Share

Chapter 5: Mahiwagang Damdamin

Hindi ko alam kung paano ako nakarating sa aking silid. Panaginip lang ba ang lahat?

Wala sa sariling dinama ko ang tapat ng aking dibdib gamit ang kanan kong palad.

Naroon pa rin ang kakaibang kabog ng aking puso na walang pagkakaiba sa nararamdaman ko kani-kanina lang habang naririnig ang boses na iyon.

Pero merong kakaiba at bagong damdamin akong nakapa sa aking sarili...

Parang may bahagi ng aking pagkatao ang gustong bumalik muli sa lugar na iyon.

Kusang tumuon ang aking paningin sa nakabukas na  bintanang nakaharap sa direksiyon ng kakahuyan.

Dahan-dahan akong tumayo mula sa higaang papag na aking kinauupuan at dumungaw roon.

Mula rito sa aking silid ay isang simpleng kakahuyan lang naman ang natatanaw ko at wala akong napapansing espesyal dito.

Naroon ang kakaibang pakiramdam sa aking puso ngunit malabo ang alaala ko. Malinaw ang pakiramdam pero hindi ang totoong nangyari kanina.

Nayakap ko ang sarili nang umihip ang malamig na hangin at dumampi sa aking balat.

Hinaplos ko ang aking mga braso upang maibsan ang lamig ng hangin.

Nakakapagtakang ni hindi man lang nagawang uguyin ng hangin ang mga dahon ng halaman sa aking paligid pero kakaibang lamig ang bigay nito sa'kin na nagpapatayo pa sa mga balahibo ko sa braso.

Napalingon ako sa pintuan nang may marinig akong papalapit na yabag.

Biglang bumukas ang pinto ng aking silid at pumasok doon si Nanay.

"Narito ka na pala Diana, ba't sabi ni Elsa na nasa kakahuyan ka pa raw at hinahanap ang iyong panyong nilipad ng hangin?" tanong sa akin ni Nanay.

"Ah... Eh... Madali ko lamang po itong natagpuan kung kaya't agad din po akong naglakad pauwi rito, Nay," pagdadahilan ko sa kaniya.

"O siya, kumain ka na muna at malamang gutom ka na," ani pa niya sa akin.

Biglang kumalam ang sikmura ko nang marinig ang pagkain.

Hinintay ko munang makalabas ng silid ko si Nanay bago sumunod sa kaniya.

Nang nasa amba na ako ng pintuan ay parang may nag-udyok sa'king lingunin ang bintana kaya ginawa ko iyon.

Gano'n pa rin ang natatanaw ko mula rito, ang kakahuyan...

Nahigit ko ang aking hininga nang may naaninag akong gumalaw sa masukal na bahagi ng kakahuyan.

Kumabog nang malakas ang puso ko habang hinihintay na muling mahagip ng paningin ko ang paggalaw na iyon.

Abot-abot ang kaba ko habang pigil-hiningang nag-aabang pero di na ulit nangyari iyon.

Napakurap-kurap ako dahil imposibleng guni-guni ko lamang iyon.

"Diana!" tawag sa'kin ni Nanay na nagpabalik sa akin sa kasalukuyan.

"Andiyan na po, Nay!" mabilis kong sagot at dali-dali nang sumunod dito palabas ng aking silid.

"Siguro, pinaglalaruan lamang ako ng aking imahinasyon. Kailangan ko na yatang kumain talaga dahil kakaiba ang dulot sa'kin nang nalipasan ng gutom," ani ko sa aking isipan.

********

Dalawang araw na simula noong huling tapak ko sa loob ng kakahuyan.

Dala-dala ko pa rin ang mga katanungan tungkol sa pangyayaring iyon na di mabigyan ng malinaw na paliwanag.

Sa loob ng mga nagdaang araw ay ilang ulit kong natagpuan ang sarili na tinatanaw ang kakahuyan.

Pinipigilan ko ang kuryosidad na nag-uudyok sa'kin tuwina na muling tumapak sa lugar na iyon upang alamin kung gaano katotoo ang karananasan kong parang isang panaginip lamang na hindi naman.

Pero mukhang nakatakda sa araw na ito ang muli kong pagtapak sa kakahuyan.

Anibersaryo ngayon nina Nanay at Tatay at matagal ko nang binabalak na ipasyal sila sa araw na ito doon sa espesyal na lugar na bahagi ng kakahuyang nagbibigay sa'kin ng kahiwagaan.

Kaya naman maaga akong gumising upang magluto ng aming kakainin sa loob ng kakahuyan.

Dahan-dahan ang aking pagkilos upang hindi ko sila magising.

Nilalagay ko na ang mga pagkain sa loob ng basket nang lumabas naman buhat sa silid si Tatay.

"O Diana, anak ba't ang aga mo 'ata ngayon nagising?" tanong niya sa akin.

"Tay, 'di po ba anibersaryo ng kasal ninyo ngayon ni Nanay?" balik tanong ko naman sa kaniya.

Tumingin ito sa maliit na kalendaryong nakasabit sa pader ng aming munting kubo.

"Naku, nakalimutan ko na sa sobrang dami ng aking ginagawa," kumakamot sa ulong tugon ni Tatay.

"Ano na naman ang nakalimutan mo Dante? Matanda ka na ngang talaga at makakalimutin na," naiiling na saad naman ni Nanay buhat sa may pintuan ng kanilang silid.

Natawa naman ako sa kanilang dalawa.

"Nay! Tay! May sorpresa po ako sa inyong dalawa," nakangiting sambit ko sa kanila.

Lumingon sila sa akin at nagtatanong ang kanilang mga mata.

"Magbihis po muna tayo at nang makaalis na rin. Isuot niyo po ang pinakamaganda ninyong damit pang-alis ha," wika ko pa sa kanila.

"Pero..." Naputol ang anumang sasabihin ni Tatay nang paluin siya ni Nanay sa kaniyang braso.

"Pagbigyan mo na ang anak natin, Dante. Mabuti pa nga siya ay naalala niya ang araw ng kasal natin," naluluhang wika ni Nanay kay Tatay.

"O siya, hala! Tara nang magsipagkilos nang makaalis na. Masyado na ring mainit kung tanghali na tayo aalis," turan naman ni Tatay.

Pagpasok ko ng aking silid ay aksidenteng nahagip ng mga mata ko ang palumpon ng mga bulaklak sa isang tabi.

Sa araw-araw na pagsulpot ng mga bulaklak na iyon ay itinigil ko na rin ang katatanong kung kanino iyon galing.

Nasasanay na akong laging nakatatanggap niyon kaya ang ginagawa ko na lamang ay iniipon ko ang mga ito sa loob ng aking aparador.

Iyong ilan sa mga ito ay nangalanta na at iyong mga medyo bago pa ay presko pa ring tingnan.

Kasama na sa araw-araw kong inaabangan ay ang bulaklak na ipinapadala sa akin ng kung sino. Habang tinitingnan ang mga bulaklak ay kakaibang kapayapaan ang nadarama ko sa aking loob kung kaya naman di ko na kinukwestiyon ang pinanggalingan ng mga ito.

Napangiti ako at dinala ang mga bulaklak sa aking ilong upang ito ay samyuin.

"Kaybabango at kaygaganda ninyong tunay!" naaliw kong wika.

Pumikit ako at ninamnam muli ang bango ng mga bulaklak.

"Tama, aayusin ko kayo upang ibigay kina Nanay at Tatay!" masayang anas ko sa aking sarili.

Inilatag ko ang mga bulaklak sa higaang papag at masayang tinanggalan iyon ng mga namamatay ng talutot.

Pinagsama-sama kong inilapag sa isang bahagi ng papag ang mga iyon.

Nang matapos ako sa pagsasaayos ng mga bulaklak na aking ibibigay kina Nanay at Tatay ay agad kong itinabi muna ang mga iyon sa isang banda ng higaang papag.

Hinawakan ko ang mga patay na talutot ng mga bulaklak upang itapon sana ang mga iyon.

Ngunit sa aking pagkagulat ay muling bumalik ang makulay na buhay ng mga patay na talutot ng bulaklak.

Nanlaki ang mga mata ko sa aking nasaksihan.

"Paanong nangyari na muling nabuhay ang inyong mga kulay?" manghang bulalas ko sa mga bulaklak.

Pinagmasdan kong maigi ang mga talutot at pilit inapuhap sa aking isipan ang dahilan kung pa'no iyon nangyari.

"Diana! Akala ko ba aalis tayo?" Tawag tanong ni Nanay sa akin habang kumakatok ito sa may pinto ng aking silid.

"Nariyan na po, Nay!" sagot ko naman sa kaniya.

Itinabi ko muna ang mga talutot sa loob ng aking aparador at mabilis ang kilos kong naligo.

Nagsuot lang ako ng medyo lumang skinny jeans ko na tinernuhan ko na lang cotton blouse.

Pagkatapos kong isuot ang lumang rubber shoes ay kinuha ko na ang mga bulaklak na aking inayos at lumabas na ng aking silid.

"Happy Anniversary Nay, Tay!" Masayang bati ko sa kanilang dalawa at humalik sa kanilang pisngi.

Maluha-luhang yumakap sa akin si Nanay at medyo emosyonal ito nang magsalita.

"Salamat, Diana! Salamat at dumating ka sa buhay namin." At humagulgol ito ng iyak.

"Nay!" usal ko at agad na niyakap ito.

"Tama ang Nanay mo Diana. Salamat at dumating ka sa buhay namin," emosyonal ding saad ni Tatay sa'kin.

"Tay!" bulalas ko naman dito at nilapitan upang ito'y aking yakapin.

Sinenyasan ko si Nanay na lumapit kaya't pareho ko silang niyakap.

"O siya, tama na ngang drama 'yan at baka hindi na tayo makaalis pa," anas naman ni Tatay.

Agad na kaming naghanda sa pag-alis.

Nilakad lang namin ang papunta sa loob ng kakahuyan.

Binaybay namin ang loob ng kakahuyan patungo sa mismong kasukalan niyon.

"Diana, sigurado ka bang dito ang punta natin?" tanong ni Tatay sa'kin.

"Opo, Tay!" tugon ko naman sa kaniya.

"Sa ibang lugar na lang siguro tayo pumunta, Diana," saad naman ni Nanay sa'kin.

Nahimigan ko ang takot sa kaniyang boses na tila baga anumang sandali ay may kung anong pwedeng mangyari.

"Nay..." Bumuntong hininga muna ako bago muling nagsalita.

"Kung tungkol na naman po sa Engkanto 'yang ikinatatakot mo, hindi po totoo 'yan. Kaya wala po kayong dapat na ikabahala," mahabang salaysay ko sa kaniya.

"Oo nga naman Mahal, 'wag ka na masyadong mag-alala pa at narito naman kami ni Diana," turan naman ni Tatay.

Nagpatuloy na kami sa aming paglalakad hanggang sa mapasok na namin ang mismong kasukalan ng kakahuyan.

Pare-pareho kaming namangha nang makita namin ang isang talon na napapalibutan ng iba't-ibang uri ng makukulay na mga bulaklak.

"Ang ganda, Anak!" manghang bulalas ni Nanay.

"Oo nga, Anak. Mayroon palang magandang talon dito sa loob ng kasukalan?" manghang tanong din sa'kin ni Tatay.

Wala sa sariling napatango ako sa kanila.

Alam kong may magandang tanawin dito sa loob ng kakahuyan.

Ngunit hindi ko alam na higit pa pala roon ang ganda na aking inaasahan.

"Ito ba ang sinasabi mong sorpresa mo sa amin, Anak?" masayang tanong ni Nanay sa'kin.

"Napakaganda, Diana at labis mo talaga kaming pinasaya," turan naman ni Tatay.

Puro tango lamang ang siyang tanging nagawa ko.

Parang nakita ko na ang lugar ngunit 'di ko lamang mawari kung saan.

Inilinga ko sa paligid ang mga mata at humanap ng maaari naming maupuan.

Nakita ko ang malaking punongkahoy na tila baga ako'y tinatawag niyon.

"Nay! Tay! Doon po muna ako at aayusin ko lang po ang mga dala nating pagkain." Paalam ko sa kanila.

"Sige, Anak! Susunod kami sa'yo roon," sagot naman ni Tatay sa'kin na abala sa pagtampisaw ng kaniyang mga paa sa tubig na nagmumula sa talon.

Humakbang ako papunta sa malaking punongkahoy at doon ay sinimulan kong maglatag ng banig saka ipinatong ang basket na aking dala-dala.

"Ang ganda talaga ng Prinsesa!" rinig kong wika ng isang maliit na boses mula sa kung saan.

Parang pamilyar sa'kin ang boses kaya't luminga ako sa paligid upang hanapin ang nagsalitang iyon.

Pero wala akong nakita kahit isang anino ng tao.

Hindi ako mapakali at parang may kung sinong tao ang nakatingin sa akin.

Muli kong nilinga ang aking mga mata sa paligid ngunit wala akong nakita.

"Guni-guni ko lamang iyon!" ani ko sa aking isipan.

Inayos kong muli ang mga pagkain at tuluyan nang tinawag sina Nanay at Tatay.

Agad naman silang lumapit sa'kin at inaya na silang kumain.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Bhie Rambonanza In
lagi tlgang nakabantay c Nicolo sayo Diana
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status