Share

DW - II.I

          May mga lumulutang na kandila. Bilog ang hugis ng mga iyon at iba-iba ang kulay. May sindi ang mga iyon na siyang nagpapaliwanag sa buong paligid. Nilibot niya ng tingin ang paligid. May mahahabang mesang gawa sa makinis na batong kapareho ng higaan niya kanina. Yari rin sa bato ang mga upuan. Nakadikit ang mga iyon sa sahig at tila hindi puwedeng alisin. May kandila rin ang bawat mesa. Mayroong libu-libong plato, kutsara, baso at tinidor na gawa sa ginto, pero wala namang laman. May tatlong tao sa silid. Lahat sila pawang naka-itim, pero iba-iba ang pagkakayari ng damit.

          May isang babaeng maiksing-maiksi ang suot, naka-tube at shorts. Litaw ang dibdib nitong may kalakihan. Maganda ang babae, kasing ganda ng hubog ng katawan niya, at makinis ang mukha. Maiksi ang buhok nitong kulay itim. Kulay itim din ang labi nitong pinahiran ng kolorete at may nakakabit na hikaw sa gawing kanan. Hindi masyadong matangos ang ilong nito. Nakasabit ang malalaking bilog na hikaw na kulay itim din sa magkabilang tainga nito. Mahaba ang pilik-mata nito at may mga matang gaya ng sa lalaking kasama niya, kulay abo. Matangkad ito; gawa siguro ng suot nitong botang may mataas na takong.

          Nakasuot naman ng mahabang gown ang isa pang babae. Manipis ang tela nito at butas-butas na nagsisilbing disenyo, dahilan upang makita ang katawan nito, pero parang wala ni isa sa mga kasama nito ang may pakialam kahit makita pa ang katawan nito. Mahaba, unat na unat at makintab ang buhok nitong kulay itim na napalalamutian ng hair band na may disenyong maliliit na parisukat, at hair clip na kulay itim din. Hindi naman ito ganoon kaganda. Manipis ang kilay nito; halos hindi na nga makita, animo'y nasobrahan sa ahit. Matangos ang ilong nito. Walang kulay ang mga labi nito. Balingkinitan ang pangangatawan nito at may katangkaran. Kulay itim ang mga mata nito at napakarami nitong suot na alahas.

          Nasa silid din ang isang lalaking nakasuot ng itim na t-shirt na iniibabawan ng itim na jacket na yari sa balat, at itim na pantalon. Sa katunayan, may kalakihan ang pangangatawan nito, pero hindi halata dahil sa suot nito. Gwapo ang lalaki, pero naitatago ito ng bagsak nitong buhok na kulay itim, na halos tumakip na sa mga mata nito. Kulay abo rin ang mga mata nito. Sa ilalim ng mata nito, mayroong eye bags na nangingitim, na parang puyat o walang tulog ng ilang gabi.

          Lahat sila may pagkakapareho. Mayroon sila noong itim na bato. Yung lalaki, nasa kwintas. Yung babaeng naka-gown, nasa singsing. Yung babaeng nakasuot ng maiksing damit, nasa isang pulseras.

          "Look who's here," sabi ng babaeng maiksi ang damit. Tumayo iyon at nilapitan ang dalawang bagong dating.

          Sumunod ang isa pang babae. "Finally, nagising na siya," sabi noon, ngiting-ngiti.

          "Hehe... Oo nga," tugon naman ng lalaking kasama nila.

          Nakatingin siya sa mga nilalang na lumapit sa kanila. Hindi niya alam kung bakit parang malaking bagay ang pagkakagising niya.

          "Nasaan na sila?" tanong ng lalaki sa kanila.

          Kung sino ang "sila" na tinutukoy ng lalaki, hindi niya alam. Ipinagpalagay na lang niyang mga taga-bantay din ang mga kasama nila ngayon at yung tinutukoy na "sila" ay yung mga binabantayan nila.

          "Hinayaan muna naming gumala-gala," tugon ng babaeng maiksi ang damit.

          "Bakit hindi ninyo sinamahan?" balik na tanong ng lalaki.

          "Hindi naman daw sila lalayo. Saka nabigyan na sila nito," ipinakita ng babae ang batong nasa pulseras niya, "Kahit naman lumayo sila, dito rin ang balik nila."

          "Baka gusto mo kaming ipakilala sa kasama mo," singit naman ng babaeng naka-gown.

          "A siyanga pala," baling ng lalaki sa kasama. "Siya si Fame," pagpapakilala nito sa babaeng maiksi ang damit. "At si Harmony," ang babaeng mahaba ang gown. "Iyon naman si Hogan," ang lalaking naka-jacket.

          Masigla siyang binati ng dalawang babae, pero kumaway lang ang lalaking kasama ng mga ito sa kanila, ni hindi man lang ngumiti.

          "Ikaw, ano'ng pangalan mo?" tanong ni Fame sa kanya na lubus-lubos ang ngiti.

          Hindi siya nakapagsalita agad. Ano nga kaya? Iniisip niya kung ano ang pangalan niya, pero kahit anong proseso ng utak niya, wala siyang maalala. Napailing siya.

          "Hindi ko alam." Halos mapaiyak siya. Bakit ganoon?

          "Awww... Ok lang iyan," pagpapagaang-loob ni Fame. "Karamihan naman sa mga nandito, hindi na alam ang pangalan nila. Yung mga nakakaalala naman, pinipili na lang na magpalit dahil iyon ang nakasaad sa batas." Umikot ang mga mata ni Fame nang banggitin ang salitang "batas". "Jarred, bakit kaya hindi mo siya bigyan ng pangalan?" mungkahi ni Fame sa lalaki.

          Napatingin siya sa lalaking kasama niya. May pangalan pala ito. Ito... ito pala si Jarred. Hindi naman kasi ito nagpakilala sa kanya. Hindi rin naman din kasi siya nag-atubiling magtanong.

          Napakamot ng ulo si Jarred, "Pasensya na. Alam ninyo namang hindi ako magaling sa ganito."

          Napailing si Hogan, "Sa tingin ko, Tony, kailangan mo na siyang bigyan ng pangalan."

          Napatingin siya kay Hogan, pero umiwas iyon ng tingin. Naguluhan siya. Si Jarred ba si Tony? O baka Tony ang second name niya?

          "Sang-ayon ako. Dapat mo na siyang bigyan ng pangalan, Rodney, bago mo siya iharap kay Cadis," sabi naman ni Harmony.

          "Ok. Ok! Siya si Jehanne," nagmamadaling sinabi ng lalaki at tila 'di na pinag-isipan ang ibinigay na pangalan. Napabuntong-hininga ito pagkatapos.

          Napaisip siya, "Jehanne..." At parang nagustuhan na rin ang pangalan. Mas maganda na iyon kaysa wala.

          "Maganda," tugon ni Fame kakabit ang isang ngiti. "Nice meeting you, Jehanne."

          Nakipagkamay si Fame kay Jehanne. Umaasa si Jehanne na may kakaiba siyang mararamdaman, pero mas malamig pa pala sa kamay niya ang kamay ni Fame. Yumakap naman si Harmony sa kanya na ikinagulat niya. Hindi niya akalaing magiging mainit ang kanilang pagtanggap sa kanya sa kabila ng malamig nilang katawan.

          Tinandaan ni Jehanne isa-isa ang mga pangalan, "Fame. Harmony. Hogan." Ngumiti ang mga iyon sa kanya bukod kay Hogan na nakatingin sa malayo. Tiningnan niya ang kasama niya, "At ikaw si..." Hindi niya malaman kung paano niya ito tatawagin. Kanina tinawag itong Jarred ni Fame, Tony ni Hogan at Rodney ni Harmony. Mahaba siguro ang pangalan nito kaya ganoon. Naalala niya ring tinatawag ito kanina sa iba't ibang pangalan, at hindi niya maintindihan kung bakit ganoon.

          "Halika na," pagyaya ni Jarred, Tony, o Rodney sa kanya. Nauna na itong maglakad, pero hindi siya sumunod.

          "Teka, hindi ko pa alam kung ano ang pangalan mo."

          "Kahit ano!" sabi nito sa kanya at nagtuloy-tuloy ito sa paglalakad.

          Tumingin si Jehanne kina Fame at Harmony.

          "Mag-isip ka na lang ng pangalan para sa kanya. Wala kasi talaga siyang partikular na pangalan," sabi ni Harmony at sumenyas na dapat na siyang umalis at sundan ang taga-bantay niya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status