Share

*°•CHAPTER ELEVEN•°*

Kahit na sobrang init ay hindi pinabayaan ni Austine na talunin ng araw ang kaniyang porma. Suot suot niya ang sunglasses at mabilis ang lakad na tinutungo ang parking area.

"Grabe, ang haba naman 'ata ng bakasyon nila?" Narinig ni Austine ang isang babae na nadaanan niya. May kasama itong dalawa pang babae at halatang may pinag-uusapan. Malapit lang ang mga ito sa kaniyang kotse at parang may hinihintay.

Saglit pa siyang napatingin sa mga ito at saka itinuon ang atensyon sa paghahanay ng susi sa kaniyang kotse. Hindi niya iyon kaagad na nahanap dahil halos dukutin pa niya iyon sa pinakailalim ng kaniyang bag. Nagtataka siya kung bakit napunta ang susi doon sa pinaka masikip na bahagi ng kaniyang leather bag. Dahil sa pagpupumilit na makuha ang susi ay aksidenteng nahulog ang ilan sa kaniyang mga gamit.

Gumawa iyon ng ingay at naging dahilan para tapunan siya ng tingin ng tatlong babae. Muli siyang napatingin sa mga ito at dahil sa pagmamadali ay iritadong tinanggal niya ang sunglasses. Parang hindi siya sigurado sa ngiting ginawa niya sa mga ito at saka nagmamadaling kinuha ang mga nahulog na gamit.

"Oh my god! Is that Austine Alcantara?!" Nagulat siya sa sigaw ng isa sa mga babae. Bago pa niya makuha ang mga gamit ay nakalapit na ang mga ito sa kaniya.

"Tulungan ka na namin," narinig niyang saad ng isa pang babae. Wala na siyang nagawa nang kusang kunin ng mga ito ang mga nahulog na gamit at saka ibinigay sa kaniya ang lahat ng mga iyon.

"Salamat," ngumiti siya sa mga ito.

"Pwede ba akong magpa-picture? Grabe! Sobrang idol kita!" Bigla namang nabaling ang kaniyang tingin nang mabilis na hawakan ng babae ang kaniyang braso. Natuwa siya sa ginawa nito. Ito ang may pinaka maikling buhok sa tatlo at halatang napaka masayahin.

"Uy akakahiya ka, Mika!" Biglang sambit naman ng babae na una niyang nakita kanina.

"Ano ka ba Joyce, ayos lang 'yan kay Austine!" Nakita niya kung paano siya titigan ng isa pang babae. Halatang hindi nito mapigilan na titigan ang kaniyang mukha.

"Uy Andrea, baka nahihiya na si Austine sa ginagawa mong pagtitig! Kanina ka pa diyan!" Pasimpleng sinundot naman ni Mika si Andrea. Nakikinig lamang si Austine sa usapan ng tatlo habang nakangiti siya sa mga ito. Ayaw niyang tumagal sa parking area dahil marami pa siyang aasikasuhin at isa na doon ang tungkol sa kaniyang nanay.

"Yeah, picture tayo, dali!" Dahil sa sinabi ay parang nakita niya ang pagliwanag sa mga mukha ng tatlong babae at walang anu ano'y kaagad na nagsiksikan ang mga ito sa tabi niya. Kinuha ng isa sa mga babae ang cell phone nito at saka mabilis na kinunan ng litrato. Hanggang ngayon ay hindi pa rin maiwasan ni Austine ang kagalakan dahil sa ganoong uri ng estado sa kaniyang buhay. Hindi niya akalain na may ilan na makakakilala sa kaniya bilang isang modelo at nagmistula pa siyang isang artista sa paningin ng mga ito.

"'ayan! Thank you, again!" Napangiti siya sa mga ito at saka mabilis na nagpaalam. Naging mabilis naman ang mga ito at agad ding nagsialisan. Nakaramdam si Austine ng panlalamig habang nasa labas pa rin ng kotse at saka nagtatakang napatingin sa kabuuan ng parking area. Pakiramdam niya ay may kung sinong nakasunod sa kaniya. Minabuti niyang pumasok sa loob at saka agad na pinaandar ang sasakyan.

****

"Bakit mo naman hinayaan na makaalis?!" Halos mabingi na siya sa sigaw nito sa kabilang linya.

"Wrong timing, boss!" Kung wala lang sanang dumating na mga hadlang, kanina pa sana niya napatumba ang biktima. Parang sinasakal siya ng inis dahil sa inis.

"Ang sabihin mo, hindi mo ginagawa ng maayos ang trabaho mo! Kapag hindi mo pa 'yan napatay, sisiguraduhin kong hindi lang ikaw ang malalagutan ng hininga! Tandaan mo Dos, kapag hindi mo sinunod ang gusto ko, idadamay ko pati pamilya mo!" Kusang nanginig ang kaniyang mga kamay dahil sa sinabi nito. Hindi niya kakayanin na isa sa pamilya niya ang mawala. Naramdaman niyang bigla nitong pinatay ang tawag sa kabilang linya.

Dahil sa takot ay napasandal siya sa pader at iniisip kung paano makakaligtas sa ganitong uri ng sitwasyon. Wala siyang ibang maisip kundi gawin ang isang bagay na kahit alam niyang mali ay iyon lang ang tanging paraan para tigilan na siya ng nakaraan na pilit siyang ginagambala.

Napatitig si Dos sa kaniyang kamay. Naroon ang baril na gagamitin niya sana para patumbahin ang biktima ngunit sadyang dinadalaw siya ng konsensiya. Nagmadali siyang pumasok sa loob ng kotse at doon ipinagpatuloy ang susunod na plano. Naalala na naman niya ang kaniyang pamilya. Mula noong pumasok siya sa ganitong trabaho ay nagkaroon na ng ginhawa sa kanilang pamilya. Hindi na rin siya kagaya ng dati na lubog sa utang at kung kani kanino pumupunta para lang makahingi ng makakakain.

Kumuha siya ng isang sigarilyo at mabilis na sinindihan iyon. Napabuntong hininga siya kasabay nang malalim na pag-iisip. Hindi na siya pwedeng pumalpak sa susunod dahil kaunting panahon na lang ang nakalaan para gawin niya iyon.

"Umayos ka..." Napapikit si Dos habang sinasabi niya iyon sa kaniyang sarili. Marami ang nakataya sa gagawin niya at hindi niya pwedeng hayaan na lang na may mangyaring masama sa kaniyang pamilya. Sa sandaling matapos na niya ang ipinapagawa ng boss niya ay sisiguraduhin niyang babaguhin na niya ang takbo ng buhay niya.

Nagitla siya nang biglang tumunog ang kaniyang cell phone. Inayos niya ang kaniyang sarili at mabilis na itinapon ang sigarilyo sa labas ng kotse. Tiningnan niyang muli ang pangalan sa screen at nagmadali siyang sagutin iyon.

"Nasaan ka na ba? Kanina pa ako naghihintay dito!" Narinig niya ang pagkairita sa boses nito.

"Papunta na ako diyan," iyon lamang sinabi niya at saka mabilis na ibinaba ang cell phone. Nagmadali siyang buhayin ang makina ng sasakyan at saka walang alinalangan na pinatakbo ang kotse.

Mula sa katotohanan ng kaniyang buhay ay may mga obligasyon rin siya bilang isang normal na tao at hindi niya hahayaan na pati ang kaniyang nabuong pangarap ay kukunin na lang nang basta basta. Sisiguraduhin niya na kung sino man ang magtatangka na guluhin ang nakasanayan niyang buhay ay uunahan na niya itong patumbahin.

****

Hindi madali ang gusto ng management dahil hindi bukal sa loob ni Austine ang ganoong proyekto pero mapapadali ang lahat ng kaniyang gusto kung susunggaban niya iyon. Nasa labas siya ng istasyon ng Pulisya at iniisip kung mauuwi na naman sa wala ang paghahanap niya ng hustisya para sa kaniyang nanay. Ilang taon na niyang binibigay ang lahat ng makakaya pero wala pa ring nangyayari.

Sinubukan niyang tanungin ang kaniyang ninang Hulyana kung may nakaalitan ang kaniyang nanay pero malungkot na umiling ito. Hanggang ngayon ay wala pa ring balita kung sino ang suspek sa pagkamatay ng kaniyang nanay. Ilang beses na rin na sinuyod at nagtanong tanong ang mga pulis sa lugar na pinangyarihan pero bigo pa rin siya. Hindi niya maintindihan kung bakit sa tuwing gagawa siya ng paraan para makamit ang hustisya ay pakiramdam niya, palayo nang palayo ang katarungan na dapat sana ay matagal na niyang nakamtan.

Nangilid ang kaniyang mga luha habang nasa labas pa rin at parang hindi alintana ang init ng araw.

"Patawarin mo ako, mama... Hindi ko maintindihan kung bakit sobrang mailap ang hustisya," tinangay ng alapaap ang kaniyang mga tingin at malungkot na tinititigan ang kalangitan habang ibinubulong ang mga salita sa hangin. Napapikit siya ng mariin at pinapakiramdaman ang buong paligid.

Sa pagkakataong iyon ay tila natakot siya na gumawa ng hakbang papasok sa Pulisya. Natatakot siya na baka mauwi lang ang lahat sa wala. Sa kabilang banda ay naiisip niya na wala siyang ibang pagpipilian. Kailangan niya pa rin na gumawa ng paraan para matapos na ang lahat at mabigyan na ng hustisya ang pagkamatay ng kaniyang nanay. Sadyang pinapahirapan siya ng panahon.

Mula sa di kalayuan ay naramdaman ni Austine ang ingay ng mga tao pero hindi siya nag-abala na pansinin iyon. Kailangan niyang umisip ng ibang paraan para mapadali ang lahat. Pilit niyang inaalis sa kaniyang isipan ang tungkol sa proyekto na ibinibigay ni Bryan.

"Dalian mo!" Mula sa malalim na pag-iisip ay bigla siyang nagulat dahil sa sigaw ng isang babae. May kung ano itong tinutukoy sa kasama nitong pang babae at napunta doon ang kaniyang tingin. Huli na nang lingunin niya ang babae na tumatakbo papunta sa kaniya. Tila hindi nito napansin na naroon siya kaya deretso tumama ang katawan nito kaniya. Sa sobrang lakas nang pagkakatama nito ay halatang mawawalan na siya ng balanse.

Napapikit nang mariin si Austine at nakahanda nang bumagsak pero laking gulat niya nang may maramdaman siyang kamay mula sa kaniyang braso at mahigpit na hinawakan iyo at saka mabilis na hinatak. Ang akala niya ay makikita niya ang sariling nakangiwi sa semento pero nagkamali siya. Sumubsob ang kaniyang mukha sa matigas na dibdib.

Pakiramdam niya sa mga oras na iyon ay wala siyang kakayahang huminga. Hindi niya alam kung sino ang may hawak sa kaniya at tila habol niya ang bawat pagkabog ng kaniyang puso dahil sa takot na baka isa iyon sa mga paraan ng mga magnanakaw. Pero naisip niya wala naman sigurong magnanakaw ang gagawa ng ganoong bagay sa harap ng Pulisya.

Mula sa mariin na pagpikit ay nagmulat siya ng mga mata nang bahagyang maramdaman na niya ang pagluwag sa kaniyang katawan. Napansin niyang pinakawalan na siya ng tao mula sa paghawak nito sa kaniyang kamay at ang isa naman nitong kamay na nasa tagiliran niya ay wala na rin. Nakakapagtaka na hindi man lang niya iyon napansin.

"Are you good?" Nagitla siya sa boses nitong baritono. Doon lang niya nalaman na isang lalaki pa la ang humawak sa kaniya. Hindi alam ni Austine kung anong dapat na sabihin dito.

"Ah... Eh... Y-yeah! Thanks!" Natatarantang kumilos siya kaagad para makalayo mula dito habang iniiwas ang mga tingin.

"You seem so weary," natigilan siya sa sinabi nito.

"It's nothing, salamat sa tulong." Inayos niya ang sarili at dala dalang bag.

"Ang init init, bakit ka nandito?" Doon na siya nagkaroon ng lakas ng loob para tingnan ito mula ulo hanggang paa.

Pinagmasdan niya ito hanggang sa mapansin niya ang kasuotan nito. Alam na alam ni Austine ang uri ng damit kung nasa pinaka class A iyon o nasa pinaka-mababang class. Itong nakaharap sa kaniya ay isang halimbawa ng isang sikat at mayaman na personalidad. Sa tantiya niya ay hindi lamang doon nagtatapos ang kaya nitong ipakita.

Sinadya niyang umubo para ayusin ang sarili at magkaroon ng lakas ng loob na sagutij ito

"Do you really have to know? Who are you?–" hindi na naituloy ni Austine ang sunod sunod na tanong nang may biglang sumulpot at tawagin ang pangalan ng taong nakaharap sa kaniya.

"Zack?! Man, we've been looking for you! Tara na?" Nakita ni Austine na lumingon ang kaniyang kausap sa tumawag dito.

"Sorry, Kris. May tinulungan lang ako dito," nakikinig lamang siya sa pag-uusap ng dalawa at may kung anong hiya siyang naramdaman nang mapatingin ang kasama nito sa kaniya. Hindi siya sigurado sa kaniyang hitsura matapos ang nangyari kanina.

"Who's he?" Kahit na pabulong ang pagtanong ng kasama nito kay Zack ay narinig pa rin ni Austine iyon.

"He's Austine... Austine Alcantara," nakangisi ito nang sagutin nito ang kasama at parang hindi nito mapigilan ang ngitian siya. Biglang naningkit ang kaniyang mga mata at hindi makapaniwalang alam nito ang kaniyang buong pangalan.

"How did you–" bago pa niya masabi ang kaniyang pagtataka ay mabilis siya nitong itinuro ang likuran niya.

"Ikaw yan, tama?" Nakatingin siya sa daliri nito habang itinuturo nito ang direksyon. Unti unti niyang nakita kung ano ang tinutukoy nito at doon niya lang napagtanto na naka balandra ang ilan sa mga larawan niya na kinuha pa mula sa magasin. Nakaramdam siya ng hiya.

"What the... Grabe ka bro, dito pa talaga kayo nagkita ng idol mo?!" Narinig ni Austine ang kasama nito na halos hindi makapaniwala. Kitang kita niya sa mukha nito ang paghanga. Hindi na lamang niya inintindi ang dalawa at itinuon ang lahat sa kung anong problema ang kinakaharap niya sa ngayon.

Nawalan na siya ng gana na pumasok sa Pulisya. Kailangan niyang makauwi at makaisip ng bagong plano para sa pag-iinbistiga.

"I have to go, please excuse me." Agad siyang kumilos at saka hindi hinintay na tumabi ang dalawa para muling pumasok sa kotse. Nakita niya kung paano nabigla ang dalawa sa ginawa niya.

"Woah... He's hot!" Pagkatapos na maibulalas ng kasama nito ang mga salitang iyon ay bigla namang ngakaroon ng hudyat ng pagkainis dahil sa sinabi nito at mas lalong uminit ang kaniyang dugo nang marinig ang dalawa na nagtatawanan.

"I must say, thank you but you two, should have good manners!" Tumaas ang kaniyang boses sa dalawa nang makasakay na siya sa kotse at handa nang buhayin ang makina.

"Wow! Bro, ang hot talaga!" Naiinis siya sa pang-aasar ng kasama nito at mas lalo siyang naiinis sa mga titig ni Zack.

Hindi na niya hinintay ang sasabihin ng mga ito. Agad niyang binuhay ang makina at mabilis na pinaandar ang sasakyan pero bago pa siya tuluyan na makalayo sa dalawang nagtatawanan ay narinig niya sigaw ni Zack.

"Nice hazel eyes, idol!" Dahil sa sigaw nito ay may kung anong bagay ang nagpababa sa kaniyang inis.

Mga Comments (2)
goodnovel comment avatar
Ebhor Aznetac
update pls
goodnovel comment avatar
Satria Ramirez
update plss
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status