Share

Chapter 3: Panaginip

Diana (POV)

            Inilibot ko ang aking paningin sa paligid. Nakita ko ang mga sanga ng punongkahoy na gumagapang at ang mga dahon nito’y kumakalusot. Ang hangin ay sumisipol sa mga putot na siyang nakakagambala sa mga dahon.  Kumakanta ang mga ibon samantalang ang mga insekto naman ay humuhuni. Ang mga alitaptap ay nagbibigay liwanag sa buong paligid. Ang mga hayop ay nakikipagdaldalan sa kapwa nila hayop. Nakamamangha! Para akong nasa kakaibang mundo. 

            “D-diana… Diana…” tawag sa’kin ng isang malamyos na tinig.

            “Sino ka?” Sigaw ko sa tinig na ‘yon.

            “Diana… H-halika… L-lumapit ka!” Tawag muli sa’kin nang malamyos na tinig.

            “Sino ka? Bakit ‘di kita makita?” Sigaw ko ulit dito.

            Nakarinig ako nang lagaslas ng tubig sa may bandang dako roon. Tumakbo ako at hinanap ito. Papalayo na ako nang papalayo sa aking kinaroroonan ngunit ‘di ko pa rin makita ang hinahanap. Nanginginig na rin ang aking mga binti pero pinipilit ko pa ring ihakbang ang mga ito.

            Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman, para lang akong paslit na naliligaw sa isang ekstrangherong lugar. Ang boses na aking naririnig ay siyang tangi kong pinanghahawakan upang matunton ang aking hinahanap. Boses na ‘di ko mawari kung kabutihan o kapahamakan ang dala sa’kin.

         Nagsimula nang tumulo ang mga luha sa aking mga mata.  At tuluyan na nga akong tinalo nang pangamba at takot.   

        “Nasaan ba ako?” humihikbing tanong ko sa sarili. “Kailangan ko nang umuwi.”

         “Diana… H-halika…” Narinig ko na namang muli ang tawag ng malamyos na tinig.

         Umiling-iling ako at humihikbing sumagot, “Ayoko, hindi kita kilala!”

         Gustuhin ko mang magtiwala ay nanaig na ang pagdududa sa aking dibdib para sa boses na ‘di ko mabigyang mukha.

         “Sino siya? Bakit kilala niya ako?” naguguluhang tanong ko sa sarili.

         “Diana… H‘wag kang matakot, h-halika….”

         Umiling ako nang umiling sabay ng malakas kong pag-iyak. Nagsisimula na akong makaramdam ng takot sa kaninang kinamamanghaang lugar.

       May narinig akong papalapit na mga yabag kung kaya mabilis akong tumakbo sa malaking puno at doon ay nagtago. Bahagya akong sumilip at gayon na lamang ang aking pagkahindik sa aking nakita.

       “Mahal na Prinsipe, wala pong ibang nilalang dito,” wika ng isang pangit na nilalang.

         Itinaas nang tinawag na prinsipe ang kaniyang kaliwang kamay tanda nang pagpapatahimik sa pangit niyang kasama. Lumingon ito sa gawi ng punong aking pinagtataguan. Pigil hiningang yumuko ako upang ikubli ang aking sarili.

         Nang marinig ko ang mga papalayong yabag ay dahan-dahan akong tumayo at pinagpag ang mga tuyong dahon na dumikit sa aking pantalon.

        Nabigla ako ng may yumakap mula sa aking likuran. Nagpumiglas ako at nang makawala ay nilingon ko ito. Nahintakutan ako sa aking nakita.

        Naglakad palapit ito sa’kin habang ako naman ay paatras nang paatras sa kaniya.

        “Huwag! Layuan mo ako,” umiiyak kong usal.

        “Diana…” mahinang usal niya na umabot sa’king pandinig.

        Tinitigan ko ang kaniyang pangit na mukha at nakita ko ang pamilyar niyang tingin na parang minsan ko nang nakita sa buhay ko.

        “Lumayo ka sa’kin!” bulyaw ko sa kaniya.

         Nakita kong lumuha ang kaniyang mga mata at hindi ko maintindihan kung bakit ako nakaramdam ng kirot sa aking dibdib.

          Muli siyang lumapit sa’kin, “Lumayo ka sa’kin! Isa kang halimaw!”

         Dala ng sobrang emosyon na aking naramdaman ay nakaramdam ako nang panghihina. Bigla akong nilamon ng madilim na karimlan at tuluyang nawalan ng malay.

         “H-huwag!!!” sigaw ko at napaupo sa higaan.

         Pagtingin ko sa paligid ay nakita ko ang pamilyar na itsura ng aking silid. Ikinusot-kusot ko pa ang aking mga mata gamit ng aking mga kamay. Pinakatitigan ko pang maigi at baka ako’y nagkakamali lamang ng tingin.

        “Ito nga ang aking silid!” masayang sambit ko sa sarili at lumundag-lundag akong lumabas ng aking silid.

        “Panaginip lang pala, akala ko’y totoo na.” Sinampal-sampal ko pa ang aking pisngi upang masigurong gising nga ako.

        Napapailing na naghanda na lamang ako sa aking pagpasok sa eskwela. May napansin akong maliit na tatak sa aking braso habang naliligo ngunit ipinagsawalang bahala ko na lamang ito. Ipinagpatuloy ko ang paliligo habang umaawit ng paborito kong awit.

       Paglabas ko ng banyo ay bumalik ako sa aking silid. Sinalubong ako ng mga nagliliparang ibon at kaysarap pakinggan ng kanilang mga huni na para bagang ako’y kanilang inaawitan. Napangiti rin ako nang mapansin ang mga bulaklak sa paligid ng aking higaan. Kinuha ko ang mga ito at dinala sa aking ilong upang samyuin.

       “Kay gandang bulaklak!” usal ko sa sarili.

       Araw-araw ay ganito lagi ang anyo ng aking silid. Maraming mga bulaklak na nakapalibot sa aking higaan. Napupuno na nga ang aking aparador ng mga talutot na natuyo mula sa mga bulaklak. Mabuti na lang at mabango pa rin kahit tuyo’t na.

       Sabi nila Nanay at Tatay ay hindi raw nila alam kung kanino galing ang mga bulaklak, basta ang alam lang nila mula pagkabata ko ay may bulaklak na parati sa aking silid.

       Noong ako’y matagpuan nila sa may bandang gitna ng kakahuyan, naisip nilang ako’y galing sa mga engkanto na ipinagkaloob sa kanila dahil hindi sila magkaanak.

       Mula nang matagpuan nila ako ay araw-araw na raw may mga bulaklak sa aking silid. Araw-araw ring may mga sariwang gulay at prutas sa harap ng aming pintuan. Mayroon ding iniiwang isang bitak ng ginto na siyang ginagamit nila nanay at tatay pantustos sa aking pag-aaral kung kaya’t nakakapasok ako sa eskwelahan.

       ‘Di lingid sa aking kaalaman na hindi nila ako tunay na anak ngunit ganoon pa man ay hindi nila ipinaramdam sa akin na ‘di nila ako kadugo bagkus ay minahal pa nga nila ako ng sobra. Salat man sila sa yaman ay pinuno naman nila ako ng kanilang pagmamahal.

       “Diana, nandito na si Elsa!” Tawag ni Nanay ang pumukaw sa aking pagmumuni-muni.

       “Nariyan na po, Nay!” ganting tugon ko naman kay Nanay.

       Mabilis kong inilagay ang mga bulaklak sa plorera at muli kong sinamyo ang bango ng mga ito. Inilagay ko naman sa aking aparador ang mga tinanggal na bulaklak.

       Sa tuwing papasok sa eskwela ay naglalakad lamang kami ni Elsa, ito ang ginagawa naming exercise.

        Lagi kaming magkasabay ni Elsa sa pagpasok. Maganda, morena at balingkinitan ang katawan nito kagaya ko. Maraming manliligaw ito na mga kabinataan sa aming lugar. Minsan nga ay ‘di ko maiwasang makaramdam ng inggit dito.

        Pa’no ba naman kasi, kahit isang pangit na lalaki wala man lang nagkamaling manligaw talaga sa akin. Saklap!

        Upang mabilis kaming makarating ng eskwela madalas kaming mag-short cut sa may kakahuyan.

        Pagdaan namin dito ay napansin kong yumukod ang mga punongkahoy. Naririnig ko ang mga pag-uusap ng mga hayop at nakikita kong sumasabay sa pagsayaw ng hangin ang mga halaman sa paligid.

        Huminto ako sa paglalakad at mahinang tinampal ang aking noo. Sandali kong ipinikit ang aking mga mata at sa pagmulat ko ay may napansin akong isang lalaki na nakatitig din sa akin mula sa ‘di kalayuan. Napaawang ang aking bibig nang makita ang itsura nito.

        Isang gwapong nilalang! Napakagwapong nilalang sa buong baryo! Kasing gwapo ng mga holywood celebrity. Matangkad, maputi at mamula-mula ang labi. May kulay gintong buhok na lagpas balikat ang haba at ‘di mo maipagkakamaling isang babae dahil sa matikas na tindig nito. Makikita mo ring alaga ang katawan at mukhang batak na batak sa gym dahil sa nakabakas na abs sa kaniyang tiyan. Shocks!

        Ipinilig ko ang aking ulo at ikinusot-kusot ang aking mga mata. Pagtingin kong muli sa kinaroroonan ng lalaki ay wala na ito roon.

        “Sayang!” dismayadong bulong ko sa sarili at napahawak ako sa aking kwintas na suot.

        Madalas ganito ang ginagawa ko sa aking kwintas sa tuwing nakakaramdam ako ng lungkot o pagkadismaya. ‘Di ko rin maintindihan, pero gumagaan ang aking pakiramdam ‘pag hawak-hawak ko ito. Para akong niyayakap ng isang tao at inaalo.

       “Elsa, may nakita ako banda roon sa kakahuyan.”  Itinuro ko kay Elsa kung saan ko nakita ang gwapong lalaki.

        “Susmaryosep ka Diana!” At nag-antada pa ito. “Daldal ako nang daldal ‘yon naman pala wala ka sa aking likuran.”

       “B-bakit?” maang kong tanong sa kanya.

       “Hindi mo ba alam ang kumakalat na tsismis dito sa baryo?” Umiling ako sa kanya bilang tugon.

       “May Engkanto raw sa kakahuyan,” bulong niya sa akin.

       “Engkanto?!” natatawang sambit ko.

       “Naniniwala ka naman sa mga kwento ng mga tsismosa sa baryo natin?” Hindi ko na napigilang humagalpak pa ng tawa at sinamaan naman niya ako ng tingin.

       “Tara na nga! Mamaya ma-Engkanto pa ako rito. Sayang naman ang ganda ko!” nakasimangot na sabi niya at nauna nang naglakad.

       Iiling-iling na sinundan ko ito nang marinig kong tinawag ang aking pangalan ng isang malamyos na tinig.

       “Diana… H-halika…”

       Luminga ako sa paligid ngunit wala naman akong nakitang ibang tao. Nagkibit balikat na lamang ako at ‘di ito pinansin pa.

       Naramdaman ko ang pag-ihip ng hangin na parang may isang nilalang na niyakap ako mula sa aking likuran.

   

     “Ano kaya magandang regalo kina Nanay at Tatay?” tanong ko kay Elsa.

     “Ano ba gusto nila?” sagot naman niya sa akin.

     “Hindi naman kasi sila mahilig sa mga material na bagay,” nakapalumbaba kong sabi.

     “Kunsabagay…” sang-ayon naman ni Elsa.

     Napadako ang aking paningin sa bintana at nakita ko ang mga ibong paikot-ikot na lumilipad sa kalangitan. Napangiti ako sa aking naisip. Ipapasyal ko na lamang sila sa araw ng kanilang anibersaryo ng kasal. Maghahanda ako ng masarap na putahe at magpi-picnic kami sa may bandang kakahuyan para naman tahimik ang ambiance. May isang parte ng kakahuyan ang hindi pa nararating ng mga tiga baryo dahil nga sa takot silang pasukin iyon gawa ng mapaglikhang kwento ng mga tsismosa.

     Pero mabuti na rin ang ganoon nang mabawasan naman ang mga taong umaabuso sa kalikasan. Marami rin kasi sa mga tao na pinuputol ang mga punongkahoy at hindi man lang pinapalitan ng panibagong punla.

     “Diana, malayo na naman ang iyong iniisip!” Tapik ni Elsa ang nagpabalik sa lumilipad kong diwa.

     Sinamaan ko ito ng tingin at bumunghalit lamang ito ng tawa sa akin.

     “Nag-iisip nga ako ng magandang regalo para kina Nanay at Tatay.”

     “Sorry!” At nag-peace sign pa ito.

     “Alam mo ang gwapo ng lalaking nakita ko sa kakahuyan.” Pag-iiba ko sa usapan namin.

     “Huh?! Ano’ng hitsura?” nananabik niyang tanong sa’kin.

      “Matangkad, maputi at mamula-mula ang labi. May kulay gintong buhok na lagpas balikat ang haba at kahawig ng mga celebrity holywood.” Kwento ko sa kaniya.

      “Ay! Ba’t ‘di mo agad sinabi ‘yan kanina?” natitilihang saad niya sa’kin.

      “Pa’no ba naman bigla mo na lang pinagbintangang Engkanto ‘yong tao,” nakairap kong tugon sa kanya.

      “Gosh! Balikan natin mamaya para makilala rin natin,” tumitiling turan nito.

      “Sasama ka kahit sa kakahuyan iyon?” Saglit itong natigilan at maya-maya’y ngumiti sa’kin.

      “Siyempre sasama ako! Baka mam’ya siya na ang forever mo!” kumikindat na sabi nito.

      “Bruha ka talaga!” Sabay irap sa kanya.

      “Magandang bruha naman!” humahagikhik niyang sabi.

       Naiiling na tinalikuran ko ito at itinutok ang aking pansin sa binabasang pocketbook.

       “Sana nga, siya na ang forever ko!” piping hiling ko sa isip.

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Bhie Rambonanza In
c Nicolo kaya ung nakikita ni Diana?
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status