Share

Chapter 6: Nicolo

Pinanood ko sina Nanay at Tatay na kasalukuyang naglalambingan habang nakaupo sa inilatag kong banig.

"Sana kagaya nila ay matagpuan ko rin ang lalaking magpapasaya sa'kin," ani ko sa isipan.

Biglang umihip ang malamig na simoy ng hangin at para bagang niyayakap ako niyon. May kung anong kakaibang pakiramdam akong naramdaman sa aking puso. Tila baga may mga matang nakatitig sa akin mula sa likurang bahagi ng aking katawan.

Lumingon ako upang tingnan iyon ngunit wala akong nakitang ibang tao roon liban lamang sa mga maliliit na hayop na kasalukuyang naglalaro. 

'Di ko namalayang sinusundan ko na ang mga hayop sa kanilang paghahabulan patungo sa pinakamasukal na bahagi ng kakahuyan. 

Ito ang bahagi ng kakahuyan na ipinagbabawal nang pasukin dahil sa dami ng mga kumakalat na balitang may Engkantong nakatira roon. 

"Patutunayan kong hindi iyon totoo!" ani ko sa sarili.

Nagpatuloy ako sa pagsunod sa mga hayop na patuloy lamang sa kanilang paghahabulan. Kaysaya nilang pagmasdan at tila pati ako ay natutuwang makipaghabulan din sa kanila.

Sa umpisa ay mabagal lamang ang kanilang mga takbo ngunit habang nagtatagal ay pabilis na nang pabilis ang mga 'to.

"Sandali!" Tawag ko sa mga maliit na hayop na 'di ko malaman kung isa bang kuneho o squirrel dahil kakaiba ang kanilang mga anyo.

Napahinto ako sa paglalakad dahil tuluyan nang nawala sa aking mga paningin ang mga hayop na aking sinundan. Nakarinig ako nang langitngit ng mga tuyong dahon na inaapakan mula sa lupa. Luminga ako sa paligid upang sinuhin ang sinumang darating.

Wala akong nakita sa paligid kundi tanging mga punongkahoy at halaman lamang na pawang mga nakayukod sa'kin.

Ikinurap-kurap ko pa muna ang mga paningin at baka ako'y niloloko lamang ng malikot kong imahinasyon. Salit kong ipinikit ang mga mata at sa aking pagdilat ay nasilayan kong muli ang pinakagwapong nilalang na 'di kailanman nawaglit sa aking isipan. Mula ng masilayan ko ito rito sa kakahuyan ay lagi ko na lamang hiling na sana'y magkita kaming muli. 

"Ikaw, ang binatang nakita ko rito minsang papasok ako sa paaralan," paanas kong saad sa kaniya.

Ngumiti siya sa akin dahilan para  maglululundag ang puso ko. 

"Diana mi querida princesa!" wika niya sa akin na 'di ko naman maintindihan dahil sa kakaibang lenggwahe na ginamit nito.

"Diana, mahal kong prinsesa!" pag-uulit niya sa kaniyang sinabi.

"Prinsesa?" manghang tanong ko sa kaniya.

"Nakalimutan mo na ba ako, Mahal kong Prinsesa?" balik tanong niya sa akin at umiling-iling pa ako bilang tugon sa kaniya.

Kaylambing ng kaniyang boses. Buong-buo pero 'di nakakatakot pakinggan bagkus ay parang gusto ko pa ngang paulit-ulit iyong pakikinggan.

Napatitig ito sa akin at wari baga'y malalim itong nag-iisip kasabay nang kaniyang matiim na pagsusuri sa akin.

"Ako ang iyong kalaro rito sa kakahuyan, ilang taon ng nakakaraan," ani niya sa akin.

Pinilit kong alalahanin sa aking isipan ang mga sinasabi nito.

"Ikaw si..." Naputol ang anumang sasabihin ko nang lumapit ito sa akin.

"Ako si Nicolo! Ang batang kalaro mo noon dito sa kakahuyan," malambing niyang saad.

"Nicolo!" masayang sambit ko.

Agad kong niyakap ito nang mahigpit at may kung anong kakaibang damdamin akong naramdaman para sa kaniya. Damdaming hindi ko rin mapangalanan o dahil sadyang masaya lamang ako sa muli naming pagkikita ng kaibigan kong kaytagal na nawala.

"Hinanap kita noon pero hindi ka na nagpakita pa," humihikbi kong turan sa kaniya habang patuloy na nakayakap sa kaniyang dibdib.

Hindi ko maintindihan ang matinding emosyon na lumalabas mula sa aking katawan. Tanging alam ko lamang ay ayokong malayo sa kaniyang katawan sapagkat nakakaramdam ako roon ng kapayapaan.

Naramdaman ko ang pagganti niya sa aking yakap. "Sshh... Husto na aking Prinsesa!"

Hindi ko alam kung bakit natutuwa akong pakinggan ang salitang Prinsesa lalo pa at nanggagaling iyon mismo sa kaniyang bibig. 

"Hindi ako Prinsesa noh!" Kumalas ako sa kaniyang pagkakayakap.

"Isa lamang iyong laro sa atin noon," nakaingos kong sabi sa kaniya.

Natawa naman siya sa akin at muling hinila ako pabalik sa kaniyang katawan. Muli niya akong niyakap nang mahigpit.

Parang kaytagal ko nang naramdaman ang ganoong klase ng yakap kung kaya't naramdaman ko ang kakaibang damdamin na gustong kumawala mula sa aking kalooban. 

"Mananatili kang Prinsesa ko!" usal niya sa aking tainga.

Parang may mga paru-parong nagliparan sa aking sikmura at pawang mgamusika lamang ang aking naririnig nang mga sandaling iyon. Musikang hindi ko alam kung ano ang titulo o kung anong klase iyon basta't nagbibigay ligaya sa akin.

Ipinikit ko ang aking mga mata at may kung anong init akong naramdaman sa aming mga katawan. Init na hindi man lang ako nadadarang o napapaso bagkus ay pinalalamig pa ang aking pakiramdam.

Pagdilat sa aking mga mata ay nakita kong napakaliwanag ng aming paligid. Liwanag na parang isang sikat ng araw kung saan, walang sinuman ang maaaring tumitig doon. Ngunit kabaligtaran naman ng siyang aking ginagawa ngayon.

Narinig ko ang mga yabag na papalapit sa kinaroroonan naming dalawa ni Nicolo.

"Kailangan ko nang lumisan Mahal kong Prinsesa," nagmamadaling wika niya sa akin.

"Magkikita pa ba tayo?" malungkot kong tanong sa kaniya.

"Anumang oras na iyong naisin ay muli mo akong makikita kahit pa nga sa iyong panaginip, tiyak na ako'y darating!" sambit niya sa akin.

Itinaas niya ang aking mukha at pinisil ang aking baba.

"H'wag kang malungkot sapagkat ako'y mananatili sa iyong tabi anumang sandali. Isipin mo lamang ako." Muli niya akong niyakap nang mahigpit.

"Paalam, Mahal kong Prinsesa!" Dahan-dahan siyang kumalas mula sa pagkakayakap sa akin.

Humakbang ito patalikod sa akin ngunit pinigilan ko siya sa kaniyang braso.

"Diana, nasaan ka na?!" Rinig kong sigaw ni Tatay sa aking pangalan.

"Diana, Anak, umuwi na tayo!" Nag-aalalang sigaw naman ni Nanay.

Lumingon ako sa lugar kung saan ko banda narinig ang tinig nina Tatay at Nanay.

"Nandito lang po ako!" Ganting sigaw ko naman sa kanila. 

Namangha ako ng sa aking paglingon ay wala na si Nicolo sa aking likuran. Hindi ko man lang naramdaman ang kaniyang pag-alis pero pakiwari ko'y hawak ko pa rin ang kaniyang braso.

"Saan nagpunta 'yon?" manghang tanong ko sa sarili.

"Narito ka lamang pala, Diana" kunway pagalit na sabi ni Tatay sa'kin.

"Ano bang ginagawa mo rito?" tanong naman ni Nanay.

"Sinundan ko po kasi ang mga hayop na nakita kong naghahabulan kaya po napadpad ako rito," kumakamot-kamot sa ulong tugon ko sa kanila.

"Ikaw talagang bata ka, hindi ka man lang nagpaalam sa amin. Pinag-alala mo pa tuloy sa'yo ang Nanay mo," naiiling na wika ni Tatay.

Yumakap ako sa kaniya, "Tay, alangan naman pong panoorin ko na lang ang matamis ninyong paglalambingan ni Nanay. Gusto niyo pa po 'ata akong inggitin sa lagay na 'yon."

"Ikaw talagang bata ka, dinadaan mo kami sa pagdadahilan mo," kunway galit na saway ni Nanay sa akin pero namumula naman ang kaniyang mga pisngi.

"Aysus, si Nanay, kunwari pang galit pero kinikilig din naman." Sabay pa kaming nagkatawanan ni Tatay.

"Tse! Magsipag-uwi na nga tayo!" asar na anas ni Nanay.

**********

Kanina pa ako nakahiga ngunit 'di naman ako dalawin ng antok. Parang may kung anong bumabagabag sa aking isipan.

Dahan-dahan akong tumayo mula sa pagkakahiga at maingat akong lumapit sa may bintana upang iyon ay buksan.

Idinungaw ko ang ulo at tinanaw mula sa bintana ang madilim na kakahuyan. May kung anong bahagi ng aking pagkatao ang gustong bumalik muli sa lugar na iyon.

Nagtatalo ang aking kalooban, gusto kong bumalik sa kakahuyan ngunit hindi naman maaari sapagkat masyado ng madilim kung ako'y pupunta pa roon. Maaari ko rin namang ipagpabukas ang pagtungo roon kung talagang gugustuhin.

Napabuntonghininga na lamang ako sa naisip at 'gaya nang nakagawian kong gawin kapag ako'y nalulungkot ay hinawakan ko ang kwintas sa aking leeg. 

Naramdaman ko ang kapayapaan na dala ng pamilyar na yakap sa akin ng hangin na parang minsan ko nang naramdaman sa tao ngunit 'di ko lamang maalala kung sino.

Napayakap ako sa aking mga braso at ipinikit ang mga mata. Ninamnam ko ang bawat sandaling yakap ako ng hangin mula sa likurang bahagi ng aking katawan. Yakap na parang kagaya lamang ng yakap sa'kin ni Nicolo.

"Nicolo!" usal ko nang maisip ang binata.

Idinilat ko ang mga mata nang tuluyang maramdaman ang mga brasong nakayakap mula sa likurang bahagi ng aking katawan. Mabilis akong kumalas sa kung sinuman ang nakayakap sa'kin at ito'y aking hinarap.

"Nicolo..." Nakangiting lumapit ito sa akin at hinaplos ako sa aking pisngi.

"Sabi ko naman sa'yo na 'wag kang malulungkot dahil tiyak na ako'y darating sa oras na iyong ibigin." Patuloy lamang ito sa paghaplos sa aking pisngi.

Yumakap ako sa kaniya nang mahigpit at matagal kong ninamnam ang pagdaiti ng aking katawan sa kaniyang katawan. 

Walang pagsidlan ang nadarama kong kaligayahan ng mga sandaling ito. Kulang na nga lang ay 'wag ko na siyang paalisin pa at manatili na lamang siya rito sa aking tabi. Parang halos ayaw ko na siyang mawala pa sa aking tabi. 

"Dumito ka na lamang sa amin, Nicolo," Pakiusap ko pa sa kaniya.

"Hindi iyan maaari, Mahal kong Prinsesa," sagot naman niya sa akin at hinila ako papunta sa aking papag na higaan upang doon paupuin.

"Hindi tamang dito ako manirahan sapagkat ikaw ay isang babae at ako naman ay isang lalaki. Hindi magandang tingnan para sa mata ng mga mortal ang ganoong gawain." Masuyong hinaplos pa niya ang aking pisngi.

Napalabi naman ako sa kaniyang sinabi. Masyado kasing makaluma ang paniniwala ng mga taong nakatira rito sa baryo kung kaya naman halos namumuhay na rin sila sa mga paniniwala at pamahiing hindi ko alam kung nakakatulong nga bang talaga sa kanilang pag-usad o mas lalo lamang silang pinapabagal sa pag-unlad. 

Simple lang ang pamumuhay na aking kinalakhan dito sa baryo ngunit nasaksihan ko naman ang mga kakaibang ugaling unti-unting nagpapabago sa pananaw ng mga tao rito.

Karamihan sa mga tao rito'y naniniwala na lamang sa swerte at kinakailangang humanap ng isang dayuhan upang iyon ang mapangasawa ng isang kababaihan upang ito'y makaraos sa kahirapan. Pananaw na siyang kinaiinisan ko!

"Hindi ka marapat na magalit sa kanila Mahal kong Prinsesa sapagkat iyan na ang kanilang mga paniniwala sa buhay at hindi natin sakop ang bawat damdamin ng isa't isa." Hinawakan ni Nicolo ang akinng mga kamay.

"Pero hindi pa rin tamang iasa ang buhay sa mga paniniwala lamang," nakalabing tugon ko sa kaniya.

Itinaas niya ang aking mukha at nagtama ang aming mga paningin. 

"Kailangan nating sumunod sa batas na itinakda saan mang kaharian tayo naroon, Mahal kong Prinsesa." At masuyo niyang hinaplos ang aking pisngi.

"Bakit ba Prinsesa pa rin ang tawag mo sa akin? Hindi naman na tayo mga bata gaya noon para tawagin mo pa akong Prinsesa," litanya ko sa kaniya.

Hindi ko kasi maintindihan kung bakit patuloy niya pa rin akong tinatawag na prinsesa gayong matatanda naman na kami para sa makalumang laro namin noon.

"También lo entenderás en el momento adecuado, Querida Princesa." 

"Mauunawaan mo rin sa tamang panahon, Mahal na Prinsesa." Kahulugan ng sinabi ni Nicolo.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Bhie Rambonanza In
malalaman mo yan Diana sa takdang panahon
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status