Share

Kabanata 1

"Kulang 'to," sabi ng step-mother ni Carnation na inilahad ang Five Thousand Pesos. Si Leonora ang second wife ni Clementine, ang Daddy ni Carnation. Nagpakasal ang mga ito dalawang taon pagkatapos mamatay ng Mommy niya—inatake sa puso ang kawawang ginang.

Nahihiyang tumungo si Carnation, 'di magawang salubungin ang tingin ng madrasta. "Wala na po akong pera…tita. Iyan na lahat ang sahod ko mula sa part-time sa convenience store at gasoline station." Gustuhin man niyang magbigay ng malaking halaga, limang libo lang ang meron siya.

"Alam ko naman na ginagawa mo ang lahat para kumita, pero kulang talaga Carnation. Sa gamot pa lang ng Daddy mo, hindi na kasya ang limang libo."

Hindi nagsalita si Carnation at nanatiling nakatungo. Hindi niya magawang mangatwiran sa madrasta dahil totoo ang sinabi nito sa kanya. Kulang na kulang ang kinikita niya. Ngunit, ano ang magagawa niya? Hindi siya makakuha nang malaking trabaho dahil kulang siya sa experience at wala siyang mataas na edukasyon.

"Dumaan nga pala kanina si Galel, tinatanong kung kailan tayo magbabayad." 

Si Galel Vegas ang kasosyo sa negosyo ng Daddy ni Carnation, ngunit pagkatapos ng dalawang linggo, nag-pull out ang matandang binata dahil sa personal nitong dahilan—kay Galel nanghiram ng pera ang pamilya ni Carnation para sa pagpapagamot ng padre de familia.

"Pero wala akong maibibigay sa kanya Tita. Nakuha ko na ang sahod ko sa buwan na 'to at may cash advance pa ako sa—"

"Umutang ka muna sa mga kaibigan mo," mungkahi ni Leonora, tinutukoy ang mga kaibigan ni Carnation noong high school.

"Pero ayaw na po nila akong pahiramin ng pera dahil hindi ko sila nagawang bayaran sa hiniram ko nang magkulang ng pambili ng gamot ni Daddy."

"Aba! Kung pwede ko lang iwan ang Daddy mo dito sa ospital para tumulong magbanat ng buto, ginawa ko na. Ano ba ang gusto mo, pabayaan ko na lang siya dito?"

"Wala naman po akong sinabing ganyan Tita—"

"Gumawa ka ng paraan," putol ng madrasta sa sasabihin pa ni Carnation.

"Hindi pwede na wala tayong maibigay kay Galel, kilala mo ang taong iyon." Tinalikuran siya ng madrasta. Lumapit ito sa gilid ng hospital bed ng kanyang ama at inayos ang nagulo nitong kumot.

"Susubukan ko po, Tita"

"Huwag mo lang subukan Carnation, gawin mo," mariin nitong sabi sa kanya. Tumango si Carnation kahit pa hindi nakikita ng madrasta.

"Sige po, maghahanap ako ng paraan," sabi na lang niya at malungkot na ngumiti. 

'Dios mio! Saan ako maghahanap ng Five Hundred Thousand Pesos?' aniya sa sarili.

"Mabuti kung ganun."

"Sige po alis na 'ko, may pasok pa kasi ako sa cafè," paalam niya sa madrasta at nginitian ang limang taong gulang na si Carlgem—half-brother niya ang kyut na bata.

⬦⬦⬦

"Hi, sir! What's your order?" nakangiting tanong ni Carnation sa lalaking customer.

"Hi, one tall iced coffee please."

"That's all sir?"

"Yes," tipid ang ngiti na sagot naman sa kanya ng binata.

"Name, sir?"

"Sloan," sagot nito. Sinulat agad ni Carnation ang pangalan ng customer sa clear plastic cup.

Araw-araw, busy sa cafè dahil tambayan ito ng mga estudyante. Malapit lang kasi sa pinakamalaking university sa Luzon ang cafè na pinagtatrabahuhan ni Carnation.

Monday, Wednesday, at Friday ang schedule niya sa cafè. Dahil working students lang ang tinatanggap, kinailangan niyang magsinungaling noon para makapasok. Mabuti na lang at naintindihan ng boss niya ang sitwasyon nang sabihin niya ang totoo.

"Oy, tulala ka na naman," puna ni Angelo, kasamahan ni Carnation sa trabaho. Nakatayo kasi siya sa gilid ng counter hawak ang pamunas at natulala sa kawalan.

"Iniisip mo na naman ba ang bayarin niyo sa ospital?" tanong nito at tumango naman siya bilang sagot.

"Hindi ko na talaga alam kung saan ako hihiram ng pera, Angelo," problemadong sabi niya sa katrabaho.

"Bakit hindi mo na lang subukan kay Sir Peter? Baka pahiramin ka niya ulit, o kaya sa mga kaibigan mo noong college? Sabi mo mayaman ang mga 'yon?" Nabuhayan si Carnation ng loob. Bakit nga ba hindi niya naisip sina RJ? 

Sinubukan ni Carnation na tawagan ang number ng dating blockmate nang breaktime niya, pero unattended ang number nito. Natupok tuloy ang apoy ng pag-asa niya. Wala na siyang choice kundi pakiusapan ang boss para mag-cash advance—ulit.

"Pero no’ng Monday lang ay nag-cash advance ka." Nakagat ni Carnation ang ibabang labi sa labis na kahihiyan. Ito na nga at kinausap na niya ang boss, pero mukhang negatibo ang tugon nito sa request niya.

"Ah…k-kasi Sir, kailangan ko lang talaga ngayon. 'Wag po kayong mag-alala pagtatrabahuhan ko—"

"Alam ko na kailangan at pagtatrabahuhan mo, pero hindi kasi 'yon ang problema." Nagbuntong-hininga ang boss niya. "Pasensya na Carnation pero mahigit Twenty Thousand na ang cash advance mo. Hindi ko mapagbibigyan ang request mo ngayon."

"A-ayos lang sir.” Pinilit niyang ngumiti. Pero nakikita lang ang kaba at pagkapahiya niya sa ginawa.

"Pasensya na talaga, Carnation." 

Bagsak ang balikat na lumabas siya ng opisina ng boss niya. Mag-isa na lang si Carnation dahil nag-uwian na ang mga kasama. Hinintay niya talaga na maiwan sila ng boss sa takot na mapahiya sa mga kasamahan.

Naglalakad si Carnation patungo sa sakayan ng bus nang biglang umambon. Kinuha agad niya sa loob ng bag ang payong at patakbong sumilong sa waiting shed, muntik pa siyang madulas sa pagmamadali! Bumuhos ang napakalakas na ulan nang nasa waiting shed na siya, naghihintay ng bus.

"Ano ba 'yan! Bakit ngayon pa umulan?" reklamo ni Carnation habang pinupunasan ang talsik ng ulan sa braso at mukha. May hangin na dala ang malakas na ulan kaya kahit nakasilong siya ay nababasa pa rin siya ng ulan.

"Masama na nga ang loob ko sa dami ng bayarin, pati ba naman araw ko sasama din?" dagdag pa niya na gusto nang maiyak sa dami nang hinaharap na problema. 

"Saan na ba ang mga bus?" Hindi napigilan ni Carnation ang pagtulo ng luha. Para tuloy siyang timang na umiiyak sa waiting shed habang malakas na bumubuhos ang ulan.

Dalawang oras nang nakababad sa ulan at malamig na hangin si Carnation. Inaantok na siya at pagod na rin, basa pa ang suot na damit! Wala pa ring bus patungo ng Novaliches, kung meron man hindi naman siya hinihintuan! Hindi na niya malaman kung paano aaliwin ang sarili. Tatayo, tapos ma-uupo na naman siya, para na talaga siyang timang. Hanggang sa bigla na lang siyang na silaw sa liwanag mula sa isang sasakyan. Huminto ang sasakyan sa mismong harap ng waiting shed at dalawang beses na bumusina.

"Neng! Gusto mong makisakay? Pahirapan ngayon ang pag-commute!" Pasigaw na sabi ng matandang lalaki, nakasilip ito sa bintana ng back seat.

"H-hindi na po! Salamat na lang!" Pasigaw rin na sagot ni Carnation. Grabe, akala ba nito basta na lang siyang sasama sa taong hindi niya kilala?

"Alam kong nag-aalangan ka pero gusto ko lang tumulong! Saan ka ba!? Patungo kami ng St. Lukes baka along the way lang ang destinasyon mo?!" Hindi nakatugon si Carnation sa matanda nang mag-vibrate ang cellphone na hawak niya, at nang mabasa niya ang mensahe mula sa madrasta. Hindi na nag-isip pa si Carnation at pumayag na sa alok ng matanda.

"Sir! Sa St. Luke's ako, pasabay na po! Please, emergency lang!"

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status