Kabanata 5

Kabanata V

LAKAS ng loob ni Celes sabihin sa sariling hindi niya type si Joseph. Pero kung maglaway siya ngayon habang pinapanood itong maglakad patungo sa direksyon niya. Parang sa isang iglap ay kinain niya rin ang lahat ng sinabi noong nagdaang gabi. Hindi lang pala gwapo ang binata, total package din ito. Tall, charismatic and yummy. Parang gusto na rin niya tuloy na makisigaw ng ‘oppa, saranghae’ na kanina pa bukambibig ng kaibigang Sabel noong lumabas ng sasakyan ang bisita nila.

Teka, ang buong akala niya ay lalabas lang silang dalawa. Bakit may bitbit din itong bulaklak?

Para yatang mali ang dinig niya kagabi. Mamanhikan yata ito sa amo niyang si Liz.

Bago pa siyang umasa na siya ang pakay ng binata at para sa kanya ang bulaklak. Gumilid at binigyan niya ng daan ito para makapasok sa loob.

Napansin niyang sinundan siya ng tingin ng kaibigan. Sinenyasan niya rin itong umalis sa gitna ng pinto dahil daraan doon ang bisita.

Nang mapatitig siya sa mga mata ng kaibigan, nabasa niya mula roon na ‘bakit niya ginawa 'yon’. Hindi niya mawari kung ano'ng “’yon” ang tinutukoy nito lalo na noong rinig na rinig niyang mapasinghap ang lahat ng taong naroon nang huminto sa harap niya si Joseph.

Mali yata ng genre ang nobela ng buhay niya. 

"Hi." Dinig niyang pamilyar na boses ng binata. Nang dahan-dahan na idinilat niya ang mga mata, bumungad sa harap niya ang bungkos ng pulang rosas na kaninang nakitang dala ni Joseph. "Good morning," bati nito.

Nagsalubong ang kilay niya nang mapatitig sa napakagwapong mukha ng lalaking kaharap. 

Bulag na ba ito? Mukha ba siyang si Ma'am Liezel?

Pinagpalitan niya ng tingin si Sabel at Manang Lorna. 

"Para sa 'kin ba 'yan?" kunwa'y tanong niya kay Joseph tinutukoy ang bungkos na bulaklak.

Halatang pati ito ay nagulat sa tanong niyang 'yon. 

"Yes, of course." Inabot nito ang kamay niya at maingat na inilagay roon ang bulaklak.

Gusto niyang tanungin ito kung ano'ng nakain nito at bigla na lamang nagbago pati at mga tinging ibinibigay nito sa kanya. Mukhang hindi lang simpleng paglabas ang gagawin nila base pa lamang sa suot nitong puting polo at asul na jeans may kasama pang bulaklak na dala ang hudyo.

Hanggang ngayon ba ay tulog pa rin siya. Naku, sana naman ay magising na siya dahil baka maniwala na siya sa mga nangyayari.

"Shall we?" biglang aya ng binata at inuwestra ang kotse na kaninang sinakyan habang nakapaskil sa mga labi nito ang isang matamis na ngiti. Kitang-kita niya tuloy ang pantay-pantay na puting ngipin nito. Unique din pati ang hugis ng mukha nito na lalong nagiging kaakit-akit pagmasdan. Kung marahil naging babae lamang ito ay daig pa nito ang mga 'yon sa taglay nitong pamatay na karisma, dagdag pa ang itim na itim nitong mata na tila hinihipnotismo siya ngayon.

Sa tagal niyang naging bato na yata sa lahat ng emosyong pilit niyang na ibinaon sa hukay ng kanyang lolang namatay. May panibagong emosyon ang pilit na bumabangon sa buong sistema niya.

Tumikhim siya. Napukaw n'on ang atensyon ng lahat ng taong naroon. 

"Alam ko panaginip lang 'tong lahat. Kailangan ko ng magising dahil wala sa mga 'to ang totoo," wika niya.

***

"CELES." 

Napapitlag si Celes sa kanyang kinatatayuan nang marinig ang pangalan.

Ilang beses niyang ipinikit ang mga mata upang tiyaking hindi na siyang nananaginip ng gising. Inilibot niya maging ang paningin nang mapagtanto na nakatayo siya sa labas ng mansyon na pinagtatrabahuhan. 

Sabi sa kanya ay susunduin daw siya ni Joseph noong umagang 'yon. Pero dahil ayaw niyang maabala ang binata na maghintay ay nauna na siyang mag-abang sa labas sa pagdating nito.

"Kanina ka pa? Sana sa loob mo na lang ako hinintay," wika ni Joseph nang lapitan siya.

Tinitigan niya muna ito nang maigi bago kinurap ang mga mata.

"What's wrong?" salubong ang kilay na tanong sa kanya ng binata marahil nagtaka sa naging reaksyon niya.

"Ehem," kunwa'y tanggal niya sa ano mang bara sa lalamunan. "Nandiyan ka na pala," aniya.

Tingnan nga naman ang pagkakataon, kaparehong-kapareho ng suot nito ngayon ang nasa panaginip niya kanina. Ngunit magkagayonman, nahigit niya ang sariling hininga dahil wala sa hinuha niyang hahanga siya ng sobra sa hairstyle ng isang lalaki. Naka-slick back ang buhok nito dahilan upang umangat at maging kapansin-pansin ang mala-perpekto nitong hugis oval na jawline.

"Kumain ka na ba ng agahan? Gusto mo kumain na muna tayo?" tanong nito.

"Ah, hindi ba. Ikaw ba? Ipagluto na muna kita sa loob," aya niya.

Huh? Mali yata ang naging sagot niya.

Nagsalubong na naman ang itim na itim na kilay nito.

"No, there's no need. Sa labas na lang tayo kumain, may alam akong café na nagse-serve ng breakfast meal."

Sinundan niya lamang ito ng tingin nang maglakad ito patungo sa nakaparadang sasakyan.

Sabay silang kakain ng breakfast sa labas?

Mamaya na siguro siya mag-isip ng kung ano-anong bagay dahil sa totoo lang kumukulo na ang tiyan niya sa gutom. Marahil narinig 'yon kanina ng binata kaya nagtanong ito kung kumain na ba siya. Medyo natuwa naman siyang maisip ang bagay na 'yon.

Narinig niyang tumikhim ang binata sa 'di kalayuan, tiyak na kanina pa siya hinihintay. 

Dali-dali siyang lumapit dito at nang akmang aalalayan siya nitong makasakay ay hindi niya 'yon pinansin bagkus ay pumasok siya sa loob na walang salitang binibigkas.

'Di pa niya alam kung ano'ng pag-uusapan nilang dalawa. Lalo na noong hinimpil nito ang sasakyan sa tapat ng isang café. Nang akmang ito ang magbubukas ng pinto ay inunahan na naman niya ito. 

Sandaling sinulyapan niya ang binatang walang imik na nauna na lamang naglakad papasok sa loob habang maliksing sumunod siya. Ayaw niyang muling paghintayin na naman ito.

Agad siyang humanga sa lugar kung saan siya dinala nito. Katangi-tangi ang kulay beige na kulay ng lugar maging ang mga wooden display at ambiance ng lugar para sa katulad niyang bago lamang doon, hindi niya madamang out of place siya.

"Here," ani Joseph.

Inuwestra nito ang isang bakanteng silya saka inabot sa kanya ang menu. 

"Um-order ka ng kahit ano'ng gusto mong kainin," wika nito.

Iyon naman talaga ang balak niya nang matigilan siya sandali upang kunin sa dala niyang bag ang brown na sobre na kung saan niya nilagay ang kulang niya noong nakaraan.

"Ito pala," aniya.

Inilagay niya sa harap nito ang kinuhang sobre sa bag.

"What's this?" takang tanong nito.

"‘Di ba no'ng nakaraan, ‘di ko nabayaran ng buo ang ibinayad mo sa ospital nang dalhin mo ako ro'n. Nasa loob niyan ang kulang na anim na libo, kung kulang pa rin 'yan. Ibigay mo na lang sa 'kin ang bill's payment para talagang wala ng kulang sa susunod." 

Malay ba niya kung magkano pa talaga ang kulang niya ang mahalaga naman ay inuunti-unti niya ang bayad kaysa hayaan na lamang 'yon, saka ayaw niyang magkaroon ng utang na loob sa antipatikong lalaking 'to. Lalo't mahirap mabasa ang tumatakbo sa isipan nito.

Nagtaka siya nang makitang humalukipkip at sumandal ito sa kinauupuan.

Umangat ang paningin nito sa kanyang mga mata. "Don't you have any idea why I asked you out?" biglang tanong nito.

Rumehistro sa kanyang mukha ang kalituhan. "Pwede ba, medyo bagalan mo 'yong sinabi mo ngayon-ngayon lang. Masyado kasing mabilis, ‘di pa kasi ako magamay sa ingles." Sinabayan niya 'yon ng munting ngiti. Ayaw niya kasi itong ma-offend kung sakali.

Nanlalaki ang mga mata nito sa narinig at nagsimulang mamula ang mukha sa hindi niya malamang dahilan.

May masama ba sa hiling niya?

Hanggang sa pumailanlang ang nakahuhumaling na tawa ng lalaking kasama.

Napukaw n'on ang atensyon ng lahat ng taong naroon sa lugar. Pero wala na siyang pakialam sa bagay na 'yon. 

Para kasing may kung sino'ng kupidong pumana ng puso niya ng mga sandaling 'yon. 

Lagot siya.

***

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status