Share

CHAPTER 2

INABUTAN SIYA NI JAKE ng inumin na sa una, may pag-aalinlangang tinanggap. Tutal tumakas na din naman siya, kaya sinulit niya ang kalayaang ngayon niya lang naranasan.

Naka-isang baso pa lang siya pero ramdam na niya ang kaunting pagkahilo at pag-init ng katawan. Unang beses niya kasing uminom at hindi sanay ang kanyang sistema sa mga ganoong bagay.

"Excuse me, CR lang," paalam niya.

"Samahan kita?" tanong ni Jake.

"Hindi na. Saglit lang naman ako," aniya at hinalikan si Jake sa pisngi. Hindi na din naman na siya pinilit pa nito.

Nakisingit siya sa mga nagsasayawan upang makadaan papunta sa CR ng bahay. Dahil sa hilo, mabilis lang siyang ma-out balance nang mabangga ng ilan.

Ginamit niya ang kamay upang hindi tuluyang mapahiga sa lupang natatakpan ng damong pantay ang pagkakaputol. Tumama nga lang ang palad niya sa magaspang na sementadong pathway na may pebbles.

Nakaramdam siya ng hapdi dito.

"Are you okay?" tanong ng isang babaeng hindi niya kilala pero tinulungan siyang tumayo.

Tinignan niya ito gamit ang mapupungay na mata at nginitian.

"Yeah. Thanks. Okay lang," aniya at iniwan na lang ito.

Tinignan niya ang palad na nagasgas at may kaunting dugo na lumalabas. Naglakad siya patungo sa banyo saka hinugasan ito.

"Ang malas naman," bulong niya.

Hindi kasi siya madalas magtamo kahit kaunting sugat lang. Simula pa noong bata, hindi siya hinahayaan ng kanyang lola magtamo kahit kaunting sugat man lang. Ganoon ito laalaga sa kanya. Weird man, pero simula nang datnan na din siya, senyales ng pagkadalaga, ay hindi nito siya pinapalabas ng bahay. Kailangan pa siyang lumiban sa klase ng mga ilang araw sa paaralan dahil lang doon.

Kalalabas palang niya ng banyo nang biglang maghiyawan ang mga tao sa labas. May narinig siyang pumutok ng malakas. Sa tingin niya, balloon iyon. Pero iyon nga lang at sobrang lakas naman.

"Ano na naman kayang pasabog na kalokohan ng mga 'yon?" ika niya at nagpunta sa bakuran upang makita ang pangyayari.

Nagulat na lang siya nang madatnang nagkakagulo na ang lahat at naghihiyawan na para bang may sobrang nakakatakot na nangyayari. Nagtatakbuhan ang mga ito kung saan saan. Para bang may tinatakasan.

Biglang nagliyab ang kurtinang nasa kanyang tabi na naidikit sa isang kandilang malaki na palamuti sa gabing iyon. May natali kasing led lights sa itaas nito na dahilan kaya bigla na lang nag-apoy. Mabilis itong kumalat dahil sa mga rolyo ng tissue na nakasabit sa kung saan-saan lang.

Mabilis din siya tumakbo kasama ang mga ilang kabataan. Kung ano man ang nangyayari ngayon, tiyak na nasa panganib sila.

Malilintikan siya sa lola niya kapag nalaman nitong sangkot siya doon. Ito na din mismo siguro ang sinasabi ng lola kaya ayaw nitong lumalabas siya ng gabi.

Dahil nga sa madaming tao ang nagtatakbuhan, hindi maiwasang magkabanggaan. Ang iba'y nadadapa, pati na rin siya.

Isa na namang gasgas sa kanyang hita ang natamo at lalong humapdi ang palad na dati nang nagasgasan kanina dahil ginamit niyang muli iyon. Nadapa siya sa gitna ng rambulan kaya naman pati ang mga gamit sa paligid ay natutumba dahil sa tulakan.

"Saglit! Ano bang nangyayari?" pasigaw na tanong niya pero walang nakakarinig.

Pinilit niyang tumayo. Kaluluhod niya nang matumba ang pahabang poste na pinagkabitan ng led lights papunta sa kanya. Pero dahil nakakabit dito ang ilang wires, hindi ito tuluyang natumba sa kanya. Ganon pa man, nahulog sa kanya ang ilang nabitak na bumbilya at tumama sa kanyang pisngi at kamay na iniharang.

Nagsitigil ang mga tao malapit sa kanya at dahan-dahang umatras.

"Isa siya sa kanila. Takbo!" sigaw ng karamihan sa kanila sabay takbo sa kabilang direkson.

Napa-angat ang ulo niya at lumantad sa harapan ang isang lalaking itim lahat ang kasuotan. Ito ba ang kinatatakutan nila?

Tanging sila na lang ang nandoon. Dahan-dahan itong naglakad palapit sa kanya. Animoy parang hindi yumayapak sa lupa ang mga paang kay gaan maglakad.

Nagtagpo ang kanilang mga mata.

Hindi niya alam pero nanindig ang mga balahibo niya sa katawan, lalo na sa bandang batok.

Matangkad ang lalaki at may matipunong katawan kahit pa nasa early twenties palang ito. Gayon pa man, mamula-mula ang mga bibig nitong napakaganda ng hugis, na umaangat dahit sa kaputlaan ng balat nitong parang wala nang dugo. Dinaig na din ata nito ang kaputian ng isang taong anemic. Patalim nang patalim ang pagtingin ng mga mata nitong litaw ang halos kulay gintong bilog dahil sa pangingitim ng gilid nito. Light brown din ang maalon at medyo magulong buhok nito. Para bang may lahi itong iba.

Ang kabuuan nito'y sumisigaw ng panganib.

Kung titignan, maayos at normal lang ang kabuuan nito. Hindi niya din sigurado kung ano man ang mayroon dito, pero mas nakakatakot pa ito sa mga kabataang naka-costume sa gabing iyon.

Huminto ito sa tapat niya samantalang wala siya nagawa kundi tignan lang ito pataas. Nakaupo pa kasi siya sa lupa at hindi pa nakakatayo.

Hindi siya makagalaw sa pagkakasalampak. Kumikirot ang kanyang dibdib.

Lumuhod ito sa harapan niya upang magpantay ang kanilang mukha. Kinuha ng mga malalamig nitong kamay ang kamay niyang may gasgas.

Kumontra siya sa una pero malakas nitong hinila upang ilapit sa tapat ng bibig. Mahapdi na ang gasgas niya pero naging marahas pa din ang paghawak nito.

Una sa lahat, hindi niya ito kilala. Kaya hindi sana niya hahayaang hawakan nito ang kamay. Pero wala siyang magawa. Mas malakas ito sa kanya.

Napamaang siya nang nakapikit na inamoy nito ang kamay niya. Mukha itong adik na nakakaamoy ng pinakamatapang na droga. Hindi niya itatanggi pero mas lalong naging gwapo ito nang malapitan.

Kung tutuusin, maituturing ding maganda ito dahil sa kinis ng maputing balat na hindi kakikitaan man lang ng kahit anong peklat o dark spots.

"You're hurt," anito sa mababang tono na halos bulong na lang.

Nag-aalala ba ito? Pero wala siyang mabasang pag-aalala mula sa pananalita nito.

Pilit niyang binawi ang kamay pero humigpit ang pagkakahawak ng lalaki. Dumilat ito at ang mga matatalim na mata ang sumalubong sa kanya. Halatang hindi nito nagustuhan ang ginawa.

Dahil kaya sa inumin at namamalik-mata na ata siya nang mapansin ang pag-iiba ng kulay ng mata nito. Mula sa gitna ng itim na bilog papunta sa golden brown nitong paligid, kumalat na parang dugo ang kulay na pula at tuluyang sinakop ito.

Napasinghap siya sa nasaksihan. Ayaw niyang paniwalaan pero hindi ito tao. Isang halimaw ang nilalang na kaharap niya ngayon. Isa itong napakagandang halimaw.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status