Share

Episode 8: I Wish To Be You

EPISODE 8

Dumiretso si Stephen sa kwarto nito pagkarating sa bahay.

Hindi na ito sumabay sa hapunan o pinagbuksan man lang ng pintuan ang kasambahay na naghatid ng pagkain.

Gustong sanang magsalita ni Zoelle sa hapagkainan. Sasabihin niya sana kung ano ang nalaman niya tungkol kay Stephen. Marami siyang gustong itanong tungkol dito pero nanatili na lang siyang tahimik. Gusto muna niyang kamustahin si Stephen-- ito ang mas nangangailangan ng kausap.

Pagkatapos niyang magmadaling kumain, umakyat agad siya at nagtungo sa tapat ng pintuan ng kwarto ni Stephen.

Huminga siya nang malalim.

"Stephen. . ." At kumatok nang tatlong beses.

Wala siyang narinig kahit itinapat pa niya ang tenga sa pinto. Inulit niya ang pagkatok at pagtawag sa pangalan ng kapatid ngunit kahit sa paglipas ng ilang minuto ay walang nangyayari.

"Stephen, please, gusto ko lang sanang mag-usap tayo."

Katahimikan lang ang sumagot sa kanya.

"Zoelle?"

Napalingon siya sa boses na 'yon. Nakita niya ang nakangiting si Timothy, mukhang aakyat na rin patungo sa silid. Lumakad ito palapit sa kanya.

"What are you doing here?

"Ah. . ." Tinuro niya ang pintuan ni Stephen. "Kakausapin ko lang siya."

He paused for a moment and his dimples vanished. "Why? May nangyari ba?"

Kinagat ni Zoelle ang pang-ibabang labi at nag-iwas ng tingin. "Gusto ko talaga siyang kamustahin d'yan sa loob ng kwarto niya nang malaman ko sa'yo na matagal na pala siyang gan'yan."

Hindi naman ito isang kasinungalingan. Totoo naman na nag-alala siya agad noong unang beses. Pero kailangan niya lang munang iligoy ang usapan para mas marami siyang malaman.

Bumalik ang ngiti sa labi ni Timothy. "Pag nakausap mo siya, tell him that I want to see him, too. It has been a long time since he last spoke to me."

Tumango-tango lang si Zoelle. "Si Stephen. . . kailan ba siya nagsimulang magkulong sa kwarto? Noong bata ba siya, malayo rin ba siya sa mga tao?" Hindi niya alam kung naririnig ba sila ni Stephen dahil nasa tapat lang sila ng kwarto nito o baka hindi at natutulog, pero itinuloy niya ang pagka-intriga.

"He used to be a happy kid back then. When he's still in elementary school, I remember him being an active student. Sumasali pa siya sa mga art contest noon, alam ko. But," sabi nito, bumaba ang boses. "I-I don't know what happened wrong."

"Hindi natin alam, pero bakit-- bakit wala sa ating nagtanong?"

Natigilan si Timothy. "He's fine. I believe it's just his phase. Most teens are like that because of puberty, right?"

Tumitig si Zoelle sa kwarto ni Stephen. "Sana nga phase lang," bulong niya.

"If it's not his phase, hindi ko na alam. Wala rin naman ako sa bahay palagi. Lahat naman tayo may kanya-kanya nang buhay."

Mabagal lang siyang sumang-ayon. Ilang segundo pa bago siya tapikin ni Timothy sa balikat at magpaalam na. Naiwan si Zoelle sa kanyang kinatatayuan. Malalim ang iniisip.

Hindi niya alam kung pwede ba siyang magalit at malungkot sa kanila kung noon ay wala rin naman siyang nagawa, at kung may karapatan ba siyang madismaya kung magkakatulad lang silang nagpabaya.

"Nagkaniya-kaniya na nga tayo," sambit niya sa sarili.

***

"Ma'am Zoelle, absent ka ba muna ngayon?" tanong ni Kuya Henry nang makita si Zoelle na hindi nakasuot ng uniform samantalang ang mga kapatid niya ay handa nang sumakay sa van.

Tipid siyang ngumiti. "Sa mga susunod pong araw, 'wag niyo na po akong hintayin bumaba."

"Bakit naman? Kanino magpapahatid sa school?"

Umiling-iling siya. "Hindi na po muna ako papasok."

"Kung 'yan ang desisyon mo, Ma'am Zoelle. Sige, mauuna na kami at ihahatid ko na sila." Tiningnan siya ni Kuya Henry ng ilang segundo bago kumaway at lumakad palayo.

"Ingat po."

Pabalik na siya sa sala nang makasalubong niya si Manang Herminia. Mukhang narinig nito ang pinag-usapan nila ni Kuya Henry kung kaya't may nag-aalalang emosyon sa mukha ng matanda.

"Paano 'yan? Ikaw na lang ulit ang maiiwan dito maghapon," sabi nito nang makalapit sa kanya.

"Hindi rin po pumasok si Stephen."

"Ah, pero hindi naman pala-labas ang batang 'yon," sabi ni Manang Herminia. "Kaya ka ba lumiban para hindi maiwan dito ang kapatid mo?"

Ngumiti si Zoelle. "Opo, pero na-realize ko rin na okay na po sa'kin 'yong halos isang linggo ko sa school. Saka, kung hindi niyo pa po naipaalam kina Papa na pumasok po ako, kahit 'wag na po kayo ang magsabi. Ako na po bahala. Tatawagan or ite-text ko na lang po ulit sila. O sa pag-uwi po nila dito sa mansion."

"Sana nga ay makauwi rin agad sila," tatango-tangong wika ni Manang Herminia. "Siya nga pala, hindi pa kumakain si Stephen mula kagabi pa, tama ba? Gusto mo bang ikaw na ang magbigay sa kanya ng almusal niya? Baka pagbuksan ka."

"Opo. Papunta rin po ako sa kanya."

Lumakad sila papuntang kusina at sinamahan siya ng isang kasambahay para iakyat ang pagkain ni Stephen. Pagdating sa tapat ng kwarto, kinuha na niya ito at kumatok sa pinto.

"Stephen, nandito na 'yong breakfast mo. Kain na."

Kumatok-katok pa siya, pero mukhang walang balak itong pagbuksan siya.

"Kahit hindi mo muna ako kausapin, kunin mo lang 'tong pagkain mo para hindi ka ulit malipasan," sabi pa niya sa tapat ng pintuan.

Napabuntong-hininga si Zoelle.

Biglang naputol ang pagbuntong-hininga niya nang gumalaw ang busol ng pinto. Pumihit ito at sa isang iglap, nagkaroon ng siwang. Sumilip si Zoelle ngunit wala siyang makita bukod sa kadiliman.

Kinuha agad ni Stephen ang pagkain na dala niya at isinarado din agad ang kwarto.

Hindi man lang nagtama ang mga mata nila. Ang nakita niya lang ay ang magulo nitong buhok at ang damit nitong lukot-lukot.

"Ubusin mo 'yan, ha," huling sabi niya bago lumakad palayo.

Kahit papaano, nagawa naman niya itong mapakain.

Ilang araw pa ang lumipas na ganoon lang ang sitwasyon nila. Hindi siya pumapasok, naghahatid siya ng pagkain kay Stephen sa pag-asang kausapin siya nito at para makita ang kalagayan ng kapatid. Sa maghapon ay naghahanap siya ng mga mapagkakaabalahan kahit na panonood ng TV.

Parang may bagyo pero hindi nag-suspend ang pasok ngayon. Sila ulit ni Stephen ang naiwan. Hindi niya alam kung kailan ito ulit papasok pero sa tingin niya ay mas makabubuti kung hindi.

Pumupunta sila sa school para makapag-aral, hindi para masaktan at api-apihin.

Nakahiga lang si Zoelle sa kanyang kama, pinapakinggan ang tunog ng ulan sa labas. Mayamaya, ibinaba niya ang hawak na libro at nagtungo sa tapat ng bintana.

Maraming tumatakbo sa isipan niya, pero hinayaan niyang anurin muna ito kasabay ng ulan. Isinahod niya ang palad sa mga patak ng tubig.

At sa gilid ng mga mata niya, napansin niya ang isang taong nagpapaulan sa hindi kalayuan.

Biglang bumilis ang kabog ng dibdib niya. Lumabas siya ng kwarto at mabilis na binaba ang hagdanan. Lakad-takbo siya sa pasilyo hanggang makalabas. Mas napagtanto niya kung gaano talaga kalakas ang ulan. Hindi siya nagpatinag.

May nakita siyang payong sa isang stand at kinuha 'yon. Patungo sa kanya.

Kilala niya ang pangangatawan at buhok na ngayon ay parehong basang-basa. Ang magulong nitong buhok ay nakababa at dikit sa ulo, mas lalong naharangan ang mata ng binatilyo.

Nasa gitna ito ng ulan. Mabagal na pabalik-balik lang sa pwesto nito. Hindi alintana ang lamig at lakas ng hangin.

Akala ni Zoelle, hindi siya nito napansin dahil hindi ito umiimik o lumingon hanggang sa tuluyan siyang makalapit dala ang payong.

"Please go away," he said, coldly.

"Hindi naman ako ulan para paalisin mo. Kapatid mo ko," sabi niya, nakangiti

Tunog lang ng patak ng ulan ang namayani sa gitna nilang dalawa.

Pinayungan niya lang ito kahit walang imik. Gusto niyang tumayo lang sa tabi ng kapatid at hintayin ito na magsalita sa kanya, kahit ano.

"I wish to be you," sambit ni Stephen, tumingala. "I wish I could just disappear, forget and reset everything."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status