Share

*°•CHAPTER NINE•°*

"David... David..." Nakapikit pa rin ang mga mata ni Austine habang hindi alam hindi mapakali sa pagtulog at binabanggit ang pangalan na kailanman ay hinding hindi niya makakalimutan.

"Aus! Huy, Aus! Gising!" Kasabay nang pagbigkas sa pangalan ni Austine ay ang marahas na pagyugyog ng isang tao sa kaniya habang mahimbing ang kaniyang pagtulog.

"Daviiiid!!!" Kasabay ng malakas na sigaw ay ang pagmulat ng kaniyang mga mata. Nabigla ang tao na kanina pa siya ginigising.

"Sino bang David ang sinasabi mo diyan?!" Dilat ang mga mata na nakatitig lamang siya sa babaeng nakatitig din sa kaniya habang inaalala kung nasaan siya. Kaagad na nasapo niya ang kaniyang ulo nang bigla iyong sumakit. Tumingin siya ulit dito at saka lang rumeshistro ang mukha nito.

"Merin??" Sambit niya sa pangalan ng babae. Nakita niya ang pagkalito sa mukha nito.

"Oh, wow! Akala ko nakalimutan mo na pati pangalan ko," hindi niya inintindi ang tampo sa boses nito dahil mas lalong sumasakit ang kaniyang ulo.

"Anong nangyari?" Napapangiwi niyang tanong dito habang mariin ang kaniyang pagpilit ng mga mata dahil halos baliktarin ang kaniyang utak sa hilo at sakit ng kaniyang ulo.

"Grabe, ka! Ang akala namin ay hindi kana magigising! Nakatulog ka lang naman ng apat na araw! Diyos ko! Mabuti na lang at inalagaan ka ni Jelo," nakikinig lamang si Austine sa paliwanag nito. Dahil sa sinabi ni Merin ay doon lang bumalik ang buong katotohanan. Ang katotohanan na panaginip lang ang lahat. Pitong taon na ang nakalipas at ni anino ng nawalay na kaibigan ay hindi pa rin bumabalik.

"Bakit naman si Jelo ang pinapunta mo dito?" Kung hindi lang siya nahihilo ay kanina pa niya ito binatukan. Ayaw na ayaw niyang nakikita si Jelo dahil kahit na ano pang kabutihan ang ipakita nito ay ganoon din naman nito isumbat ang lahat ng ginagawa nito para sa kaniya.

"Alam mo namang siya lang at ako ang may alam na dito ka nakatira, 'di ba?" Nakita niya kung paano nito ipinagkrus ang mga braso sa ilalim ng dibdib nito habang titig na titig sa kaniya.

"Kahit na," hindi pa rin niya tinatanggal ang pagkakahawak niya sa kaniyang ulo. Pakarimdam niya ay sa oras na tanggalin niya iyon ay mas lalong sasakit ang kaniyang ulo.

"Ilang araw mo na ring binabanggit ang pangalan na 'David' sino ba 'yan? Ex mo ba?" Natigilan siya sa huling sinabi nito. Sa pagkakaalala niya ay hindi naman naging sila ni David.

"Wala kana don," walang ganang saad niya dito at saka sinubukan na tumayo para pumunta ng kusina at uminom ng tubig. Naramdaman naman niya ang pagsunod nito.

"Alam mo, halata namang gustong gusto ka ni Jelo eh. Mabait naman 'yong tao, masipag, at higit sa lahat, matiyaga!" Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang kaagresibo si Merin na maging sila ni Jelo. Malinaw na malinaw sa mga ito na hindi siya handang makipag relasyon. Kung dahil man iyon sa pangako ng matalik na kaibigan na babalikan siya nito ay isa na rin iyon sa mga dahilan kahit na matagal na siyang nawawalan ng pag-asa.

"Diba ang sabi ko, hindi ako handa sa mga ganiyang bagay? Magalit na kayo sa 'kin pero wala akong plano–" bubuksan pa lang sana niya ang pridyeder para kumuha ng tubig pero natigilan siya dahil sa sinabi nito.

"Dahil na naman ba sa David na 'yan? Sa panaginip mo lang siya nag-eexist, Austine!" Natatawa ito habang sinasabi ang mga salitang iyon. Kung hindi lang masakit ang kaniyang ulo ay kanina pa niya ito binulyawan.

"Wala kang karapatan na banggitin ang pangalan niya sa harapan ko! Pumunta ka lang ba dito para sabihin 'yan sakin? Kung tapos kana, pwede ka nang umalis." Walang anu ano'y agad niya itong inirapan at saka tuluyan na binuksan ang pridyeder para kunin ang tubig.

"Bahala ka sa buhay mo!" Pagkatapos nitong magsalita ay naramdaman na niyang palayo na ito sa kaniya. Narinig na lang niya ang pagsara ng pinto.

Sa pitong taon na nakalipas ay hindi niya akalain na muling magbabalik sa kaniyang alaala ang nakaraan na pilit niyang tinatago. Mula sa kusina ay naglakad siya papunta sa salas. Inikot niya ang tingin sa kabuuan ng bahay na nabili niya noong nakaraang taon. Isa na si Austine Alcantara sa pinaka-sikat na modelo sa bansa ngunit hanggang ngayon ay may kulang pa rin sa kaniya at habang lumilipas ang mga araw ay mas lalo niya iyong nararamdaman. Kusang tumama ang kaniyang mga mata sa larawan ng kaniyang nanay. Ang kaniyang nanay na hindi na umabot sa tagumpay na ngayon ay kaniyang tinatamasa. Ginawa niya ang lahat para masuklian ang kabutihan ng kaniyang nanay. Sayang lang at hindi na niya ito kasama ngayon. Nanumbalik sa kaniyang alaala kung paano ito nawalan ng hininga. Pagkatapos niyang habulin ang mabilis na takbo ng kabayo ay saka naman siya naghanap ng sasakyan para puntahan sa ospital ang kaniyang nanay.

Marami na ang nangyari pero hindi pa rin siya tumitigil na bigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kaniyang nanay. Gagawin niya ang lahat makamit lang ang hustiyang nararapat para dito. Kasabay nang matagal na pag-iimbistiga ay ang palihim na paghahanap naman niya kay David. May kung anong bagay ang tumutukso sa kaniya para hanapin niya ito. Minsan na rin niyang sinisi ang sarili at ang damdamin para kay David dahil nawawalan siya ng konsentrasyon para ipako ang pag-iisip sa pagtunton kung sino ang pumatay sa kaniyang nanay.

Wala na rin siya sa Villa Paula. Nagdesisyon siyang bumili ng bagong tahanan nang makapag trabaho. Puno ng panghihinayang ang kaniyang puso pero sa tinagal tagal ng panahon na kaniyang tiniis para lang maghintay kay David ay kusa na rin siyang nawalan ng pag-asa. Isang salita na lang ang tanging alaala na kailanman ay hinding hindi niya bibitawan. Iyon ay ang pagmamahalan nilang dalawa. Lilipas ang maraming taon pero hinding hindi mapapalitan ang nag-iisang David Ortega sa kaniyang puso.

Dahan dahan siyang naglakad papunta sa harapan ng salamin at maiging pinagmasdan ang kabuuan ng kaniyang repleksyon.

"Bagong mukha, bagong buhay." Nangilid ang kaniyang mga luha habang maiging tinititigan ang kaniyang sarili at dahan dahan na hinahaplos ang kaniyang mukha. Kung sakaling magtagpo ang mga landas nila ay hindi na siya sigurado kung kaya pa ba nitong kilalanin ang kaniyang buong pagkatao.

****

Napangiti si Jelo nang ibigay ng babae ang kaniyang biniling pabango. Sigurado siyang magugustuhan iyon ni Austine. Hindi niya mapigilan ang saya habang iniisip kung ano ang magiging reaksyon ni Austine kapag binigay niya iyon. Wala namang espesyal na okasyon pero naisip niya lang na bigyan ito ng pabango dahil isa rin iyon sa mga hilig nito.

"It's five thousand pesos, sir." Kaagad niyang kinuha ang kaniyang wallet at saka ibinigay dito ang pera.

"Thank you," ngintian niya ito at saka kaagad na umalis. Ang akala niya ay sa iba mahuhulog ang kaniyang pihikan na puso pero habang tumatagal na nakikilala niya si Austine ay mas lalo lang siyang nahuhulog dito. Kilala na niya ito mula bata pa lang at alam niya rin kung paano ito asarin dahil siya ang sumisira sa araw nito sa tuwing papasok ito sa eskwelahan. Nakakatuwang isipin na kung dati ay siya ang sumisira sa lahat ng bagay na alam niyang ikakasaya ni Austine, siya naman ngayon ang gumagawa ng paraan para maging masaya ito at mapansin siya nito.

Hindi kumpleto ang araw ni Jelo kapag hindi niya nagagawang pagtripan si Austine. Habang lumilipas ang panahon na ganoon ang kaniyang ginagawa ay mas lalo niya itong hinahanap, hanggang sa hindi na rin niya namamalayan na nahuhulog na ang kaniyang loob sa taong palaging dahilan ng kaniyang kasiyahan.

Dinukot niya ang kaniyang cell phone mula sa kaniyang bulsa at saka dinayal ang numero na pag-aari ni Austine. Narinig niyang tumunog sa kabilang linya. Hinihintay niya na sagutin nito ang tawag niya. Ilang saglit lang ay sinagot na nito agad ang tawag.

"Ano na naman ba, Jelo?!" Bahagya siyang natawa sa reaksyon nito. Kung mayroon mang bagay na hindi nagbabago kay Austine, iyon ay ang madali itong mapikon sa pang-aasar niya.

"I have something for you!" Kahit hindi nito nakikita ang ekspresyon ng kaniyang mukha ay nararamdaman niya ang saya sa kaniyang sarili.

"Ewan ko sa 'yo!" Pagkatapos nitong sabihin iyon ay walang alinlangan nitong pinatay ang kabilang linya. Alam na alam na ni Jelo na ganoon lagi ang ginagawa ni Austine sa tuwing kakausapin niya ito. Pero wala siyang balak na sukuan ang nasimulan na niyang pagtingin kay Austine. Maraming bagay ang pwedeng humadlang sa kaniya pero walang makakapigil na maging sa kaniya si Austine.

Hindi naman maalis sa kaniyang isipan ang nangyari kay Austine. Matindi ang pag-aalala niya para dito at hindi niya maiwasan na puntahan ito para alagaan. Kahit sa pagtatrabaho nito bilang isang modelo ay sinundan niya ito. Nagtrabaho siya bilang isang private curator ng mga iniingatang magasin. Naisip niya na naging dahilan ang big event na naganap noong araw bago pa ito magkasakit. Ang akala niya ay pagod lang ito subalit naramdaman niya ang mainit nitong katawan kaya hindi na siya umalis sa tabi nito at patuloy itong dinalaw para alagaan.

Isang bagay lang ayaw niyang naririnig mula kay Austine, iyon ay ang pagbanggit sa pangalan ng taong hindi mawala wala sa isip ni Austine– si David. Ilang beses nang nababanggit ni Austine ang pangalan ni David at sobrang naapektuhan siya sa ginagawa nito. Madalas nitong idalawit ang pangalan ni David kapag naabutan niya itong nananaginip. Sa pagkakaalam niya ay wala sa kaniyang bokabularyo ang magkaroon ng kaagaw sa isang bagay. Lalong lalo na pagdating sa taong mahal niya. Gagawin niya ang lahat ng paraan para lang pigilan ang mga bagay na magiging dahilan ng kaniyang galit at kalungkutan.

****

"Alam mo namang marami akong perfume sa bahay, 'di ba?" Muli na namang nabuhay ang iritasyon kay Austine. Nakatingin lamang siya sa bagay na nakalatag sa kaniyang mesa. Isa iyong pabango na bigay ni Jelo. Hanggang ngayon ay ipinagtataka niya pa rin na umabot ito sa puntong magugustuhan siya nito, samantalang ito mismo ang gumagawa ng paraan para maging miserable ang buhay niya noon.

May kung anong bagay ang pumipigil sa kaniya na hindi ito bigyan ng pansin. Ang katulad ni Jelo na sa pagkakaalam niya ay isang taong dahilan ng kaniyang inis ay hindi na dapat na pinapansin. May mga pagkakataon na natutuwa siya sa pagbabago nito na noon bilang isang sertipikadong mapanupil ay nagmistula itong kabalyero na handang manindigan para lang patunayan na totoo ito sa kaniya.

"Just keep it," kung pwede lang magpakawala ng isang malakas na tawa ay kanina pa siya bumulahaw sa loob ng studio pero alam niyang hindi iyon pwedeng mangyari dahil isa sa mga patakaran ng trabaho bilang isang modelo ay ang panatilihin ang maayos na daloy at katahimikan habang nasa trabaho.

Pigil niya ang kaniyang tawa dahil sa malapad na ngiti ni Jelo. May hitsura ito at mas lalo itong naging maskulado. Sino mang babae ay talagang maghahabol. Hindi niya maintindihan kung bakit nag-aaksaya ito ng panahon sa kaniya.

"Ang kulit mo, Jelo. Kung talagang mapilit ka, kukunin ko na 'to." Nakita niya ang tuwa sa mga mata nito nang sabihin niya iyon. Isang kaswal na ngiti ang kaniyang itinugon kay Jelo. Minsan na rin niyang maisip na pwede niya itong bigyan ng pagkakataon subalit may mga bagay na dapat ay naaayon. Hindi niya pwedeng ipagpilitan ang kaniyang sarili na magustuhan ito.

"Let's date!" Mula sa kaniyang pag-iisip ay kusang naagaw nito ang kaniyang pansin.

"Ah, kaya mo ako binigyan nito dahil gusto mo akong i-date?! Ang galing naman pa la ng galawan natin!" Sinundan niya iyon ng tawa at dahil doon ay napatawa na rin ito at saka ito nagpanggap na parang nagagalit.

"Sasama ka o hindi? Ang swerte mo nga dahil napaka gwapo ng magiging date mo!" Narinig ni Austine ang bilib sa sarili nito. Alam niyang hindi pa rin tuluyan na nawawala ang ugali nitong nasobrahan ng tiwala sa sarili. Pasimple siyang natawa sa sinabi nito. Nakakatuwang isipin na nagbago na ito. Nawala ang dating mapanakit na Jelo at napalitan iyon ng isang mapagkumbabang at mabait na Jelo na ngayon ay nasa tabi niya pa rin.

Dapat sana ay nahuhulog na ang kaniyang loob dahil sa ipinapakita nito pero sadyang nakakandado ang kaniyang puso mula sa nakaraan na kapag pinilit niyang kalimutan ay mas lalo lamang iyon magbibigay ng matinding suntok sa kaniyang dibdib.

Kaibigan na niya ngayon si Jelo at nararapat lang na suklian niya ang mga kabutihan na ipinapakita nito ngunit hangga't maaari ay sinasabi na niya dito na hindi siya handa sa kung ano man ang gusto nitong mangyari.

"Sige sige," ngumiti siya dito matapos siyang pumayag. Nakita na naman ni Austine ang malapad na ngiti ni Jelo.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status