ISLE JIA — MONARKIYA (Tagalog)
ISLE JIA — MONARKIYA (Tagalog)
Author: twtl_trtd
KABANATA 1

KABANATA 1

MIRANDA

"Saan banda, Dev?" Inilibot ni Miranda ang tingin sa paligid subalit wala siyang makitang kakaiba. Ito'y dating silid pa rin ni Apo Tesi kahit tatlong taon na itong yumao. Hindi naigalaw kahit ang dati pang kandilang nakatulos sa maliit na altar ng silid. Ganoon ka-sentimental ang kanilang pamilya kung hindi man relihiyoso. "Medyo malamig na dito. Baka ibaba pa ni Maman ang temperatura dito. Hindi pa ba tayo aalis?"

Maaliwalas na tanawin sa malapad na bintana. Malinis na naglalakihang pulang kurtinang inadorno ng mga abubot na nagsikinangan sa silaw ng papasok na umaga. Kung paano na-maintain sa loob ng mahabang panahon ang prestihiyoso at orihinal na ayos ng silid ni Apo Tesi? Doon magaling ang Doña ng tahanang si Agatha Isle, ina ni Miranda.

Hindi ito ang dapat na magmana ng aplyidong Isle. Gamay ng ina niya ang pagdidisenyo at pagpo-proseso ng mga damit. Ngunit sa hindi inaaasahan, ito na ngayon ang humahawak sa lupon ng kanilang pabagsak na negosyo.

Ang tahimik, pasensyosa't simpleng mananahi ng pamilya Isle ay naging tigresa, gahaman at magaling sa pag-arte. Nagawa nitong 'wag magpakasal 'wag lang mawala ang apilyidong Isle sa kanilang pangalan. Kung paano iyon natatagalan ng kaniyan Aman o Papa ay hindi niya alam.

Nagsasama ang mga ito sa isang bahay. May anak at kinikilala ng syudad bilang pamilya. Subalit hindi kasado.

Nagpatuloy sa pagkalkal si David sa mga kabinet. Tamad itong tinitigan ni Miranda ng ilang segundo bago nagpatiuna palabas ng kuwarto. "Go, then, bahala ka r'yan. Kung gusto mo palang mapagalitan, dapat nag-solo ka nalang."

"Mira!" Kalmadong binitiwan ni David ang mga papel na hawak at sinundan ang pinsan. May pag-aalangan sa mukha nito. "Mira, imposible namang walang iniwan si Apo kahit isang singkong duling sa `ting dalawa! Paborito niya tayong apo!"

"Newsflash, Dev, wala nga siyang iniwan sa atin. Ang utang ng pamilya Isle ay pumalo sa labindalawang bilyon—noong mamatay si Apo, bumaba iyon sa pitong bilyon. Sa tingin mo, sinong nagbayad sa nakaltas do'n?" Ipinaglandas ni Miranda ang hintuturo sa magarbong disenyo ng dingding ng kanilang korido. Nakaukit dito lahat ng mukhang may apilyidong Isle mula pa sa nakaraang siglo. "Certainly not your father."

"Bakit hindi mo sinabi agad sa `kin `yan?" Nalulungkot na yumuko si David. Pinilipit ng maninipis nitong daliri ang ibabang bahagi ng suot na polo. "I feel so guilty now. Pakiramdam ko, binastos ko si Apo Tesi."

"Akala ko kung ano lang `yong hinahanap mo rito. When you said you're looking for her last will, saka ko lang napagtanto na naghahanap ka ng perang pantustos sa tuition mo." Napapalatak ng dila si Miranda. Binilisan niya ang paghakbang. Ang makapal na robang suot ay mahinang pumapagaspas sa kaniyang bukung-bukong. Lumilikha ng tunog ang pagtama ng kaniyang takon sa sahig na marmol. "Pasensya na, Dev. Wala rin akong pera na puwedeng ipantulong sa `yo ngayon. I know you're not comfortable with this—napipilitan ka lang."

Si David ang pinakakawawa sa kanilang angkan mula noong lumabas ang balita ng pagkakalugmok ng Isle Jia sa utang. Ang pamilya nila ay nasa listahan ng sampung malalakas na pamilya sa Asya. Hindi man sila nasa nangungunang tatlo ay pasok sila sa pangunahing lima. May respeto ang lahat sa kanila. Kinatatakutan ang kanilang pamilya.

Minalas si David na maging ama ang Tito Fazil ni Miranda. Isa sa mga naging kontrobersyal na tao si Signor Fazil dahil sa pagsusugal nito.  Ngayon, wala man lamang magamit sa mag-aaral ang kaniyang ikalawa sa pinakapaboritong pinsan.

Kung noon pa, napakadali lang ng lahat.

Noon 'yon.

Ngayon, hindi na.

Si Miranda Isle, ang kaniyang ina't ama ay kilala bilang may makakapal na anit. Sina Alo Sinan at Apo Tesi lamang ang may integridad at tunay na mabait sa kanilang pamilya. Partida ay matatanda na ang mga ito. Ang isa ay pumanaw pa.

Sunod ay si David. Wala ng mas pupuro pa sa kalmadong panganorin na dala nito. Malas lamang at si Signor Fazil, kapatid ng kaniyang ina, ang nag-iisa nitong pamilya. Mahilig sa pera ang kaniyang tito, kagaya ng kaniyang ina. Ang kalahati ng perang utang nila ngayon ay mula sa pagsusugal nito. Sumunod pa ang tatlong mga tiyo ni Miranda—may kaniya-kaniya ring bisyo at hindi magandang pag-uugali. Mukhang likas na sa mga Isle ang ganitong sistema.

Masasabing nahulog ang Isle Jia sa mataas nitong bangko dahil lang din sa mga pamilyang bumubuo rito. Hindi ito maitatanggi ni Miranda.

Si David lamang ang sumusubok na iangat ang pamilya sa larangan ng abilidad sa pag-iisip. Subalit hindi nirerespeto ng pamilya ang gusto nitong gawin. Walang gustong tumustos sa pag-aaral nito sa akademya ng Murdoc.

Engrande ang paaralang iyon. Para sa mga taong may Earthen core na mas malaki pa sa maliit na butil ng bigas. Masuwerteng pumasa roon si David. Ibig sabihin noon may kakayahan na siyang matuto ng mahika dahil sa potensyal ng Earthen core niya, bagay na kahit si Miranda ay wala mismo. Kung papalarin, ito ang sunod na magiging mahikero sa pamilyang Isle! At sa record nila, isa pa lamang nagiging mahikero. Hindi kasi dito nagpo-pokus ang kanilang pamilya noon.

Naniniwala si Miranda sa kakayahan ni David, ngunit hindi ang iba niyang kasamahan sa malaking mansyon na kanilang kinalalagyan. Si David ay mahina para sa mga ito. Si David ay masyadong mahinahon para tawaging anak ni Signor Fazil Isle. Masiyadong patpatin para maging isang maabilidad na mahikero.

"Alam mo, Dev," mungkahi ni Miranda, "hayaan mong ako na ang bahala sa magiging enrollment mo sa Murdoc. Ang dapat mo na lang gawin ngayon ay ang magpa-reserve ng slot!"

'Napakakunat naman kasi ng paaralang iyon!' Minsan lang ang mga taong may abilidad—bakit hindi pa gawing libre ang paglinang sa mga ito? Ang mundo rin naman ang makikinabang oras na nakatapos ang mga estudyante. Nalukot ang noo ni Miranda. Hindi siya natutuwa sa hindi makapaniwalang ekspresyon ni David. Imbes na matuwa ay nagdududa pa ito!  "Ano? Nag-aalangan ka sa kakayahan ko?" singhal niya, ipinosisyon ang mga kamao, "Gusto mong ipakita ko sa `yo?"

Ngumiwi si David ngunit agad ding humalakhak. Kita ni Mira ang pagkawala ng pag-aalala sa mukha nito. "Fine. Maniniwala ako sa `yo kung ipapangako mo na 'di kagagawa ng masama."

Natigilan si Miranda. Pinigilan niya ang pagkibot ng kaniyang kilay, madalas na nangyayari kapag siya ay nagsisinungaling. "Oo naman! Napakababa na ng Isle Jia, David. Hindi ko mas ibababa pa ang halaga ng ating apilyido."

Napapanatag na ngumiti si David. Nakahinga nang maluwag si Miranda, ninanamnam ang kaunting saya sa kaniyang dibdib. Matanda man si David sa kaniya ng isang taon, nakababatang kapatid ang turing niya rito. Napakainosente nito. Hindi ito nababagay sa Isle Jia. Lahat sila rito ay may kasamaang hindi pinagkaabalahang itago. Ito ang pinakasentro ng pamilya. Kahit umaarte si Signor Fazil na tila hindi tinatanggap si David at ayaw suportahan, alam ni Miranda ang nais nitong gawin.

Ito ay ang ilayo si David sa sarili upang hindi ito mabahiran ng kahit anong masamang pag-uugali.

Kahit si Miranda nais ibigay ang lahat ng gusto nito. Protektahan at pangalagaan ang lalaking nag-iisang naglakas-loob magningning sa silid na puno ng mga taong nagtatago sa dilim.

Gagawa siya ng paraan upang makapasok ito sa mataas na akademya ng Murdoc.

Matapos ihatid ang pinsan sa silid nito upang makapagpahinga, bumaba ng salas si Mira upang kausapin ang ina. Kanina pa kumikislap ang puting butil ng kaniyang porcelas na suot. Ibig sabihin ay nais siyang makita ng kaniyang Maman.

Lahat ng suot, abubot at sandata ng isang taong miyembro ng isang malakas na pamilya ay may tatak ng kanilang angkan. Lahat iyon ay may blessing mula sa council, mga opisyal na nagbibigay ng kaunting kapangyarihan ang kanilang mga kagamitan. Lahat ng nakarehistrong pamilya ay may ganoong pribiliheyo. Mas mabigat ang kapangyarihang ibinigay, ibig sabihin ay malaki ang halaga ng pamilya sa lipunan.

Hindi lamang pera ang nagpapairal sa ganitong sistema kundi pati na rin ang kapangyarihan at koneksyon. Noong bumaba ang pera ng pamilyang Isle dahil sa utang, nawala rin ang kanilang koneksyon na siyang nagpahina ng kanilang kapangyarihan. Dahilan upang mawala sa listahan.

Kasalanan iyon ng hindi mautak na pamamahala, na siyang pinahintulutan ng kaniyang ina. Hindi pumili ng mga tapat na kaalyado ang kanilang Jia.

Sa bahay ng mga Isle, si Agatha, Maman ni Miranda, ang batas bilang ito ang panganay na anak ni Alo at Apo Tesi.

"Maman," maingat na panimula ni Miranda noong makita itong humihithit sa dalang sigarilyo habang nakatanaw sa hardin. "Maman, masama ang paninigarilyo sa baga ninyo."

Lumingon si Anatha sa kaniya. Sumilay ang isang maliit na ngiti sa manipis at pulang pula nitong labi. Papaubos man ang yaman nila, perpekto pa rin ang pagkakalagay ng kolorete nito. "Mas masama ang maubusan ng oportunidad, `nak. Halika, ang Maman ay may sasabihin sa maganda niyang anak."

Pinigilan ni Miranda ang pagngiwi sa tradisyunal nitong pagsasalita sa hulihan. Ibig sabihin ay may nais itong ipagawa sa kaniya na tiyak kaniyang aayawan. "Maman, something's wrong?"

"Wala naman, Miranda." Naglabas ng isang maliit na pitaka ang kaniyang ina. May kinuha itong pulang sobre mula sa loob. Saglit siyang natigilan noong makita ang pamilyar nitong hitsura. "`Nak, basahin mo ito. Bilis!"

'No need.' Bagamat gustong umayaw, inabot pa rin ni Mira ang sobre at binuklat ito upang mabasa ang nilalaman. Ang makapal nitong tekstura at kaunting halimuyak ng jasmin ay nagpabagsak sa kaniyang sikmura. Mukhang hindi siya binigyan ng pagkakataon ng langit na magkamali sa unang pagkakataon.

Noong isang linggo, bumisita si Shanelle sa kaniyang silid. Ito ay ang nag-iisa niyang matalik at tapat na kaibigan. Iwinawagayway nito ang isang pulang sobre. Imbitasyon sa taunang sayawan ng De Leon Jia. Ito ang pangalawa sa sampung nangungunang pamilya sa Asya. Talagang pinag-uusapan ang mga kasiyahang idinaraos ng mga ito dahil lahat ng mga iyon ay mahiwaga.

Sa taong ito pipili ang tatlong binata ng pamilya De Leon ng mapapangasawa. Inimbitahan lahat ng dalagang anak ng mga malalakas na pamilya. Noong malaman niya ito, hindi na umasa si Mira na mapadadalhan sila ng imbitasyon. Wala na sila sa listahan! Lubog pa sa utang! Sino ang gustong tumawag sa kanila? Lali pa at isang matchmaking event ang mangyayari.

Imposibleng naroon ang mga Isle! Kaya isa iyong napakalaking oportunidad para sa kaniya.

Iyon ang rason kung bakit nakabuo ng plano si Miranda. Marunong siya sa larangan ng pagnanakaw. Para sa kaniya ay sining ito. Walang magdududa dahil wala ang Isle Jia sa sayawan. Lolooban ni Miranda ang mansyon at pagnanakawan.

Hindi kailangang malaki, iyong sapat na sa pag-aaral ni David sa Murdoc. Ibig sabihin, tatlong malalaking ginto. Hindi niya gusto ang ganitong uri ng target subalit gipit na siya sa pagkakataong ito.

"Pinilit ko si Signor Franco De Leon na bigyan tayo ng isa. Ako lamang at ikaw ang makadadalo, `nak! Sapat na `yon para makuha natin ang atensyon ng kahit isa man lang sa mga batang De Leon." Maarteng pumalakpak ang kaniyang Maman. Lumabas ang limang tauhan mula sa dilim. "Magbihihis ka sa pinakamagarbong paraan, `nak. Aayusan sa mamahaling pulbo at isasakay sa pinakamalaking karuwahe! Maging kilos babae ka, por favor, `nak."

Nalukot ang mukha ni Miranda. Hindi makapaniwalang nag-angat siya ng tingin sa kaniyang ama na nasa teresa lamang ng bahay at nakamasid sa kanila. "Aman!" protesta niya na tinugunan ng ama gamit ang isang malupit na pag-iling. "Aman!"

Paano na ang kaniyang plano? Tinitigan ni Miranda ang resolusyon sa mukha ng kaniyang Maman at halos mapakislot sa kaba.

"`Wag mo guluhin ang `yong Aman!" saway ng kaniyang ina, "Nag-iisip pa ang iyong ama kung kanino uutang ng ipambibili sa magiging suot mo, Miranda! Iyong pinakamahal. Oh, don't worry. Mababawi natin ang pera kapag naikasal ka na sa isang De Leon, darling."

"Maman," pakiusap ni Miranda, "`wag na po kayong sumama. Gusto kong si David ang kasaka ko sa araw na `yon."

Si David, hindi magdududa kung magdadahilan siyang nagbanyo sa magiging halos tatlong oras niyang pagkawala. Ganoon kapasensyoso ang lalaking iyon.

"What? No!" bulalas ng kaniyang ina, "No, hija! Paano kung makalimutan mong gumamit ng tinidor? I should be there to remind you!"

Naglabas ng abasto ang isang tagapagsilbi at pinaypayan ang namumutlang mukha ni Miranda. Tumango siya rito at nangakong kung sakaling maging maganda ang resulta ng kaniyang gagawing pagnanakaw sa kabila ng maraming pagbabago sa sitwasyon, sasahuran niya ito nang malaki.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status