Share

Kabanata 9: Egor

    "E-Egor?" Bulalas kong tigil na agad nitong ikinangiti sa akin.

    Egor, ang isa sa apat na Elders ng apat na kaharian. Ang mga nilalang na katumbas na ng mga hari. Ang mga pinuno ng apat na angkang unang naging residente ng Gaia.  At siya... ang malupit na Egor na manlilipol ng mga mortal! 

    Naging alerto ako sa kapahamakang napasok ko. Mahigpit na iniyukom ang kamao at isang beses na umatras mula sa mapanganib na matanda. Ngunit mas lalo akong naging alisto nang kumunot ang noo nito't pinanliitan ako ng mata, na para bang may sinisipat sa leeg ko. 

    Marahan ako nitong nilapitan. Inangat ang kanyang tungkod at kunot noong itinutok iyon sa leeg ko. Bagay na bahagya kong ikinailag, ngunit ang marahas na pagbukas ng pinto'y ikinatigil din nito. 

    "Hagan!"

    Sigaw ng kung sino sa likuran ko na sa isang iglap ay nasa harapan ko na.

    Isang pamilyar na likuran ng lalaki ang pumagitan sa amin ni Egor habang pigil-pigil ang puting tungkod nito. 

    "Egor. Ipagpaumanhin mo ang kung ano mang kalapastanganang ginawa ng binatang ito," pakikiusap nito dito sa mabilis at kalmadong tono. Kay Nelson ang boses na iyon. Hindi ako maaring magkamali.

    Pero ang hinintay kong sagot nito'y hinalilinan ng kanyang mahina at matandang tawa. 

    "Nagkakamali ka, Lord Nelson. May gusto lamang akong siguraduhin bago ko tanggapin bilang kaisa ng Dasos ang mortal." Ang ngiti ni Egor ay hindi nagbago. Alam kong ang hatid na kapahamakan nito sa isang gaya ko, gaya ng nasasabi sa aklat. Ngunit sa hindi malamang dahila'y humapdi ang leeg ko. Tila may kung anong pumapaso rito na mahigpit kong hinawakan.

    Mabilis akong hinarap ni Lord Nelson dahil sa pakiusap ng matanda. Lord pala ang tawag sa kanilang mga diyos dito ng Gaia. Pansin ko ang namuong pawis sa noo nito habang pinanlalakihan ako ng kanyang mata.  

    "Ano ba kasing ginawa mo?" mariin nitong bulong. Rinig ko sa tono nito ang pagaalala pero kibit-balikat ko lang itong tinugon. 

    Wala akong alam. 

    Matapos nito'y tumabi na ito't binigyang daan ang matandang Egor para makalapit sa akin. Gaya kanina'y dumeretso lang ang mga kamay nitong mahahaba sa aking leeg. Tila matandang sanga ng puno ang daliri nito. May napakahahaba at nangungutim na kuko. At ngiwi akong napatingala nang sundutin nito ang aking leeg sa ibabang bahagi ng tenga ko

    Ang balat ko?

    Anong mayroon sa balat na mana ko pa kay Lola? Mayroon ding ganitong balat si Ate Soledad na ang pamilya lamang namin ang mayroon. 

    Sinubukan kong tignan ang mga mata ni Elder Egor dahil pariin nang pariin ang kukuko nito sa leeg ko.  Pero ilan pang sandali'y binawi na niya ito't nginitian ako. Bagay na sinagot ko nang kunot kong noo habang tangan-tangan ang parte ng leeg kong tinusok niya. Pero kasabay rin niyon ang pagkawala ng mainit na pakiramdam sa leeg ko.  

    Anong nangyayari?  

    "Tinatanggap ko na ang binatang ito bilang kaanib ng Dasos. Siya na rin ba ang dalagang makakasama niya?" Lumagpas ang tingin ng matanda sa likuran ko. 

    Bagay na ikinalingon ko rin at ikinagulat ko nang magtama ang mga mata namin Morriban. Gaya nang nauna'y tinapunan ako nito ng walang buhay nuyang mga mata at ikinaiwas ko iyon.

    Ayokong may kagalit ako, pero hindi talaga maganda ang timpla ng babaeng ito.

    Katulad ko'y nilapitan din ni Egor si Morriban. Ngunit nang makita ko ang matatalas na tingin ni Egor bago ako lampasa'y agad ko siyang sinundan para harangan sa kanyang dinaraanan.

    Hindi ko alam kung anong eksaktong dahilan ko sa ginagawa ko. Pero, mapanganib ang mga tingin niyang iyon kay Morriban! 

    "Egor, siya si Morriban. Ang na-ikwento sa inyong dalaga ni Artimus noong huli niyong pagpupulong."

    Hindi ko na namalayan kung kailan napunta sa tabihan ko si Lord Nelson. Pero tila ba hinarangan din nito ang matanda. Pansin kong mas namawis ang noo nito at bakas ang kaba sa kanyang ekspresyon. 

    "Morriban? Morriban... Tama Morriban! " Kaduda-dudang halakhak ng matanda at marahan na muling bumalik sa kanyang kinapwepwestuhan kanina. Sa ilang saglit na iyo'y ramdam ko ang pagtigil ng aking paghinga. 

    Hindi ko alam, mapanganib ang mga tinging ipinamalas ng matanda kanina!  Para siyang papatay! 

    Pero bakit? 

    Wala sa wisyo akong napalingon kay Morriban dahil sa nangyari. Kakakurap lang rin nito mula sa pagkakatulala. 

    Kung gayo'y napansin niya rin...

    Matiim nitong kinagat ang kanyang labi't napatingin sa aking gawi. Muling kumunot ang noo nito't buong lakas akong binangga para lampasan.

    "Yes, Elder Egor. A-Ako Si Morriban Gravesend. At itinakda akong mapunta sa inyong pangangalaga, nawa'y tanggapin niyo rin ako sa kaharian ng Dasos." May kalakasan nitong hinto sa harapan nang nakaupong matanda na ikinagulat ko. Yumuko rin ito bilang paggalang sa nilalang na halos patayin na siya kanina! Pero dahil sa napagusapan naming dalawa kanina'y tahasan din akong tumabi dito't ginaya ang kanyang ginawa sa mas malakas na tinig. 

    Hindi dapat ako magpatalo kay Morriban. At kung tama ako sa narinig ko, ako ay nakatakdang mapunta sa kaharian ng Dasos!  Ang pinakagusto kong kaharian.

    "At ako naman si Dirt Agustino, isang mortal! Hindi lingid sa kaalaman ko na galit kayong mga nilalang ng Gaia sa aming lahi, nabasa ko ang lahat sa libro. Alam kong magiging mahirap para sa isang katulad ko ang manatili sa mundong ito. Ngunit nawa'y pahintulutan mo akong maging kaanib ng kaharian niyo."

    Natawa ang matanda sa inasta naming dalawa ni Morriban. Pero hindi nagtagal ay naging matalas at mapanukso ang mga ngiti nito.

    "Isang Mortal at isang.... " Napakurap ako sa pagtigil na iyon ng matanda.  Pansin ko ang mangilang pag-iling ni Lord Nelson sa kanya na nasa tabi lang namin. Lubos ko iyong ipagtatakha pero hindi na ni Egor pa tinuloy ang kanyang sinasabi. 

    "Bilang mga bagong myembro ng kaharian ng Dasos,  anong maipangangako niyo sa akin bilang katunayang hindi kayo tatalima sa akin maging sa Dasos?" Mapanukso nitong tanong at napaisip ako rito. 

    Naunang sumagot si Morriban sa akin."Bilang bagong myembro ng inyong kaharia'y ipapangako ko ang katapatan ko sa inyo at sa Dasos. Maging pinakamagaling na estudyante sa Akademia upang bigyang parangal ang inyong kaharian. At bibigyan ko ng puwang sa akademia ang pagkakakilanlan ng Dasos! " Walang pagkurap na sagot ni Morriban na ikinabigla ko. Napangiti doon ang matanda, na ikinakaba ko dahil hindi ako sigurado kung magugustuhan rin ba nito ang isasagot ko.

    "Mataas, may paninindigan, at tuso ang iyong mga binitawang pangako, binibining Morriban. Nawa'y makamit mo nga iyang lahat nang may buong galak sa iyong sarili." Kita ko ang impit na buntong hininga ni Morriban dito.  Tingin ko ri'y pasado na ito sa tanong ng matanda. Dahil hindi na ako nakararamdam ng panganib sa tingin niya dlnito. 

    Pero nang oras na sa akin naman ito humarap ay tila kumislot ang daga sa dibdib ko.

    Paano kong malalamangan ang mga pangakong iyon ni Morriban?  Nararapat ko iyong lampasan kung gustuhin kong makuha ang simpatya at tiwala ng matanda. Pero paano?  Mataas ang posibilidad na magalit siya sa sagot na bumabagabag sa'kin. 

    "Maging totoo ka sa sarili mo." 

Napangiti akong bigla, nang maalala ko ang katagang binitawan sa akin ni Lola matagal nang taon ang nakalilipas. Madalas ako nitong pangaralan sa mga bagay-bagay para sa ikauunlad ng aking sariling kaisipan at pagkatao.

    Tama, tama si Lola. Ano mang maging reaksyon ni Egor sa sagot ko.  Kailangan ko pa ring magpakatotoo! Dahil ako ito, at ito ang tunay kong dahilan kung bakit ko na ginustong ituloy ang lahat ng ito. 

    "Bilang isa sa mga lahi ng mga nilalang na dahilan ng unti-unting pagkaubos ng inyong lahi. Pasan-pasan ko ang kasalanang kinabibilanhan ng mga mortal." Sinsero kong pangunguna. "Ngunit gusto kong itama ang lahat sa pagkakataong ito. Ang hangarin ng mga estudyante sa Akademia ay ang protektahan ang bawat nilalang ng Gaia maging ang aming mundo. Kaya gusto ko doong linangin ang aking sarili upang maging malaking tulong sa dalawang mundo. Gusto kong mapabilang sa mga taong nagiimbistiga sa mga halimaw na tinutukoy sa libro. Gusto kong itama ang mali ng mga tao, gusto kong magkaintindihan ang magkabilang panig. Gusto kong ibalik ang kapayapaan ng dalawang mundo na isa na lamang alamat sa libro. Dahil naniniwala ako na makakaya pa natin iyong mabalik." buong determinado kong dugtong namg hindi tinatanggal ang tingin sa matanda. Nang hindi iniisip pa ang takot sa magiging reaksyon nito.  

    Ito ang gusto ko, ang wala nang isang kagaya kong maipit sa ganitong gulo. Nilalang man ng Gaia ang may kasalanan sa nangyari sa Lola ko o nilalang na galing sa mga kalaban.  Gusto ko iyong alamin at ayusin. Ayoko nang may naiipit na mga inusenteng nilalang dahil sa gulong nangyari matagal na panahon na ang nakakaaraan. 

    Masyado nang malaki ang kinuha ng gulong iyon sa buhay ko. Ito ang dahilan kung bakit nawala sa akin si itay at si ate Soledad. At hindi ko hahayaang maging dahilan rin iyon ng pagkawala ng natitirang sa aking importanteng tao, ang Lola ko.

    Tama!  Hindi ako papayag! 

    Lalo na ngayong may magagawa na ako para sa kanila. Ito na lang ang nakikita kong solusyon upang mabigyang hustisya ang lahat. Ito lang.

GHIEbeloved

Hi, Hooooman! Thank you for supporting!

| Like

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status