Share

KABANATA 3

KABANATA 3

JOSEN

"Aman, seryoso ba ito?" Ibinagsak ni Matteo ang hawak na papel sa mesa. Ngumiwi si Josen sa marahas nitong reaksyon sa sinabi ng kanilang ama. Para sa kaniya, naging sobra ang inis na nadarama nito. Hindi naman ganoon kasama ang desisyon ng Don. But then, it's Matteo. "Gusto ninyong ikasal kami sa taong hindi namin kilala?"

Si Matteo De Leon ang pinakaelegante sa kanilang tatlong magkakapatid. Ang tagapamahala sa aspetong kalakalan. Kakambal ito ni Marco at mas matanda ng limang segundo. Ang obligasyon ni Marco ay sa politika. Isa siyang gobernador sa isang malayong syudad at minsanan lamang kung umuwi. Si Josen naman ang panganay sa kanila. Ang responsibilidad niya ay ang hukbo ng De Leon Jia at ang seguridad nito.

Pinangalagaan nilang tatlo ang De Leon Jia habang ang Don Franco naman ang nagpapalago rito. Sinikap nilang maging mapayapa ang kanilang pamumuhay sa gitna ng maraming banta bilang ikalawang malakas na pamilya sa Asya ngunit dahil sa luho ng kaniyang ama, masisira ang kanilang relasyon sa isa't isa.

Bagay na laging nangyayari; away sa pagitan ng pamilya. Hindi na siya magugulat kung buong taon na namang hindi magpapansinan ang mga ito.

Una sa lahat, ang pamilya De Leon ay puro lalaki na lamang. With the amount of tostesterone in the area, hindi na dapat ipagtaka ang pag-aaway ng mga ito.

"I've announced it. Ang mga imbitasyon ay naipadala na rin. Busy kayo sa trabaho—hindi ninyo nabasa ang mga liham ko." Nag-iwas ng tingin ang Don at tinanaw ang malawak na hardin. "Nalulungkot ang inyong Aman. Sobra. Kay liit lang ng oras na hinihingi ko para magbasa kayo—alam n'yo bang ako mismo ang nagsulat sa mga salitang 'yon? Bawat bantas, ako."

"Aman," pambabasag ni Matteo sa pagkukunwari nito, "ang isang mensahe mo'y batas para sa lahat. Kung may ipinadala nga kayong sobre, mabilis na darating sa 'min `yon. Quit this act, please."

Natigilan ang Don. Sumimangot ang kanilang ama sa kawalan. "Oh, isang sumpa `yang katalinuhan mo, Matteo. Makikita mo kapag nakilala mo na sa ball ang iyong mapapangasawa—"

"Na siyang hindi mangyayari kung hindi ninyo ako pipilitin, Aman." Tumayo si Matteo at pinagpagan ang lapel ng suot na tailored suit. "Wala ng mas mababa pa sa taong ibibigay ang kaniyang sarili sa unang pagkikita. Where's the love in that? Aman, pera lang ang habol nila sa 'tin."

"Aya, ang sabi kapag nakapili ka ay may tatlong buwan kayong mamamalagi sa isang isla para magpalagayan ng loob. May posibilidad ng pagkakaroon ng totohanang pag-ibig. Siguro sa inyo pero hindi sa 'kin. It depends." Nangunot ang noo ni Marco. "Hindi ako payag sa tatlong buwan, Aman. Sinong gagawa ng trabaho namin?"

Ngumisi si Don Franco sa kanila. "Oh, don't you worry. May inutusan na ako. Darating siya sa susunod na linggo."

"What!" singhal ni Matteo kay Marco, "You agreed to his whim?" Mapang-akusa ang tingin na iginawad nito kay Josen. "Don't tell me ikaw din, Aya?"

Nagkibit-balikat si Josen kahit pa ang disgusto sa kaniyang sikmura ay nagpapahirap sa kaniyang huminga. Kinailangan niyang pumagitna sa mga ito bilang siya ang nakatatandang kapatid. "Tumatanda na rin ako. Hulog na `ko sa kalendaryo sa susunod na taon. Magandang oportunidad 'to para makapagsimula na ng pamilya."

"But—" Napahilamos ng palad si Matteo. Pinangunutan ito ng noo ni Don Franco. "Ano ba talaga ang problema, Matteo?"

"May girlfriend na ako. Si Steff! Paano ko ipapaliwanag sa kaniya itong mangyayaring... ganito?" Kahit pa problemado ay walang kahit isang buhok ang wala sa lugar kay Matteo. Walang gusot ang suot nitong polo. For Josen, this guy looked like the rival party in any romance flicks. Ang problema lang ay wala itong amor. "I'll marry her."

"You're telling us that as if you are about to order 90 proof poison, Matteo." Ngumisi si Marco. "Sigurado kang papakasalan mo si Steff?"

Kahit ang ama nila ay kitang kita ang sagot sa tanong na iyon. Even Josen can see it clear as day that he didn't. Ang totoo niyan ay ayaw nito sa commitment. Nasasabi lang nito iyon dahil sa bigla at pagmamatigas.

"Yes! Mas mabuti nang siya kaysa kung sinu-sino riyan..." Matt's eyes darted everywhere but their eyes. Sa paraan pa lamang ng pag-iiwas nito ay alam nilang nagloloko lang ito.

Naaasiwa si Josen sa maarteng ugali ni Matteo. Ayaw nito sa hindi organisadong bagay. Kinikilabutan ito tuwing nakakakita ng maling paggamit ng mga kubyertos at hindi ito nag-abalang itago sa mga miron ang kakaiba niyang disgusto sa kahit anong magulo at marumi.

Kung paano natagalan ni Matteo ang kalakaran sa sentro sa estadong iyan ay hindi niya alam.

Hindi ganoon si Marco kahit pa kakambal niya si Matteo. Payak ito, tuwid at may diretsong salita. Gusto ni Josen ang pag-uugali nito pero pantay ang pagmamahal niya sa dalawang kapatid. Walang nakakahigit kaysa sa isa. Sadyang nakakabanas lang ang ugali ng bawat isa madalas.

Mabuti na lamang at nasanay na siya.

"Hindi ko alam kung paanong natatagalan ng kung sino `yang ugali mo, Matteo." Umiling ang Don. "Iiyak ka ng dugo oras na makilala mo ang tatapat sa `yo!"

"Hindi mangyayari `yan. I'll make sure that she won't change who I am. Ang mga taong pinipilit ng mga partner na magbago, should clearly find another. Kasi hindi sila gusto ng karelasyon nila sa kung ano sila mismo. Gusto pang binabago sila!"

Umirap ang Don at namulsa. Tinanaw nito ang malawak na espasyo sa kanilang harapan. "Pinayagan ko ang pagpapadala ng isang sobre sa Isle Jia," kaswal nitong pahayag.

Hindi napigilan ni Josen ang mapangiwi samantalang kuryosong iniangat lamang ni Matteo ang kilay. Kakaiba ang naging reaksyon ni Marco dahil naging blanko ang ekspresyon nito bilang tugon.

Josen huffed. "Dinig ko nagpumilit si Doña Agatha. Naging masiyado kang mabait, Aman. Paano kung maging banta sila sa seguridad natin?"

Hindi bingi ang lahat sa krisis na kinakaharap ng Isle Jia. Wala kahit isa sa mga malalakas na pamilya ang nais timumulong sa mga ito. Isle Jia bites the hand that feeds them. Ganito ang usap-usapan sa labas.

Umiling si Marco. "Hindi tayo babanggain ng Isle Jia nang wala silang backer. Sa ngayon, putol lahat ng koneksyon nila."

"Isle Jia?" Umiling si Matteo. "Walang may magandang asal sa pamilyang `yon. You shouldn't have invited them, Aman. Paano nalang ang reputasyon natin sa pagpapapasok natin sa kanila?"

"Hindi santo ang mga Jia, Matteo. Alam mo `yan," saway ng kanilang Aman. Tumikhim ito pagkatapos. "Tama si Marco. Hayaan n'yo silang makapasok pero bantayan nang maigi."

"Hangad siguro ng Doña na may papansin sa unica hija ng Isle Jia," gatong ni Josen na siyang ginantimpalaan ng isang nagbababalang tingin mula sa kaniyang ama. Ngumisi siya. "Nagsasabi lang ng totoo, Aman."

"Aman, si Steff. Paano na?"

Suminghal si Marco. "Padalhan ng sobre ang babaeng `yan. Kunwari sa sayawan lang kayo unang nagkakilala pagkatapos siya ang iaanunsyong pinili mo. Tapos."

Sinilip ni Josen ang tensyunadong ekspresyon ng kapatid saka napayuko. Bigla na lamang umangat ang inis dito.

Kalmadong tumango si Matteo at umambang aalis na. "Kayo na ang bahala riyan. Iyon lang ang problema ko sa party, Aman. Si Josen na ang bahala sa Isle Jia. Rinig ko ay mga barbaro sila. Not my thing."

Asar na pinanood ni Marco ang papalayong si Matteo. Umiling si Josen dito. "`Wag mo gayahin ang kayabangan no'n." Bumaling siya sa Don. "Aman, susundin ba natin `yong mungkahi ni Marco?"

Kumurap ang Don. Lumabas ang hindi pantay nitong mga ngipin noong sarkastiko itong ngumiti. "Ayaw niya sa mga barbaro?"

"Ganoon talaga si Matteo, Aman. `Wag niyo iyong alalahanin."

"`Wag alalahanin? Josen, hindi maganda ang tingin ng batang `yon sa mundo!"

Napahilot sa sintido si Josen. "Aman..."

Humalakhak sa pagkakataong iyon si Marco. "Aya, lagi mong pinagbibigyan si Aya Theo sa mga gusto nito. Let Aman do what he think is right."

Pinandilatan ito ni Josen ngunit nag-iwas lamang ito ng tingin. Nagtataka siya kung bakit may nararamdaman siyang tila ba pumapanig ito sa Isle Jia. Tumango ang Don. "Tama si Marco. Josen, `nak, magiging busy ka sa paghahanda. Mabuting mag-umpisa na kayo sa pag-iisip ng mga nais ninyong idagdag bilang pang-aliw sa ating kasiyahan. Iyong ikatutuwa ng ina ninyo sa langit, okay?"

"Yes, Aman!" Bagsak ang balikat na sumang-ayon si Josen. Iniisip kung paano iiwasan ang sayawan sa araw na iyon nang hindi binibigo ang kaniyang Aman at ina sa langit. Sa totoo lang ay dagdag pagsasayang lamang ng oras ang maghahanap ng mapapangasawa. Gusto niya ng tahimik na buhay!

"Ikaw rin, Marco."

"Opo, Aman."

Sabay na umalis ng hardin ang dalawang magkapatid. Noong umabot na sila sa pinto ay tinawag ng Don si Marco. Mabilis na lumingon ang lalaki. Pinanood ni Josen ang dalawa habang nakapamulsa. "Ano `yon, Aman?"

"Ayos ka ba sa ginawa ng Aman?" nahihiyang tanong ng Don. Napangiti si Josen.

"Opo, Aman." Napakislot si Josen noong marinig ang lalim ng boses ni Marco. Nagbago ang tono nito. Hindi ito ayos. "Para sa amin ang ginawa ng Aman."

Nakahinga nang maluwag si Don Franco. Hindi malaman ni Josen kung talagang napaniwala ito o sadyang tamad lamang alamin kung anong mayro'n kay Marco. Inusisa niya ang bunso noong makaalis na sila nang tuluyan sa hardin.

"Marco, may problema ba?" Binilisan niya ang paghakbang upang maabutan ito. "Magsabi ka kay Aya. Makikinig ako."

Mabilis na lumingon si Marco. "Aya, kilala mo ba kung sino ang papalit sa 'tin oras na magbakasyon tayo?"

Napasimangot si Josen. Nawala iyon sa isip niya noong marinig ang salitang 'magpakasal'. Kahit salita lamang iyon, binabago noon ang takbo ng buhay sa hinaharap ng isang lalaki. Puwedeng masama o mabuti.

"Bakit?"

Ngumisi si Marco at humalukipkip. "Isang tao ang hahawak ng trabaho nating tatlo sa loob ng tatlong buwan."

Kinilabutan si Josen dahil doon. "Huh, kakaiba nga iyon. Baka isang mahikero?"

Nag-iwas ng tingin si Marco. "Hindi mo rin alam," bulong nito.

"May ideya ka?" tanong niya, "Sino?"

Nalukot ang mukha ni Marco. "Wala, Aya. Nagtataka lang ako. Iyon lang."

Nagpatiuna ito at hindi siya nilingon noong maglakad ito paalis ng mansyon. Naiwan si Josen na nakatitig sa papalayo nitong katawan. Mukhang may itinatago si Marco ngunit hindi siya sigurado.

Maging siya ay hindi na kilala ang mga kapatid.

Naging malapit sila noong pagkabata. Sabay na nag-aral sa isang eskwelahan, at sabay na lumaki. Kahit sa pagtulog ay sa iisang silid lamang sila inilalagay noon! Nang tumuntong sila sa hustong edad na bente uno, pumihit sa hindi makitang bilis ang takbo ng kanilang relasyon.

Itinapon sa kanila ang kaniya-kaniyang responsibilidad. Sa loob ng mahabang panahon ay mga gawaing magpapabuti sa De Leon Jia ang kanilang inisip. Umabot sa puntong tuwing annual ball na lamang ng De Leon Jia sila nagkikita—madalas ay nag-aaway-away pa o hindi kaya busy sa trabaho.

Ngayon lamang sila naging libre. Sa paraan pang kahit isa sa kanila ay hindi gusto.

Pinaghirapan nilang palaguin ang pamilya De Leon sa maraming aspeto subalit kapalit ng paglagong iyon ay paglayo rin ng agwat nila sa isa't isa. Pamilya kapalit ng karangalan. Bilang panganay ay ayaw niya sa ganito.

Maagang naulila sa ina silang tatlong magkapatid pero lumaki silang tila naroon pa rin ito dahil sa kwento, mga litrato at recipe na iniwan nito sa kanila. Hindi naabutan ni Josen ang ina ngunit alam niyang napakaganda at napakabuti nito. Naging masaya ito sa piling ng kaniyang Aman kahit saglit lamang.

Gusto ni Josen na magkaroon ng ganoon. Isang pamilya na bubuuin niya katabi ang isang babaeng siya mismo ang nakatuklas nang hindi iniutos ng kaniyang Aman. Hangad niya iyong natural na kuwento ng pagmamahalan. Hindi itong tila inareglong kasalan.

Walang taong makikilala ang isa't isa sa loob lamang ng tatlong buwan! Kahit si Matteo na pitong taon nang kasintahan si Steff Genio ay hindi nito naisipang pakasalan—ngayon lamang na napipilitan ito.

Kahit anong gawin niya, hindi niya magawang aluin ang sarili at masabing ayos lang ang lahat ng ito. Alam niya mula sa kaniyang mga buto na mali ang ganito. Subalit huli na para ilabas ang boses ng isang anak na buong buhay ay nagtatago sa balat ng isang masunuring tao. Sa sobrang pag-oo, nakalimutan na niya kung paano ang humindi.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status