Share

Chapter 11: Masamang Balita

"Nay!" bulalas ko kay Nanay.

Nilapitan ko 'to at niyakap nang mahigpit.

"Alam naming hindi ka namin katulad. Mula noon ay ramdam na namin 'yan dahil sa mga kakaibang pangyayaring araw-araw na nagaganap sa ating buhay. Walang normal na tao ang kayang mag-iwan ng pitak ng ginto sa tapat ng ating pinto at walang matinong tao rin ang maglalakas ng loob na lagyan ng bulaklak ang loob ng iyong silid na hindi natin makikita at mararamdaman," mahabang salaysay nito.

"Nay!" naluluhang usal ko.

"Nang ipakilala mo sa'min si Nicolo ay higit na nasagot ang lahat ng mga katanungang kaytagal naming itinatanong sa aming sarili ng Tatay mo. Ilang taon na ang nakaraan pero 'di ko kayang maniwala na may ganoong mundo talaga. Hanggang sa kami mismo ng Tatay mo ang makasaksi niyon. Napakaliwanag ninyong dalawa nang minsang magdikit ang inyong katawan. Liwanag na wari'y hindi para sa isang normal na tao talaga. Nakita na rin namin ang liwanag na iyon nang makita kita sa kakahuyan at bigyan kita ng pangalan doon. Nang una'y akala ko'y namamalik mata lamang ako subalit ngayon ay masasabi Kong hindi pala," mahabang hayag pa ni Nanay.

Napanganga akong lalo sa sinabi ni Nanay kung kaya tiningala ko ito at tinitigan.

"Nay," muling usal ko sa kaniya.

"Diana, Anak, salamat sa pagkumpleto mo sa'min ng Tatay Dante mo." Huminto ito sa pagsasalita at humugot muna ng malalim na buntong hininga.

"Salamat at pinaramdam mo sa'min kung pa'no maging magulang sa'yo. Kinumpleto mo ang kulang naming buhay at higit sa lahat ay binigyan mo kami ng saya. Lagi mong tatandaan na anuman ang mangyari..." Huminto itong muli sa pagsasalita.

"Mahal na mahal ka namin ng Tatay Dante mo, Diana." At mahigpit na niyakap ako nito.

"Nay!" Naluluha kong sambit at gumanti rin ng yakap dito.

Narinig ko ang pagsinok niya tanda nang pag-iyak nito.

"Hindi habang panahon ay magkakasama tayo, Anak. Alam namin na darating ang panahon na pwede ka na nilang kuhanin sa'min at 'di namin iyon mapipigilan sapagkat iyon ang nakatakda. Ngunit sa pagdating ng panahon na 'yon, nawa'y patuloy mo pa rin kaming alalahanin ng iyong Tatay Dante at 'wag kang magdalawang isip na muli kang bumalik sa'amin." Tuluyan nang humagulgol ng iyak si Nanay kaya naman pati ako ay 'di na rin napigilan pang umiyak.

"Mahal na mahal ko po kayo ni Tatay, Nay!" madamdamin kong wika rito.

"Mahalin niyo sana ni Nicolo ang isa't isa lalo na kung wala na kami sa iyong tabi, Anak." Masuyong hinaplos nito ang aking buhok.

"Nay!" hilakbot kong sabi nang marinig ang winika nito.

"Hindi kayo mawawala sa'kin," humihikbi ko pang saad sa kaniya.

"Hindi natin hawak ang buhay natin, Diana. Tanging ang Poong Maykapal na siyang lumikha lamang ang tanging nakakaalam ng lahat at sa kung ano ang pwedeng mangyari sa ating buhay. Lagi mo lamang sanang tatandaan na makinig ka sa idinidikta ng iyong puso. Pagmamahal ang siyang sandata mo sa lahat ng unos." Hinaplos ni Nanay ang aking buhok at hinalikan ako sa aking noo.

"Kaya naman pala ang tagal mong pumasok sa silid natin ay dahil nagdadramahan pa kayo rito ni Diana," sabad naman ni Tatay na nakatayo na pala sa may pintuan ng aking silid.

"Diana, Anak, nagbilin ako kay Nicolo na ingatan, alagaan at protektahan ka sa lahat ng oras na siya naman niyang gagawin. Dahil natitiyak namin ng Nanay mo kung ga'no ka niya kamahal," ani pa ni Tatay.

Napangiti naman ako sa sinabi ni Tatay at 'di ko maitatangging totoo ang mga sinabi nito dahil kahit ako ay ramdam ko iyon.

"Pakamahalin at pakaingatan mo si Nicolo, Anak. Alam naming malaki ang bahagi niya sa buhay mo at gayon ka rin sa kaniya. Nararamdaman naming anumang unos ang iyong kaharapin ay iyong malalagpasan basta't lagi lamang kayong magkasama at magmahalan. Halos magkarugtong na ang inyong mga puso," mahabang hayag ni Tatay.

"Kayo talaga Tay, parang binibenta niyo na ako ng husto niyan kay Nicolo," naiiling kong saad kay Tatay.

Lumapit sa'kin si Tatay at niyakap din ako nito.

"Hindi naman sa ganoon, Anak. Matanda na rin kami ng Nanay mo at gusto nga namin na may mag-aalaga rin sa'yo. Natitiyak namin na si Nicolo ang taong karapat-dapat sa'yo dahil nakikita namin sa kaniyang mga mata kung pa'no ka niya mahalin at sambahin ng tunay," wika ni Tatay sa'kin.

"At si Nicolo lang ang lalaking nakita naming nagpangiti nang ganiyan sa'yo, Anak," sabad naman ni Nanay.

Matagal kong niyakap ang mga ito na tila baga ayaw kong mawalay sa kanilang dalawa.

"O siya, magpahinga na tayo, Tina at maaga pa ang pagpalaot natin bukas," ani ni Tatay kay Nanay.

"Oo, susunod na ako. Mauna ka na sa kwarto at ihahabilin ko lang kay Diana ang mga importanteng gamit niya," tugon naman ni Nanay.

Matapos iabot sa'kin ni Nanay Ang maliit na kahon ay hinubad nito ang kaniyang singsing sa daliri at isinuot niya sa akin iyon.

"Iyan lang ang maihahandog ko sa'yong ika-labing anim na kaarawan, Anak. Sana'y iyong maibigan." Muling yumakap ito sa'kin nang mahigpit.

"Salamat po, Nay! Pakaingatan ko po ito. Pangako!" Taos puso kong sambit.

"Alam ko!" Ngumiti siya sa'kin at muling niyakap ako nang mahigpit saka hinagod nang paulit-ulit ang aking likuran.

Nagpaalam na itong lilipat na sa kanilang silid na agad ko namang tinanguan.

Bago ko tuluyang isara ang pinto ng silid ay sinilip ko pa muna si Nicolo na nakahiga sa upuang kawayan namin sa sala.

Kinuha ko ang isang ekstrang kumot at unan saka lumabas sa aking silid upang ibigay iyon kay Nicolo.

"Nicolo..." Mahinang niyugyog ko ito.

Idinilat nito ang kaniyang mga mata at nakangiting bumangon ito.

"Diana!" usal niya sa'kin.

"Magkumot ka at napakalamig dito bukod pa sa malamok. Gamitin mo rin ang unan para 'di masaktan ang iyong batok sa paghiga rito sa papag," mahabang litanya ko sa kaniya.

Tinanggap niya ang inabot kong unan at kumot.

"Kung tutuusin ay hindi ko na ito kailangan, Mahal kong Prinsesa," ani niya sa'kin.

"Pero dahil kaloob mo ito sa'kin, ay aking gagamitin ito," nakangiti niyang sambit.

Natuwa naman ako sa narinig na sinabi niya.

Lumapit ako sa kaniya at ginawaran ko ito ng halik sa kaniyang noo. Palayo na ako sa kaniya nang hilahin niya ang aking kamay pabalik sa kaniyang katawan. Napadausdos tuloy ako sa kaniyang dibdib.

"Nicolo!" mahinang usal ko.

Kinintilan niya ako ng halik sa aking labi.

"Sueño feliz mi Querida Princesa," masayang bulong niya sa'kin.

"Masayang panaginip din sa'yo, Nicolo!" ganting sambit ko sa kaniya.

Nakangiting humakbang na ako papasok sa loob ng aking silid.

Inayos ko ang higaang papag at nahiga na roon ako.

********

Naramdaman ko ang malamig na hanging dumapo sa aking katawan.

Pagmulat ko sa aking mga mata ay nakangiting mukha nina Nanay at Tatay ang bumungad sa akin.

"Diana, Anak! Mahal na mahal ka namin!" Naluluhang sambit sa'kin ni Nanay.

"Nay!" tanging tugon ko sa kaniyang sinabi at dumaloy na rin ang mga luha mula sa aking mga mata.

"Tandaan mo sana lahat ng mga bilin namin sa'yo, Anak. Mahal na mahal ka namin ng Nanay Tina mo," madamdaming saad din ni Tatay.

"Tay!" tugon ko sa ama.

Nagugulumihanang tumayo ako at niyakap ko sila.

Niyakap din nila ako nang mahigpit na mahigpit na parang iyon na Ang huling sandaling makakapiling ko sila.

"Paalam, Anak! Paalam!" magkapanabay nilang wika sa'kin.

"Nay! Tay!" malakas kong sigaw sa kanila nang makitang tumalikod ang mga ito sa'kin.

"H'wag niyo po akong iwan!" malakas kong hiyaw sa kanila.

Ngunit hindi na sila lumingon pa sa'kin.

"Diana! Diana!" Naramdaman ko ang mahinang yugyog sa aking katawan.

Pagdilat ko ng mga mata ay ang nag-aalalang mukha ni Nicolo ang bumungad sa'kin.

"Nicolo!" usal ko sa kaniya.

"Nananaginip ka Diana, kaya ginising kita." Paliwanag nito sa'kin.

"Sina Nanay at Tatay?" tanong ko sa kaniya.

"Kanina pa sila nakaalis at dadaong pa raw sila sa laot patawid sa kanilang pupuntahan. Hindi ka na nila ginising dahil ayaw ka raw nilang abalahin pa sa iyong paghimbing," mahabang salaysay nito sa'kin.

May kung anong kaba ang biglang bumundol sa aking dibdib. Kabang naramdaman ko sa kakahuyan kahapon at naulit na naman ngayon.

"H'wag mong isipin ang anumang nakakatakot na isipin, Diana. Ligtas sila!" Pagpapakalma sa'kin ni Nicolo.

"Tama ka, ligtas sila!" nakangiti kong tugon kay Nicolo.

Inalalayan akong makabangon sa higaan ni Nicolo at niligpit ko muna ang aking higaang papag.

Napangiti ako nang makita ang mga nagkalat na bulaklak sa gilid ng aking higaan.

"Salamat sa mga magandang bulaklak na ito." Turo ko kay Nicolo sa mga bulaklak.

"Walang anuman, Mahal kong Prinsesa, basta't makita lamang kitang maligaya," ani nito sa'kin.

Lumapit ako sa kaniya at hinaplos ko ang kaniyang pisngi.

Hinapit naman ako nito sa aking baywang at dinampian ako ng halik sa aking mga labi.

"Nicolo!" bulalas ko sa kaniya.

"Hindi pa ako nagtu-toothbrush!" dagdag ko pang sabi.

Malakas na tawa lamang ang tugon nito sa'kin.

"Diana! Diana!" Malakas na sigaw ng kung sinumang tao sa labas ng aming pinto.

"Sandali lang ho!" tugon ko naman dito.

Mabilis na kumalas ako sa pagkakahapit sa'kin ni Nicolo.

"Diana!" Muling sigaw ng kung sinuman.

Madali akong lumabas ng silid at tinungo ang pinto ng aming sala.

"Kayo ho pala, Mang Kanor, magandang umaga ho!" Bati ko sa matandang mangingisda at nagmano rito.

"Iha, ang Nanay at Tatay mo..." Natataranta ito at 'di halos malaman kung ano ang sasabihin.

"Wala ho rito sina Nanay at Tatay, umalis ho sila kaninang madaling araw at may pupuntahan daw pong kaibigan," saad ko sa pag-aakalang hinahanap nito ang Nanay at Tatay niya upang kausapin.

"Alam ko, Iha, at kaya nga ako narito upang ibalita sa'yong patay na ang Nanay at Tatay mo," paanas nitong sabi.

"Ano ho?" malakas na bulalas ko kay Mang Kanor.

"Pilit silang pumalaot sa dagat kahit napakalakas ng alon. Pinigilan namin sila ngunit mapilit sila dahil naghihintay raw sa kanila ang kanilang pupuntahan." Paliwanag pa ni Mang Kanor.

"Hindi ho totoo 'yan!" Pabiling-biling kong sabi.

"Sabihin niyo pong nagbibiro lang kayo, Mang Kanor," muli ko pang sabi rito.

"Hindi ko magagawang magbiro sa'yo ng ganiyan, Diana," ani nito sa'kin.

Nag-unahang umagos ang mga luha ko mula sa aking mga mata.

"Nakikiramay ako, sa'yo, Diana." Tinapik ako ni Mang Kanor sa aking braso at tumalikod na ito.

"Nay! Tay!" Sigaw ko habang humahagulgol nang malakas.

"Diana!" Naramdaman ko ang masuyong pagyakap ni Nicolo mula sa aking likuran.

"Sina Nanay at Tatay, iniwan na ako." Malakas na hagulgol ko ang maririnig sa bawat sulok ng buong bahay.

"Tapos na ang kanilang misyon, kung kaya kinuha na sila ni Bathala." Patuloy sa paghagod ito sa aking katawan.

"Hindi! Hindi 'yan maaari!" Patuloy kong panaghoy.

"Ngunit wala na tayong magagawa kung sadyang nakatakda na ang lahat, Diana," malungkot nitong sabi.

"Hindi totoo 'yan!" Malakas kong bulyaw kay Nicolo sabay tulak dito.

Tumakbo ako palabas ng bahay at parang baliw na nagtatatakbo patungo sa palaot.

Nadatnan ko ang mga taong nagkagulo roon at sinalubong nila ako ng kanilang pakikidalamhati.

"Nakikiramay kami sa'yo, Diana!" magkakapanabay nilang wika.

"Hindi! Hindi totoo 'yan!" Parang baliw kong sabi at pinagtututulak ko sila isa-isa.

"Diana!" Pinigilan ako nang malabakal na braso ni Nicolo at niyakap nang mahigpit.

"Nay! Tay!" Tawag ko sa mga nakalakhang magulang.

"Diana!" Rinig kong sigaw nila Nicolo bago ako tuluyang kainin ng dilim at tuluyang nawalan ng malay.

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Bhie Rambonanza In
hala kya pala ganun nlng kung magpaalam kay Diana ung kinagisnan nyang magulang un pla mawawala na sila .........
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status