Share

Chapter 8: Iisang Damdamin

          Nicolo (POV)

Magmula nang magkaharap kami ni Diana rito sa kasukalan ng kagubatan ay may kung anong engkantasyon ang bumalot sa aming dalawa. 

Nakita ko ang liwanag na lumabas mula sa kaniyang katawan nang haplusin niya ang aking pisngi. 

Liwanag na tanging mga mahaharlikang engkantada lamang ang mayroon at minsan ko na ring nasaksihan mula sa kaniya ng sanggol pa lamang siya.

Hindi ko batid kung nakita niya rin ang liwanag na 'yon. Pero, alam kong may kakaibang nangyari mula nang haplusin niya ang aking pisngi.

Nararamdaman ko ang kaniyang nadarama. Nakikita ko ang kaniyang mga panaginip. Naririnig ko ang kaniyang naririnig.

Hindi ko gustong makitang nalulumbay si Diana, dahil kahit ako ay nalulumbay rin. 

Ang bawat paghihirap ng kaniyang kalooban ay higit na paghihirap na aking nadarama. 

Gusto ko lang na lagi siyang masaya sapagkat pati ako ay sumasaya rin.

"Bakit kasi hindi mo pa sabihin sa Mahal na Prinsesa ang totoo?" tanong ng maliit na boses na nagmumula sa kaibigan kong ibon.

"Hindi maaaring ako ang magsabi niyon sa kaniya sapagkat kailangan niya iyong matuklasan ng kusa sa takdang panahon," tugon ko naman dito.

Unti-unti nang lumalabas ang kapangyarihan ni Diana dahil nalalapit na rin ang kaniyang ika-labing anim na kaarawan.

Tiyak ding lahat ng kapangyarihan nito ay sabay rin niyang sisibol.

Siya ang tagapagligtas ng buong Enchantria at siya lang din ang may kapangyarihang talunin si Vera.

"Nicolo!" Rinig kong tawag ni Diana sa akin mula sa kung saan.

"Nariyan na siya!" matinis na wika ng kaibigan kong ibon.

"Nicolo!" Naramdaman ko ang takot na nadarama ni Diana kung kaya't mabilis kong ipinitik sa ere ang aking mga daliri.

Niyakap ko ito mula sa likurang bahagi ng kaniyang katawan. Yakap na madalas kong gawin sa kaniya mula pa man noong ito'y sanggol pa lamang.

"Nicolo..." Rinig kong usal niya.

"Mi Querida Princesa!" bulong ko sa kaniya.

Nagulat ako nang hawakan niya ang mga braso kong nakayakap sa kaniya.

Pa'no niya nalaman na narito ako mismo sa kaniyang likuran?

Hindi na ba ako invisible sa kaniyang mga paningin?

Kumalas siya sa pagkakayakap ko at humarap sa akin.

"Nicolo..." paanas niyang sambit at hinaplos ang aking pisngi.

"Mahal kong Prinsesa!" turan ko naman sa kaniya. 

"Natatakot ako!" naluluha niyang wika sa'kin.

"H'wag kang matakot, Mahal kong Prinsesa. Nandito lang ako!" Kinabig ko siya palapit sa aking katawan at doo'y ikinulong sa aking mga bisig.

Paulit-ulit kong hinaplos ang kaniyang buhok upang kalamayin ang kaniyang kalooban.

Dahan-dahan ko siyang kinalas mula sa aking pagkakayakap at hinawakan ang kaniyang braso upang hilahin ito palakad.

Tinahak namin ang daan patungo sa kasukalang bahagi ng kakahuyan at dinala ko siya sa lugar kung saan naroon ang lagusan tungo sa mundo ng Enchantria. 

Isa lamang itong simpleng talon na napapalibutan ng mga magagandang bulaklak sa paningin ng bawat mortal. Ngunit sa aming mga Engkanto, ito ang nag-iisang lagusan palabas masok sa mundo ng Enchantria. 

Naabutan naming nagtatampisaw ang mga isda sa tubig at tuwang-tuwa si Diana na panoorin iyon.

Bumitiw ito sa pagkakahawak sa'kin at tumakbo palapit sa mga isdang kinatutuwaan niyang lapitan agad.

"H'wag kang tumakbo, Mahal na Prinsesa at baka ika'y madulas!" Sigaw ko sa kaniya ngunit nagpatuloy lamang ito sa pagtakbo dala ng labis na katuwaan sa mga isdang nagtatampisaw sa tubig.

Hindi nito napansin ang tubig sa kaniyang daraanan kung kaya't nadulas ito.

Mabilis ang ginawa kong pagpitik sa ere upang makarating agad sa kaniyang kinaroroonan bago tuluyang bumagsak sa sahig ang kaniyang katawan.

Hinapit ko siya sa kaniyang baywang dahilan para magkalapit ang aming mga katawan.

Tinitigan ko siya sa kaniyang mukha at napadako ang aking mga mata sa mapupula niyang mga labi. Para akong nahihipnotismong pinalalapit doon.

"Que dulce es el beso de tus labios, Mi Querida Princesa."

"Kaysarap halikan ng mapupula mong mga labi," sambit ko sa kaniya.

Dahan-dahang lumapit ang aking mukha sa kaniya at ginawaran ko siya ng halik sa kaniyang labi. 

Marahan lamang ang ginawa kong paghalik sa kaniya at puno ng pagmamahal.

Hindi niya alam kung pa'no tugunan ang aking halik sapagkat ito ang kaniyang unang beses na mahalikan.

Alam ko 'yon dahil ako ang kaniyang bantay at walang sinumang kalalakihan ang pinahintulutan kong makalapit sa kaniya.

Dapat lang sapagkat isa siyang Prinsesa at natatanging tagapagligtas ng Enchantria.

Sanggol pa lamang ito ay gusto ko na siya at mula noon ay handa kong ialay ang aking buhay para sa kaniya.

Matagal naming ninamnam ang labi ng isa't isa.

"Nicolo..." usal niya nang bitawan ko ang kaniyangan labi. 

"Bawat pagpikit ng aking mga mata ay naroon at naghihintay ang maganda mong mukha na parang tinutukso akong labagin ang batas na aking pinangalagaan. Batas na pangalagaan ka kapalit man ng aking buhay," hayag ko sa kaniya.

"Di mo man ramdam ay lagi akong nasa paligid, binabantayan ka mula sa anumang kapahamakan. Nitong huli ko napagtantong hindi ko na pala ito ginagawa dahil sa aking tungkulin lamang kundi ay dahil ito na ang dikta ng aking puso. Tinatanaw kita mula sa malayo at patuloy na minamahal nang patago pero ngayon ay gusto ko nang ilabas ang lahat ng mga kinikimkim ng aking puso. Mahal kita, Diana at patuloy na mamahalin kahit na di mo man suklian ang aking damdamin," patuloy ko pang hayag sa kaniya.

"Mahal din kita, Nicolo!" humihikbi niyang sambit sabay yakap nang mahigpit sa'kin.

"Diana..." Hinaplos ko ang kaniyang buhok at 'di ko inaasahan ang kaniyang katugon na damdamin.

Umihip ang hangin sa aming paligid at humuni ang mga ibon na tila umaawit. May kung anong engkantasyon ang muling bumalot sa'ming dalawa.

Kaysarap pakinggan na ako'y kaniya ring mahal. Nagawa niya na agad akong mahalin sa sandaling panahon. 

Pa'no kaya kung makita niya na ang totoo kong anyo, tatanggapin pa kaya niya ako?

Napatingin ako sa tubig at nasilayan roon ang malahalimaw kong anyo.

"Bakit ka malungkot?" tanong niya ang pumukaw sa aking pag-iisip.

Iglap kong nalimutan na nararamdaman nga pala niya ang nararamdaman ko.

Ngumiti ako sa kaniya, "Halika na sa talon. Panoorin natin ang mga nagtatampisaw na mga isda."

Tumango ito sa'kin at siya na mismo ang humila sa aking kamay palapit sa nagtatampisaw na mga isda.

Nag-aalangan akong lumapit sa tubig sapagkat maaari niyang masalamin doon ang malahalimaw kong anyo. 

Sinubukan kong kumalas sa kaniyang pagkakahawak ngunit 'di ako makakalas sa kaniyang mahigpit na pagkakahawak sa aming mga kamay. Kaya wala akong nagawa kundi samahan na lamang siyang tumampisaw sa may tubig.

Aandap-andap ang kalooban  ko at panay ang tingin sa tubig. Baka kasi makita ni Diana ang tunay kong anyo at tuluyan niya na akong layuan.

Nabigla ako sa tumilamsik na tubig sa aking mukha. Pag-angat ko ng paningin ay ang nakangiting mukha ni Diana ang aking nasilayan.

Nawala ang anumang agam-agam sa aking dibdib. Kay sayang pagmasdan ng ngiti niya sa labi at nakakahawa ang saya na kaniyang ipinapakita sa'kin.

Hindi niya nakikita ang tunay kong anyo rito sa mundo ng mga mortal. Iyan ang konklusyong nabuo sa aking isipan.

Kumuha ako ng kaunting tubig at isinaboy iyon sa kaniya. Tuwang-tuwa ito. Parang bumalik ito sa pagkabata kung saan masaya kaming naglalaro.

"Tama na, Nicolo! Basa na ako!" Humahagikhik niyang wika.

Lumapit ako sa kaniya at hinapit siya sa kaniyang baywang. Inangat ko siya mula sa tubig.

"Nicolo!" bulalas niya sa'kin.

"Ibaba mo ako at baka dumulas tayo!" Malakas niyang singhap.

"Kumapit ka sa aking leeg, Mahal na Prinsesa," paanas kong bulong sa kaniya.

Kumunyapit ito sa aking leeg dahilan para magkalapit muli ang aming mga mukha.

Naramdaman ko na sing bilis ng kidlat ang pagkudlit ng init sa aking kalooban sa pagkakalapit ng aming mga katawan.

"Nicolo!" usal niya sa'kin.

"Sana'y lagi na lamang tayong ganito," ani pa niya sa'kin.

"Kung kinakailangan kong magpakatao, gagawin ko para sa'yo, Mahal kong Prinsesa," usal ko sa kaniya na 'di naman niya mawawaan.

**********

Sa paglipas ng mga araw ay patuloy kaming nagkikita sa kasukalan ng kakahuyan. 

Patuloy pa rin akong pumupunta sa kaniyang silid sa tuwing ito'y tulog na sa gabi.

Dumarating agad ako sa kaniyang tabi sa oras na haplusin nito ang kwintas na suot niya sa kaniyang leeg.

Hindi ko alam kung bakit hindi man lang siya nagtatanong kung pa'no ko iyon nagagawa. Basta't ang alam ko lang ay masaya ito sa tuwing kasama ako dahil nararamdaman ko ang anumang nararamdaman niya.

Kung sa mundo ng Enchantria ay may mga batas na pinaiiral ganoon din dito sa mundo ng mga mortal.

Nasa mundo kami ng mga mortal kung kaya kinakailangang sumunod sa batas na kanilang sinusunod.

Nagkatawang tao ako upang pormal na maligawan si Diana sa kinikilala nitong mga magulang na sina Dante at Tina.

Hindi naman sila tumutol sa'kin kahit pa nga ang mga kapitbahay nila. 

Marahil ay dala na rin siguro ng engkantasyong ipinalibot ko sa buong baryo. Ginawa ko iyon upang proteksyunan si Diana mula kay Vera. 

Naniniwala ako sa sinabi ng Amang Hari na hindi uubra ang kapangyarihan ni Vera sa mundo ng mga mortal kung kaya't hanggang ngayon ay 'di pa rin nila kami natatagpuan dito.

"Magandang umaga, Prinsipe Nicolo!" Tawag sa'kin ng isang maliit na boses na nagmumula sa ibong nakadapo sa may sanga ng punongkahoy na nasa bakuran ng bahay nila Diana.

Kasalukuyan akong nagsisibak ng kahoy upang gamiting panggatong sa pagluluto nila Diana.

"Nicolo, Kaibigan! Nicolo lamang. Wala tayo sa Enchantria para tawagin mo akong Prinsipe," turan ko rito.

"Ngunit Mahal na Prinsipe..." Naputol ang anumang sasabihin nito ng titigan ko siya.

"Nakakausap mo rin ang mga ibon?" manghang tanong ni Diana na nagpaigtad sa'kin.

"Binati ko lang sila," nakangiti kong tugon sa kaniya.

"Narinig ko kayong nag-uusap at tinawag ka niyang Prinsipe, Mahal ko!" nakangiti niyang sambit sa'kin.

Lumapit siya sa'kin at pinunasan ang pawis ko sa mukha ng dala niyang tuwalya.

"Ang sweet naman ng mahal ko." Gumanti ako sa kaniya ng isang matamis na ngiti.

"Nakakausap ko rin ang mga ibon kaya hindi ako magtatakang nakakausap mo rin sila," ani niya sa'kin.

Hindi pa lubusang lumalabas ang kaniyang kapangyarihan kung kaya't hindi ko rin masabi-sabi pa sa kaniya ang totoong pagkatao niya. 

Ang buong akala niya ay nakatuwaan ko lamang siyang tawaging Mahal na Prinsesa.

Pinisil ko ang kaniyang ilong at natawa naman ito sa aking ginawa.

"Ang gwapo mo talaga!" nangingiti niyang wika at pinindot ng kaniyang daliri ang matangos kong ilong.

"Maganda ka rin naman!" Ganting puri ko sa kaniya.

Namula ang mga pisngi niya na lalong nagbigay ganda sa kaniya.

"Aysus, nagbolahan pa silang dalawa!" sabad naman ni Elsa na 'di namin namalayang nakatayo na pala sa isang tabi.

"Pareho po kayong magandang lahi kaya?! Kung 'di ko nga lang kilala si Diana, iisipin kong iisa lang kayo ng bansang pinagmulan. Kakaiba kaya kayong dalawa sa aming lahat dito." mahabang wika nito.

"Elsa!" bulalas naman ni Diana rito.

"Haist, sana ako rin makakita ng ganiyang kagandang lahi. Sana all!" Pinapungay pa ni Elsa ang kaniyang mga mata.

Sanay na ako sa ganitong paraan nang pakikipag-usap ni Elsa dahil inaral ko ang mga paraan nang pananalita at pakikisalamuha ng mga mortal dito.

Nilapitan ito ni Diana at pinong kinurot sa tagilirang baywang ni Elsa.

"Aray!" natitilihang anas naman ni Elsa.

Natatawang naiiling lang ako sa kanilang dalawa.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Bhie Rambonanza In
ano Elsa inggit ka nman kay Diana.........
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status