Share

Chapter 9: Ika-labing Anim na Kaarawan

          Diana (POV)

Namulat ko ang mga mata nang maramdaman sa aking balat ang pagtama ng sinag ng araw na lumulusot mula sa butas ng bintana.

Bumangon ako sa higaang papag at naghikab bago tuluyang tumayo. Niligpit ko ang pinaghigaan at sinuklay ang aking buhok.

Binuksan ko ang sirado ng bintana at sumilay ang ngiti sa'king labi nang makita si Nicolo na nagsisibak ng mga kahoy sa'ming bakuran.

Mula ng maging kasintahan ko 'to ay lagi na niyang pinatutunayan sa'min ang kaniyang sarili.

Sa sandaling panahon nang panliligaw nito ay hindi na ako nagpatumpik-tumpik pang sagutin ito.

Hindi naman na ako naniniwala pa sa makalumang paraan nang panliligaw dahil nasa modernong panahon na ang mundo at hindi na uso sa akin ang Maria Clara style.

Si Nicolo lang naman ang mapilit na gawin ang mga makalumang paraan nang panliligaw dahil gusto niyang ipakita kina Nanay at Tatay na sinsero siya talaga sa'kin.

Bagay na nagpapakilig namang tunay sa'kin kaya mas lalo ko siyang nagustuhan o tamang sabihin na mas lalo kong minahal sa kaniya.

Lagi kong tinatanong sa aking sarili noon kung pangit ba ako. Wala naman kasing nanliligaw sa'kin, kahit pa nga isang pangit.

Kaya nasabi ko sa sarili na oras may manligaw sa'kin ay 'di ko na pahihirapan pa. Sasagutin ko na agad para maging kami na.

Muli kong pinagmasdan si Nicolo buhat dito sa bintana. Nakahubad baro ito kung kaya naman naaaninaw ang maumbok niyang pandesal sa tiyan.

Malapad ang balikat nito at malabato sa tigas ang kaniyang katawan. Kaysarap yakapin ng katawan nito sa tuwing ako'y napapaloob dito.

Halos tumulo nga ang laway ng mga kababaihang kapitbahay  namin na nakakakita sa kaniya.

"Ang swerte mo Diana at nagkaroon ka ng manliligaw na kasing gwapo ng hollywood celebrity," wika ng kapitbahay naming si Nelia.

"Di bale makikita mo rin ang lalaking laan para sa'yo," ani ko sa kaniya.

"Naku, Magdilang anghel ka sana!" tugon naman no sa'kin.

Kumuha ako ng bimpo sa aparador para ipahid sa pawisang mukha ni Nicolo.

Lumabas ako ng silid para puntahan sa maliit naming bakuran ang nagsisibak na si Nicolo.

Huminto ito sa pagsisibak at humarap siya sa'kin.

"Good morning, Mahal kong Prinsesa!" nakangiti niyang bati sa'kin.

"Good morning!" nakangiti ko ring tugon sa kaniya.

Lumapit ako sa pwesto niya at dagli kong pinunasan ang pawis na umaagos sa kaniyang mukha.

"Kanina ka pa ba nagsisibak?" tanong ko sa kaniya.

"Hindi naman," nakangiti niyang tugon sa'kin.

"Hindi mo naman kailangang gawin ito, Nicolo. H'wag mo sanang pahirapan pa ang iyong sarili dahil nadarama ko naman ang pagmamahal mo sa'kin," paanas kong sabi sa kaniya na may langkap nang kalungkutan sa aking tinig.

"H'wag ka nang malumbay, Mahal kong Prinsesa. Ibig ko itong aking ginagawa para sa'yo. Lahat ay aking gagawin para lamang mapasaya ka," ani nito sa'kin.

Hinapit niya ako sa aking baywang upang ilapit sa kaniyang katawan. Pinagdikit niya ang aming ilong at pinabiling-biling ang mga 'yon.

Biglang sumilay ang ngiti sa aking labi nang maramdaman ang kapayapaan sa kaniyang mga bisig.

"Kaarawan mo na, Mahal kong Prinsesa." Kinintilan niya nang marahang halik ang aking labi.

"Ano ang iyong nais na regalo mula sa'kin?" tanong pa niya sa'kin.

Umiling-iling ako sa kaniya, "Ikaw lang ay sapat ng regalo sa'kin."

Iniyapos ko ang aking mga bisig sa kaniyang leeg at kusang tinawid ang pagitan ng aming mga labi.

Marahang halik ang iginawad niya sa'kin. Halik na lagi kong hinahanap-hanap sa tuwina. Halik niya na punong-puno nang pagmamahal.

Naaadik na yata ako sa kaniya. Dahil ang gusto ko lagi ay makasama ito sa tuwina.

"Halika na't pumasok muna tayo sa loob ng bahay at basang-basa ka na ng pawis. Mahirap nang matuyuan ka," saad ko sa kaniya nang bitawan namin ang labi ng isa't isa.

Humawak ako sa kaniyang braso at inakay ito papasok sa loob ng bahay. Pinaupo ko siya sa harap ng mesa at nagpakulo ako ng tubig para timplahan ito ng kape.

Sinisindihan ko ang posporo ngunit ayaw niyon sumindi. Hinawakan ko ang kahoy na panggatong at sa aking pagkagulat ay biglang nagkaroon ng apoy.

Dala nang pagkabigla ay naitapon ko agad ang nag-apoy na panggatong sa ilalim ng takore at kinakabahang napaatras agad ako.

"Diana!" Napasandal ako sa matigas na katawan ni Nicolo.

"A-ang panggatong! Nag-apoy ang panggatong," sabi ko sa gumagaralgal na boses.

Niyakap niya ako mula sa likurang bahagi ng aking katawan. Nakaramdam ako nang kapayapaan kung kaya nakalma ang aking pakiramdam.

"H'wag mong katakutan ang anumang bagay na iyong matuklasan. Bagkus ay harapin mo iyon ng walang anumang pag-iimbot, Mahal kong Prinsesa."

Ipinatong niya ang kaniyang baba sa aking balikat at dahan-dahan kaming humakbang palapit sa lutuan kung saan naroon ang nag-apoy na panggatong.

Hinawakan niya ang isa kong kamay at sabay naming hinawakan ang isang patpat ng kahoy na parte ng panggatong.

Nanlaki ang mata ko nang makitang muling nag-apoy ang patpat na kahoy. Ngunit sa pagkakataong ito ay dalawa na kami ni Nicolo na nagpaapoy niyon.

"Nicolo!" bulalas ko sa kaniya.

"Harapin mo Diana ang anumang bagay na iyong matuklasan. Labanan mo ang anumang takot na iyong nararamdaman. Ikaw lang ang siyang makatatalo sa anumang takot na nariyan sa'yong puso."

Dinala niya sa aking dibdib ang kamay kong hawak-hawak niya. Narinig ko ang malakas na dagundong ng puso ko na nagmumula roon.

Naramdaman ko ang init ng aming mga palad at higit akong namangha nang lumiwanag ang magkadikit naming mga kamay.

"Lumiliwanag ang ating mga kamay!" manghang sambit ko sa kaniya.

Agad rin iyong nawala nang bumitiw ako kay Nicolo.

"Nasaan na ang liwanag?!" manghang tanong ko sa kaniya.

"Nariyan lang lagi sa puso mo, Mahal kong Prinsesa," sagot naman niya sa'kin.

Natigilan naman ako sa kaniyang sinabi.

Iniharap niya ako sa kaniya at kinabig  palapit sa kaniyang katawan.

"H'wag mong sandalan ang nakikita lamang ng iyong mga mata. Bagkus ay pakinggan mo parati ang sinasabi ng iyong puso," ani niya sa'kin at saka ako dinampian ng halik sa aking labi.

**********

Habang nasa loob ng silid aralan ay lumilipad ang aking isipan sa pangyayaring naganap kanina. Sa pag-apoy ng panggatong at sa pagliwanag ng aming mga kamay ni Nicolo.

"Diana..." Rinig kong tawag ng isang malamyos na tinig.

Napakurap-kurap ako at napabaling ang aking paningin sa may bintana. Natanaw ko ang kakahuyan at parang may kung anong imahe akong nakikita mula roon.

Wala sa loob na tumayo ako at humakbang palabas sa loob ng silid aralan.

"Diana..." Muli kong narinig ang malamyos na tinig.

Parang may sariling isip ang aking mga paa na kusang humahakbang palakad patungo sa kakahuyan.

Pagdating ko sa bukana ay nakita kong yumukod ang mga halaman at punongkahoy sa'kin.

Umihip ang malakas na hangin ngunit kataka-takang hindi ako natatangay niyon.

Nagpaikot-ikot ang mga ibon sa himapapawid at sinasalubong naman ako ng mga maliliit na hayop na 'di mawari kung kuneho o squirrel ba iyon.

"Diana..." Muling tawag ng malamyos na tinig.

"Sino ka?" pasigaw kong tanong sa tinig.

Nakita kong humilera ang mga hayop at parang pinasusunod nila ako patungo sa kung saan.

Sumunod ako pahakbang sa kanila at namangha ako sa nasaksihang ganda ng paligid.

Patuloy ako sa paghakbang hanggang sa marating namin ang kasukalan ng kakahuyan.

Nakita ko ang paglipad ng iba't ibang uri ng mga makukulay na paru-paro sa paligid.

Nakita kong nagliwanag ang aking mga kamay kung kaya't itinaas ko ang mga 'yon. May lumabas na bilog na liwanag mula roon.

"H'wag kang matakot, Diana. Tanggapin mo ang init ng iyong kapangyarihan," wika ng malamyos na tinig.

"Kapangyarihan?" litong anas ko.

Naramdaman ko ang init na gustong kumawala mula sa aking katawan. May kung anong nangyayaring kakaiba.

Pinaikutan ako pataas ng mga nagliliparang mga dahon pati na rin ng iba't ibang kulay ng mga paru-paro.

"Ano 'to?!" Litong tanong ko nang mapansing nag-iiba ang anyo ng kasuotan kong damit.

Lumiwanag ang buong katawan ko sabay nang pagliwanag ng buong paligid sa'kin.

Tuluyang nagbago ang anyo ko. Napalitan ang kasuotan kong damit nang kulay puting bestida na gawa sa satin na kagaya lang sa suot ng isang Diyosa na aking napapanood sa telebisyon.

Humaba ang kulay ginto kong buhok mula sa hanggang balikat na haba nito.

Nakayapak ang aking mga paa sa lupa at nakapagtatakang hindi man lang ako nasasaktan o natitinik man lang ng mga bato.

"Maligayang kaarawan, Mahal kong Prinsesa!"

Pag-angat ko ng paningin ay sinalubong ako nang nakangiting mukha ni Nicolo.

"Nicolo!" usal ko sa kaniya.

Nakita ko ang iba't ibang uri ng mga hayop na nakayukod sa likurang bahagi nito. Gayon din ang mga halaman at mga bulaklak pati na rin ang mga punongkahoy.

"Ano'ng nangyayari?" maang kong tanong kay Nicolo.

"Sino ka bang talaga?" tanong ko pa sa kaniya.

Nagitla ito sa aking tanong at saglit na natulala sa'kin.

"Tao ka ba?" muli kong tanong sa kaniya kahit na parang may kung anong sakit akong nararamdaman.

"Huminahon ka, Mahal na Prinsesa," saad niya sa'kin.

Lumapit siya sa akin at pilit akong kinakalma.

"Kailangan ko nang kasagutan sa aking tanong," mariin kong yuran sa kaniya.

"Bakit ganito?!" Nagsimula nang lumandas ang mga luha ko mula sa aking mga mata.

Naramdaman ko ang pagpatak ng ulan sa aking katawan.

Umuulan pero 'di ako nababasa niyon dahil tila baga nakikidalamhati lamang ito sa'kin.

Niyakap ako nang mahigpit ni Nicolo. Nagnguyngoy ako nang nagnguyngoy sa kaniyang dibdib.

"Harapin mo ang anumang takot, Mahal kong Prinsesa," ani niya sa'kin.

"Nicolo!" Patuloy kong hagulgol sa kaniyang dibdib.

"H'wag ka nang umiyak, Diana. Magtiwala ka lamang sa akin." Hinagod niya ang aking likuran.

Matagal kaming nagyakap sa gitna ng kasukalan ng kakahuyan.

Ninamnam ko ang mga sandaling makapiling ito.

"Kailangan kong malaman kung bakit ako kakaiba," wika ko sa kaniya.

"Dahil isa kang tunay na Prinsesa." Ipinitik nito sa ere ang kaniyang mga daliri.

Lumabas ang isang malaking telebisyon at inakay niya akong umupo sa hindi nakikitang upuan.

"Upo ka, Mahal kong Prinsesa," nakangiti niyang sambit.

"Subalit, wala namang upuan akong nakikita," ani ko sa kaniya.

"Magtiwala ka sa'kin, Mahal na Prinsesa!" malambing niyang sambit.

Tumingin ako sa kaniyang mga mata at nakita ko ang sinseridad sa kaniyang mga sinasabi.

Tumango ako sa kaniya at umupo ako sa 'di makikitang upuan. Naramdaman ko ang matigas at malamig na upuan.

"May upuan nga!" bulalas ko sa kaniya.

Ngumiti ito sa akin at hinawakan ang aking mga kamay.

"Tingnan mo at pakinggan ang iyong tunay na pinagmulan," saad sa akin ni Nicolo.

Umandar ang isang palabas sa malaking telebisyon.

Pinanood ko ang palabas at namalayan ko na lamang ang pag-agos ng luha mula sa aking mga mata.

"Inang Reyna!" humihikbing wika ko nang marinig ang basbas nila ng Amang Hari para sa'kin.

"Amang Hari!" gumagaralgal kong anas nang makita kung pa'no niya nilabanan si Vera upang maitakas ako ni Nicolo.

"Nicolo..." Patuloy kong hagulgol ng iyak.

Tumayo ako at sinubukang ihakbang ang nangangatog kong mga binti ngunit hindi ko iyon naituloy dahil naramdaman ko ang pag-ikot ng aking paningin at bigla na lamang dumilim ang lahat sa aking paligid.

"Diana!" Malakas na tawag sa'kin ni Nicolo, ang huling narinig ko.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Bhie Rambonanza In
hala bakit hinimatay c Diana
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status