Kabanata 1

"Class copy this in your notebook." Napahikab ako matapos marinig ang sinabi ng aming guro sa una naming Asignatura.

Umagang-umaga ay inaantok ako. Napabuntong hininga ako at ibinagsak ang ulo sa arm chair ng aking upuan. Isang oras at kalahati ang klase namin sa English ngunit walang alam na ipagawa ang guro namin kundi magpasulat nang magpasulat. Hindi niya ba alam na pudpod na nga ang kamay ko sa pagtatrabaho sa bukid ay mas lalo pang napupudpod dahil sa kakasulat?

"Hoy.. sumulat ka na nga nakatingin na si Maam sa'yo," bulong ni Andra sa aking tabi.

Tamad kong kinuha ang aking notebook dahil nakatingin nga sa akin ang guro. Binuklat ko ang aking kwaderno na iilang piraso ng pahina na lang ang natitira. Dalawang beses na akong bumili ng notebook sa klaseng ito at nagagalit na si nanay sa akin. Ngayon ay pinoproblema ko kung saan ako kukuha ng pambili kapag naubos na ito. Baka magbaon na lang ako ng dahon ng saging at doon magsulat total iyon din naman daw ang ginagamit nila nanay sa pagsusulat noong araw.

"Sinong may extra ballpen?" anunsiyo ko sa klase pagkatapos kong halungkatin ang aking bag at wala akong makitang panulat.

"Sino raw may extra ballpen?" ulit ng bakla kong kaklase sa aking tanong.

"Ball lang walang pen." Nagtawanan ang mga kaklase ko sa pang-eepal ni Arnold. Hawak-hawak pa niya ang kanyang bola. Akala mo naman magaling mag-basketball bakulaw lang naman.

"Sus, tumigil ka ngang bakulaw ka," pambabara ko sa kanya na lalong ikinatawa ng mga kaklase ko.

"Whoah..bakulaw pala ah," sabat niya pa pero hindi ko na lang pinansin.

"O, eto."  Tumayo ako at lumapit kay Edison na ngayon ay nakalahad ang mga braso para iabot sa akin ang ballpen. "Pupunta sa giyera walang bala," malakas niya pang ani nang kinuha ko iyon.

Mukhang masama pa yata ang loob, pero alam kung biro lang iyon. Nakasanayan na kasi naming mag-asaran at magbarahan sa loob ng halos apat na taon naming magkakasama. Puro mga loko-loko kasi 'tong mga lalaki kong kaklase.

"Salamat!" sigaw ko patalikod.

Ballpen lang ang gusto ko pero nag-umpisa iyon ng asaran at ingay sa klase. Inaamin kong wala akong pambili pero mas lalong nakakainis bumili dahil lagi namang nawawala. May mga demonyo kasi akong kaklase na kunwari hihiram lang pero aangkinin na pala. Mga hindi marunong magbalik.

Nag-umpisa na akong magsulat. Nakakapagod, nakakainis! Napatingin ako sa tabi ko. Buti pa si Andra at kahit paano ay nabibigay ng kanyang mga magulang ang mga luho niya. Sa aming klase, siya ang may pera 'yon nga lang wala namang laman ang utak.

"Ba't ka tumatawa?" sita niya sa akin. Umiling lang ako dahil natawa ako sa naisip ko. Sabagay parehas kaming bobo. Ang lamang niya lang sa akin ay may pera siya samantalang ako ay maganda naman, kaya lagi akong muse simula freshmen days.

"Para kang gaga!" Inirapan niya ako.

"Makagaga naman 'to, akala mo siya hindi."

Mas lalo akong natawa na ikinainis niya.

Naiinggit man ay idinadaan ko na lang sa tawa, atleast kahit paano naging fair ang langit sa akin dahil binigyan niya ako ng kagandahan kahit wala akong talino. Lahat ng tinatamasa ni Andra ngayon ay makukuha ko rin balang araw.

"Magdidisco ba kayo sa Sabado?" tanong ni Andra sa amin.

"Oo naman. Sabay-sabay na tayo," sagot ng kupal na si Arnold. Sa sulok ay tahimik lang na nakikinig habang patawa-tawa ang pinsan niyang si Rita, buti na lang hindi nagmana sa kakupalan niya.

"Sige. Sunduin niyo 'ko ah," sabat ko.

Sina Andra at Arnold lang yata ang interesadong pumunta roon.

Nakikinig lang ako sa pag-uusap ng mga katabi ko. Nag-uusap sila tungkol sa sayawang bayan dahil piyesta na sa Sabado.

"Ikaw Cha, sama ka ba?" tanong ni Andra sa akin. Hindi ko alam. Pero susubukan ko.

Alam kong 'di ako papayagan ni nanay at tatay pero sana pumayag.

"Sige. Basta ipaalam niyo ako ah," sagot ko.

Tuwang-tuwa silang nagkasundo na parang hindi nag-aalala kung papayagan ba sila o hindi. Sa buong recess ay iyon lang ang naging takbo ng usapan nila. Ako naman ay nasa sulok lang at nagbabasa ng pocketbook. Kinahiligan ko na itong gawin para hindi ako parang tanga na lumuluwa ang mga mata habang nakatingin sa mga baon ng kaklase ko.

"Get 1/2 sheet of paper," 

Pagpasok pa lang namin sa last subject namin sa umaga ay iyon agad ang ibinungad ng teacher namin. Hindi pa nga halos nakaupo ang lahat. Alam ko namang nag-announce siya na may long quiz kami pero pwede bang bigyan muna kami ng kahit 30 minutes para mag-review? Nagbasa naman na ako pero bobo talaga 'tong utak ko hindi nakikisama.

"Sino may 1/2?"

"Hati tayo."

Kaliwa't kanan ay maririnig ang mga paboritong dayalogo ng mga kaklase kong walang papel kagaya ko. Mas lalong nagkagulo ang mga kaklase ko dahil sa paghahanap ng papel. Problema talaga sa klase na 'to ang papel. Sana kung mayaman lang ako ay bumili na ako ng sandamakmak na papel at binigyan sila, kaya lang hindi ako pinaboran ng tadhana at ipinanganak akong mahirap.

"Are you ready?" tanong ng aming guro.

"Maam 1/2?" Pinandilatan ni maam ng mata si Arnold. Kahit kelan talaga, bobo na nga epal pa.

"1 whole sayo Arnold." Nagtawanan lang ang mga kaklase ko sa pambabara ni maam sa kanya.

"Sabi ko nga 1/2," kunwaring bulong niya pero rinig din ng lahat.

"Hati tayo." Bumaling ako kay Andra na naghihiwa ng 1/2 gamit ang ballpen. Kailangan talaga hating-hati?

"Mahirap ka talaga, kahit ballpen at papel walang-wala ka," paninita niya sa akin. Inagaw ko na ang papel sa kanya dahil ang bagal niya kumilos. Walang pasubaling dinilaan ko ang papel at binasa ng laway.

"Okay number 1," umpisa ni maam. Nagkagulo ang buong klase dahil doon.

"Maam wala pa nga eh," reklamo ng iilan naming kaklase.

"Maam nilalawayan pa nga ni Charlotte ang papel niya." Nagtawanan ang mga kaklase ko dahil sa anunsiyo ni Arnold. Trip talaga ako ng bakulaw na 'to. 'Kala mo naman hindi nila ginagawa.

Umikot lang ang oras namin sa quiz. Kinakabahan ako at baka makakuha ako ng itlog. Mabuti na lamang at may alam akong tatlo at ang iba kong sagot ay nakuha ko kay Rita na nakaupo sa aking harapan. Siya ang pinakamatalino sa klase at ipinagpasalamat ko iyon.

Hindi matapos ang aking tawa nang bumalik ang papel sa amin dahil mas mababa si Andra sa akin ng limang puntos. Magkaibigan kami pero hindi ko alam kung bakit tuwang-tuwa ako kapag nalalamangan ko siya. Nakakuha ako ng 17/30 samantalang siya ay 12 lang. Si Rita ay nakakuha ng 28, sayang at hindi ko nakuha lahat ng kanyang sagot.

"Nangopya ka lang naman eh," iritadong pambabara niya sa akin.

"Bakit, ikaw ba hindi?" sagot ko sa kanya, hindi matapos ang aking tawa.

Pinakopya lang ni maam sa amin ang susunod naming lesson para bukas at saka niya kami pinalabas.

"Goodbye Class. See you tomorrow!"

Tuwang-tuwa akong lumabas dahil kanina pa sumasakit ang puwet ko sa kakaupo. Kung bakit ang tagal ng oras ngayon ay hindi ko alam.

"Ehem.. ehem." Nang-aasar na tumingin si Arnold sa akin dahil nakaabang sa labas si Sander.

"Sanaol may juwa," parinig ni Rita sa matigas na tono.

Sanaol matalino. Sa isip ko hindi nila kailangang mainggit sa akin, dahil lahat ng bagay na gusto ko ay nasa kanila. Mayaman si Rita at pinakamatalino pa sa klase. Ang lamang ko lang ay mas maganda ako at may jowa.

"Bumili na ako ng ulam." Itinaas niya ang hawak na ginataang langka at paglapit ko sa kanya ay agad niya akong inakbayan.

Dumiretso kami sa kubo na lagi naming tinatambayan. Ito ang napili namin dahil hindi mainit dito dahil sa malaking puno at bukod pa sa masarap ang hangin ay tanaw ang dagat na nakapalibot sa buong isla.

Kasama namin sina Andra, Arnold at Rita. Magkakaibigan na kami simula pa noong Elementary nina Andra at Rita, nadagdag lang sa grupo si Arnold dahil kay Sander.

"Ano, nakapagpaalam na kayo na magdidisco sa Sabado?" tanong ni Sander habang kumakain kami.

"Hindi pa," matamlay kong sagot. Hindi pa alam ni nanay at tatay na may boyfriend ako at ayoko ring sabihin sa kanila dahil bawal. Alam ni Sander 'yon at mukhang okay lang din sa kanya.

"Basta sunduin kita," wika niya sabay kindat na ikinangiti ko.

Napangiti ako kahit alam kong hindi pa seryoso 'tong relasyon namin dahil bata pa nga kami at pinagbabawalan pa ako. Pero totoo nga talaga ang sinasabi nilang masarap kapag bawal, siguro para sa ilan ay hindi sila sasang-ayon pero napatunayan ko na ito sa sarili ko.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status