Hindi naman po ako tamad para hayaan kayo sa ganito,” nakangiti kong sambit at binuhat na ang garbage bag papalabas ng mansyon.

Nasisiyahan ako kay Manang Ena dahil naaalala ko sa kanya si Nanay.Kumusta na kaya si Nanay? Tatawag ako sa kanya pagkatapos nito.

“Sheldon, where are you going? Kailangan na nating pumasok sa loob. Naghihintay na si Tita Taliana at ang mga anak niya…”

“Shut up, Dominic! I want to smoke first!”

Inilapag ko ang garbage bag sa gilid ng kalsada malapit lang sa may kahoy. Ang sabi ni Manang Ena ay may kukuha raw sa mga basura kaya dito ko na lang daw ilalagay.

“You are getting married, brother. Stop that!”

Kumunot ang noo ko at agad hinanap ang malalim at malamig na mga boses na iyon. Siguro iyon na ang mga bisita na sinasabi nila. Kailangan ko nang umalis bago pa ako maabutan.

“Hey, Miss, alam mo ba kung nasaan ang exit dito?”

“Hoy, Sheldon. Don’t tell me, aalis ka? Tita Taliana is expecting us! Dad’s gonna kill you, dude!”

Natigilan ako sa paglalakad at unti-unti silang nilingon. Bumungad sa akin ang dalawang matatangkad na lalaki. Ang isa ay may maamong mukha at ang isa ay parang manununtok na.

Nakakunot ang noo ng isa. Siya yata ang nagtatanong sa akin. Nahuli ko siyang nakatitig sa akin kaya agad akong tumikhim.

“P-Pasensya na, pero hindi ko po kasi alam,” pagsasabi ko ng totoo. Tinuro ko ang malaking gate sa malayo. “Doon na lang po kayo dumaan.”

“Bago ka lang ba rito, Miss?” tanong ng isa, nakangiti na sa akin.

Nagulat ako nang maglahad siya ng kamay. Nagdadalawang-isip tuloy akong tanggapin ang kanyang kamay.

“Uh…Oo,” awkward ko na sagot at naiilang na tinuro ang bakuran. “A-Aalis na ako, m-may trabaho pa ako…”

Tatalikod na sana ako nang magsalita ulit ito.

“Anak ka ni Tito Rodrigo, right? Why the fuck are you wearing that uniform?”

Napasinghap ako sa gulat at gulat siyang nilingon. Nanatiling nakakunot ang kanyang noo habang nakatitig sa akin. Sino naman ang lalaking ito at bakit gano’n na lang ang pagsalita niya sa ‘kin?

Akmang magsasalita na sana ako nang biglang pumagitna ang lalaki na ngayon ay may awkward na ngiti.

“Miss, pasensya ka na sa kapatid ko. He was just pissed! You can go back to your work now.” Ngumiti siya sa akin at binalingan ang kapatid niya.

“Sige…” Tumalikod na ako at nagmamadali nang umalis.

***

Hindi ko alam kung hanggang kailan ako magiging katulong dito pero sa totoo lang, ayos lang naman sa akin kung wala lang halong pang-iinsulto mula kay Tita Taliana. Hindi naman kasi pagiging katulong ang pinunta ko rito.

“Alexa, pinapatawag ka ni Senyora Taliana,” sambit sa akin ng isang katulong.

Napatiim-bagang ako at kinagat ko ang ibabang labi ko. Tumango ako at tahimik na umalis.

Mula sa sala ay naririnig ko ang matinis na halakhak ni Tita Taliana at ng aking mga kapatid. Mukhang nagkakasiyahan sila ng bisita nila.

Bumuntong-hininga ako at lumapit nang nakarating. Natigil sila sa pagtatawanan. Hindi na ako nagulat nang makita ko ang dalawang lalaki kanina. Hindi ko sila tiningnan at dumiretso ng tingin kay Tita Taliana na may pang-aasar na tingin na sa akin.

Ngumuso naman si Arissa at si Sofia ay tahimik lang sa kanyang upuan.

“Oh, ikaw pala Miss!” Kumaway sa akin ang lalaki na palangiti habang masama naman ang tingin sa akin ng isang lalaki.

Problema niya?

“Oh, you know her, Dominic?” gulat na tanong ni Tita Taliana sa lalaki na nagngangalang Dominic.

Agad na tumango si Dominic. “Yes, Tita Taliana. I met her kanina…”

Umirap si Arissa sa akin at ngumuso. “Well, kasambahay namin siya, Dominic. And Sheldon…Hindi ko akalain na ganito ka pala ka gwapo…Kung alam ko lang edi sana—”

“Mapag-usapan naman natin iyan, Anak,” maligayang putol ni Tita Taliana sabay baling sa ‘kin. “Paghandaan mo kami ng meryenda. I want the best, Alexa.”

Hindi na ako nagsalita at tahimik na sinunod ang kanyang utos. Wala na rin naman akong magagawa kung aangal ako. Arissa introduced me as their maid. Masakit siya kasi hindi talaga nila ako tanggap pero sanay na rin naman ako. At saka, nakadamit kasambahay naman ako kaya maniniwala talaga ang dalawang bisita nila.

“We are here to meet my future wife Tita Taliana…”

Bumalik ako na may dalang meryenda. Tinulungan ako sa pagdadala ng isa sa mga katulong.

“Oh, Hijo!” Mahinhin na humalakhak si Tita Taliana habang nilalapag namin sa lamesa ang tray na may meryenda. “I know and…Arissa is here. She will be your wife. Rodrigo is out of town for days…and we will talk about that again kapag narito na ang asawa ko.”

Naiilang ako dahil kanina pa nakatingin ang lalaking ito sa akin. Hindi ko tuloy mapigilan ang lingunin siya at nakita ko ang agad na pag-iwas niya ng tingin.

Napangiwi ako at umatras na.

“Alexa, umalis ka na. Naiirita ako sa pagmumukha mo,” masungit na sambit ni Tita Taliana na ikinagulat ng mga bisita niya.

Nakaramdam tuloy ako ng kaunting hiya lalo na’t narinig ko pa ang mahinang halakhak ni Arissa.

Yumuko ako at umalis na. Sumikip ang dibdib ko. Hindi talaga ito ang in-expect ko sa pagtungtong ko rito. Hindi ko akalain na dadaan pa pala ako sa ganito bago ako matanggap ni Papa.

Kung puwede lang…Kung puwede lang talaga…

Humigpit ang kapit ko sa aking damit habang papaakyat ako ng hagdan. Gusto ko na lang humiga dahil pagod ako. Ang sabi ko ay hindi ako magpapa-api, pero ano ‘to? Aping-api na ako sa sitwasyong ito.

Palagi nilang ipamukha sa akin na anak lang ako sa labas. Buong buhay ko, palagi ko na lang iyan naririnig. Hindi sila napapagod ipaalala sa akin.

**

Nagbihis ako ng normal na damit at inilibot na lang ang sarili sa buong mansyon. Ang yaman-yaman pala ni Papa, pero ni minsan ay hindi ko man natikman o naranasan ang kaunting kayamanan niya. Hindi ko rin naranasan ang kanyang pagmamahal.

Binigay niya nga sa ‘kin ang apelyido niya, pero kinahihiya niya naman ako. Kung wala lang siyang kailangan sa akin ay baka hindi ako makatungtong dito.

Napangiti ako nang makarating ako sa kanilang hardin. Agad-agad akong lumapit doon.

“Ang ganda!” bulalas ko sabay haplos sa rosas na pula. “Kung nandito lang siguro si Nanay ay magugustuhan niya ito.”

Agad kong kinuha ang phone ko at kinuhanan ng litrato ang sari-saring mga bulaklak na alagang-alaga.

Habang tinitingnan ko ang mga kuha ko na litrato ay nakarinig ako ng mahinang yapak mula sa likuran ko. Natigil ako sa pagtitingin at akmang lilingunin ito nang biglang may panyong tumakip sa bibig at ilong ko.

Nanlaki ang mata ko at agad nagpupumiglas. Nabitiwan ko ang  phone ko dahil sa pagpupumiglas ko. Bigla akong nanghina at nangatog ang binti ko. Hindi ko alam kung sino ito pero…

Unti-unting pumikit ang mata ko dahil sa panghihina. Hindi ko alam kung ano ang nangyari pero ang huli kong narinig ay isang malalim na hininga na hindi ko alam kung kanino.

Mga Comments (2)
goodnovel comment avatar
Jocelyn Pioquinto Armario
sino kaya ang taong nagtakip sa bibig at ilong ni alexa
goodnovel comment avatar
Jenifer Padallan Mendoza
naku kawawa ka naman
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status