Share

KABANATA 5

MIRANDA

Hindi alam ni Miranda kung saan siya nagkamali. Kung saan nag-umpisa iyon at kung paano niya iyon sana naiwasan. Siguro doon sa parteng binago niya ang unang plano at dumaan sa kaliwang bahagi ng mansyon—mas marami ang bantay ng orihinal niyang daan, wala siyang pagpipilian kundi ang libre at mas madali.

Nakalimutan niyang wala nga palang madali sa mundong ito. Kaunti man ang bantay, marami naman ang camera sa puwestong iyon. Huli na noong napansin niyang nakuha siya sa akto. Nasa ikalawang palapag na siya at binabagtas ang daan papunta sa pinakagitnang bahagi ng De Leon Jia. Ang opisina ni Josen De Leon.

Noong maisip niyang kakaunti na lang ang kaniyang oras, nagdesisyon siyang isabahala na ang ginto, alahas at pera—mas mahal sa panahong ito ang mga impormasyon. Kung sino-sino ang koneksyon ng De Leon Jia, sino ang kanilang supplier ng mga orig na armas, at sino ang sumusuporta sa kanila. Mahal pa sa isang kilong ginto ang balitang maibebenta niya sa kalabang pamilya ng mga De Leon.

Isa iyong magandang ideya sa teorya.

Iyon nga lang ay masiyado niyang minaliit ang kakayahan ng panganay na anak ni Don Franco De Leon. Mabilis ito, at napakarahas.

Nais matawa ni Miranda habang iniisip na una pa lamang ay wala na talaga siyang tiyansa upang makatakas mula rito.

Si David.

Si David. Nakaramdam ng dismaya at takot si Miranda. Sa oras na malaman ng kaniyang Maman ang nangyari ay hindi lamang siya ang mananagot kundi pati ang kaniyang pinsan. Imbes na puri ay mura ang makukuha niya sa mga magulang. Sigurado iyon.

Pumalpak siya. This time, it's too big to hide it.

Bumukas ang mabigat na pintuan ng maliit na silid. Nahigit ni Miranda ang paghinga. Tinitigan niya ang mapusyaw na ilaw sa gitna ng silid at halos mapangiwi dahil sa sakit ng kaniyang tuhod. Napalakas ang hampas ng lalaking humuli sa kaniya. Hiling ni Miranda ay mahulog sana ang matandang iyon sa ilog!

"Sino ang backer mo?" tanong ng iritadong boses ni Josen De Leon.

Alam ni Miranda ang background ng lalaki, o kahit kaunti rito ay may ideya siya. Ito ang larawan ng isang masunuring anak subalit may pagkamarahas, samantalang si Matteo ay elegante, maparaan at si Marco ang mainitin ang ulo at tahimik madalas.

Parehong masisipag ang magkakapatid. Hindi singlinis gaya ng lahat at may kaniya-kaniyang iniindang mga kakaibang ugali. Kung anu-ano ang mga iyon ay hindi na niya inalam pa kay Shanelle. Masiyado itong eksaherada kung magpaliwanag. Hindi siya makapaniwala kaysa sa ibang sinabi nito.

Sana pala ay nakinig siya.

"Walang halaga ang pananahimik." Hinila ng lalaki ang isang marupok na silya at kinaladkad papunta sa kaniyang harapan. Umupo roon si Josen. Maingay na bumalot sa silid ang tunog ng pag-igik ng upuan dahil sa bigat. "Mabubuhay ka depende sa halaga ng nalalaman mo. Alam mo na siguro `yon, Ginoo."

Mas lalong ibinaba ni Miranda ang ulo, pinipigilan ang pagsilay ng isang nanghihimok na ngisi sa kaniyang mukha. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nito alam ang kaniyang kasarian. Naghintay siyang magsalita muli ang lalaki. Ngayon ay pakikinggan niya na lamang ang lahat ng sasabihin nito. Walang halaga ang kaniyang nalalaman, katumbas noon ay kamatayan. Hindi natutuwa si Miranda sa pangyayaring ito.

Si Karlos ang nagturo sa kaniya ng pagnanakaw. Gawain nila ito noong mga bata pa sila. Kung kailan masiyadong busy ang kanilang mga magulang at hindi sila nahuhuli. Itinuring iyong talento ni Miranda, kahit pa si Karlo ay matagal ng tumigil dito. Nilinang niya nang nilinang ang sarili hanggang sa maging ganito ang kaniyang wakas.

"Sino ka?"

Pumikit si Miranda. Nabura sa wakas ang kaniyang ngisi. Napalitan iyon ng panginginig. Hindi niya mapigilan ang malakas na pagtambol sa kaniyang dibdib pati na rin ang pamamawis ng kaniyang buong katawan.

Minsan na siyang nahuli, dati pa. Subalit ito ang unang beses na nangyaring maaring buhay niya ang maging kapalit ng ginawang kasalanan.

Gusto niyang magsisi subalit pinalaki siya ayon sa batas ng mga Isle. Ang hukay na ikaw mismo ang gumawa, ikaw rin mismo ang siyang hihiga.

Naglabas ng isang bungisngis ang lalaki sa kaniyang harapan. Mas lalo lamang siyang kinabahan dito. May kung anong nakakailang sa pagtawang iyon.

"Kapag sinabi mo ang lahat ng `yong nalalaman, posibleng patawarin ka ng De Leon Jia," alok nito, "nakita ko ang security footage—magaling ka."

Bumungisngis itong muli. Ngayon ay mayroong halong inis, bumulong ito sa mababang tinig, "Masiyadong magaling."

Tumigil si Miranda sa paghinga ng iilang segundo bago kunwari ay umiling. 'Damn.' Napakaganda ng boses ng lalaking ito. Malas lamang at ito ang papaslang sa kaniya.

Hindi pa niya nakikita ang mukha nito sa personal ngunit nakita na niya ito sa magasin. May kwadrado itong mukha, mapagmataas na ilong at makakapal na kilay. Bumagay sa malaking bulto nito ang morenong balat. Mataas sa tangkad na 6'3 at imakulado sa kahit anong suot na damit.

Josen De Leon is a fine man. Sa ibang buhay ay baka magustuhan ito ni Miranda—gusto niya iyong kaya siyang ipagtanggol—pero alam niyang aayaw ang lalaki sa kaniya. Hindi siya tipo nito.

"Ang De Leon Jia ay tinatag ilang siglo na ang nakakaraan."

Iniangat nang bahagya ni Miranda ang tingin. Napakurap noong makita ang kaswal na hitsura ng lalaki habang nasa kisame ang tingin at nagsasalita. Nakapatong ang isa nitong paa sa kaliwa, nakatukod ang dalawang siko sa mesang nasa likuran. Ngumiti ito. Mabilis na ibinaba ni Miranda ang mga mata noong lingunin siya nito saglit.

"Maraming henerasyon ang nais bigyan ng puri ang apilyidong iyon pero itong amin lang ng ni Aman ang totoong nagwagi." Huminga ito nang malalim. "Alam mo kung bakit?"

Umiling muli si Miranda. Humalakhak ito kaunti bago nagpatuloy.

"Isinakripisyo ni Aman na pabayaan si Doña Isabelle De Leon na mag-isa sa mansyon kasama ang hindi mapagkakatiwalaang mga bantay upang puntahan ang plantasyon naming sinasalakay ng kabilang Jia. Naroon kami ng dalawa kong kapatid upang magbakasyon kasama ang aming mga Alo at Apo. Hindi inaasahang lulusubin kami nang harap-harapan."

Napamulagat si Miranda noong maintindihan ang nais nitong sabihin.

"Namatay si Doña Isabelle sa kamay ng pinagkakatiwalaang consigliere ni Aman. Naisalba ang plantasyon pero nawalan kami ng ina. Ang taunang kasiyahang ito ay hindi upang magpakita ng yaman kundi pag-alaala kay Maman. Isang taunang paghingi ng tawad dahil sa pagpapabayang maiiwasan sana kung hindi madaling nagtiwala si Aman. Ngunit kung mauulit man ang pangyayaring iyon, ganoon pa rin ang pipiliin ni Aman. Marami na ang nakakaalam nito subalit uulitin ko." Huminto saglit si Josen. "Malakas ang De Leon Jia hindi dahil magaling ang mga namamahala rito."

Magaling sila dahil hindi sila nagdadalawang-isip na isakpripisyo ang isa para sa mas marami at kapaki-pakinabang. Kinilabutan si Miranda. Sa kanilang pamilya ay hindi ganito. Sa kanila, ayos lang na masunog ang ari-arian huwag lang mawalan ng isang miyembro. Iyon ay hindi dahil mahal nila ang isa't isa kundi, ang maliit na yamang mawawala ay mabilis na mapapalitan ng taong kapalit ng kayamanang iyon oras na makaligtas ito. Ang bawat miyembro ng Isle Jia ay may iba't ibang kakayahan na kapaki-pakinabang talaga. Dati, isang suntok kay karlo ay dalawampu ang ganti ng kanilang pamilya. Noon wala pang batas ang council laban sa harap-harapang patayan ng mga Jia. Ngayon marami na.

"Naisip kong personal na parusahan ka ngunit nakita kong masyado kang mayumi para sa isang magnanakaw." Humalakhak si Josen. "Kung nagyabang ka, baka kanina pa kita binalian."

Nakaramdam ng pagkahilo si Miranda. Buong araw siyang hindi kumain para paghandaan ang kaniyang plano. Ngayon ay rumeresulta na ang kaniyang kapabayaan. Mabagal niyang iniangat ang sarili mula sa pagkakaluhod. Isang malakas na tao si Josen, hindi niya ito makukuha sa santong suntukan. Kailangan niyang ipakita ang kaniyang halaga, gaya ng sabi nito, upang makaligtas.

Siya ang tagapagmana ng Isle Jia. Kailangan siyang tubusin sa kahit anong halaga ng kaniyang pamilya.

"Mukhang nasayang ang gabi mo, Mister Josen," panimula niya sa mababa't pagod na boses. Kailangan niyang ipakita na siya'y walang kagustuhang lumaban. "Imbes na kasama mo ang iyong binibining pinili ay nandito ka para samahan itong pangahas na babae."

Pinilit ni Miranda na iusal ang tradisyunal na pananalita na kanilang kinaugalian kahit pa taliwas doon ang kaniyang nararamdaman. Hindi siya pangahas! Siya ay medyo tanga lamang!

Ramdam ni Miranda ang gulat ni Josen. Nanigas ang buo nitong katawan. Ang mga mata ay mas tumalim habang tinititigan siya sa isang mapan-insultong titig.

Bahagyang nag-angat ang kilay ni Miranda. Ang maikli niyang peluka ay nagbibigay sa kaniya ng isang mas nakakaasar na ekspresyon. "Ako ang nag-iisang anak ni Doña Agatha at Don Hernan, ang inyong lingkod, Miranda mula sa mataas na pamilya ng Isle Jia," kaniyang pagpapakilala sa mas matigas at klarong tinig.

Hindi niya nagustuhan ang sunod na sinabi ng lalaki. "Mataas? Binibini, matagal ng bumaba ang Isle Jia."

Bumukas ang bibig ni Miranda ngunit mabilis na nagsalita ang lalaki. "Hindi ikaw si Miranda Isle—si Miranda, `yong totoong anak ni Doña Agatha, ay kasama ngayon ng kapatid kong si Matteo. Siya ang napili ng kapatid kong pakasalan."

Bumagsak ang sikmura ni Miranda. Nanghihina siyang bumagsak sa sahig, hindi makapaniwala. Hindi. Ginawa niyang simple, mabilis at hindi nakakatawag pansin ang kaniyang pag-aayos kay David. Sa huli ay inamin nito na alam niya ang plano ni Miranda. Kaya naman hindi na nakonsensya si Miranda sa paghiram ng amerikana nito't sapatos.

"Oh, hindi... may sayad ba ang kapatid mo?! Hindi ba niya makita ang kaibahan ng isang totoong babae at hindi? Oh, David..." Sinapo niya ang bibig at paulit-ulit na tinawag ang pangalan ni David. 'Oh, hindi!'

"Ngayong alam mo na ang totoo, aminin mo kung sino ka. Para naman malaman ng pamilya mo kung saan ka pupulutin oras na matapos ang pagpapahirap sa `yo, binibini," atas ni Josen sa nagmamatigas na tinig. 

Namimilog ang mga matang binalingan ito ni Miranda. "Imposibleng mangyari `yong kasal nila!" sigaw niya.

"Anong imposible?" singhal ni Josen, "Papunta na sila sa isla ngayon mismo! Itigil mo na itong pagpapanggap!"

Umiling si Miranda. "Hindi si Miranda ang kasama ng kapatid mo ngayon," pagpapaliwanag niya, "ang pakakasalan niya ay si David Isle!"

"David? Iyong pinsan ni Miranda... kung nagsisinungaling ka, dapat alam mo ang kaparusahan ng pagsisinungaling."

Nakumpirma ni Miranda ang hinuha niyang baka ipina-background check nito ang Isle Jia. Hindi niya iyon inintindi at patuloy na tinitigan ang lalaki. "Nagpalit kami noong makapasok na kami dito sa mansyon. Pinsan ko ang kasama ng kapatid mo. Si David. Magnanakaw ako ngunit hindi sinungaling, Josen De Leon."

Bumagsak ang panga ni Josen. "Hindi ako naniniwala sa 'yo sa panghuling 'yon." Kumurap ng ito ng ilang beses bago isinigaw. "David... pero lalaki iyong pinsan mo!"

Sunud-sunod ang ginawang pagtango ni Miranda. Noong makita ang desperasyon sa mga mata ni Josen at dismaya, nakaramdam ng kaunting pagwawagi si Miranda. 'Mahindik ka hangga't gusto mo, Josen! Subalit ito ang totoo!"

Ibig sabihin lamang nito ay mabubuhay pa siya nang mas matagal. Masaya man kaunti, may pagkabahala pa rin sa dibdib ni Miranda na hindi mawala kahit saglit. Napagbigyan man siya ngayon ngunit hindi ibig sabihin noon ay ganoon din ang kaniyang pinsan. David is another person. Hindi rin nito alam nang buo ang posibleng nangyayari sa kaniya ngayon. 

He should be out of this mess.

Mukhang isang maling desisyon ang dalhin ito upang makipaghalubilo sa iba. Maybe her mother was right. Tama rin siguro si Signor Fazil. Hindi dapat na ilabas si David. He's not ready for everything that may happen, oras na pormal itong tanggapin bilang miyembro ng Isle.

Hindi lang ito ang unang pagkakataon na mapapahamak ito. Marami pang susunod. Hindi gustong makita ni Miranda na nasasaktan ito. Pihadong ganoon din si Karlos ng pananaw. Karlos had always warned her to not let David out of her sight. Hindi puwedeng tapak-tapakan lang ito ng mga kapamilya nila, at hindi rin ito puwedeng mapahamak.

David is their chance at salvation. Ito nalang siguro ang aakyat ng langit at hihiling sa diyos na iligas sila.

Nariyan pa ang Aman ni Miranda pero nawalan na rin siya ng pag-asang bumalik ito sa pagiging simple at mabait.

Miranda's father fell into the quagmire of Agatha's family matters. Kahit hindi sila kasado, he still thrived to make life easier for her beloved woman. Kahit pa ang maging masama para lang dito.

Miranda hated and also loved him for that.

Baka maging gaya rin nito si David.

Sa oras na ito, baka ibinibitay na ni Matteo De Leon si David Isle.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status