Share

Kabanata 2

Kabanata II

"NARINIG mo na ba na sa bahay raw gaganapin ang reunion ng batch ni Ma'am Liezel?" biglang wika ni Sabel kay Celes habang abala sila sa paglilinis ng bodega.

Sa totoo lang matagal na ni Celes na alam ang bagay na 'yon dahil minsang nahagip ng pandinig niya ang usapan ng mayordoma at ng anak ng kanyang amo na si Liezel na nangangailangan umano ang mga ito ng iba pang tao para sa nalalapit na reunion na gaganapin sa main house ng mga Villacorta, ang pinapasukan niyang pamilya sa Maynila.

Inisang buhat niya ang malaking box na kanina pa walang pumapansin para ilabas. Kaya nang marinig niyang lilinisin ang isang bodega ay hindi na siya nagulat na gagamitin 'yon para paglagyan ng mga gamit ng mag-i-stay na bisita.

Kapwa madaling-madali na ang lahat ng kasamahang katulong na malinis na rin ang ilan pang mga silid kung saan mananatili ang mga bisita, lalo na sa mga magpapasyang mag-overnight dahil karamihan sa mga ito ay kagagaling lamang sa ibang bansa at pumasyal lamang ng bansa para sa reunion na 'yon.

Tiyak siyang hindi lamang isang linggo na magiging abala ang mga araw niya. Kaya dapat magawa na niyang makapagpaalam sa mayordoma na aalis lang muna siya sandali para makapagpadala ng pera sa mga kapatid. Baka kasi kapag nagtuloy-tuloy na trabaho ay mawala na 'yon sa loob niya, kailangan na kailangan pa naman ni Kristine ang pera pambili ng bagong uniporme.

Tila naglahong parang bula ang pagod na kaninang nararamdaman nang maalala ang mga kapatid. Ginanahan tuloy siyang magtrabaho. Kapag napapasaya ang mga kapatid, nagiging masaya na rin siya.

"Ba't ka ngumiti-ngiti ka riyan? Naalala mo na naman ba 'yong gwapong lalaking tinulungan mo sa mall?" tukso ni Sabel sa kanya nang marahil mapansing bigla na lamang siyang nangingiti nang hindi namamalayan.

Sandaling tinapunan niya ng tingin ang kaibigan. Matagal nang nangyari ang bagay na 'yon pero mukhang hindi pa rin nakakamove on ito dahil sa bastang pag-iwan niya rito sa mall. Ang akala niya nga ay magagalit ito, pero nagulat siyang makitang tawa lamang ito nang tawa habang hinahampas ang likod niya.

Nawala rin sa loob niya ang kagagahang ginawa kasi mas nangibabaw ang sakit na dulot ng hampas nito kaysa sa takot niya. Palibhasa'y batid niyang hindi naman mag-aaksaya ng oras ang lalaking 'yon na hanapin siya.

"Malalim na naman ang iniisip mo. Siguro miss mo na 'yon, ano! Ikaw ha, 'di ko tuloy maiwasang manghinayang kung bakit ba naman kasi nag-cr ako n'on. Sayang 'di ko nakita ang hitsura ng lalaking nagagawang mapangiti ang isang mailap na si Celes Sorella!" tumatawang kantyaw na nito.

Malalim na bumuntong-hininga siya. "Ano ka ba naman Sabel? Tigil-tigilan mo na ang kababasa ng mga pocketbooks at kung saan-saan ka na tuloy dinadala ng imahinasyon mo," wika niya binalewala ang nauna nito patutsada.

Wala na siyang oras sa mga lalaki ngayong mas mahalagang matugunan niya ang pangangailangan ng mga kapatid. Sa katunayan, wala na rin sa plano niyang mag-asawa pa.

"Ang kj mo naman Celes. Syempre kilala na kitang wala sa isip mo ang mga lalaki. Kahit siguro iharap sa 'yo ang pinakagwapong lalaki sa mundo ni hindi mo 'yon tatapunan panigurado ng tingin!" ani Sabel. Iyon ang mali nito dahil totoong nahumaling siya sa gandang lalaki ng tinulungan.

"Mabuti naman," tipid niyang tugon.

Naramdaman niyang lumapit ito sa tabi niya. "Pero malay mo, destiny mo na pala 'yong lalaking 'yon."

"Sabel!"

Kapwa binalingan nila ang nakatayong mayordoma sa labas ng pintuan na nakapamaywang.

"Kanina pa kayo riyan, 'di na kayo matapos-tapos dahil sa tsismisan! Lalo ka na Sabel, dinig na dinig ko sa baba ang boses mo!" dikit ang mga kilay na sikmat nito.

Bumaba ang tingin ni Sabel. "Pasensya na po," agad na hinging paumanhin nito at dinampot ang walis at dustpan. Kunwa'y nagsimulang magwalis-walis kahit sa totoo lang ay kanina pa nito iyon tapos gawin.

Nang mapansing umalis na ang mayordoma.

"Mainit na naman ulo niya, siguradong tamad na naman ang mga nakuha niyang katulong," reklamo ni Sabel. Padabog nitong inilagay sa gilid ang mga hawak. "Tulungan na kita riyan," anito.

Saka niya naalala ang binanggit nito. Iyon pa ang kaninang bumabagabag sa kanya. Kung babagal-bagal sa trabaho ang mga bagong kinuhang katulong, pati siya at ni Sabel ay apektado. Hindi na kataka-kataka na ilang araw nang mainit ang ulo ng mayordoma sa kanila.

***

ILANG araw ng pagod at kulang sa tulog si Celes. Nag-aalala na kasi siya sa mga kapatid na marahil matagal ng naghihintay sa padala niyang pera. Sinubukan naman niyang magtungo sa pinakamalapit na outlet ng pera padala kahapon pero nakalimutan niyang holiday pala n'on kaya maagang nagsara.

Ngayon pang kasalukuyang nagkakagulo sa loob ng mansyon ng mga Villacorta dahil dumating na ang mga bisita ng among si Liezel. Mukhang malabo na para sa kanyang makapuslit mamaya para makalabas.

"Celes, pakidala raw ito sa kwarto ni Ma'am Liezel," biglang wika ni Diane, isa sa mga bagong katulong na kinuha kamakailan lamang para sa dagdag na tao ng mansyon.

Hindi pa kasi pinapayagan ang mga itong umakyat sa ikatlong palapag dahil off limits pa ito sa mga bagong katulong. Pero dahil siya ay matagal ng nagtatrabaho roon ay hindi na bago sa kanyang ipasa ang ganoong trabaho sa kanya.

"Sige," aniya. Kinuha niya ang itim na maletang kanina ay tulak-tulak nito.

Nagtaka siya nang mahagip ng paningin ang bahagyang pag-angat ng isang sulok ng labi nito. Pero agad niya rin 'yon na ipinagsawalangbahala.

Muntik na siyang mapamura nang mapagtanto na may kabigatan pala ang maletang ipapanhik niya sa taas.

Balak sana niyang humingi ng tulong kay Diane nang mahalata na agad 'yon ng una.

"Bawal daw kami ro'n sa taas, Ate Celes," agad na tanggi nito. "Sige ho, marami pa sa 'king pinapagawa ang mayordoma," paalam nito.

"T—Teka..."

"Celes, pakibilisan mo r'yan, marami pang gawain sa kusina!" sigaw ni Jenny, isa rin sa mga bagong katulong na kinuha.

Hindi na niya nagawang tapusin ang sasabihin. Iiling-iling na lamang siya nang simulang hatakin ang maleta patungo sa grand staircase. May tatlong palapag ang malaking bahay na pinapasukan niya sa Maynila. Sa unang palapag matatapuan ang kusina, sala, dining room at nakahiwalay naman ang maid's quarter na matatagpuan sa bandang likod ng mansyon. Habang nasa ikalawang palapag naman ang mga guest at entertainment room. Off limits naman ang third floor na para lamang sa mga anak ng mag-asawang Villacorta.

Sa tagal na niyang nagtatrabaho roon, parang nawalan na rin siya ng gana na magreklamo pa dahil noong huli niyang ginawa 'yon ay halos mawalan siya ng trabaho. Kung 'di lang sana niya kailangang pakisamahan ang mga bagong katrabaho ay baka may nasabi na siyang hindi maganda kanina.

Malaki naman kasi ang sahod niya sa pinapasukan at kompleto pa ang benifits kaya hindi siya lugi sa pagod at oras. Bihira lang sa mga tulad niyang hindi nakatapos ng pag-aaral na dumapo ang ganoong pagkakataon kaya ayaw niyang sayangin.

Saka niya namalayang nasa labas na siya ng kwarto ng among si Liezel. Naalala na naman niya ang kasabihan ng kanyang yumaong lola na kaysa magsalita siya at magreklamo ay mas mabilis niya 'yon na matatapos kung agad niyang sisimulan.

Balak sana niyang pihitin na ang seradura ng pinto nang bumukas 'yon.

"Ate Celes, ikaw pala," bungad ng anak nang among si Ma'am Liezel. Dumapo ang paningin nito sa hila-hila niya kaninang maleta. "Hala, mabigat ho 'yan ah? Kayo lang ba ang nag-akyat mag-isa?" gulat na usal nito.

Dagdag pa na ayaw niyang umalis sa trabahong 'yon na napakabait ng mga amo niya.

Dali-dali na kinuha nito ang maleta sa kanya at ito na rin ang nagpasok sa loob ng kwarto.

"Dapat si Mang Joey na lang ang nagpanhik nito kaysa kayo Ate Celes, pasensya na ho," hinging paumanhin nito. Mababakas ang iritasyon sa magandang mukha nito nang ilagay sa gilid ng kama ang maleta. Twenty-four years old na ito subalit hindi halata dahil sa napakabatang mukha. Kamakailan lamang nang umuwi ito ng bansa at manatili na roon nang marahil makakita ng magandang offer sa trabaho.

"Okay lang ho Ma'am Liezel," aniya, tinutukoy kasi ng amo na makakatikim na naman ng sermon ang mga tauhan mamaya.

Salubong ang kilay nito nang balingan siya. "Hindi okay para sa 'kin." May kung ano'ng kinuha ito sa loob ng drawer. "Oo nga pala, tamang-tama. Narito ka na rin naman Ate Celes, may ibibigay nga pala ako sa 'yo."

Inabot nito sa kanya ang isang puting sobre. Bakas ang pag-aalinlangan nang buksan niya 'yon at agad bumungad sa kanya ang ilang pirasong asul na pera na laman n'on.

Nahigit niya ang hininga. "Ay, Ma'am Liezel."

"Siguradong ilang araw din ho kayong napagod sa paglilinis ng buong mansyon. Bonus ko na ho 'yan sa inyo at kung mayroon pa ho kayong ibang kailangan, 'wag kayong mahihiyang agad na magsabi sa 'kin," anito.

Kahit naman hindi siya makatanggap n'on ay malaki naman ang kanyang natatanggap na sahod. Balak sana niyang ibalik 'yon nang agad siyang pigilan ng butihing amo.

"Sa inyo ho 'yan. Mamaya rin ay bibigyan ko sina Ate Sabel," dagdag pa nito.

"Maraming salamat po Ma'am Liezel," pasasalamat niya.

Hindi na niya magawang tumanggi, una na marahil na dahilan wala na siyang lakas para roon at ikalawa malaking bagay 'yon pandagdag sa ipon niya.

"Sige na ho, baka may gagawin pa kayo. ‘Wag kayong mahihiyang sabihan ako kung may kailangan kayo."

Saka niya naalala ang planong pakikipag-usap sa mayordoma na paglabas. Mukha kasing matagal pa bago lumamig ang ulo n'on, at ilang beses na rin siyang hindi payagang lumabas dahil sa tambak na trabahong kailangan munang matapos.

"Ay, Ma'am Liezel," aniya nang muling balingan ang amo na kasalukuyang inilalabas ang laman ng kaninang dala niyang maleta.

"Bakit po Ate Celes?"

Binanggit niya ang tungkol sa paglabas niya mamaya para makapagpadala ng pera sa kapatid. Noong una medyo natakot siyang hindi ito pumayag, pero ito pa mismo ang nagplano para hindi siya mahuli ng mayordoma at pagalitan. Todo-todo ang pasasalamat niya sa among babae, napakabait at napakamapagbigay. Kaya nagtataka siya kung bakit ito iniwan ng dating nobyo samantalang total package naman ang amo niya, maganda, mayaman, matalino at higit sa lahat mabait.

Pero wala na siyang dapat na sayanging oras. Mahalagang matapos na niya ang lahat ng gagawin para magawa niya na ang kunwaring utos nito na may ipabibili lamang sa kanya sa labas.

Tuwang-tuwa siyang bumaba at tinungo ang kusina.

Salubong ang kilay niya nang bumungad ang tambak na hugasin. Ipinagsawalangbahala niya na lamang 'yon at sinimulan na lang na gawin. Saka na siyang maghihimutok sa galit at gaganti sa mga kasamahan kapag nagawa na niya ang mga 'yon.

***

GAYA ng mungkahing plano ng amo ni Celes. Nagpaalam siyang lalabas lang muna sandali para bumili ng mga kailangan ni Ma'am Liezel. Wala namang ibang sinabi sa kanya ang mayordoma kanina kaya laking pasasalamat niya.

Agad siyang sumakay sa isang tricycle na dumaan sa labas ng village.

Inuna muna niya ang kunwaring pinabibili ng amo saka tinungo ang pakay na outlet ng pera padala. Bagsak pareho ang balikat niya nang maabutang mahaba ang pila. Hindi na dapat siya magulat dahil holiday kahapon at maaga 'yon na nagsara.

Sandaling nag-fill up siya ng form at pumila. Panaka-nakang dumadako ang paningin ng mga tao roon dahil sa suot niya. Hindi na kasi niya nagawang makapagpalit ng damit dahil sa pagmamadali kung iisiping bibili lamang siya dapat sa botika. Sinadya rin niyang hindi magpahatid sa driver dahil tiyak magsasabi 'yon sa head main nila. Iniiwasan pa naman niyang makagalitan, oras pa kasi ng trabaho.

Hindi niya alam kung talagang mainit lang ang panahon nang magsimulang umiikot ang paningin niya. May air-conditioning naman ang lugar. Pero init na init ang pakiramdam niya. Iisa lamang kasi ang pinakamalapit na M. Lhuillier sa lugar na pinapasukan niya.

Nang tawagin na ang pangalan niya agad siyang lumapit sa counter at pumirma. Itinext niya ang transaction code sa number ng kapatid at lumabas sa lugar.

Dumampi sa balat niya mainit na ihip ng hangin noong hapon na 'yon at nakadagdag sa sakit ng ulo na kanina pa niya nararamdaman.

"Baka nabigla lang ang katawan ko," aniya sa sarili nang luminga-linga sa kalsada bago tumawid. Pakiramdam niya ano mang oras ay bibigay na ang katawan niya dahil sa hilo.

Unang beses 'yon na nangyari sa kanya marahil sa puyat at pagod na parehong nagsama.

Nanlambot ang mga tuhod niya at tuluyang natumba. Unti-unting nawalan siya ng ulirat habang may kung sino'ng nag-angat ng katawan niya mula sa matigas na kalsada.

Nang pilit niyang ulinganin ang taong bumuhat sa kanya, gusto na lamang niyang matawa na mapansing kamukha 'yon ng lalaking nakilala sa mall na pinuntahan kamakailan lamang.

Ano nga ba ulit ang pangalan nito? Pamilyar maging ang amoy nito at init ng mga kamay sa kanyang balat. Napakakomportable ng pakiramdam niya sa bisig nito.

Kailan ba noong huli niyang naranasan ang ganoong pakiramdam. The feeling of safeness and calmness.

"Joseph..." mahinang usal niya. Saka tuluyang ipinikit ang mga mata.

***

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status