Share

Kabanata 5

Nang sumunod na araw ay umuwi si tatay, hindi pa rin nakakalabas si Tintin dahil nagtamo ito ng 3rd degree burn sa mukha at katawan.

"tay," tawag ko sa kanya, pero hindi niya ako pinansin.

Akala ko ay masakit ang mga sampal at sabunot sa akin ni nanay at ng mga tiyahin at tiyuhin ko. Akala ko ay masakit na ang kanilang mga salita ngunit mas masakit pala ang hindi ka pansinin.

Sa kanilang lahat si tatay lang ang hindi nanakit at nagsalita nang masakit sa akin. Akala ko ay okay lang pero mas masakit pala ang tratuhin kang ganito, parang hangin lang ako na hindi nararamdaman. Nakakadurog ng puso na halos hindi ako tinitingnan ni tatay.

Nakatanaw lang ako sa kanya habang nilalagay niya ang uling sa sako. Gusto ko siyang tulungan pero hindi ko alam kung paano ko siya lalapitan, hindi niya ako pinapansin at hindi ko alam kung galit ba siya sa akin o ano.

Pumunta ako sa sunog na bahay namin at doon nagmukmok. Sana lang ay may kakayahan akong balikan ang nangyari. Sana ay masaya pa kami at hindi ako nagtitiis gabi-gabi dahil sa konsensiya.

Dalawang linggo ang lumipas nang makauwi si Tintin, may balot pa ang kaliwang bahagi ng kanyang mukha maging ang kanyang mga braso at paa. Para akong tanga na umiiyak at nakatingin sa kanila habang inaalalayan siya ng aking mga tiyahin at tiyuhin para umupo.

Sa tuwing maliligo siya ay tumatagos din sa aking puso ang kanyang mga d***g at sigaw.

Natigil ako sa paghakbang palapit sa kanya nang tumingin siya sa akin. Matalim ang tingin niya na halos saksakin niya ako sa talim nito, kita ko ang poot at galit sa kanyang mata.

Sa isip ko ay naglalaro ang eksenang sana ay makalapit ako sa kanya, hawakan ang pisngi niya at yakapin siya nang mahigpit.

Patawarin mo ako Tin! Tumulo lang ang luha ko at walang nagawa kundi tumayo lang doon sa sulok habang nakatingin sa kanila.

Maging sa pagkain ay hindi ako makasabay sa kanilang pag-uusap. Lahat ay galit sa akin at kay Tin lang napupunta ang kanilang atensiyon. Mula pa man noon ay siya ang paborito ni nanay kaya hindi maiwasang minsan ay naiinggit kami ni Leila sa kanya. Nawala na rin sa eksena si Leila, walang nagpakita ng pag-aalala at kinalimutan na rin nila ito.

Pagkatapos kumain ay naghugas ako ng plato, pabagsak na nilapag ni Tin sa palanggana ang ibang plato kaya't tumalsik ang tubig sa mukha ko. Naapakan man ang pagiging panganay ko at kabastos bastos man ang kilos niya ay hindi ako nakaimik.

Sino ako para magreklamo? Tama lang ito di ba?

"Tin?" Tawag ko sa kanya pero hindi niya ako nilingon.

Sa pagkakataong ito ay hindi ko na kailangang pairalin ang pagkapanganay ko. Nagkasala ako at kailangan kong humingi ng patawad sa kanya.

"Alam kong may kasalanan ako sa nangyari pero aksidente iyon kaya patawarin mo na ako," Nagmamakaawa kong ani sa kanya. Nilingon niya ako at humakbang palapit.

"Aksidente? Dahil sa'yo ay nasira ang pangarap ko. Ikaw ang panganay sa ating magkakapatid kaya dapat lang na maging magandang modelo ka sa akin kaya lang.. Inuna mo ang sarili mo, dahil sa kapabayaan mo kaya galit ako sa'yo?"

Tumango ako sa kanya at tinanggap ang aking pagkakamali. Naiintindihan ko kung saan nanggagaling ang kanyang poot. Tanging hiling ko na lang na sana ay maghilom ang kanyang puso at sana ay mapatawad niya ako pagdating ng araw.

Madalas ay napupuri kami ng mga tao dahil sa natural naming ganda na hindi maipagkakailang namana namin sa magandang lahi ni nanay at tatay. Hindi rin maipagkakaila na higit na mas maganda si Tin kumpara sa aming dalawa ni Leila.

Bata pa lamang si Celestine ay sumasali na siya sa mga singing contest sa paaralan at mga baranggay tuwing piyesta at bukod sa magaling siyang kumanta ay magaling din siyang sumayaw. Siya rin ang pinakamatalino sa amin dahil simula grade 1 siya ay lagi siyang nangunguna sa klase.

Sinira ko ang pangarap niyang maging artista pero kung darating ang araw na hindi niya ako mapatawad ay wala akong pagsisisihan, nagawa ko na ang parte ko. Humingi na ako ng tawad at hindi ko kagustuhan ang nangyari.

Pagkatapos kong maghugas ay lumabas ako sa may balkonahe. Dito muna kami namalagi sa bahay ni tiya Marta dahil inaayos pa ni nanay ang bahay namin na nasunog. Tanaw ko siya mula rito at ang tunog ng bawat pukpok ng kanyang martilyo ay umaabot sa aking pandinig. Sa bawat hampas niya ay para bang tumatama iyon sa akin, pakiramdam ko ay doon niya ibinubuhos ang kanyang galit.

Nagulat ako nang bigla niyang napukpok ang kanyang daliri. Natigil ako sa akmang paglapit ko sa kanya nang may marinig akong sumitsit. Nilingon ko si tatay at kita ko kung pano niya hinilot ang kanyang daliri at saka kinuha ang nalaglag na martilyo.

"Pst..psstt" Lumingon ako sa paligid.

Nanlaki ang mga mata ko nang makita si Sander na nagtatago sa may damuhan. Agad akong lumapit sa kanya at hinila siya sa may kalayuan.

"Bakit ka nandito?” Nag-aalalang tanong ko. Lumingon ako sa paligid para tingnan kung may tao.

"Gusto lang kitang makita, na miss na kita!” Hindi ko napaghandaan ang ginawa niyang pagyakap sa akin kaya’t napaatras kaming dalawa.

"Hindi ka pwedeng pumunta rito, mas lalong magagalit si nanay at tatay sa akin kapag nakita ka nila.” Tumingin pa ulit ako sa paligid kahit na hirap dahil sa kanyang yakap.

"Isang buwan ka nang hindi nakakapasok, anong plano nila sa'yo?” tanong niya

"Pinatigil na ako ni nanay,” matamlay kong sagot.

"Ano?” sambit niya saka ako binitawan. “Papayag ka lang ng ganun? Alam kung may kasalanan ka pero sobra naman yata sila sa ginagawa nila sa’yo.” Tumama sa akin ang talim ng kanyang paningin.

Tumulo lang ang luha ko at umiling. Tatanggapin ko lahat ng sakit, tatanggapin ko lahat ng parusa mapatawad lang nila ako. Saka na ako magpapatuloy sa pangangarap kapag nakuha ko na ang loob nila.

"Sumama ka na lang sa akin.” Hinatak niya ako at hinawakan sa magkabilang braso.

"Ano?"

"Magtanan na tayo.” Nagulat ako at umatras nang bahagya sa kanya.

"Hindi pwede!” Tinalikuran ko siya. Tatakbo na sana nang hinigit niya ako sa braso at hinalikan.

Marahas ang halik niya at mapusok kaya't hindi ko nagustuhan iyon. Pinipilit ko siyang itulak ngunit walang silbi ang lakas ko. Ilang beses kong ginawa iyon hanggang sa bumigay ako.

"Charlota!" parang tambol na pinalo ang aking puso sa sigaw ni tatay.

Agad napabitaw si Sander sa akin. Nakagat ko pa yata ang labi niya dahil sa gulat. Pinanuod ko ang paglapit ni tatay sa amin kasama si nanay. Inipon ko ang lahat ng lakas ko para harapin ang panibagong sakit at sa paglatay ng sampal ni tatay ay humapdi ang aking mukha.

Nablangko ang aking isipan. Hindi ko na nalingon si Sander nang hinila na ako ni tatay, saka lamang ako natauhan nang marating naming ang bahay ni tiya Marta.

"Wala ka talagang hiyang bata ka!” Bigla akong binitawan ni tatay at dahil nga sa lakas ng kanyang paghatak ay napasalampak ako sa sahig.

Agad na nagsilapitan ang mga kamag-anak ko at pinanuod ako kung pano ako muling sinaktan at pinahiya ni nanay.

"Hindi ka pa talaga nadala, uulitin mo pa ang ginawa mo. Dahil sa'yo tingnan mo ang nangyari sa kapatid mo!” Napapikit na lang ako dahil sa kanyang singhal. Walang silbi ang mga hampas at sabunot ni nanay.

Halos gumapang ako nang lumapit kay tatay at niyakap ang kanyang mga binti. Saktan mo ako tay! Sige na ilabas mo ang galit mo sa akin. Hinihila ako ni nanay para pigilan pero mahigpit ang kapit ko kay tatay habang malakas na umiiyak.

"Patawarin mo ko tay!"

Hindi ko alam pero namanhid na rin yata ang puso ni tatay dahil kahit anong iyak at pagmamakaawa ko ay hindi niya ako pinapakinggan.

Ang sakit! Sobrang sakit!

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status