Share

Chapter 2: Sa Mundo ng mga Mortal

     Nakarinig ako ng mga papalapit na yabag, ginamit ko ang aking kapangyarihan upang ikubli kaming dalawa ng mahal na prinsesa. Nakita ko ang dalawang nilalang na naglalakad patungo sa aming kinaroroonan. Minatyagan ko ang kanilang mga galaw at pinakinggan ang kanilang usapan.

     “Kung nagkaroon lang tayo ng anak Dante, masaya siguro tayong naninirahan sa ngayon dito,” malungkot na wika ng babae.

    “Huwag ka nang malungkot Tina, alam naman natin na may dahilan ang Diyos kung bakit hindi tayo maaaring magkaanak.” Inakbayan ng lalaki ang babae.

    “Ano kaya kung sa kanila kita ipaalaga habang narito tayo sa mundo ng mga mortal?” wala sa loob na sambit ko sa prinsesa at biglang pumalahaw ito ng iyak.

    “Narinig mo ba ‘yon Dante, may umiiyak na sanggol,” sabi ng babae sa kanyang asawa.

     “Naliligaw na baboy lang ‘yan. Tara na!” sagot naman ng lalaki.

     Napatingin ako sa prinsesa sa nagtatakang anyo, “Paanong narinig ka nila gayong ginamit ko ang aking kapangyarihan upang ikubli ang ating mga sarili?”

     "Gusto mo bang sa kanila kita ipaalaga habang narito tayo sa mundo ng mga mortal?” muli kong tanong sa prinsesa na akala mo’y nauunawaan na talaga ang aking sinasabi.

     Ngumiti ito sa’kin at saka muling pumalahaw ng iyak. Dahan-dahan kong inilapag ito sa lupa at binalot maigi ng kanyang maharlikang balot na gawa sa telang lana. Hinubad ko ang aking maharlikang kuwintas na pamana sa akin ni ina at isinuot ko ito sa kanyang leeg.

     “Ito ang tanda ng aking katapatan sa’yo mahal na Prinsesa, anumang oras na kailanganin mo, asahan mong ako’y darating agad!”

     Hinaplos ko siya sa kanyang pisngi at inalis ang aking kapangyarihang bumabalot sa kanya upang makita ito ng dalawang mortal.

     Inutusan ko ang hangin na dalhin ang mag-asawa sa kinaroroonan ng mahal na prinsesa. Agad na nilipad ng hangin ang sumbrero ng lalaki patungo sa lugar kung saan naroon ang prinsesa. Sinundan ng lalaki ang kanyang sumbrero at napansin niya ang prinsesa.

     “Tina, may sanggol rito!” bulalas ng lalaki.

     Dali-daling lumapit ang babae sa kinaroroonan ng lalaki at agad nitong kinalong ang sanggol.

     “Kay gandang sanggol Dante!” nagagalak na wika ng babae.

     “Ngunit, kaninong anak naman kaya ito?” nagtatakang tanong naman ng lalaki.

     “Baka siya na ang biyaya ng Diyos sa atin, Dante,” At nilaro-laro ng babae ang maliliit na kamay ng prinsesa.

     “Teka lang Tina, baka naman anak ng Engkanto ‘yan?” Luminga-linga pa ang lalaki sa paligid at mababakas sa anyo nito ang pagkabahala.

     “Ano ka ba naman Dante?! Ang tanda-tanda mo na nagpapaniwala ka pa sa mga Engkantong ‘yan!” asik naman ng babae rito.

     “Ang gandang bata nito para magmukhang Engkanto!” dagdag na sabi pa niya.

    “Hindi natin maaring iuwi ang batang ‘yan at baka may maghanap na mga magulang,” malumanay pang sabi ng lalaki.

     “Kaloob siya sa atin ng Diyos, Dante, kaya walang ibang maghahanap sa kanya.” mariing wika ng babae.

     Napabuntong hininga na lamang ang lalaki sa kanyang esposa at tinitigan ito habang tuwang-tuwang kalong ang sanggol. Labag man sa kalooban ng lalaki ay ayaw naman niyang malungkot ang kanyang esposa.

     “Diana… Diana, ang itatawag namin sa’yo!” nagagalak na sambit ng babae sa sanggol at itinaas pa ito sa ere na parang binibigyang pugay sa ngalan nito.

     Umihip ang hangin na wari’y nagsasayaw dala nang kasiyahang taglay sa bagong ngalan ng prinsesa. Nakita kong yumukod ang mga halaman sa aming paligid at nagpaikot-ikot pa ang mga ibon sa himpapawid. Nagliwanag ang prinsesa, tanda nang pagtanggap nito sa ngalang ipinagkaloob sa kanya. Liwanag na tanging ako lamang at mga kauri namin ang makakasaksi.

     “Diana… Prinsesa Diana!” ulit ko naman sa ngalan na ipinagkaloob dito.

    “Kay gandang ngalan! Bagay na bagay sa isang prinsesang tulad niya,” nakangiti kong sambit sa aking sarili.

*****

     Sa paglipas ng panahon, ang prinsesa ay lumalaking hawig ang wangis ng mga mortal. Walang nakakapansing siya ay kakaiba sa mga mortal sapagkat hindi naman talaga nalalayo ang wangis ng mga mortal sa mga nilalang na ‘gaya kong tiga Enchantria.

     Isinumpa lang naman kami ni Vera, kung kaya nag-iba ang aming mga anyo maliban sa prinsesang ‘di tinamaan ng sumpa.

     Sa katagalan ko rito sa mundo ng mga mortal ay naging pamilyar na sa’kin ang kanilang mga kilos at pananalita. Kagaya nilang mga mortal, kaming mga nilalang sa Enchantria ay maitutulad ang pisikal na anyo sa mga sikat na celebrity sa Holywood ng mundong ‘to.

     Mapuputi ang aming mga balat ngunit hindi naman maputla ang kulay na ‘gaya sa ibang mortal. Matatangkad kami at may kulay gintong buhok na lagpas balikat. Naggagandahan din ang aming mga pangangatawan.

     Tuwing umaga ay nagpupunta sa kakahuyan si Diana, upang makipaglaro sa mga hayop na naroon. Hindi niya alintana ang pag-iisa at hindi rin ito takot na pumasok doon kahit pa nga pinagbabawalan ng ibang mortal na pumasok sa kakahuyan. Kalat na kalat kasi ang balitang may engkanto raw sa kakahuyan. ‘Di nila alam na isang engkanto nga ang kinikilala nilang si Diana, ang prinsesa sa kaharian ng Enchantria.

     Pinalilibutan ko ang buong silid ni Diana ng mga bulaklak. Nagtataka man sila kung paano nagkakaroon ng mga bulaklak doon ay wala naman silang maapuhap na sagot sa kanilang mga katanungan. Itinatago naman ni Diana ang mga bulaklak sa kaniyang aparador sa tuwing ito’y kaniyang inaalis sa plorera.

     Lingid sa kaalaman ni Diana, muling sumisibol ang mga bulaklak doon sa kaniyang aparador at muling humahalimuyak ang amoy ng mga ito na nakukulob lamang sa loob. Hindi namamalayan ni Diana na sa bawat lantang halaman o bulaklak na kaniyang nahahawakan ay kaniya rin itong nabibigyang buhay.

     Minsan ay nakita ko siyang malungkot sa kakahuyan kaya sinubukan kong gamitin ang aking kapangyarihang taglay upang magpalit anyo. Nagpanggap akong isang batang sampung taong gulang kagaya niya.

     “Diana, bakit ka malungkot?” tanong ko nang malapitan ito. Pilit kong ginaya ang tinig ng isang sampung taong gulang na bata sa mundo ng mga mortal.

     “Ayaw kasi nila akong kalaro,” malungkot na turan niya.

     “Gusto mo, tayo na lang maglaro?” nakangiting tanong ko sa kanya.

     “Talaga?!” masayang tanong niya at tumango naman ako bilang tugon.

     Naglaro kami nang habulan at masayang maririnig sa buong kakahuyan ang kaniyang mga halakhak habang walang pagod ding tumatakbo ito.

     “Sana araw-araw na lang kitang kalaro,” sabi pa niya sa’kin at huminto sa pagtakbo.

     Nilapitan ko siya at matiim na tinitigan sa kaniyang mga mata. Hinaplos ko ang pisngi niya kagaya nang madalas kong ginagawa sa tuwing ito’y malalim nang nahihimbing sa kaniyang pagtulog.

     “Tawagin mo lang ako mahal kong Prinsesa at tiyak na ako’y darating,” madamdamin kong wika at hinaplos ang kaniyang pisngi.

     Humahagikhik na hinampas niya ako ng mahina sa aking dibdib at mabilis na tumakbo muli palayo sa’kin.

     “Kaunting tiis na lamang mahal kong Prinsesa.” Nangingiting sinundan ko ito upang muling habulin.

     Nang magsimulang mag-aral ito ay nagkaroon siya ng bagong kaibigan na ang pangalan ay Elsa kung kaya ito na ang madalas niyang kasa-kasama at kalaro.

     Patuloy pa rin ako sa pagbabantay sa kaniya buhat sa malayo. Kapag inaaway ito ng ibang mga mortal ay lihim kong ginagantihan ang mga ito. Alam kong masama ngunit mahinang ganti lang naman din ang niloloob ko sa kanila, katulad nang lalagnatin isang araw tapos ay akin na ring pagagalingin.

     

     Tumulin ang mga araw at unti-unti ring nagkaroon nang pagbabago sa anyo ni Diana. Lumalaki itong perpektong-perpekto ang kagandahan kumpara sa ganda ng mga mortal na babae. Minsan nga ay napagkakamalan itong holywood celebrity ng mga dayo sa baryo.

     Narinig ko ang usapan nina Dante at Tina, tungkol sa mga gustong manligaw kay Diana.

     “Alam mo Tina, maraming nagpapahaging sa akin na gustong manligaw riyan kay Diana,” saad ni Dante sa kaniyang esposa.

     “Hindi pa yata ako handa para sa ganiyang mga relasyon,” tugon naman ni Tina.

     “Oo nga, parang kailan lang nang matagpuan natin siya sa gitna ng kakahuyan.” Tumingin pa si Dante sa kalangitan na wari’y inaalala ang nakaraang sandali.

     “Palagay mo Dante, sino nga kaya ang mga magulang ni Diana?” tanong naman ni Tina sa esposo.

     “Alam mo Tina kung nandirito talaga ang mga magulang ni Diana, matagal na sana nilang kinuha sa atin ang batang ‘yan. Ngunit hindi ka ba nagtataka kung bakit halos araw-araw ay may mga bulaklak sa kaniyang silid at ganoon rin sa ating pinto tuwing umaga ay marami ring mga sariwang prutas at gulay na may kasama pang isang bitak ng ginto,” mahabang sabi ni Dante.

     “Hindi kaya totoo ang hinala mo Dante?” balik tanong naman ni Tina.

     “Siguro, pero alam kong biyaya si Diana sa atin ng Diyos, dahil wala tayong kakayahang magkaanak. Kaya binigyan Niya tayo ng isang napakaganda at napakabuting anak,” naluluhang saad ni Dante.

     Pinunasan din ni Tina ang luhang tumulo sa kaniyang mga mata. 

     “Tay! Nay! Nandito na po ako!” Narinig kong tawag ni Diana sa kanila sa masayang tinig.

     Sinalubong ni Tina ito ng yakap at nagmano naman si Diana sa kaniya. Lumapit ito kay Dante upang magmano rin.

     “Alam mo Nay, si Elsa may nanliligaw na sa kaniya,” kwento ni Diana.

     Nagkatinginan sina Dante at Tina bago sumagot ang huli sa nauutal na tinig, “Talaga Anak?”

     “Opo Nay, kaso po sinapak siya ni Elsa.” Humagikhik si Diana kung kaya’t napahagikhik din sina Tina at Dante sa kaniya.

     “Ikaw talagang bata ka puro ka kalokohan,” naiiling na saad naman ni Dante.

     “Pinapatawa ko lang po kayo kasi naman masyado kayong malungkot ni Nanay nang dumating ako. Malayo pa lang ay tanaw na tanaw ko na ang naluluha ninyong mga mata,” nakangiting sabi ni Diana.

     Hindi maitanggi ng dalawa kay Diana ang katotohanan dahil alam nilang totoo ang mga sinabi nito.

     Isang gabi habang ito’y nahihimbing sa kaniyang pagtulog ay pinagmasdan ko ang maamo niyang mukha. ‘Di ko naiwasang haplusin ang kaniyang pisngi.

     Nagliwanag ito at sa aking pagkabigla ay dumilat pa ang kaniyang mata. Nagkasalubong ang aming mga paningin at nagkatitigan kagaya nang ito’y sanggol pa lamang. Nginitian niya ako at hinawakan ang aking kamay upang muling dalhin sa kanyang pisngi.

     “Nicolo…” Bigkas niya sa aking ngalan at muling ipinikit ang kaniyang mga mata.

     Saglit akong natigilan sa aking narinig. Nabigla man sa nasaksihan buhat sa kaniyang ginawa ay ‘di ko maiwasang isiping kaysarap pakinggan ng aking ngalan mula mismo sa kaniyang bibig.

     Gusto kong yakapin at hagkan ito sa kaniyang labi ngunit hindi maaari. Ayokong matakot ito sa aking anyo at ayoko ring matapos ang mga sandaling hawak-hawak niya ang aking kamay. Kay saya-saya ng aking pakiramdam at para akong nasa magandang alapaap ng Enchantria.

     “Sana’y pagbalik natin ng Enchantria, ako’y iyong tanggapin anuman ang aking anyo,” malungkot kong sambit.

     Sa labinlimang taon kong pagbabantay sa prinsesa ay may mahiwagang damdaming sumisibol din sa akin. Hindi ko alam kung kailan at paano nagsimula ang pagkagusto ko sa kaniya basta ang tanging alam ko lamang sa aking sarili ay gusto ko siyang pangalagaan at protektahan. Buhay ko man ang maging kapalit.

     Hinayaan ko itong manatili sa ganoong ayos nang maramdaman ko ang takot sa kaniyang mga kamay. Nararamdaman kong sumisigaw siya at takot na takot sa kaniyang panaginip.

     “Huwag! L-layuan mo ako… Halimaw ka!” umiiyak na usal nito.

     “Sshh… Panaginip lang iyan Diana, panaginip lang iyan.”

     Kumumpas ako sa hangin upang gumawa ng mahikang magbabalik sa magandang panaginip niya. Sandaling oras lamang ay muling nagbalik ang payapang pakiramdam niya.

     “Ganiyan nga Diana, mahimbing ka ng payapa!”

     “Jag ska bevaka dig min kära prinsessa!” na ang kahulugan ay “Babantayan kita Mahal kong Prinsesa!”

     Umawit ako ng isang awiting madalas awitin sa akin ni Inang Reyna.

     “Pakinggan mahal kong Prinsesa, ang malamyos na awitin. Ako’y palagi lamang narito sa iyong tabi at hangga’t suot mo ang aking kwintas, ako’y iyong kasama parati. Ika’y mananatiling payapa at ‘wag mag-alala sapagkat ika’y aking pakaiingatang mabuti,” madamdamin kong awit.

     Narinig ko ang mabini niyang paghinga tanda ng payapa niyang pagtulog.

     Pinuno ko ng mga bulaklak ang kaniyang silid gaya ng parati kong ginagawa. Inutusan ko ang mga ibon na sa paggising ng prinsesa ay awitan nila ito ng kanilang magandang huni. Binilinan ko rin ang hangin na salubungin ito ng masayang simoy.

     Hanggang sa unti-unti nang lumulusot sa bintana ang liwanag ng sikat ng araw. 

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Bhie Rambonanza In
na inlove na c Nicolo kay prinsesa Diana
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status