Kabanata 2

Kabanata 2

"Magtanim kayo ng kamoteng kahoy at kamote para hindi kayo magutom," sermon ni tatay sa amin nina Leila at Tintin.

Panganay ako sa aming limang magkakapatid at lahat kami ay puro babae.

Pawis na pawis na kami habang nagbubunot ng kamoteng kahoy dahil wala kaming bigas at ito lang ang almusal namin. Kanina pa kami sinesermunan ni tatay tungkol sa pagtatanim. Sa isip ko ay hindi ko hahayaang maging ganito ang buhay namin.

Tuwing fiesta sa amin ay abala ang lahat sa pagluluto para sa mga darating na bisita samantalang sa amin ay parang walang piyestang nagaganap.

Nagkukumahog na hinawakan ng dalawa kong maliit na kapatid ang bagong hain na kamoteng kahoy. Kahit mainit ay pilit na hinahawakan maibsan lang ang gutom na nararamdaman. Maswerte na lang sa isang linggo kung hindi kami makakapag-almusal ng camote o kamoteng kahoy o kaya naman ay saging. Himala na lang din siguro kapag mamantikaan ang aming bibig isang beses sa isang buwan. Hindi nakapagtapos ng pag-aaral si nanay at tatay at no read no write silang pareho kaya't heto at sa bundok kami umaasa para mabuhay. Pagkakaingin ang hanapbuhay ni tatay at kami naman ay abala sa bukid sa pagtatanim kapag walang pasok. Heto lang ang mayroon kami, ang malawak na lupain na hindi pagmamay-ari ng kung sinuman. Kung masipag ka lang ay hindi ka talaga magugutom dito pero sa katulad kong naghahangad ng mas higit pa ay nakakasawa ang ganitong buhay.

Pagod na pagod ako buong araw dahil sa mga gawain. Ayokong magpaalam mamaya kay nanay na mainit ang ulo niya, kaya't naglaba na rin ako pagkatapos kong magwalis. Katulong ko si Leila dahil balak niya ring sumama sa akin mamaya.

Nang dumating ang hapon ay nagtutulakan pa kaming dalawa kung sino ang lalapit at magpaaalam kay nanay at tatay.

"Bilisan mo na, ikaw ang panganay kaya dapat ikaw ang magpapaalam." Tulak siya nang tulak sa akin dahil napag-usapan naming dalawa ang pagpunta sa disco mamayang gabi.

Abala si nanay at tatay sa paghahakot ng pangtambak sa mga kahoy na gagawing uling dahil sisindihan na nila iyon mamayang gabi. Napatingin si tatay sa pwesto namin kaya't napilitan na kaming lumapit.

"O, buti naman at nandito kayo. Tulungan niyo ang nanay niyong maghakot ng panambak," saad nito at ipinagpatuloy ang ginagawa.

Napatingin ako kay nanay pabalik kay Leila gamit ang nangungusap kong mga mata.

Kailangan naming magpa-good shot. Hindi na namin kailangan pang mag-usap at naintindihan niya agad ang ibig kong iparating.

Nag-uumpisa nang kumagat ang dilim nang matapos kaming magtambak. Muli kaming nagtinginan ni Leila. Senyas siya nang senyas sa akin at hindi napapansin ni nanay at tatay 'yon.

"Nay, tay magpapaalam lang kami ni Leila na magdidisco mamayang gabi," lakas loob kong sabi.

"Anong gagawin niyo roon? Maglalandi?" agad na sabat ni nanay. Naghatid iyon ng kirot sa aking dibdib.

Harot agad? Hindi ba pwedeng mag-eenjoy lang at parang kami lang yata ang dalaga sa baranggay na 'to ang hindi nakikipaghalubilo sa iba dahil laging nasa bundok. Sa madaling sabi, walang social life.

"Minsan lang naman nay eh, saka uuwi rin naman kami agad. Tapos na rin kami sa gawaing bahay at bukas ay magtatanim ulit kami sa bukid," pangungumbinsi ko pa.

"Oo nga nay, sige na," segunda ni Leila. Sa loob-loob ko ay abot langit ang aking panalangin na sana ay pumayag.

"Walang aalis," matigas na turan ni tatay.

Bumusangot ang mukha namin ng aking kapatid dahil sa sagot ni tatay. "'Pag sinabi kong hindi, hindi," dagdag pa nito.

Sabay na naglaho ang pag-asa naming dalawa ng aking kapatid. Isang salita lang ni tatay ay hindi na namin mababali 'yon.

Tuloy ay busangot ang mukha naming dalawa nang umuwi. Pagkarating sa bahay ay pumasok si Leila sa higaan namin at doon nagmukmok at umiyak. Bakit ba napakailap sa amin ang tadhana?

Ano bang klaseng buhay 'to? Mabubulok na lang ba kami dito sa bundok at hindi man lang maranasang magpakasaya? Taon-taon naman ay nandito lang kami sa bahay at ngayon lang talaga kami nagpaalam. Nakakasama ng loob, kung hindi lang masamang tumakas ay mas gugostuhin ko pang 'wag nang magpaalam.

Iniisip ko si Sander, pa'no ko sasabihin sa kanya na hindi ako pinayagan? Wala akong cellphone para tawagan siya. Baka mamaya ay umasa siya at maghintay sa wala.

Napatingin ako sa katabi ko, nakatulog na siya sa kakaiyak dahil sa sama ng loob. Tahimik na ang paligid dahil tulog na rin ang tatlo ko pang kapatid. Tanging mga huni na lang ng kuliglig ang naririnig ko. Si nanay at tatay naman ay doon natulog sa ulingan dahil kailangang bantayan iyon para hindi maging abo kinabukasan.

Bumangon ako at papatayin na sana ang ilaw namin na gawa sa gasera. Marami pa namang gas pero kelangang magtipid. Nabitin sa ere ang akmang pag-ihip ko nang naramdaman ko ang malakas na kalabog sa aming bubong na pawid. Hinawakan ko ang gasera at hinanap kung nasaan iyon, nanlaki ang mata ko nang makita ang butas sa aming bubong. Agad kong iginala ang paningin sa lapag at may nakita akong isang bato na mas malaki pa sa aking kamao. Isa pang kalabog sa bubong at kinabahan na ako. Mabuti na lamang at hindi nabutas iyon.

Mabilis ang mga hakbang ko pabalik sa katre namin ni Leila at agad siyang ginising. Sino namang demonyo ang may galit sa amin at binabato kami ng ganitong oras? 

"Ano?" naiiritang bungad niya sa akin nang dumilat.

"May nambabato sa bubong natin," marahan kong sambit

"Sus," di naniniwalang usal niya saka muling pumikit.

"Meron nga." Hinila ko ang kanyang kumot kaya't sinamaan niya ako ng tingin.

Napipilitan pa itong sumunod sa akin nang hinila ko siya papunta sa kusina.

Dala ko pa rin ang ilaw at itinuro sa kanya ang butas sa bubong naming gawa sa pawid at nipa.

"Hala!" Parang naiiyak na tumingin siya sa akin. Maging ako ay kinakabahan na rin.

Isa pang kalabog ulit at nagyakapan kami. Sunod-sunod at mukhang maliliit lang naman.

"Mga demonyo kayo!" sigaw ko kahit kinakabahan.

"Wag kang maingay," saway niya sa akin at bahagya pa akong hinila.

"Cha..Cha.." Natigilan ako at nakiramdam nang may marinig na boses.Hindi ko alam pero parang naririnig ko ang pangalan ko.

"Cha.."

"Rinig mo ba 'yun?" tanong niya at animo'y nag-aantay na marinig ulit ang tinig.

"Cha, labas ka diyan." Kumalma ako nang mahimigan ang boses ni Sander pero nanginginig pa rin ang aking tuhod.

Hinila ko si Leila papunta sa pintuan at binuksan iyon. Bumungad sa amin si Sander kasama si Arnold at Andra.

"Anong ginagawa niyo dito?" naiinis kong bungad sa kanila. May pa bato-bato pang nalalaman. Siguradong papagalitan kami ni tatay bukas kapag nakita nito ang butas sa bubong namin.

"Pasok muna kayo," anyaya ko sa kanila dahil wala naman dito sina nanay at tatay.

"Hindi kayo pinayagan?" tanong ni Andra. 

Maigi ko siyang pinagmasdan. Aba! Pormang-porma, halatang makikipaglandian. Nakasuot siya ng puting spaghetti strap at maong na short, naka denim jacket pa at nakatirintas ang buhok na akala mo celebrity.

"Magbihis na kayo," utos ni Arnold.

"Sinong magbabantay sa mga kapatid natin?" tanong ni Leila

"Mag-isa na lang akong aalis. Maiwan ka na lang dito," biro ko kahit alam kong aangal siya.

"Ano ka swerte?" Pairap niya akong tiningnan. Sabi ko na ngang aangal siya.

"Andiyan naman si Tin eh," sabat ni Sander.

Sabagay, 12 years old na rin si Tin at di naman na sanggol ang dalawa pa naming kapatid. Nagkatinginan ulit kami ni Leila at nagkaintindihan.

Bahala na! Bukas ko na lang alalahanin ang galit ni nanay at tatay sa amin. Magalit man sila ay alam na nila sa sarili nila kung anong pagkukulang nila dahil nagpaalam naman kami nang maayos.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status