Share

KABANATA 1 : Gravesend

    “PAGALINGIN niyo po ang Lola ko, Dok. Gawin niyo po ang lahat para mailigtas siya, nagmamakaawa ako,” luhod ko sa nagiisang doktor ng ospital sa aming baryo.

    Hindi ko na malaman ang gagawin. Bigla na lang umatake ang sakit sa puso ng Lola. At hindi ko na kakayanin pa kung maging siya ay mawala pa sa akin. Ilang buwan pa lang noong nawala si Lolo. Pero huwag namang pati si Lola... Nagmamakaawa ako.

    “Pero, Iho. Kailangan niyo ng malaking halaga para maisagawa ang operasyon. Dahil hindi kayang sagutin ng ospital na ito ang pagpapa-opera sa Lola mo,” sagot nito sa akin na ikinapantig ng tainga ko.

    Puro na lang ba pera!?

    Sa pera na lang ba talaga nakasalalay ang buhay ng tao ngayon?!

    “Magkano ba?! Magkano ang kailangan ng ospital na 'to para lang asikasuhin niyo ang Lola ko?” Tuluyan nang nanginig ang kalamnan ko sa galit. 

    “Hindi kaya ng kagaya niyong alipin ang salaping kailangan para mapagaling ang Lola mo. Kaya naman iminumungkahi kong ilipat mo na lamang siya ng os—”

    Napatigil ito nang tuluyang mandilim ang paningin ko sa mga walang kwentang salitang lumalabas sa kanya.  

    Hinawakan ko nang mahigpit ang kanyang kwelyo, “Kilala ang ospital na ito sa kagalingan niyong magpagaling ng taong may kumplikasyon sa puso. Tapos ngayon sasabihin mo sa'king ilipat ko ang Lola ko sa ibang ospital?! Binibiro mo ba ako?! ” gigil kong sigaw. Ngunit sinagot lang ako nito ng mapanuyang mga ngiti.

    Pinilit nitong hawiin ang kamay ko.  Pero dahil mas tagtag ako sa kanya ay hindi man lang ako nito natinag. 

    “Hands off of me!”

    Hindi ko ito sinunod. "Pagalingin niyo ang Lola ko o gagawa ako ng eskandalo sa lugar na ito!" 

    Pero imbis na matakot sa banta ko'y humagalpak lang ito ng tawa. 

    “Do what ever you want,  Iho. Kung gusto mo talagang may kalagyan. Magsama-sama kayong mga dukha sa kabilang buhay!”

    Hindi ko maiwasang mapangiti nang mapait sa harapan nito.  

    Isa siya sa mga taong daig pa kaming mga walang pinagaralan. 

    Matapos niyo'y mabilis ko itong sinuntok sa kanyang panga.  Na agad nitong ikinatumba at ikinaalarma ng mga Nurse at pasyente sa paligid. Pero wala akong pakielam! Walang karapatan ang kahit na sinong humatol sa buhay ng isang tao! 

    “Naririnig mo ba ang sarili mo? Hindi ba't doktor ka? Ang trabaho mo ay ang gumamot ng pasyente at bigyan ito ng pag-asa para mabuhay! Hindi ang hayaan itong mamatay!”

    Natanaw ko na sa dulo ng pasilyo ng ospital ang ilang mga gwardya na may dala-dalang mga baril.

    Pero naagaw na naman ng doktor na ito ang atensyon ko nang marinig ko ang mahina nitong tawa. 

    Akma ko sana ulit siyang susugurin nang tuluyan na nila akong mapigilan. Nagpumilit akong kumuwala pero masyado silang malalakas!

    Nakakuha ito ng pagkakataong makatayo at pinagpag ang nagusot nitong uniporme. Bagay na ikinanlisik lang ng mata ko. 

    “We sold a lot of our property just to be where I am right now.  And you poor thing don't deserve any of my service.  At kung ipipilit mo pa ang gusto mo,  wala na akong ibang magagawa kung hindi ang itapon kayo sa labas ng ospital na ito.” Pagmamataas  nito at tuluyan among tinalikuran. 

    Hind pwede.  Hindi nagtatapos ng ganito ang buhay ni Lola!  Hindi ako papayag.  

    Nanghihina man ay mabilis kong sinulyapan ang Lola kong nakaratay sa isang lumang higaan. Kitang-kita ko sa mabagal na pagtaas at pagbaba ng kanyang dibdib ang kanyang paghihirap sa paghinga. At hindi ko na maatim na pagmasdan pa iyon. 

    Hindi, La.  Hindi ako papayag!

    “Sabihin mo! Sabihin mo kung magkano ang kailangan ng ospital na ito para madugtungan niyo lang ang buhay ng Lola ko. N-nagmamakaawa ako. Gagawa ako ng paraan..” luhod ko at wala ng nagawa ang mga gwardya kung hindi ang bitawan ako.

    Bakit kailangang maghirap ng ganito ang Lola? Bakit hindi na lang ako ang nagkasakit? Bakit sa kanya pa nangyari ito?  Siya na lang ang mayroon ako.  

    “Sampong milyon.” Agarang sagot ng doktor na nakapagpalaki ng husto sa mga mata ko.

    S-sampo? Sampong milyon?

    “Sampong milyon ang kailangan mong bayaran at kung hindi mo pa maibibigay miski ang kalahati nito bukas ay hindi na kayo makakapasok pa sa ospital na ito.” Tigil ng doktor sa paglalakad na hindi nagtagal ay umalis na rin.

    Tila ba nabingi ako sa narinig kong iyon. Sampong milyon, sampong milyon ang kailangan ng Lola ko para mabuhay. 

    Sampong milyon....

    Unti-unti nang nawala ang tao sa paligid hanggang sa kami na lang ang natira ni Lola. 

    Nahahati sa manipis na kurtina ang bawat higaan ng pasyente sa silid na ito. Mga pasyenteng kapos kagaya namin na pinagkasya lamang sa tila bodegang parte ng ospital. Mga pasyenteng kabilang sa mga alipin at mga dukhang ni katiting na pagpapahalaga ay wala sa ospital na ito.  

    Pero hindi ito ang gusto ko para kay Lola! Ang nais ko ay ang magandang silid, silid na may sapat na kapasidad para sa Lola. Lugar na may sapat na lunas para magising na ang Lola ko. 

    Pero sino bang niloloko ko?

    Kulang pa ang kinikita ko sa tatlong beses naming pagkain sa isang araw. Dalawang daang pilak kada gawa.  Hindi mabubuhay kung hindi magtratrabaho at mamamatay sa gutom kung hindi magiging nasikap.

    Ngunit ang sampong milyon. O miski ang kalahating milyong pilak na paunang bayad man lang ay isang malaking biro para maipon ng isang hamak na aliping tulad ko. 

    Aliping pinakamababa sa antas ng lipunan sa bansang ito. Na kumikita lamang ng kakarampot sa bawat trabahong pinapasukan ko.

    At isa sa antas ng lipunang tila wala ng puwang sa mundong pinapatakbo na lamang ng salapi at mga taong ganid dito.

    Pero hindi ako papayag, hindi ko hahayaang mawala na lang ng ganito ang Lola ko. Ayoko.

    Nanginginig kong nilapitan si Lola. Pasaglit na napangiti nang mapait nang mapansin ko ang panapin ko sa paang iisa lang dahil sa pagmamadali ko kanina. Kahit nangungutim ang mga palad ko sa grasang sumiksik sa mga linya nito'y hinawakan ko pa rin ang kamay ni Lola. 

    “La..” Pinipilit kong magpakatatag pero patuloy lang na umagos ang luha sa mata ko dahil sa pagkawalang pag-asa.  

    Pero hindi pwede! Hindi ako papayag na rito lang magtatapos ang lahat. Hindi pwedeng mawala ka, La. Hindi ko na kakayanin pa...

    Dahan-dahan ko na itong kinumutan. Matapos ay mabilis ko itong hinalikan sa noo at tuluyan na akong umalis sa ospital. 

    “Hahanap ako ng paraan, La.  Patawarin mo ako pero hindi ko hahayaang mawala ka,” bulong ko sa sarili bago suungin ang malakas na ulan.

    Mabilis ang pagtakbo ko at hindi na ininda ang madulas sa putikan. 

    Pagod na pagod man ay hindi ako tumigil hanggang sa marating ko ang lugar na tanging nakikita kong solusyon para makakuha ng halagang kinakailangan ko.

    Bumungad sa akin ang itim na mansyon ng mga 'GRAVESEND'. Ang kaisa-isang mansyong nakatayo malapit sa kinakatakutang gubat.  May napakatataas itong pader na nababalutan na ng lumot at gumagapang na halaman. Ang tarangkahan nito'y nangangalawang na, ngunit may kataasan ring bakal na rehas. 

    Dala nang malakas na ulan at pagkislap ng kidlat sa kalangitan.  Ang kilalang itim na mansyo'y kakila-kilaboy lalo tignan.

    Pero ikinagulat ko namg madatnan ko itong bukas. Sa tanang buhay ko'y ngayon ko lang ito nakitang bukas.

    Palihim akong pumasok sa luwasan nito at nakakapagtakhang wala ring kahit na sinong nagbabantay. 

    Tama ang bulong-bulungan ng matatanda sa baryo. Wala ngang nakatira sa mansyon ng mga Gravesend. Kinatatakutan lamang ang masyon dahil sa paniniwalang kinatitirhan ito ng mga nilalang na galing na kagubatang hindi pwedeng pasukin ng kahit na sino man. Bagay na hindi ko pinaniniwalaan. 

    Pero ang kawalang pag-asa ko ang nagdala sa akin dito.

    Nais kong pasukin ang mansyon at kumuha ng gamit na sapat lang para sa pangangailangan ng Lola ko.

    Hindi ako masamang tao, tinuruan ako ng Lola ko na mabuhay ng tapat. Ang mabuhay gamit ang sarili kong kakayanan. Pero malayong-malayo na ito sa natitirang paraan upang mabuhay si Lola.

    Hindi ko inaakalang sa kabila ng lahat ng gininagawa ko upang mamuhay ng tapat at mabuti. Ay mauudyok pa rin akong makagawa ng masama tulad nito.  

    Hindi ko kasi maintindihan  pa kung bakit kailangang magpakabuti sa masasamang taong nakapaligid sa'yo.

    Masasamang taong walang ginawa kung hindi ang mang-api, magpahirap at ipamukha sa'yong walang mararating ang kabutihang mayroon sa puso mo.

    Nakakailang hakbang pa lamang ako sa loob ng gate ay may makaibang kilabot na akong naramdaman sa paligid. Huminto ako at nakiramdam. Ngunit malabo ang lahat dahil sa napakalakas na ulan. 

    Sinubukan kong lumakad muli.  Pero nabalot ng takot ang buong katawan ko nang hindi na ako makagalaw pa.

    A-Anong nangyayari! 

    Sinubukan kong ilinga ang ulo ko ngunit wala pa ring kahit na sino o ano. Bagay na sa isang kisap-mata'y nagbago nang lumitaw sa harapan ko ang dalawang tao.

    “Patiwari ko'y may kailangan ka sa amin, Ginoo?” Napaatras ako ng tuluyan nang sabihin iyon ng isang lalaking kasing idaran ko. 

    May berde at magara itong kasootan, maginoong tindig at matang ni hindi kumukurap.

    Sa pagkislap ng kidlat sa kalangita'y nakita ko ang puting mata ng lalake.  Bulag?  Pero napakawirdo ng lahat dahil sa lakas ng bagyong bumabayo sa mansyon ay nanatili lang ang kanilang pusturang.... tila hindi man lang nababasa. 

    Ang babaeng katabi nito'y deretyo lang at seryosong nakatingin sa akin.  Matapang ang mukha nito, na pinabigat pa ng kanyang walang emosyong mga mata. 

    Pero paanong hindi sila nababasa ng ulan? Anong nangyayari? 

    “Ngunit ang paggawa ng masama ay hindi sagot upang madugtungan ang buhay ng taong mahal mo.” Saad pa ng lalake nang hindi ako sumugot sa kanya.  At ikinagulat ko iyon na para bang alam niya ang pakay ko.  

    Pero hindi. Napaka-imposible. 

    “I-abot mo na sa kanya.”

    Dinig kong utos nito sa babae. Na tuluyan kong ikinatras nang unti-unti nang humakbang papalapit sa akin ang babae. 

    Rinig na rinig sa marmol na sahig ng hardin ang takong ng sapatos nito na tila ba mas malakas pa sa tunog ng ulan. Napakamisteryoso ng berdeng mga mata nito na para bang may kung ano kaya't hindi ko maputol ang tingin sa mga ito. 

    Ngunit sa paglapit nito'y ikinakumpirma ko ang kinatatakutan ko.  

    “S-sino kayo?” halos pabulong kong tanong dahil sa takot at lakas ng kabog ng dibdib ko. Hindi... Ni hindi dumadapo ang patak ng ulan sa babaeng ito!

    Nagliwanag ang kanyang mga mata. “Nagkakahalaga ang gamit na iyan ng sampong milyon pilak.” Tukoy ng babae sa singsing na hawak. Ginto ito na kinakakabitan ng napakalaking bato.  “Magmadali ka at ibenta iyan sa magsasarado nang Museo sa bayan. Agad mo iyang dalhin sa taong nagngangalang Roberto. Kunin mo ang salapi at nang mapagaling na ang Lola mo. ”

    Masyado nang magulo ang nangyari matapos niyon. Lutang ang katawan kong sinunod ang mga sinabi ng babae.  Na tila ba sumailalim ako sa isang mahikang ni sa panaginip ay ayaw kong paniwalaan. 

    Nakuha ko ang dalawang sakong pilak at agad nang dinala sa ospital. Ngunit hindi ko inaasahan ang madaratnan ko roon.

    “L-La!” hapong-hapo kong tawag sa lola kong may malay na. At ipinagtakha ko ang  paglibot ng lahat ng kilalang doktor sa Lola ko.

    “Isa itong himala! Nawala na ang kanyang karamdaman!” bulalas ng isang doktor na babae ngunit imbis na matuwa ay mas nagalala lang ako.

    Hinawi ko ang mga nakaharang na  doktor at mga nurse upang makausap si Lola.

    “Apo! Magaling na ako! Salamat sa Diyos, apo!” yakap nito sa akin  pero hindi ko pa rin ito kinibo dahil sa kaimposiblehan ng lahat.

    Hanggang sa matuon ang atensyon ko sa nurse na nag-check ng mga aparatong nakakabit sa katawan ng Lola ko.

    Takip-takip ng isang face mask ang kalahati ng mukha nito. Ngunit ang kanyang mga mata... Mga matang kulay berde ang tila ba nagpakilabot sa buong katawan ko.

    Hindi ako maaring magkamali..S-siya ang babae sa Mansyon. 

~To be continued...

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status