Share

Kabanata 4

Inaamin kong hindi ko nagugustuhan kung gaano siya ka prangka ngunit hindi ko rin maiwasang maapektuhan sa kanyang mga salita.

Iginala ko ang aking paningin sa paligid. Mas mabuti nang salubungin ang mga mapanghusgang mata sa paligid matakasan ko lang ang kanyang nakakatunaw na tingin.

"Pwede ko bang makuha ang number mo?"

Sikreto akong napapikit nang muli siyang magsalita.

"Anong number?" Painosente kong tanong. Mas lalo akong nawala sa aking sarili dahil sa ngiti niya. Parang natutuwa pa siya sa pagpapanggap kong slow.

"Cellphone number."

"Wala," maikling tugon ko at umiwas muli ng tingin.

"Grabe naman, ang damot. Ayaw mo lang ibigay eh." Bulong niya na hindi nakatakas sa aking pandinig.

"Wala nga! Wala akong cellphone at kung meron man ay hindi ko pa rin ibibigay sayo." Tumaas na ang boses ko at hindi na naitago ang inis pero ang demonyo hindi man lang naapektuhan at nakangiti pa rin na parang natutuwa habang pinapanuod ang aking reaksiyon.

Nabunutan ako ng tinik nang natapos na ang tugtog. Agad akong tumalikod sa kanya at malalaki ang hakbang kong tumungo kay Sander na kanina pa nakamasid sa amin.

Agad akong hinawakan ni Sander sa braso. Hinila ko siya palabas para makapag-usap kami.

"Saan na ba si Leila? Bwisit na batang yun," Pinilit kong ilihis ang usapan dahil alam kong agad niya akong uusisain.

Habang nakikipagsayaw ako kanina sa lalaking iyon ay para akong nakalutang sa alapaap. Hindi ko alam kung bakit kakaibang kaba ang lumulukob sa akin na parang may hindi magandang nangyayari. Hindi ko na rin alam kung sino ba ang uunahin ko sa kanilang tatlo.

"Anong pinagsasabi sayo ng taong yun?"tanong ni Sander sa akin. Diretso ang tingin niya sa akin na para bang makukuha niya ang sagot mula sa aking mga mata.

"Pwede bang hanapin muna natin si Leila. Mamaya mo na ako awayin," Tumaas na rin ang boses ko sa kanya. Saka ko lamang narealize nang lumamlam ang kanyang mata.

Ilang segundong dumaan ang katahimikan sa amin bago siya humakbang paatras.

"Sorry! Huwag ka nang mag-alala makikita rin natin ang kapatid mo... at hindi kita inaaway, nagtatanong lang ako," mahinahong sabi niya.

Bigla akong na guilty dahil mukhang sa kanya ko pa naibunton ang inis ko sa lalaki at sa kapatid ko.

Natigil ang aming pag-uusap nang magkasunod na dumating si Arnold at Andra.

"Ano wala talaga?" tanong ni Arnold.

"Baka umuwi na yun," sagot ni Andra sa tanong ni Arnold dahil parehas kaming dalawa ni Sander na tahimik.

Napabuntong hininga na lang ako sa pag-iisip kung saan maaaring pumunta si Leila. Alam kong hindi uuwi nang mag-isa 'yon lalo na at hindi pa nagpaalam sa akin. Pero sana lang ay umuwi na siya, kahit mainis ako sa kanya 'wag lang mangyari ang iniisip ko.

"Cha, nasunog ang bahay niyo patay ka talaga sa nanay at tatay mo. Si Tintin sinugod sa hospital." Sabay kaming napalingon sa pinsan kong si Emily na humahangos.

"Ano?" gulantang kong sambit at agad na nilukob ng kakaibang kaba. Halos hindi ako makapaniwala habang pinagmamasdan si Emily at umaasang nagbibiro lang siya.

Hindi ko na hinintay ang sagot ng aking pinsan at dali-dali akong lumabas ng diskuhan. Halos hindi ako magkandaugaga sa paglalakad dahil sa sinabi ni Emily. Kaya pala kanina pa ako kinakabahan dahil may hindi nga magandang nangyari. Nawala na sa isip ko Leila at nauna na kami, siguro ay narinig niya na ang balita at nauna na sa amin.

Kasama ko sina Sander pagkarating namin sa bahay. May mangilan-ngilang tao sa paligid at nagkalat ang mga timba. Umuusok pa ang bubong at nakikita ko pa ang ilan kong tiyuhin na tulong-tulong sa pag-apula ng apoy gamit ang maliit na timba.

Hindi ko na naituloy ang aking paghakbang nang makita si tiya Marta palapit sa akin.

"Malandi ka talagang bata ka!" Hindi ko napaghandaan ang kanyang ginawang pagsabunot sa akin at halos kaladkarin niya ako papasok sa bahay. Hindi ko na nagawa pang lumingon sa aking mga kasama sapagkat abala ako sa pagpipigil ng mga kamay ni tiya Marta na mahigpit na nakahawak sa aking buhok.

"Gaga ka talaga! Bakit mo iniwan ang mga kapatid mo?" Umawat pa si Sander pero wala rin siyang magawa dahil hinila na ako ng tiyahin ko.

Wala si nanay at tatay sa loob at tanging mga tiyahin at tiyuhin ko lang ang naroon. Isa-isa nila akong hinarap at hindi ako nakaligtas sa kanilang galit.

Alas dos na pero gising pa rin ang diwa ko, hindi ako makaramdam ng antok dahil sa nangyari. Masakit ang katawan ko dahil sa inabot ko sa mga tiyahin ko at tiyuhin ko. Mapasampal at sabunot, sinturon lahat natikman ko. Magang maga ang mata ko dahil sa nangyari.

Masakit ang hagupit ng kanilang galit ngunit mas masakit ang isipin kong nasunog si Celestine para iligtas ang dalawa kong kapatid. Hindi ko rin maintindihan kung bakit nagkasunog dahil ang alam ko ay pinatay namin ang ilaw bago umalis at hindi ako pwedeng magkamali.

"Nasaan si Leilana?" Napatingin ako kay tiyo Noel na hanggang ngayon ay masama pa rin ang tingin sa akin. Hindi niya ako sinagot at patuloy lang akong pinagmamasdan.

Puno ng galit ang kanyang mga mata at alam kong anumang oras ay hindi na siya makapagpigil pa ng kanyang galit. Hindi ako nagpatinag at dahan-dahang lumapit sa kanya.

"Hindi ba siya nakauwi kagabi?" muli kong tanong. Bago pa dumapo ang kanyang mga palad sa aking pisngi ay umilag na ako.

"Gaga ka talaga eh noh, magkasama kayo kagabi hindi mo alam?" Singhal niya sa akin ngunit naroon pa rin ang pagpipigil.

Napalunok na lang ako nang iwanan niya ako roon sa sulok. Sa loob ng ilang oras mula kagabi ay para akong hangin na hindi nakikita at hindi nararamdaman. Masakit ang loob ko pero alam kung kasalanan ko. Pero mas masakit isipin na wala man lang umagapay sa akin sa kabila ng pagkakamali ko.

Nakaupo lang ako sa harapan ng lamesa at mula rito sa aking kinauupuan ay nakita ko si tiya Marta. Palabas siya sa kanyang kwarto at  nakabihis. Iniisip kong pupunta siya sa hospital kaya't lakas loob akong lumapit sa kanya.

"Sasama ako tiya," umaasa kong paalam. Gusto kong makita si Tintin.

"Hindi ka ba nahihiya? Ihanda mo nang sarili mo mamaya sa tatay at nanay mo. Isang kawalang hiyaan ang ginawa mo." Pipigilan ko pa sana siya ngunit tuluyan niya na akong iniwan roon.

Alam kong kasalanan ko ang nangyari pero gusto ko ring makita si Tintin. Pasalampak akong muling bumalik sa pag-upo. Wala akong magawa kundi umiyak dahil sa sama ng loob at dahil inaatake ako ng konsensiya ko.

"Bakit mo kami iniwan ate? Kaya nasunog si ate Tintin eh!" Walang buhay ang mga mata kong tumingin sa inosente kong kapatid. Maging siya na musmos pa lang ay alam na ang kamaliang ginawa ko.

Hindi ko namalayan at kusang tumulo ang luha sa aking mga mata. Napatingala ako at pinilit na pigilin ngunit tuluyan itong bumagsak. Lord parusahan mo na lang ako!

Lunes ay hindi ako nakapasok. Umuwi lang si nanay para kumuha ng gamit. Sa halip na kausapin ako ay ibinuhos niya ang kinikimkim na galit sa akin. Para akong bata nang hinambalos niya nang hinambalos.

"Nay tama na nay.." kahit anong pagmamakaawa ko ay hindi niya ako pinakikinggan.

"Kung hindi dahil sa kalandian mo, yang p*ke mong makati hindi sana manyayari 'to sa kapatid mo!"

Kahit nauuntog na ako ay wala siyang pakialam mailabas lang ang kanyang galit.

Sige nay, patayin mo na lang ako para mapatawad ko ang sarili ko.

"Oo na nga, kasalanan ko na. Tama na! pagmamakaawa ko pa sa kanya.

"Sasagot ka pa?"

Napasigaw ako dahil kumuha siya ng kutsilyo at inamba sa akin. Pakiramdam ko ay nasaksak ako ng sampung boses nang matigilan siya at kumislap ang kanyang mga mata dahil sa luha.

"Mapapatay talaga kita. Binigyan mo lang kami ng tatay mo ng sakit sa ulo." Halos hindi ko kayang tingnan siya habang nanginginig sa galit dahil sa akin. Sapo niya ang kanyang noo at hindi maitago ang panginginig ng kanyang mga labi. "Alam mo namang mahirap lang tayo. Ang tatay mo ay nag-uuling lang. Hindi ka ba naaawa sa amin?" patuloy niya. Napaupo na lang siya sa sahig habang humahagulgol sa iyak.

Gusto ko siyang yakapin pero wala akong karapatang gawin iyon. Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari ay hindi na sana ako umalis.

Pagkalipas ng ilang minutong pagkatulala ni nanay habang nakaupo sa sahig ay kinalma niya ang kanyang sarili.

"Wag ka nang mag-aral simula ngayon." Napatingin ako kay nanay dahil sa kanyang sinabi. Nabigla man at masakit sa akin ngunit wala nang lumabas na luha sa aking mata.

Iniwan niya akong nakatulala roon. Kung ito ang parusang gusto nila tatanggapin ko. Mahapdi na at namamaga ang mata ko pero wala nang luha na lumalabas.

Matalim akong tumingin sa may pintuan. Mula dito sa bahay ni tiya Marta ay tanaw ko ang kalahating parte ng bahay namin na nasunog.

Agad akong nakaramdam ng galit kay Leila. Magkasama kaming nagsaya pero hindi siya umuwi. Kung alam niya ang nangyari ay bakit ako lang ang nakatanggap ng galit ng lahat? Kasama dapat siya sa galit ni nanay at tatay at ng mga tiyahin at tiyuhin namin. Nasaan ka Leila? Ikaw lang ang karamay ko dito, tayong dalawa dapat ang magdadamayan sa ngayon.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status