Share

Kabanata 14

Pagkatapos naming mag-usap ay nagpalipas muna kami ng oras habang nakaupo sa may malaking bato. Wala na akong pakialam ngayon kay nanay kung makita man nila akong kasama ko si Sander.

"Bakit kasama mo ang lalaking 'yon?" Natigilan ako sa tanong niya.

"Nagkasalubong lang kami," maikli kong tugon. Hindi ko gustong magsinungaling sa kanya pero kailangan. Isa pa ayokong malaman niya na binalak kong magpakamatay. Tumahimik na siya kaya't tumayo na ako.

"Hali ka." Hinila ko siya patayo. Isiniksik ko ang maliit kong daliri sa kanyang mga daliri saka ito itinaas sa ere. Nakakatuwang isipin na saktong sakto ang mga daliri ko sa kanya na para bang sa kanya lang maaring humawak sa aking kamay.

"Saan tayo pupunta?"

Hindi ako sumagot at ipinagpatuloy ang paglalakad papunta sa aming bahay. Hindi ko na siya itatago sa ngayon.

Masaya man dahil sa pagbabalikan namin ni Sander ay agad itong napalitan nang lungkot nang makarating ako sa bahay. Nadatnan ko si tatay na nakaupo sa balkonahe habang humihithit ng kanyang tobacco, si nanay naman ay nasa kusina. Masikip ang dibdib ko nang walang makuhang salita mula sa kanila, nakakapanibago na hindi nila ako pinagalitan o tinanong kung saan ako nanggaling. Tiningnan lang nila ako kahit nakita na nilang kasama ko si Sander. Hindi ito ang normal na reaksiyon ni nanay at tatay.

Gusto kong muling umiyak, wala silang kaalam-alam na kung hindi dahil kay Knee Yoz ay wala na akong buhay sa ngayon. Tama nga lang ang ginawa kong nakipagbalikan kay Sander. Impyerno ang buhay ko rito at sa kanya ko lang naramdaman ang tunay na saya.

Saglit akong naligo at umalis ng bahay. Gutom ako dahil wala pa akong kain simula pa kagabi pero ayokong manatili roon. Nadatnan ko pa si Sander sa pwesto niya kanina. Hindi halata sa kanyang naiinip siya sa paghihintay sa akin.

Nang makita niya ako ay agad siyang tumayo at masayang lumapit sa akin. Nakangiti rin akong kumapit sa kanyang braso.

Pagpasok pa lang namin sa gate ay agad na natuon sa amin ang atensiyon ng mga estudyante. Maging pagpasok sa classroom ay napuno ng asaran at hiyawan ng aming mga kaklase.

"Sabi ko na nga bang may comeback!" sigaw ni Edison. Lumapit siya kay Sander saka tinapik-tapik ang balikat nito.

"Congrats bro!" Nang-aasar na ngumiti si Arnold kay Sander at bumulong. Hindi ko alam iyon pero agad siyang binatukan ng aking nobyo saka nagtawanan.

Napatingin ako sa pwesto ni Rita at Andra na nakatingin din sa aming dalawa ni Sander.

"Akala ko ba seryoso ka nang iwanan mo si Sander?" ani Andra.

"Mahal ko eh!" Nahihiya pa akong ngumiti. Nahagip nang paningin ko ang pilit na ngiti ni Rita na parang may hindi siya nagustuhan.

"Sinong marupok?" nang-aasar pa si Andra pero walang nakuhang suporta mula kay Rita.

"Pasensiya ka na kagabi a," si Rita.

"Wala 'yon!" Awkward siyang ngumiti sa akin kaya't nagtataka ako.

"Siyanga pala, dala ko yung gown na isusuot mo." Matamlay niyang inabot sa akin ang damit na nakabalot sa plastick. Nag-alinlangan pa akong kinuha iyon "Babalik na ako sa practice," paalam niya. Sinundan ko siya nang tingin. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako dahil pinahiram niya ako ng isusuot para bukas.

Nagkibit balikat din si Andra nang bumaling ako sa kanya. Bakit ba pakiramdam ko ay may hindi magandang nangyayari? "Nag-away ba sila ng mommy niya dahil sa akin?" tanong ko kay Andra pero umiling lang ito.

Tumango lang ako. Sana nga sa bahay lang ang problema niya at hindi ako kasali sa pagbabago ng kanyang kilos.

Kailan ko pa ba napapansin ang kakaibang kilos ni Rita? Hindi ko na matandaan at hindi ko siya maintindihan.

"Cha, kain muna tayo." Nakangiting lumapit si Sander sa akin at inakay ako papuntang canteen. Hindi na rin ako tumanggi dahil kagabi pa kumukulo ang aking tiyan.

Nahagip ko pa ang tingin ni Rita sa amin nang dumaan kami pero hindi ko na lang iyon binigyan ng malisya. Matagal ko nang kaibigan si Rita at ayokong pag-isipan siya nang masama.

Nadatnan ko kinabukasan si Sander sa daanan kung saan lagi niya akong hinahatid at sinusundo. Lagi lang kaming ganito dahil hindi naman siya pwedeng lumapit sa aming bahay. Dalawang araw ko nang di nakausap si nanay at tatay at kanina lang ay maaga yata silang umalis papunta sa bukid.

Nakangiting sinalubong ako ni Sander ng yakap. Kinikilig ako dahil sa ginawa niya kaya ayokong magreklamo sa kanyang ginawa.

"Ang bangoo!" Sininghot-singhot pa niya ako.

Marahan ko siyang hinampas at tumawa. "Mabango ba, hindi amoy lupa?" Tumawa pa ako ngunit natigil dahil sa mabilis niyang paghalik sa aking labi.

"Hoy.. Ano ba?" Hindi ko alam kung pano magrereklamo dahil nagustuhan ko ang kanyang ginawa. Mas lalo akong kinikilig sa mga mata niyang animo'y kumikislap sa tuwa.

"Mahal mo talaga ako noh?" May himig panunuksong tanong ko sa kanya.

"Oo naman!"

Aasaran ko pa sana siya pero biglang sumeryoso ang kanyang mukha "Bakit kasama mo yung lalaking yun kahapon?"

Bumaling ako sa kawalan bago sinalubong ang kanyang tingin "Pwede bang wag mo na lang itanong?" Mahinahon kong pakiusap sa kanya.

"Nagseselos ako!" Malungkot niyang saad

Lumapit ako sa kanya at hinaplos ang kanyang mukha. "Pasensiya ka na kung hindi ko masasabi ang dahilan sayo, pero wag kang mag-alala walang namamagitan sa amin. Nagkasabay lang talaga kami kahapon."

Tumango lang siya sa akin na puno nang pag-intindi. Mas lalo ko siyang minamahal habang tumatagal ang pagsasama naming dalawa.

Pagdating namin sa paaralan ay kanya-kanya nang bihis at ayos ang lahat. Maraming nagkakalat na bakla mula pa sa ibang lugar para mag make-up sa mga estudyante. Mamayang gabi na ang aming prom, ang pinakahihintay ng lahat. Nagmistulang parlor na ang ibang mga room dahil nagkalat ang mga make-up at gown ng mga estudyante.

Hindi umalis si Sander sa aking tabi at sumama siya sa aming room. Naabutan namin si Andra at Rita sa classroom na nagpapaayos na rin. Agad kong napansin ang kaniyang tingin kay Sander.

"Cha, ba't di ka pa nag-ayos? Bilisan mo na." Nilapitan ako ni Andra saka hinila.

Umupo ako sa may bakanteng upuan at pinagmasdan sila habang inaayusan ng bakla. Inilapag ni Sander ang aming mga dala sa gilid.

"Girl, ako na ma make up sa'yo. Pagagandahin kita." pambobola ng baklang nag-aayos kay Andra.

Tumango na lang ako at tumawa. Habang pinapasadahan ng bakla ang aking mukha ay lumapit si Sander sa akin hila ang upuan. Umupo ito saka ako pinagmasdan sa salamin. Bahagya siyang lumapit sa aking tenga at bumulong habang nakatingin sa akin sa salamin.

"Wag ka masyadong magpaganda baka may ibang magkagusto sayo." Inirapan ko lang ito mula sa salamin.

"Okay lang hindi naman sila ang gusto ko." Bulong ko rin sa kanya pabalik.

"Ano ba yan? May pabulong-bulong pa eh. Baka naman gusto niyong iparinig sa amin ang pinag-uusapan niyo?" Pagpaparinig ni Arnold na kapapasok lang.

"Tumahimik ka nga pre," saway ni Sander na ikinatawa niya lang.

Natatawang nakatingin lang si Sander sa akin habang pinipigil kong tumawa dahil sa kiliti nang i-blower ng bakla ang aking buhok.

Agad akong namangha pagkatapos akong maayusan. Nakabihis na rin si Sander at gwapong gwapo sa suot niyang tuxedo. Hindi ko maiwasang mapangiti dahil sa disente naming anyo.

"Magbihis ka na, isang oras na lang at mag-uumpisa na ang ceremony."

Inalalayan niya akong pumunta sa ginawang dressing room ng mga bakla sa sulok ng aming kwarto. Mga pinagtagpi tagping kurtina lang iyon pero sapat na para makapagbihis.

Tinanggal ko sa balot ang simpleng v-neck white spaghetti strap na pinahiram ni Andra sa akin. Dahan dahan kong sinuot iyon mula sa aking paa para hindi masira ang aking buhok. Mahaba iyon sa akin at sakto lang sa hubog ng aking katawan. Dahan-dahan kong kinapa ang zipper sa likod at sinara iyon ngunit dumulas lamang iyon sa aking kamay. Pinilit kong kapain ulit kung anong nangyari dahil walang salamin at hindi ko makita. Bigla akong kinabahan nasira yata ang zipper nito.

Sinilip ko si Sander sa labas habang nakaupo sa upuan. Agad siyang tumayo at dumalo sa akin nang makita akong nakasilip.

"Okay ka na?"

"Tingnan mo nga yung zipper sa likod ko. Nasira yata," nag-aalala ko pang sinabi.

Nahiya pa ako nang pumasok siya pero wala na akong choice dahil init na init na ako dito sa loob at kinakabahan. Naramdaman ko ang kanyang daliri sa aking likod.

"Sira na yung zipper nito,"

Napakagat ako sa aking labi at humarap sa kanya. Hindi ako sigurado kung nasira ba 'yon kanina pag zipper ko o sira na talaga nang ipahiram ni Rita sa akin. Hindi ko pa naman natingnan iyon dahil nga sa mga pinagdaanan ko.

"Ano bang nangyari?" tanong niya na ikinailing ko

"Baka masikip at pinilit mong isara," sagot niya

"Hindi ko nga alam dahil hindi ko naman tiningnan ito nang ipahiram ni Rita." Bigla akong nakaramdam ng inis dahil sa katangahan ko. Hindi naman siguro ipapahiram ito ni Rita kung sira ang zipper.

"Hoy, ano bang ginagawa niyong dalawa diyan? Bilisan niyo na at marami pang magbibihis." Nagulat pa ako nang may magsalita sa labas.

Wala na akong nagawa nang hinila ako ni Sander palabas.

"May ginagawa kayong milagro noh?" Hindi ko na pinansin ang aking kaklase na naghihintay sa labas.

Agad dumako ang paningin ko sa pwesto nina Rita at Andra na ngayon ay napatingin din sa amin. Agad akong nanliit sa sarili ko nang makita ang mga suot nila. Gusto kong maiyak. Nagkikinangan ang mga ball gown na suot nila samantalang ako ay simpleng puti lamang at luma pa ang flat shoes na suot ko, mabuti na lamang at natatakpan ng aking damit.

"Wow, ang ganda mo Cha!" puri ni Rita sa akin nang makalapit ako.

"Sira ba talaga ang zipper nito sa likod?" Parang nagulat pa siya sa tanong ko at agad akong hinila patalikod sa kanya.

"Hala, ayos pa naman 'to ah. Ano ba kasing nangyari?"

"Pag sara ko nasira lang," sagot ko. Gusto ko nang maiyak sa nangyari. Kasalanan ko pa yatang nasira ito.

"Girl, ang ganda mo talaga kaso wala ka bang ibang gown?" Napabaling kami sa baklang nag-ayos sa akin kanina.

"Maganda naman suot niya ah," agad na depensa ni Rita

Nagkibit balikat lang ang bakla "Well.. I'm just saying,"

"Pwede bang magawan ng paraan na maayos ang zipper niya sa likod?" Pigil ni Sander sa akmang pag-alis ng bakla.

Bumilog ang kanyang labi at lumapit sa akin. "Lagyan na lang natin ng perdible girl,"

Inakay ako nang bakla sa kanyang pwesto at inayos ang aking likod. Mabuti na lamang at mahaba ang aking buhok kaya't nakatulong din ito para matabunan ang di kaaya-ayang nangyari sa likurang bahagi ng aking suot.

"Salamat!" Nakangiti akong humarap sa bakla matapos niyang maayos ang aking likuran. Ngumiti lang din siya sa akin at hinaplos ang dulo ng aking buhok papunta sa harapan ko.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status