Kabanata 6

Kabanata VI

"ANO'NG ibig mong sabihin?" tanong ni Celes kay Joseph. May iba pa raw itong dahilan kaya siya inaya na lumabas. Napapaisip na tuloy siya, sa napakaiksing panahon na dalawang beses silang nagkita. May iba pa ba itong dahilan upang magkita sila bukod sa kulang niyang marahil na nais nitong singilin.

Tiniyak pa naman niyang magdala ng pera.

Ipinatong ni Joseph ang siko sa mesa at lumiyad malapit sa kanya.

"Maniniwala ka ba kapag sinabi kong na-attract agad ako nang unang beses kitang nakita?" anas nito. 

Kumurap-kurap siya. "Ano?" gulat na usal niya.

Gusto niyang matawa ng pagak sa naririnig mula sa binata dahil hindi siya makapaniwala sa narinig. Uso pa ba ang love at first sight sa panahong 'to?

Pero agad niya ring sinaway ang sarili, ayaw niyang ma-offend ito kaya pinili niyang iiwas na lamang ang paningin sa binata.

"Kung galit ka sa 'kin sa kung ano man na sama ng loob na mayroon ka sa mga nangyari nitong mga nakaraang araw. Sa tingin ko, dapat mo munang malaman na wala akong interes na makipaglokohan sa 'yo," kalmado niyang saad.

Ngunit sa totoo lang hindi niya inasahan na marinig 'yon. Kaya hindi pa siya tuluyang nakahuhulma.

"That's why, I want us to to have more time to know more about each other," mungkahi nito.

Salubong na ang kilay niya sa gulat. Kung nananaginip pa rin siya, naku, hindi na talaga niya alam kung paano gigisingin ang sarili.

"Sir Joseph—"

"Joseph, call me Joseph. There's no need po ‘sirs’, hindi mo naman ako amo. And I don't let other people close to me to call me Sir Joseph," putol nito.

Gulong-gulo na talaga ang isip niya. Pero pinakalma muna niya ang sarili bago may masabing hindi maganda.

"Joseph," simula niya. "Noong huli tayong nagkita, noong siguro na malaman mo na isa pala akong katulong. Bakit ganoon na lang ang trato at reaksyon mo kapag kinakausap mo 'ko?"

Halatang medyo nagulat ito. "What do you mean?"

Totoo ngang gwapo lang ito pero mas marami pa yata itong tanong sa kanya. Ni hindi nga yata nito alam kung ilang taon na siya at kung ano'ng klaseng pamilya mayroon siya. Kung sakali man ay baka mahimatay pa ito sa gulat.

Saka tila may napagtanto ito.

Nagdududang pinagkatitigan niya muna ito bago sinimsim ang kapeng kadadala lamang sa table nila.

"Ah, hindi lang ako makapaniwalang makikita uli kita pagkatapos nang biglang pag-alis mo. I'm just only amaze on how destiny works." Inilahad nito ang kanang kamay sa harap niya. "Bago tayo magkalimutan. I'm Joseph Delgado, a former classmate of Liezel."

"Celestine Sorella." Wala sa sariling tinanggap niya ang kamay nito. "Bago ko rin makalimutan, kung kaklase mo si Ma'am Liezel, mas matanda ako sa 'yo."

Gumuhit ang isang mapaglarong ngiti sa mga labi nito. "I'm twenty-nine, I know I'm older than you."

"Huh? Paano 'yon nangyari? Magkaklase kayo ‘di ba?"

"I'm taking up my PhD, naging kaklase ko lang siya sa isang subject na kinukuha ko."

"You—"

"I know I have a lot of things to share with you about myself. Pero gusto ko munang marinig ang sa 'yo."

Matagal na tinitigan siya ng binata sa mga mata nang marahil mapansing naiilang siya dahil doon ay nag-iwas ito ng tingin.

Hindi pa naman niya ito lubusang kilala, paano'ng madali niya lang maikukuwento rito ang tungkol sa buhay niya, lalong-lalo na sa pamilya niya.

"I'm an only child, my biological mother died in an illness when I was ten years old. My father remarried when I was eleven. To be honest, there is nothing special about my family. Kung naalala mo ang nangyari sa mall halos isang buwan na ang nakalilipas. That woman who's chasing after me was my stepmother's niece na gusto niyang ipakasal sa 'kin. I've been an obedient child eversince my real mother died, pero nang tulungan mo akong makaalis sa lugar na 'yon. I've realized that I don't need to be someone I am not all this time."

Teka nga lang muna at siya ay medyo naguguluhan. "Tinulungan kita kasi nakita kong kailangan mo n'on," aniya binibigyang diin ang bawat salitang binigkas.

Bumalik muli ang mga tingin nitong may malalim na kahulugan sa kanya. Animo'y may nais itong iparating sa kanya subalit okyupado na ang isip niya ng lahat ng sinasabi nitong mahirap para sa kanyang agad na maunawaan. Bagong-bago lang sa kanya ang lahat ng 'yon kaya hindi siya masisisi ng binata.

"Tinulungan mo si Liz kahit 'di mo alam ang consequence na maaaring mangyari," anito na hindi pa rin inaalis ang tingin sa kanya. "That's why, you are special, Celes."

Saka niya napagtanto ang mga makahulugang tinging ibinibigay nito, nais lamang nitong ipakita ang sinseridad sa lahat ng mga sinabi.

Bago pa kung saan papuntahan ang pag-uusap nila. "P—pasensya ka na—"

"There's no need to rush, I can wait. Tulad nga ng sinabi mo na kamakailan lang tayo nagkakilala. I just want you to know that I'm sincere with my words," muling putol nito sa kanyang sasabihin. Pinagtuunan nito ng pansin ang kanina pang dumating na pagkain. "Kumain na muna tayo, mahaba pa naman ang araw," aya nito.

Tumango lang siya.

Inabot ng binata ang mga kubyertos sa kanya. Ito rin ang naghiwa ng karne sa kanyang plato bago 'yon inabot sa kanya.

Humanga siya sa pagiging gentleman nito, malaki ang kaibahan noong pangalawang pagkakataon na nagkita sila. ‘Di na tuloy niya maiwasang bahagyang mapangiti ng palihim.

Tahimik na lamang silang kumain n'on habang panaka-naka niyang nahuhuling sumusulyap ang binata. Ang cute tuloy nitong tingnan kapag gano'n.

Ilang sandali ay napagtanto niya na hindi lamang pala ito gentleman, mabait din ito. Hindi nga lang halata sa mga reaksyong ipinapakita sa kanya, palihim niya kasing inaaral ang bawat kilos at reaksyon nito upang lalong higit na maintindihan. Kaiba kasi ang makikita sa mukha nito sa nais nitong iparating.

"May dalawa akong kapatid na babae," kwento niya habang naglalakad sila sa gilid ng kalsada. "Bilang ate, ako ngayon ang nagpapaaral sa kanila. Nasa kolehiyo na ang ditse habang ang bunso ay nasa hayskul na," pagpapatuloy niya.

Wala namang masama na ipaalam niya 'yon sa binata. Para rin malaman nitong wala talaga siyang interes sa nais nito.

"I've heard a lot about you from Liz," anito.

Awtomatikong binalingan niya ang lalaki.

"I'm sorry, alam ko magagalit ka. Pero ‘wag kang mag-alala. Wala naman kaming pinag-usapang masama tungkol sa 'yo. Liz is only proud about knowing someone like you," paliwanag nito.

"Ah, gano'n ba," naibsang kaba na sabi niya.

"Alam ko masyadong biglaan ang pagdating ko sa buhay mo. Nagtatrabaho ka habang nag-aaral, ayokong dumagdag pa sa iniisip mo." Huminto ito sa paglalakad at pumwesto sa harap niya. "Gusto ko lang malaman mo na sincere ako, and I also want to help you."

Natawa tuloy siyang marinig 'yon. "Bakit mo naman gagawin 'yon? Sapat na sa 'kin na malamang attracted ka sa 'kin. Pero ngayon pa lang gusto ko ng humingi ng sorry sa 'yo. Tulad na rin ng sinabi mo, masyado ng marami akong dapat na isipin."

"I can wait."

"Joseph."

"Your parents, how about them? Aren't they supposed to help you?"

Tila nagpanting yata ang tainga niya sa huling sinabi nito. Dumilim maging ang anyo ng mukha niya at mapait na napangiti. Maling-mali talaga ang timing ng pagdating ng binata sa buhay niya. Ngunit tamang putulin na niya ang ugnayang maaaring mabuo sa pagitan nilang dalawa.

"Uuwi na ko," iyon na lamang ang nasabi niya at nauna nang maglakad dito.

Hinatid siya ni Joseph sa mansyon na pinagtatrabahuhan. Natapos ang araw na wala silang ginawa kung hindi kumain ay mamasyal sa mga lugar na hindi pa niya napupuntahang lugar sa Maynila. Bukod sa paminsan-minsan na nagpaparamdam itong nais uli siyang ayain na lumabas sa darating niyang day off. Pilit naman niyang iniiwasan 'yon.

Ayaw niyang masaktan ito, at lalong-lalo na siya. Kung sakali kasi ay ito ang unang magiging nobyo niya. Sa tagal na niyang pilit na umiiwas sa mga lalaki ay ito lamang ang nagkaroon ng pagkakataong makalapit at napagbigyan niya.

Pero hanggang doon na lang 'yon. Wala ng susunod.

***

"CELES, nasa labas daw si Sir Joseph. Hinihintay ka!" rinig ni Celes na sigaw ng kaibigang si Sabel habang nasa dining area inililigpit ang mga pinagkainan ng amo.

Nagmamadali tuloy niyang inilagay ang mga plato sa tray na dala at dalhin 'yon sa kusina para ilagay sa loob ng automatic dishwasher at iwan 'yon.

'Di niya alam kung bakit bahagya niyang sinuklay ang buhok gamit ang mga daliri ng kamay saka dali-daling lumabas mula sa front door ng bahay. Hindi nga siya nagkamali ng dinig, naroon nga si Joseph at hinihintay siya.

"Hi, ‘di ko alam na busy ka pala," wika nito habang naglalakad palapit sa kanya.

Nahigit niya ang sariling hininga, pakiramdam niya habang tumatagal ay gumaguwapo ito sa paningin niya.

"Kumain ka na? Sabay na tayo." Wala na itong ibang linya na alam na itanong at sabihin sa kanya kung hindi ang mga 'yon.

Wala rin naman siyang reklamo dahil kanina pa niya nararamdaman ang mga tingin nina Manang Lorna na hindi niya namalayang kasunod na lumabas at si Sabel na kanina pa siya pinagtatabuyan na sumama na sa binata.

"Kanina pa 'yan naghihintay sa 'yo," rinig niyang bulong ni Sabel sa kanyang tabi saka bahagyang pinisil ang tagiliran niya. "Sumama ka na, ako na bahala sa mga plato sa loob. Baka mamaya umiyak 'yan," habol na biro nito at humagikgik.

Kung totoong naghintay si Joseph sa kanya, nakakahiya namang tanggihan niya ang binata. Tanghaling tapat na rin at halatang hindi pa ito nananghalian.

"Pasensya na kung dumating akong walang pasabi," hinging paumanhin nito at iginaya siya sa sasakyan nitong nakaparada sa labas.

Sinadya talaga nitong hindi magsabi dahil tiyak na tatanggihan niya ang alok nitong lumabas uli. Maganda rin itong pagkakataon na linawin na niya ang lahat-lahat bago 'yon lumalim at lumala hanggang sa hindi na niya maayos pa.

Dinala siya ni Joseph sa isang Italian restaurant, malapit 'yon sa mall kung saan sila unang nagkita. Pagpasok sa loob ay sinalubong siya ng magarang ambiance ng naturang lugar, idagdag pa ang nakapanlalaway na amoy ng mga Italian dishes na tiyak na fresh at masarap. 'Di niya tuloy maiwasang maglaway. First time niya lang kasi makapasok sa ganoong lugar at handa na rin siya kung sakaling magpupumilit na ang binata magbayad.

May extra yata siyang dalang pera.

Nanlamig ang buong katawan niya nang mapatitig maigi sa price ng mga inihahain doon na pagkain. Parang gusto na lamang niyang mawalan ng ulirat. Kakain din lang naman sila, sana ay dinala na lamang siya ng lalaki sa isang fastfood chain. MacDonalds o kaya naman Jollibee. 'Di naman yata makatarungan na maglalabas siya ng dalawang libo para lang sa isang carbonara yata 'yong nakita niya na nag-iisang alam niya mula sa menu.

Tumikhim siya. "Siguro, sa iba na lang tayo kumain," mungkahi niya.

"Hindi kita inaya lumabas para magbayad para sa kakainin natin," wika nito nang hindi siya tinitingnan. "Ako ang nag-aya sa 'yo kaya ako ang magbabayad," pagpapatuloy na sabi nito.

"Joseph..."

"Please, let us eat peacefully our lunch together. If you want to insist to pay, I will let you next time."

Next time? Sino'ng may sabing may next time pa para sa kanila?

Kumain siya ng tahimik tulad ng sinabi nito, may dessert din pagkatapos ng main dish. Kahit may pagtutol sa kanyang kalooban na manatili pa roon, puno naman ng kagalakan ang tiyan niya matapos malagyan 'yon ng masasarap na pagkain. Sa tagal niyang nabubuhay sa mundo ngayon niya lang lubusan na na-appreciate ang ganoong klaseng biyaya.

Kapag nakaluwag-luwag siya, aayain niya rin ang mga kapatid na lumabas. Gumuhit ang isang munting ngiti sa kanyang mga labi matapos na i-note 'yon sa kanyang cell phone na dala.

Mayamaya'y bigla na lamang 'yon naglaho sa kanyang mga kamay, nang hagilapin ng paningin niya ang umagaw n'on. Hawak na ngayon 'yon ni Joseph at sandaling may tinype doon.

"Nakalimutan ko sa 'yong ibigay ang number ko," saad nito saka ibinalik ang cell phone niya. Asa pa itong ite-text niya. Walang susunod na pagkakataon, mamaya kapag naghiwalay silang dalawa ay agad-agad niya rin 'yon na ide-delete. "Shall we?"

Nakita niyang nakalahad ang kamay ng binata sa kanyang harapan, inaaya siyang umalis na sa lugar na 'yon. Wala sa sariling tinanggap naman niya 'yon.

Ang buong akala niya ay ihahatid na siya ng lalaki pauwi, pero sa kabilang direksyon nagtungo ang kotse nito.

"I've heard that you like teas, especially milkteas. I know a store that has a lot of flavors of milktea that you would surely like," wika ng binata habang nagmamaneho.

Parang wala siyang natatandaan na may binanggit siyang mahilig siya sa milktea. Sa katunayan nga ay isang beses niya pa lang 'yon nasusubukang inumin. Tila may ideya na siya kung saan nagmula ang impormasyon na 'yon na mahilig daw siya roon.

"Bumili na rin tayo at pasobrahanan para kina Manang Lorna at Sabel."

Bago pa maloko ang binata at gamitin pa siya ng kaibigan. "Hindi ako mahilig sa milktea," aniya.

Sandaling sinulyapan siya ng lalaki sa rear mirror. "Gano'n ba? How about sweets? Nakita ko kaninang nag-enjoy ka sa dessert."

Kung gayon ay simpleng pinapanood siya nito habang kumakain. Ayaw naman niyang magsinungaling dahil totoong nag-enjoy siya sa pagkain ng dessert, lalo na 'yong tiramisu. Tila hanggang ngayon nga ay nasa dila pa rin niya ang malinamnam na lasa n'on.

"Puntahan natin ang cake store ng kakilala ko, masarap gumawa 'yon ng cake at specialty niya ang tiramisu."

Oh, that tiramisu. Marahil habambuhay ng nakaukit sa pagkatao niya ang napakasarap na dessert na 'yon. Kaya niyang magpaalipin para lang matikman muli 'yon.

"Okay," kunwa'y sagot niya, pero mababakas ang excitement sa mukha niya habang pilit na itinatago 'yon sa binata.

At, doon nagsimula ang halos linggo-linggo nilang paglabas ni Joseph. Walang palya ang pagsundo nito sa kanya sa tuwing sasapit ang day-off niya. Kumbaga, naging routine na niya 'yon, sa buong weekdays kung hindi school at trabaho ay sa weekend siya bumabawi ng pahinga niya.

"Uy, lalabas na naman sila," kantyaw sa kanya ni Sabel nang makitang naghahanap siya ng masusuot na maayos na damit.

"Kakain lang kami," anang niya sa mababang boses.

"Ilang beses na kayong kumakain sa labas pero sagot mo pa rin kakain lang kayo, sus, Celes. Date kamo 'yan." Natatawang nilapitan siya ng kaibigan at tulad niya ay nakihalungkat na rin ito ng mga damit niya.

"Date?"

Gulat na bumaling sa kanya ang kaibigan. "Gaga, date? Ba't parang 'di mo alam 'yon?"

Pati siya ay naguluhan sa balik tanong ng kaibigan. Kailan pa sila nagsimulang mag-date ni Joseph?

"Hindi lang pala ang cell phone mo dati ang nasa panahon ni Kopong-kopong maging ang ideya mo ng pagkain sa labas. Kapag inalok ka ng lalaki na lumabas at kayo lang dalawa, hundred percent date 'yon. Saka ilang gabi ka na ring nakikipalitan ng text kay Sir Joseph. Muntik mo na nga akong kalbuhin noong aksidente mong nadelete contact number niya, mabuti na lang na-retrieve ng anak ni Mang Danilo na techy," mahabang saad ng butihing kaibigan.

Date?!

"So, kailan daw kayo magpapakasal?"

Maging siya ay nagulantang sa napag-alamang 'yon.

Date nga hirap na niyang tanggapin. Kasal pa kaya?!

***

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status