Kabanata 3

Nakakabinging ingay ang sumalubong sa amin pagpasok namin sa plaza ng aming baranggay. Bawat beat ng tugtog ay parang tinatambol din ang aking dibdib.

"Whoah..sige pa." Agad akong hinila ni Andra sa gitna at agad na ginalaw ang katawan.

Hindi ko maintindihan ang kanta dahil remix iyon at puro beat lang.

Kita ko rin ang pagsayaw ni Arnold at ng aking kapatid. Si Sander ay nasa harap ko rin at parang nahihiya pang bahagyang gumalaw.

Naaliw ako sa kanya kaya't bahagyang napasayaw na rin ako. Dahil hindi ako sanay ay galaw galaw lang ng paa at kamay ang alam ko at bahagyang kembot.

Kahit mainit at siksikan ay walang pakialam ang bawat isa at basta na lang sumusunod sa beat ng tugtog.

"Parang tuod sumayaw eh," pasigaw na puna ni Arnold sa amin ni Sander. Natawa ako nang pumagitna siya sa amin at gumiling giling na parang macho dancer.

"Whoo.." sigaw niya pa habang ptuloy na gumigiling pababa at nakataas ang dalawang mga kamay.

Agad kaming nalunod nang tumugtog ang budots dance at dahil paborito iyon ni Andra ay nakisali siya sa amin. Tawa ako nang tawa habang nakikisayaw sa kanila. Ang saya pala pag first time. hindi na ako magtataka kung maraming mga kabataan ang natutuksong gumawa ng mga bagay na hindi pa nila nararanasan. Ganito pala ang pakiramdam, gaya ko ay natukso akong maramdaman ang ganitong saya at kalayaan.

Mahigit isang oras kami sa gitna nang magpasya kaming umupo muna para magpahinga.

"Ano, pagod ka na?"  nanghahamon pang tanong ni Andra.

Ang yabang talaga nito porket sanay lagi sa diskuhan.

Umupo kami sa pahabang upuan na gawa sa semento. Maraming nakaupo pero mas marami ang nasa gitna. Napansin ko ring marami pang tao sa labas.

"Anong oras tayo uuwi?" tanong ni Leila, napatingin ako sa kanya at bakas sa kanyang mata ang pag-aalala.

"Grabe naman 'to, kakarating lang natin uwian na agad ang iniisip mo," natatawang sagot ni Arnold sa aking kapatid.

"Baka kasi umuwi si nanay at tatay at maabutan kaming wala sa bahay," dahilan nito habang nakatingin sa akin.

Alam kong hindi uuwi si nanay at tatay dahil kailangan nilang bantayan ang uling pero hindi ko pa rin maiwasang mag-alala. Pasimple akong napahawak sa aking dibdib, sa totoo lang kanina pa ako kinakabahan at hindi ko alam kung bakit.

"Mag-enjoy ka na lang Lei, total pagagalitan rin lang naman kayo sulitin niyo na," sabat pa ni Andra. Napapailing na lang ako sa kanya, kahit kailan demonyo talaga 'tong babaeng ito, palibhasa siya ay di nag-aalalang pagalitan.

Isa-isang nagsialisan ang mga tao sa gitna nang tumugtog ang unang sweet dance, In your Eyes ni George Benson. Tanda na pwede nang magrequest ng kanta. Tumingin si Sander sa akin at nakangiting hinila ako sa gitna. Nilapit niya ako sa kanya at hinapit ako sa beywang. Dahil matangkad siya sa akin ay nakatingala lang ako sa kanya. Inilagay ko rin ang aking kamay sa kanyang balikat.

Hindi mawala sa labi namin ang ngiti habang sumasabay sa indayog ng musika ang aming mga katawan.

"Ito na ang theme song natin simula ngayon," mahinang bulong niya sa akin, sa kabila ng ingay ay umabot pa rin iyon sa aking pandinig at naghatid ng kiliti sa aking buong sistema. Itinaas ko ang aking kilay para itago ang nararamdaman.

Mas lalong nagwala ang aking sistema nang marahan niyang sinabayan ang kanta. Sa bawat pagbuka ng kanyang labi ay lalo akong nahuhumaling. ipinikit ko sandali ang aking mga mata ang dinama ang ganda ng tinig.

"Happy 6th monthsary, I love you" nasurpresa ako sa sinabi niya kaya't napamulat ako at inangat ang paningin sa kanya.

Naiuka ko ang labi nang maalalang bukas pa 'yon "Ehh..bukas pa nga," pinanliitan ko siya ng mata sa pag-aakalang nagkamali siya.

"Isang oras na lang mag-aalas dose na, i-aadvance ko na." Napakagat ako sa aking labi dahil sa tamis ng ngiting iginawad niya sa akin.

Bahagyang madilim ang paligid ngunit nakikita ko ang kislap ng kanyang mga mata. Hinding-hindi yata ako magsasawang pagmasdan ang kanyang kagandahan.

"Titingnan mo lang ba ako? Walang -- alam mo na," nakanguso pang ani niya.

"Happy monthsary din,  I Love you too!" Nahihiya ko pang sabi dahil hindi pa rin ako sanay sa ganito.

May kinuha siya sa kanyang likuran at bumungad sa akin ang isang tangkay ng rosas. Natatawa ako dahil mukha pa siyang nahihiya sa akin. Mukhang kanina niya pa pinitas ito dahil malapit nang malanta.

"Pasensiya ka na ha, ito lang muna ang maibibigay ko sayo.. Pinitas ko lang yan sa tanim ni mama. Hayaan mo kapag may trabaho na ako, bibilhan kita ng isang boquet." Sambit niya at itinaas baba ang kanyang dalawang kilay.

Pinipigilan ko ang nararamdamang kilig. Ang sweet niya ngayon, gusto kong gumulong sa lupa at ayoko nang matapos pa ito. Pagkatapos ng kanta ay napalitan iyon ng mabilis na remix kaya't napagdesisyunan na naming umupo.

Nang makarating kami sa aming pwesto ay wala na sa upuan sina Andra at Arnold. Iniwan namin sila rito kanina ni Sander at maging si Leila ay wala rin. Mula rito sa kinauupuan ko ay nakikita ko ang iba kong mga kaklase na hyper na hyper habang sumasayaw sa gitna.

"Nasaan kaya 'yung tatlo?" baling ko kay Sander na nakaupo na rin sa aking tabi at nakatingin sa mga nagsasayawan sa gitna.

"Baka bumalik sa gitna," sagot niya

Iyon din ang iniisip ko kaya't sinubukan ko silang hanapin sa dagat ng mga taong nagwawala sa gitna. Kaya pala gustong gusto nilang mag-disco ganito pala ang pakiramdam. Malaya at walang pakialam sa nakikita at sasabihin ng iba. Isa itong magandang paraan para takasan ang problema. Sa isip ko ay hindi ako nag-aalala sa bagsik ng galit ni nanay at tatay mamaya.

"Hi" napatingin ako sa lalaking lumapit sa pwesto namin ni Sander. May kasama pa siyang dalawang lalaki sa likod niya.

"Pwede ba kitang maisayaw?" napatingin ako kay Sander dahil mukhang ako ang sadya niya. Dayo yata siya rito dahil hindi siya pamilyar sa akin.

"Tol, maghanap ka na lang ng iba. Wag na ang girlfriend ko." seryoso ngunit mahinahong sabi ni Sander. Lumapit pa siya sa akin at inakbayan ako.

"Boss, wag na diyan may girlfriend na yan," kunwa'y bulong ng kanyang kasama. Nakita ko agad ang pagguhit ng linya sa kanyang noo. Bumaling siya sa kanyang kasama at muling tumingin sa akin.

"Sayang!" mahinang sambit niya ngunit narinig ko rin, hindi ko lang alam kung narinig ni Sander iyon.

Ilang segundo pa itong nakatayo lang at pinagmasdan kaming dalawa ni Sander. Mas lalo lang ako nitong inilapit sa kanya. Hindi nagpatinag si Sander sa pakikipagtitigan sa lalaki kaya't tumalikod na lang ito.

"Ang yabang ng peste!" inis na anas ni Sander.

"Hayaan mo na 'yon." Bahagya ko pang pinisil ang kanyang braso para mawala ang init ng kanyang ulo. Hindi naman siya ang tipo nang taong mapagpatol sa gulo pero sa tingin ko ay handa siyang makipag-away kanina dahil lang sa akin.

"Sino 'yun?" tanong ni Arnold nang makasalubong ang dalawang lalaki. Kasunod nito si Andra na seryoso ang mukha.

Bumalik na sila sa pwesto namin dahil nag-uumpisa nang tumugtog ang mga requested song.

"Nag-ayang sumayaw kay Cha," nakabusangot na sagot ni Sander.

"Selos ka man, ang ganda kasi ng girlfriend mo ehh," nang-aasar na tumawa si Arnold at tumigil lang nang bahagyang batukan ni Sander.

"Hindi pa ba tayo uuwi?" tanong ko sa kanila.

Alas dose na at hindi na rin naman kami makakasayaw liban na lamang kung may magyaya sa aming sumayaw na nagrequest o kami mismo ang magrerequest ng kanta. Hindi naman magagawa 'yon dahil may bayad at wala kaming pera.

"Uuwi na rin kami. Ihahatid muna namin kayo ni Leila," si Sander

"Saan pala si Leila?" tanong ko. Nakatingin ako kay Andra dahil magkasama lang sila kanina bago kami sumayaw ni Sander.

Wala kaming cellphone kaya't hindi namin alam kung nasaan ito. Naghiwalay muna kami at naghanap-hanap at nagkasundong magkikita na lang sa entrance. Nagtanong-tanong na rin ako sa mga kakilala ko kung nakita nila ang aking kapatid pero walang nakasagot.

"Ang susunod na kanta ay Never thought that I could Love by Dan Hill requested by Alog Notorious boy," rinig ko pang anunsiyo ng emcee.

Saan na ang babaitang yun? Nakaramdam na ako ng hilo sa kakaikot para maghanap sa kanya. Mainit ang paligid at pinagpapawisan na rin ako. Natigil ang paghakbang ko nang may humawak sa aking braso. Bumungad sa akin ang lalaking lumapit kanina para makipagsayaw sa akin.

"Miss, sige na pagbigyan mo na ako.." mahinahon at may kasamang pagsusumamong sambit niya.

"Kuya hindi nga pwede" matigas kong saad.

Nagulat pa ako dahil biglang dumating si Sander at hinila ako dahilan para mabitawan ako ng lalaki.

"Tol, ano ba talagang problema mo sa girlfriend ko? Gusto mo ba ng away?" Nataranta ako nang lumapit si Sander sa lalaki. Agad ko itong nilapitan at hinawakan ang nakakuyom niyang kamao.

"Sander!" saway ko sa kanya dahil parang manununtok na siya.

"Matigas talaga ang bungo mo, sinabi na ngang hindi pwede." Nakita ko ang pag-igting ng kanyang panga dahil sa pagpipigil ng inis.

"Pagbigyan mo lang ako pre, isang request lang binayaran ko naman yan ehh!"

Wala sa sariling napalingon ako sa lalaki dahil sa kanyang sinabi. Napanganga ako at hindi makapaniwala sa narinig. Anong binayaran? Ako o yung kanta?

Wala nang nagawa si Sander nang tumango ako sa kanya. Mukhang naintindihan niya naman kaya pumayag na siya.

Hindi ako makatingin sa lalaki nang makarating kami sa gitna. Kung kanina pakiramdam ko ay malaya ako, ngayon ay ramdam ko na ang mapanuring tingin ng mga tao sa akin. Sigurado akong bukas ay pag-uusapan na ako ng mga kapitbahay namin.

"Ano nga palang pangalan mo?" tanong niya.

"Hope," maikli kong tugon. Inisip ko pang baguhin ang pangalan ko pero sinabi ko na ang totoo malalaman niya rin naman kaya't ang second name ko ang ibinigay ko sa kanya.

"Ang ganda mo! Ang ganda rin ng pangalan mo,"

"May boyfriend ako," inis kong sabi at matalim na tumingin sa kanya. Hindi ako makapaniwala kung gaano kalakas ang kanyang loob na sabihin sa akin ang mga iniisip niya.

"Kaya nga, sinabi ko lang naman na maganda ka, wala namang connect yun sa kung may boyfriend ka o wala," nangingiti pang sabi niya.

Naiinis ako sa ngiti niya pero hindi ko alam kung bakit biglang bumilis ang tibok ng puso ko.

"Sayang! Hihintayin ko na lang na maghiwalay kayo," lalong kumulo ang dugo ko sa sinabi niya.

Ano bang sinasabi ng lalaking 'to? Gusto ko nang matapos ang tugtog pero leche naman bakit ang tagal ng tatlong minuto? Hahanapin ko pa si Leila. Tumingin tingin ako sa paligid at baka mahagip ko ito pero si Sander ang nakita ko. Kahit medyo malayo ako sa kanya ay kita ko ang inis sa mukha niya

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status