Share

Chapter 10: Kakaibang Kaba

"Diana!" Mahinang tinig ni Nicolo ang siyang aking naririnig.

"Nicolo..." Hinahanap ko ang presensiya niya sa madilim na karimlan.

"Diana..." Muli'y narinig ko ang malakas niyang tinig na parang kaylapit niya lamang sa'kin.

"Dumilat ka, Mahal kong Prinsesa!" Naramdaman ko ang masuyong haplos niya sa aking pisngi.

"Nicolo..." Iminulat ko ang mga mata at aking nasilayan ang nag-aalalang mukha nito.

"Diana, Mahal kong Prinsesa!" Niyakap ako nito nang mahigpit.

Ramdam kong nakahiga ako pero wala sa loob ng aking silid. 

Inilinga ko ang mga mata sa paligid at nakita kong nasa kakahuyan pa rin ako. 

Ngunit saan ako nakahiga kung gayon? 

Pinilit kong bumangon sa pagkakahiga at inalalayan naman ako ni Nicolo.

Namangha ako sa nakitang ganda ng aking higaan. 

Para akong isang tunay na prinsesang nakahiga sa isang magarang higaan na napalilibutan ng iba't ibang uri ng mga bulaklak. 

Napatingin ako sa suot kong damit na nanatiling ganoon pa rin ang ayos 'gaya ng aking suot bago mawalan ng malay.

Nanariwa sa isip ko ang mga pangyayari. Kung kaya't umagos ang mga luha ko mula sa aking mga mata.

"Inang Reyna!" hikbing sambit ko.

"Amang Hari!" patuloy sa paghikbi kong sambit.

"Sshh... Tahan na, Mahal kong Prinsesa." Kinabig ako ni Nicolo at dinala sa kaniyang dibdib.

"Nicolo..." Patuloy kong hikbi. "Ang mga magulang ko."

Ang hikbi ay nauwi sa hagulgol. 

"Ililigtas natin sila. Pangako!" ani niya sa'kin.

"Sa ngayon ay kailangan mo munang magpalakas. Kailangan mong aralin ang buhay sa ating mundo bago tayo tuluyang magbalik ng Enchantria." Paliwanag nito sa'kin.

Tumango-tango ako habang nanatiling nakayakap sa kaniyang dibdib. Matagal kami sa ganoong ayos.

Dumapo ang ibon sa balikat ni Nicolo at humuni ito. Huni na akin ring naintindihan agad.

"Kumusta, Mahal na Prinsesa?" wika ng maliit na ibon.

Ngayo'y naiitindihan ko nang hindi isang guni-guni ang maliit na tinig na aking naririnig sa loob ng aming klase.

Ngumiti ako rito at iniawang ang aking braso. Lumipat ang maliit na ibon sa aking nakaawang na braso mula sa balikat ni Nicolo.

Maya-maya'y dumami na ang mga ibong nagdapuan sa aking braso pati na rin sa balikat ko.

Masayang umawit ang mga 'to at nasisiyahang lubos ang aking pakiramdam.

Umihip ang malakas na hangin at naramdaman ko ang mainit na yakap mula rito.

Nagyukuan ang mga halaman at punongkahoy sa aking tabi.

Tumayo si Nicolo at nagitla ako nang lumuhod ito sa aking harapan.

"Pagbibigay pugay para sa Mahal na Prinsesa!" 

Itinaas niya ang kaniyang gintong espada at kumislap ang liwanag mula sa dulong talim niyon.

Naramdaman ko ang pag-ilaw ng aking mga kamay kaya itinaas ko ang mga 'yon. 

Mula sa kislap ng liwanag na nagmumula sa dulong talim ng kaniyang gintong espada ay nagsanib ang liwanag na mula naman sa  aking mga kamay.

Bumuo iyon ng isang masayang liwanag at kumalat iyon sa aming paligid.

"Larga vida a la Querida Princesa!" malakas na sambit ni Nicolo.

"Mabuhay ang Mahal na Prinsesa!" Naintindihan kong kahulugan ng sinabi ni Nicolo.

"Larga vida a la Querida Princesa!" Sabay-sabay na sigaw ng mga hayop sa aming paligid.

Lumulundag, lumilipad at umiikot-ikot ang mga hayop na tila baga sumasayaw lamang ang mga 'yon.

Tumayo si Nicolo at lumapit sa'kin. Inilahad niya ang kaniyang kamay at tinanggap ko naman iyon. 

Inalalayan niya akong tumayo at kinabig palapit sa kaniyang katawan. 

Biglang bumuhos ang malakas na ulan ngunit kataka-takang hindi man lang kami nababasa niyon.

Nakarinig ako nang mabining musika na sumasabay sa ihip ng hangin. Wari'y kinakalma niyon ang aking puso.

"Kay gandang musika!" masayang bulalas ko.

"Kaytagal kong hinintay ang panahon na 'to, Diana." Hinaplos niya ang aking pisngi.

Inangat ni Nicolo ang aking mukha at dahan-dahang lumapit ang mukha nito.

"Nicolo!" mahinang usal ko bago tuluyang nagdikit ang aming mga labi. 

Masuyo ang halik nito at punong-puno nang pagmamahal. 

Matagal naming ninamnam ang labi ng isa't isa.

Lumiwanag ang aming mga katawan. Dahilan para maghiwalay ang aming mga labi.

"Diana!" usal niya sa'kin at muling hinaplos ang aking pisngi. 

"Gusto kong lagi na lamang tayong ganito." Bumuntong hininga muna ito bago muling nagsalita. 

"Ngunit ayokong maging makasarili dahil lamang sa pansarili kong kagustuhan."

"Nicolo?!" Naguguluhang tumingin ako sa kaniya.

"Handa akong maghintay nang matagal, ang mahalaga ay kasama kita." Niyakap niya ako nang mahigpit.

"Nicolo, ayoko ring malayo sa'yo!" gumagaralgal kong sabi. 

Ginantihan ko ang mahigpit niyang yakap sa'kin. Natatakot rin akong mawala na lang ito bigla. 

"Sshh... Alisin mo ang takot diyan sa iyong dibdib." Hinagod niya ang aking likuran. 

"Hindi ko hahayaang magkalayo tayong dalawa, Mahal kong Prinsesa," patuloy niyang sabi.

"Te amo mi, Querida Princesa!" Muli niyang dinampian ng halik ang aking labi.

"Mahal din kita, Nicolo!" madamdamin kong tugon sa kaniya.

Nilibot namin ang buong kakahuyan. Himalang hindi ako nakakadama ng pagod sa bawat lakad na aming ginagawa. 

Dinala niya ako sa bawat sulok ng kakahuyan at isa-isang ipinakita sa akin ang mga natatagong gandang nakapaloob doon.

Kung nasa labas ka ng kakahuyan ay 'di mo iisiping isa itong kakaibang lugar sapagkat sa mata ng normal na tao ay isa lamang iyong mapunong lugar na puno ng mga kababalaghan gaya ng mga kwentong ipinapakalat ng mga tsismosa sa baryo.

Inaya niya akong umupo sa bato. Kinabig niya ako palapit sa kaniyang katawan at kinandong paupo sa kaniyang hita. 

Yumakap ito mula sa likurang bahagi ng aking katawan. Isinandal ko ang ulo sa kaniyang dibdib.

Pinanood namin ang paglipad ng mga ibon sa kalangitan.

Matagal kami sa ganoong ayos nang makaramdam ako ng kakaibang kaba.

Kabang hindi ko matukoy kung ano pero ramdam ko ang matinding takot na bumalot sa buo kong pagkatao.

"Nicolo!" kinakabahan kong anas sa kaniya.

Alam kong naramdaman niya ang naramdaman ko dahil sabay ng aking naramdamang kaba ay naramdaman ko rin ang mabilis na pagpintig ng kaniyang puso.

Hinawakan niya ang kamay ko at dinala iyon sa tapat ng aking dibdib kung saan naroon banda ang aking puso.

"Natatakot ako!" gumagaralgal ang boses ko.

"H'wag kang matakot, Mahal kong Prinsesa!" Pagpapakalma niya sa'kin. 

Pumitik ito sa ere at mula roon ay lumabas ang isang gintong instrumentong pangmusika na kung tawagin sa mundo ng mga tao ay plawta.

Hinipan niya iyon at narinig ko ang malamyos na tugtog na nagmumula roon. 

Nakaramdam ako ng kapayapaan ngunit hindi niyon napawi ang takot sa aking dibdib. Bagkus ay patuloy na lumalakas ang kaba sa aking dibdib.

"Nicolo!" naiiyak ko ng sabi.

"Ihahatid na kita, mukhang kailangan mo nang umuwi at magpahinga," turan niya sa'kin. 

Tumango ako sa kaniya at agad kaming tumayo. 

Nilakad lang namin hanggang bahay sapagkat hindi ako pumayag na gamitin ni Nicolo ang kapangyarihan niya.

Magkahawak kamay naming binaybay ang daan patungo sa aming kubo.

Pinisil ni Nicolo ang kamay ko kaya kahit kinakabahan ay pilit pa rin akong nakahanap ng kapayapaan sa tabi nito.

Malapit na kami sa aming kubo. Nakita ko si Nanay na nagwawalis sa aming bakuran.

"Nay!" masayang tawag ko rito.

Lumingon ito at ngumiti sa amin.

"Diana!" nakangiting salubong nito.

"Mano po, Nay!" Nagmano kami ni Nicolo sa kaniya.

"Si Tatay po?" tanong kong muli sa' kaniya.

"Narito ako, Anak!" sagot naman ni Tatay na nakatayo mula sa pintuan.

Lumapit ako sa kaniya at nagmano rin. 

Nadama ko ang kapayapaan pero hindi nawala ang kabang patuloy na bumubundol sa aking dibdib. 

Hindi ko na lamang binigyang pansin iyon.

"Magsasaing lang po ako, Tay!" ani ko sa ama-amahan.

"Naku, tapos na Diana. Magpahinga na lamang muna kayo ni Nicolo sa sala," masayang turan nito at nauna nang pumasok sa loob ng bahay.

"Oo nga naman, Anak. Magpahinga na muna kayo ni Nicolo sa loob," wika naman ni Nanay na patuloy nagwawalis ng mga tuyong dahon sa bakuran.

Tiningnan ko si Nicolo at hawak pa rin ang kamay nitong inakay ko papasok sa loob ng bahay.

"Ka-sweet naman talaga ng manugang ko," naiiling na saad ni Tatay.

Natawa naman ako sa sinabi nito.

Humarap si Tatay kay Nicolo, "Nicolo, Anak, h'wag mo sanang pabayaan si Diana. Ipangako mo sana sa'kin na iingatan mo siya at aalagaan. Pakamahalin mo sana siya ng buong puso."

"Pangako po, Tay!" sagot naman ni Nicolo.

"Alam kong gagawin mo 'yan 'gaya ng ilang taon mong pag-alaga sa kaniya." Ngumiti si Tatay at lumapit kay Nicolo.

"Salamat sa lahat ng mga sariwang gulay at prutas lalo na sa pitak ng gintong iyong iniiwan sa aming pinto." Tinapik nito sa balikat si Nicolo.

Napatanga naman ako sa sinabi ni Tatay at napatingin kay Nicolo.

"Ikaw ang may gawa niyon?" Tumango ito sa'kin. 

"Pati ba ang mga bulaklak?" muling tanong ko sa kaniya.

Ngiti lang ang naging tugon nito.

"Diana, Anak. Salamat at dumating ka sa buhay namin. Ikaw ang bumuo nang pagkukulang sa amin ng Nanay Tina mo." Ngumiti si Tatay sa'kin.

"Salamat sa lahat nang pagmamahal na ipinagkaloob mo sa amin ng iyong Nanay Tina," madamdaming wika muli ni Tatay.

"Tay!" naiiyak ko na ring sabi dahil nadadala ako ng emosyon na ipinapakita ni Tatay sa'kin.

"Oy, Dante. Tama na nga muna 'yan at naiiyak na si Diana sa mga sinasabi mo," saad naman ni Nanay na kapapasok lamang sa may pintuan.

"Nicolo, Anak, ikaw na sanang bahalang magpatuloy sa pangangalaga kay Diana, kapag kami'y wala na," nagbibiling wika ni Nanay.

"Nay!" bulalas ko sa kaniya.

Naguguluhan na kasi ako sa mga sinasabi nila. 

Para lang silang mga nagbibilin na tila aalis at pupunta sa malayong lugar. 

"Aalis po ba kayo?" tanong ko sa kanila. 

Ngumiti sila sa'kin at hindi ako sinagot. Bagkus ay niyakap ako nang mahigpit ni Nanay na tila baga ayaw na niya akong mawala sa kaniyang tabi.

Naramdaman ko ang pagyakap ni Tatay sa amin ni Nanay. 

Napakahigpit din nang pagyakap nito at tila ayaw na rin niyang malayo pa sa amin.

"Nay! Tay!" paanas kong sabi at nagsimulang tumulo ang mga luha ko sa mata.

Bakit pakiramdam ko'y huling yakap na nila sa'kin iyon at parang ayaw ko na ring malayo pa sa kanila.

"O siya, kumain na nga tayo. Tama ng drama sa'tin at gutom na rin tiyak si Nicolo." Aya ni Tatay.

Naghain ako ng pagkain sa mesa at masayang pinagsaluhan namin iyon. 

Nakiusap si Tatay kay Nicolo na dumito matulog sa bahay at aalis daw sila nang maaga ni Nanay patawid sa kabilang baryo. May pupuntahan daw silang kaibigan doon. Sinang-ayunan naman ito ni Nicolo.

"Diana!" Tawag ni Nanay sa'kin habang kumakatok sa may pinto.

Bumukas ang pinto ng silid at pumasok doon si Nanay.

May dala itong maliit na kahon at iniabot niya iyon sa'kin.

"Ano po ito?" tanong ko sa kaniya.

"Buksan mo, Anak." Utos ni Nanay.

Binuksan ko ang maliit na kahon at namangha ako nang makita ang laman niyon.

Isang gintong Lana at  ang mga pitak ng gintong iniiwan ni Nicolo sa may harap ng pinto ang laman ng maliit na kahon.

"Nay!" manghang bulalas ko sa kaniya.

"Inipon namin lahat 'yan para pagdating ng tamang panahon ay ikaw mismo ang magbabalik niyan sa totoong mundo mo, Anak." 

Napatanga ako sa sinabing 'yon ni Nanay.

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Bhie Rambonanza In
hala may alam na tlaga ung umampon kay Diana pero bakit parang kakaiba ung nararamdaman ni Diana? mawawala na ba sa knya ung kinagisnan nyang magulang? parang ang sakit nman ng ganun.........
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status