Share

KABANATA 5

ASHLEY

NGUNIT kabaligtaran ang nangyari imbes na kainin siya, sakmalin o patayin siya ng nilalang na ito. Dinilaan lamang siya nito sa mukha. Dinilaan nito ang noo, ilong, mata, bibig, baba at tenga niya. Para bang tinitikman siya at kinikilala siya nito.

Kahit nanginginig ang katawan niya hindi pa rin siya kumilos. Panay ang lunok niya ng laway habang nakatikom ang bibig. Nasa ibabaw pa rin niya ang Mummy. Inaamoy-amoy naman nito ang leeg niya pababa sa may dibdib niya.

Nang subukan niyang takpan ang hubad niyang dibdib dahil nakalas ang pagkakabuhol ng tuwalya niya. Bigla na lamang ito umangil, tila galit na asong ayaw magpahawak.

Lalo siyang natakot at nangatal. Hindi siya makahinga sa labis na takot.

Nagpatuloy ito sa pag amoy sa kanya hanggang sa tuluyan ito tumalon pabalik sa gilid ng kama. Umupo ito at yumuko parang pilit nitong tinatago ang sarili sa sulok ng kama.

Naguluhan siya. Hindi siya pinatay? Hindi siya kinain? Bagkus dinilaan at inamoy lang siya nito. Bakit? Napabalikwas siya ng upo sa kama, dali-dali siyang nagbihis.

Marahil kaya hindi siya pinatay nito ay dahil siya ang bumuhay dito. Tama! Iyon nga siguro ang dahilan, siya ang bumuhay dito, dugo niya ang nagpagising dito. Unti-unti nabura ang takot niya napalitan iyon ng pagkamangha. Kung susuriin maige, hindi naman nakakatakot ang wangis nito.

Pinagmasdan niya itong mabuti. Napakahaba ng buhok nito, pati ang mga kuko nitong nagbuhol-buhol na sa sobrang haba. Huminga siya ng malalim. Mas mukha pa itong takot tignan kung tutuusin, siguro nagulat ito dahil nagising ito sa isang mundong hindi ito pamilyar.Kumuha siya ng gunting at marahan siyang lumapit sa nilalang na tahimik pa rin nakasiksik sa gilid ng kama.

Kikilos siya upang hawakan ang kamay nito subalit umangil ito. Mabagsik itong umangil sa kanya. Kitang-kita niya ang matutulis nitong mga ngipin tila nagbabantang sasakmalin siya.

"H-Hindi kita sasaktan. Kung gusto mo rito sa kwarto ko, kailangan sumunod ka sa'kin. Pag hindi ka sumunod, ibibigay kita sa kanila, sasabihin kong nandito ka."

mahinang sikmat niya.

Panakot lang niya iyon pero mukhang naunawaan naman nito. Tumigil ito sa pag angil sa kanya, nakatingin lang ito sa gunting na hawak niya. Ah! Nagtataka siguro ito dahil may hawak siyang gunting.

"Akin na ang kamay mo, gupitin natin ang kuko mo. Parang kable na ang kuko mo sa sobrang haba. Hindi ito masakit, hindi kita sasaktan," malumanay na wika niya rito.

Nang hindi ito kumibo, siya na ang umabot sa kamay nito. Kayanin kaya ng gunting ang kuko nito? Bahala na nga. Gamit ang gunting, pinutol niya isa-isa ang kuko nito. Umuungol-ungol lang ito parang asong umiiyak-iyak.

Hindi niya maiwasan pagak na matawa. Ang gara ng reaksyon nito. Pero hindi niya tinigilan ang kuko nito hanggang sa maputol niya lahat at magmukha ng normal ang kuko nito at kamay.

"Ayan, mukha ng kamay ang kamay mo," aniya.

Napaigtad siya ng bigla nitong hablutin ang gunting sa kanya. Titig na titig ito sa gunting, mayamaya pa ay dinilaan din nito ang gunting.

"Hoy...teka!" bulalas niya.

Akala siguro nito pagkain iyon. Naiiling na lamang siya. Mukhang hindi naman ito bayolente, para itong cave man nung sinaunang tao. Inagaw niya ang gunting. Muli itong umangil sa kanya. Galit na galit itong nakatingin sa kanya.

"Hindi ito pagkain. Gupitin din natin ang kuko mo paa. Tigil mo ang pag angil sa akin kung ayaw mong palabasin kita ng kwarto ko," madiin sabi niya.

Tumahimik naman ito. Oh good boy! Nginitian niya ito saka hinimas ang ulo.

"Good boy. Behave lang." Nakangiting sabi niya.

Patuloy lang ito sa pagtitig sa kanya. Umupo siya sa sahig upang magawa niyang putulin ang kuko nito sa paa. Bagamat madungis at punong-puno ng putik ang paa nito, hindi niya alintana iyon. Hindi siya nandiri. Sa uri ba naman ng trabaho niya, hindi na niya alam ang salitang 'kadiri' kaya naman ang sisiw lang sa kanya ang gupitin ang kuko nito sa paa.

Ilan sandali pa ay hinawakan niya ito sa kamay. Kaagad naman nitong tinabig ang kamay niya. Tila takot na takot magpahawak.

"Grabe ka! Ayaw mo magpahawak? Kanina nga halos dilaan mo buong mukha ko, halika tumayo ka diyan," sikmat niya.

Muli niya itong hinila. Subalit, ayaw talaga nito magpahawak. Napabuga siya ng hangin. Gusto niya kasing linisan ito sa banyo. Sobra kasi siyang curious sa kung anong itsura nito pag malinisan. Nakaisip siya ng paraan. Tinaas niya ang gunting at ipinakita rito.

"Halika, lapit ka, ibibigay ko saiyo ito." Sinubukan niyang utuin ito gamit ang gunting.

Hindi niya sure kung kakagatin nito ang pang-uuto niya. Winagayway niya ang gunting para mas akitin itong lumapit sa kanya. Feeling niya tuloy para siyang dog whisperer sa ginagawa niya. Paano kung i-train niya ito? Kayanin niya kayang i-train ito?

Ilang saglit pa ay dahan-dahan na itong gumalaw at lumapit sa kanya. Para itong gorilla dahil sa paraan ng paglakad nito. Hindi ito tumayo ng diretso. Hmm, mukhang alam na niya ang una niyang ite-train dito.

Habang lumalapit ito umaatras naman siya hanggang sa makapasok siya sa banyo. Nang tuluyan makapasok ang Mummy sa loob ng banyo, bakas sa mata nito ang gulat at pagkamangha. Hinaplos nito ang tiles ng banyo. Lahat ng makita nito ay dinidilaan nito. Pinigilan niya lang ito ng akma nito isusubo ang sabon.

"Hindi ito pagkain. Ito na lang gunting hawakan mo," aniya sabay abot sa gunting.

Parang batang hinagis lang nito ang gunting. Ayaw na niya ng gunting kasi may nakita itong mas kakaiba. Kinuha nito ang sepilyo at sinubo iyon sa bibig nito. Natawa siya dahil sa tuwang-tuwa reaskyon nito. Hinayaan na lang niya kagat-kagatin nito ang sepilyo niya.

Binuksan na niya ang gripo at sinimulan na niyang hugusan ang paa nito. Tumili pa ito ng malakas sa gulat.

"Sshh...huwag ka maingay. Sige ka, malalaman nilang andito ka."

saway niya rito.

Titig na titig lang ito sa gripo. Amazed na amazed ito, sa gulat niya ay bigla na lang nito tinapat ang bibig sa ilalim ng gripo at ininom ang lumalabas na tubig.

"Ya! Ya! E-ya! Ya!" wika nito at tuwang-tuwa dahil sa gripo.

Maging siya ay natuwa dahil para itong bata na tuwang-tuwa sa bagong laruan. Ano nga ba ang ipapangalan ko saiyo?

"May pangalan ka ba?" kapagkuwa'y tanong niya.

Panay-panay pa rin ang inom nito sa gripo. Dinilaan pa nito ang gripo at tabo.

"Ya! Ya! Eee! Ya!"

iyon lamang ang lumalabas na salita sa bibig nito.

Hindi ba talaga ito nagsasalita? Mali ba siya ng dinig dati, para kasing bumulong ito sa kanya ng salitang 'dugo'  kaya nga naglaslas siya e.

"Eya ba ang pangalan mo?" Hindi siya iniintindi nito. Naglalaro lang ito ng gripo.

Huminga siya ng malalim.

"Okay. Sige. Eya na lang ang itatawag ko saiyo. Ikaw na si Eya. Ayos ba 'yun saiyo?"

nakangiting sabi niya.

Sumulyap lang ito sa kanya at ngumiti habang nakasalpak pa sa bibig nito ang sepilyo niya.

Okay, Eya, nice to meet you. Welcome to my world.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Anna Fegi Caluttong
welcome Eya Ang cute ng name mo
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status