Share

Kabanata 15

Ilang sandali lang ay nagawan din ng paraan na maayos ang zipper ng aking suot sa likuran. Nakangiti akong humarap sa bakla matapos niyang maayos ang aking likuran. Ngumiti lang din siya sa akin at hinaplos ang dulo ng aking buhok papunta sa harapan ko.

Lumapit din si Sander sa akin at pinaikot ako patalikod sa kanya. "Ayos na na." Akala ko ay tiningnan niya lang kung ayos na ba ang ginawa ng bakla sa akin pero natigilan ako nang maramdaman ang isang malamig na bagay sa aking leeg.

Tulala ako nang muli niya akong iharap sa kanya "Tandaan mo ikaw lang ang pinakamaganda sa aking paningin kahit ano pa man ang isuot mo."

Uminit ang aking pisngi lalo na nang dumampi ang kanyang labi sa aking noo.

Gusto kong maiyak sa simpleng kilos na ginagawa niya sa akin. Buong buhay ko ay hindi ko naranasang maging espesyal at siya lang ang taong nagpaparamdam sa akin na mahalaga ako. Araw-araw ay hindi niya ako binibigo at mas lalo ko siyang minamahal.

Hinawakan niya ang aking kamay saka ito hinalikan at matamis na tumingin sa akin. Bago kami lumabas ng room ay napansin ko pa ang iritadong mukha ni Rita bago tumalikod at naunang lumabas. Ipinagtaka ko iyon pero pinilit ko na lang iwaksi sa aking isipan.

Nang makalabas kami ay sinalubong kami ng iilan naming mga kaibigan nagpicture taking.

Nang mag-umpisa na ang pila ay humiwalay na si Sander sa akin. Hindi ko na rin mahagilap sina Rita at Andra kaya't tahimik lang akong nagmamasid sa mga kasama kong nagbobonggahan ang suot. Ayoko nang mainggit pa at masyadong maganda ang gabi para sa aming dalawa ni Sander.

Naging tuloy tuloy ang daloy ng aming program. Kanya-kanya na rin kaming upo sa mga upuang nakalaan para sa amin. Nag-umpisa na rin ang Cotillion gusto ko pa sanang kuhaan ng picture si Rita habang sumasayaw kaya lang ay wala akong cellphone kaya't pinanuod ko na lang sila.

Pagkatapos ng candle lighting ay nag-umpisa na rin ang dinner. Dahil buffet dinner ang theme ay kanya-kanya kaming kuha ng pagkain. Agad na lumapit si Sander sa akin nang tumayo ako.

Lumipat na rin siya sa aming table dahil ang iba ay nagsilipatan na sa ibang table. Tahimik kaming kumakain habang nanunuod ng presentation. Sumunod din ang presentation ng Class History and Prophecy at pagkatapos ay nag-umpisa na ang Prom Dance.

"Let me dance with you!" Napangiti ako sa pag-eenglish ni Sander sa akin habang nakalahad ang palad sa akin naghihintay na hahawakan ko iyon.

Walang pag-alinlangan kong tinanggap ang kanyang kamay. Alam na sa buong campus na magboyfriend kami ni Sander kaya wala na akong ikakahiya pa. Tinanggap ko ang kanyang kamay at tumayo ngunit sakto ring dumaan ang isang babae dala-dala ang mga tira-tirang pagkain na natapon sa aking balikat at nagkalat sa aking katawan. Nakatingin na rin ang iba sa amin dahil sa nangyari.

Napasinghap ako at saka humarap sa babaeng taga kabilang section "Hala, sorry! Hindi ko sinasadya!" Bakas sa mukha niya ang pagkagulat at pag-alala. Maging ako man ay nagulat din ngunit ayokong magalit sa kanya.

"Sige, okay lang." Tumango lang ako sa kanya. Alam ko namang hindi niya sinasadya ang nangyari at pauwi na rin naman.

Nang makaalis ang babae ay agad akong tinulungan ni Sander na punasan ang mga natapon sa akin. Puti ang suot ko kaya't bakas ang mantsa, mahihirapan pa yata akong maglaba nito bukas. Nasira na nga ang zipper namantsahan ko pa. Sana lang ay hindi magalit si Rita sa akin.

"Ano sasayaw pa ba tayo?" Natatawa kong tanong kay Sander.

"Oo naman, maghugas ka muna sa cr para hindi ka manlagkit."

Sinamahan niya ako sa cr para mapunasan ko ang mantsa sa aking damit at para hindi ako manlagkit dahil pati balat at ilang hibla ng buhok ko ay natapunan din.

"Hintayin na lang kita dito sa labas." Paalam niya

Ngumiti ako sa kanya nang nakakaloko "Bakit gusto mo bang sumama sa loob?" panunukso ko sa kanya. Akala ko ay sasakyan niya ang biro ko pero sinamaan niya lang ako nang tingin at tinulak papasok.

Napaka-gentleman talaga ng boyfriend ko.

Nagmadali kong pinunanasan ang aking damit at braso pati ang aking buhok ay bahagya kong binasa. Mukha na akong dugyot pero okay lang naman. Nag spray muna ako nang kaonting pabango bago lumabas.

Nakadalawang lingon ako sa magkabilang sulok ngunit hindi ko nakita si Sander. Ang sabi niya ay maghihintay lang siya sa akin. Pumunta ako sa cr nang mga lalaki at baka umihi na rin siya. Medyo madilim na rin dito pero sapat lang ang liwanag mula sa stage para makita ang paligid. Sumilip ako sa likod ngunit hindi ko inaasahang naroon si Rita sa loob.

"Iba ang usapan natin, bakit kailangan mo pang balikan ang babaeng iyon?" Hindi ko sinasadyang marinig ang kanyang sinabi at hindi ko alam kung sino ang kanyang kausap.

"So, gusto mong sundin kita?" Napatda ako sa aking kinatatayuan. Hindi ko nakikita ang kanyang kausap pero sigurado akong si Sander iyon.

"Bakit? Ayaw mo ba, alam ko naman na ako pa rin ang mahal mo hanggang ngayon."

Tumawa si Sander ngunit natigil iyon nang lumapit pa si Rita. Tumulo ang aking luha lalo na nang nagpalit sila nang pwesto ni Sander ngayon ay kita kong naghahalikan silang dalawa.

Tanggap kong dati silang magkasintahan pero ang makitang ganito pa rin silang dalawa ay hindi ko kaya. Paano nila nagawa sa akin ang ganito?

Tumakbo ako paalis roon ayoko nang masaksihan o marinig ang iba pa nilang sasabihin. Dahil sa pagmamadali ko ay napatid pa ako. Naitukod ko ang aking palad sa semento at naramdaman ko agad ang hapdi nang galos sa aking braso at paa.

"And for this most awaited moment, ladies and gentlemen I am proudly present to you our Prom Queen for tonight... Miss Charlotte Hope Sandoval."

Naghiyawan ang mga tao at gusto kong umiyak nang malakas para walang makarinig sa akin.

Tumayo ako at inayos ang aking sarili. Dire-diretso ako sa paglalakad at tumungo sa aking upuan kanina.

"Where are you Miss Sandoval?" Natigil ako sa pagkuha ng aking gamit nang tumutok sa akin ang spotlight. Hindi ko alam ang nangyayari.

Wala ako sa sarili nang puntahan ako ni Andra at hinila papunta sa stage. Agad akong sinalubong ng emcee at inalalayan sa gitna. Parang wala akong lakas na humakbang at para akong nakalutang ng mga sandaling iyon habang pinapatong sa akin ang korona. Maging ang boquet ng bulaklak ay halos hindi ko mahawakan kung hindi pa ako inalalayan ng isang emcee.

Ako na yata ang reyna ng kamalasan.

"Relax miss Sandoval," bulong ng babaeng emcee sa akin.

"Wow, you're crying for this crown miss Sandoval. Is it tears of joy?"

Tumingin ako sa baklang emcee at wala sa sariling ngumiti. Hindi ito luha ng kasiyahan kundi luha ng lungkot, ng poot at pighati. Luha na dulot ng kataksilan ng aking kaibigan at ng lalaking pinakamamahal ko.

Ang lalaking nagparamdam sa akin na espesyal ako sa kanyang buhay ngunit siya rin palang wawasak sa aking damdamin.

Mali ang naging desisyon kong hiwalayan siya pero mas mali palang nakipagbalikan ako sa kanya. Sa lahat ng nangyaring ito sana ay hindi ko na lang siya tinanggap sa aking buhay.

Pagkatapos isuot ng bakla ang korona sa akin ay tumakbo na ako sa kawalan. Alin ba sa buhay kong ito ang tama? Bakit lahat ng gagawin ko ay mali? Bakit laging mailap sa akin ang tadhana?

Narinig ko pa ang tawag ng emcee at ang paghabol ni Andra ngunit hindi ko na iyon pinansin pa. Paano ba maging manhid habang nabubuhay nang hindi dumaan sa kamatayan? Gusto ko nang tapusin ang lahat.

Wala sa sariling tumakbo ako palabas ng paaralan. Hinagis ko sa damuhan ang boquet na hawak ko maging ang korona sa aking ulo ay tinanggal ko at tinapon din sa kung saan. Wala na si Leila na lagi kong napagsasabihan ng aking mga hinaing at sama ng loob. Ang kaibigan kong naging sandalan ko at ang lalaking pinakamamahal ko at pinaghuhugutan ko ng lakas ay pinagtaksilan ako. Sumisikip ang aking dibdib dahil sa nangyari.

Dahil sa bilis ng takbo ko ay naapakan ko ang dulo ng suot kong damit dahilan para matalisod ako at gumulong sa lupa. Napasigaw ako sa magkahalong inis at galit. Ilang beses na ba akong literal na nadapa ngayong araw? Para akong pinaglalaruan ng tadhana.

Tumigil ako sa may batuhan kung saan lagi kaming nagkikita ni Sander. Marami na akong alaala sa lugar na ito at naging saksi rin ito sa aking mga hinagpis. Hinayaan ko ang sarili kong humiga roon sa lupa nang patihaya habang nakatingin sa kalangitan. Patuloy na dumadaloy ang mainit kong luha sa aking pisngi. Napakadilim ng langit at wala akong nakikitang kahit isang bituin. Kagaya ng dati ay madilim pa rin ang aking buhay, liliwanag man ay saglit lamang.

"Balak mo bang matulog dito sa gitna ng daan?"

Biglang tumigil ang tibok ng aking puso nang marinig ko ang boses na 'yon.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status