Share

*°•CHAPTER TWO•°*

"T-teka sa inyo 'to?!" Halos mailuwa na ni Austine ang mga mata dahil sa pagkalula. Kitang-kita niya ang harap ng mansyon. Yari iyon sa semento at modernong mga kristal na nakapalibot sa buong bahay. Sa sobrang mangha ay parang nagkaroon na siya ng takot na sumama sa loob ng mansyon kasama ang kaniyang bagong kaibigan. 

"Ang init init! Tara na sa loob!" Biglang naagaw nito ang kaniyang atensyon at saka nagdadalawang isip na umiling. Kailangan niyang mag-isip ng paraan para hindi siya makapasok sa mansyon. Alam niya ang lugar ng isang mahirap na katulad niya at wala siyang balak na makipag kaibigan sa mayayaman. Alam niyang madali lang na mapakiusapan ang bagong kaibigan para maniwala ito sa magiging dahilan niya.

"Ah... Alam mo kasi, marami pa akong gagawin. Maglalaba pa ako, mamamalantsa, maghuhugas ng pinggan at marami pa." Halos isa-isahin na ni Austine ang mga gawaing bahay na kaninang madaling araw pa niya natapos gawin. 

Kanina pa niya hinihintay ang kaniyang nanay sa bukid malapit sa lugar ng Villa Paula. Sa kasamaang palad ay hindi na rin niya alam kung paano pa hihintayin ang kaniyang nanay dahil sa pagpupumilit niyang sumama at magpalibre ng pagkain sa bagong kaibigan. Siguradong yari na naman siya sa kaniyang nanay.

"Halika na! Ang arte mo naman!" Nagulat siya nang hindi niya mapansin ang paglapit nito at saka mahigpit na hinawakan ang kamay niya sabay hatak papasok sa loob ng mansyon. Sa sobrang taranta niya ay deretsong tumama ang noo niya sa bakal na tarangkahan. 

"Aray!" Dahil sa sakit ay nasapo na niya ang kaniyang noo. Nahihilo siya pero patuloy pa rin sila sa paglakad papasok sa loob ng mansyon. Nainis siya nang hindi man lang nito napansin na nauntog siya. 

Ang akala niya ay doon na sa labas ng bahay matatapos ang pagkalula niya pero nagkamali siya nang makita ang kabuuan sa loob ng bahay. Mangha niyang tinitigan ang aranya na halos kasing laki na rin ng isang christmas light sa liwasan. Inilibot pa ni Austine ang paningin sa buong paligid at saka tumambad sa kaniya ang malalaking plorera na may iba't ibang disenyo. Sa internet lamang niya ang mga iyon nakikita.

"Ano bang tini-tingin tingin mo diyan? Tara na!" Nagulat siya nang muli siya nitong punahin.

"Oo na! Ang sungit!" Inirapan niya ito at saka dahan-dahang sumunod dito habang nasa mga kagamitan pa rin ang kaniyang tingin. Hindi niya maiwasan ang mamangha sa mga ito.

Ilang sandali pa ng itinagal nila sa paglalakad at narating din nila ang silid-kainan. Tumambad sa kanila ang iba't ibang klaseng prutas sa hapag. Namilog ang mga mata ni Austine nang makita ang mga iyon.

"Sige na, pili ka na diyan." Napatingin siya dito at saka kunwari'y inismiran niya ito. Bumalik ang kaniyang atensyon sa mga prutas na animo'y inaakit at tinatawag ang kaniyang pangalan para kainin ang mga ito.

Hindi na rin siya nagpatumpik-tumpik pa. Kaagad niyang nilantakan ang mga iyon. Bawat subo ng mansanas ay kaagad na nalulunok niya. Sunod naman ang ubas na kagagaling pa lang sa priser.

"Hindi ka naman masyadong gutom, 'no?" natatawang tanong nito habang nakatingin lang sa kaniya. Sinamaan niya ito ng tingin at saka kumain ulit ng marami. Wala siyang pakialam sa sasabihin nito basta ang alam niya lang ay mabusog siya. 

"Gusto mo?" Tanong niya dito sabay abot ng mansanas. Umiling lang ito at natatawang pinagmasdan siya habang kumakain. Lingid sa kaalaman ni Austine na kanina pa siya nito kinukuhanan ng litrato gamit ang smart phone nito.

Naupo ito sa tabi ni Austine at saka natatawang itinungko ang kabilang kamay sa ilalim ng kaniyang mukha at maigi siyang pinagmasdan.

"Ano ba?! Kumakain ako ah!" Nagtagpo ang dalawang kilay ni Austine dahil sa mga titig nito sa kaniya. Hindi niya maintindihan itong kasama niya. Kanina lamang ay halos kainin na siya nito ng buhay dahil sa inis nito. Ngayon naman ay abot hanggang tainga ang ngiti nito. Hindi niya rin maintindihan ang sarili kung bakit asar na asar siya dito.

"Go on," sambit nito nang hindi man lang nag-abalang kumain. Inismiran niya ito.

"Ewan ko sa 'yo!" tanging nasabi na lang niya dito at saka nagpatuloy sa pag kain.

****

Ilang minuto ang lumipas pero parang hindi man lang mapansin ni David na nabusog na itong kasama niya. Halos maubos ang lahat ng prutas sa hapag.

"Solve?" manghang tanong niya dito. Kahit siguro ilang balde ng mansanas ang ibigay dito ay mauubos lang ng isang araw. 

"Oo naman! Ayos na ayos!" Natawa ito sa sinabi at saka hinimas himas ang tiyan nitong umuumbok na sa kabusugan.

"Mukha nga..." tanging nasabi niya dito.

Saglit itong tumahimik at saka muling kumuha ng isang pirasong saging. Sa pagkakataong iyon ay maliit na lang ang kinagat nito at dahan-dahang inuubos. Napapangiti na lang siya sa ginagawa nito.

"Alam mo, kanina pa tayo nag-uusap pero hindi pa natin kilala ang isa't isa," biglang saad nito. Saglit siyang napaisip sa sinabi nito at saka tumugon.

"What's your name?" Napatingin ito sa kaniya na para bang hindi makapaniwala kaya muli siyang nagtanong.

"What? Do you have a problem?" takang tanong niya dito habang hindi alam kung ano ang iisipin.

"Kanina ka pa ingles nang ingles! Huy para malaman mo, nasa Pilipinas tayo!" Sa pagkakataong iyon ay hindi siya nakaramdam ng inis dahil sa reklamo nito. 

"Fine–" panimula niya pero kaagad na naman siya nitong napigil.

"'ayan na naman siya!" natatawang saad nito.

"Oo na, sige na. Ano nga pangalan mo?" Iritadong tanong niya. Saglit namang tumaas ang kilay nito bago sumagot.

"Austine Alcantara." Pagkatapos nitong sumagot ay saka ulit ito sumubo ng saging at mabilis na nilunok iyon.

Tumango-tango naman siya.

"I'm David Ortega." Pagkatapos niyang sambitin ang pangalan niya ay kaagad naman itong natigilan. Dahan-dahang bumaba ang kamay nitong nakahawak sa isang piraso ng saging. Kitang-kita ni David kung paano nawalan ng sasabihin si Austine.

"May problema ba?" takang tanong niya dito.

"I-ikaw... S-sabihin mo nga, ito ba ang Villa Paula?" Naramdaman ni David ang pag-aalangan ni Austine.

"Oo, bakit?" 

"Diyos ko..." iyon na lamang ang tanging nasambit ni Austine.

****

Huli na ang lahat nang mapagluho ni Austine na nasa Villa Paula na pala siya. Ang alam niya ay sa Villa Paula rin ang punta niya kasama ang kaniyang nanay at ninang para manilbihan. Napili ang kaniyang nanay para maging tagaluto at ang kaniyang ninang naman na tagalinis ng mansyon. Sa sobrang kagalakan na mailibre siya ng kaibigan ay hindi na rin niya napansin na nakalagay mismo sa tarangkahan ang lugar na 'Villa Paula'. Dahil sa pagkadismaya ay bumaba ang kaniyang paningin at ramdam na ramdam niya ang hiya sa buong katawan.

Sigurado si Austine na pagagalitan siya ng kaniyang nanay dahil sa ginawa niya.

"Hey, are you okay?" Dahan-dahan na napaangat ang kaniyang paningin at naluluhang napatingin kay David. Wala siyang masabi. Ni hindi niya maibuka ang kaniyang bibig dahil sa kahihiyan. Mahal siya ng kaniyang nanay pero hindi nito maatim na hayaan siyang pumasok sa magagarbong bahay at ang mas malala pa, sa lugar kung saan pa sila magtratrabaho.

Umiling-iling si Austine. Natatakot siya sa posibleng mangyari. Ayaw na ayaw niyang nasasaktan ang loob ng kaniyang nanay pero huli na ang lahat para magsisi. 

Nagulat si David nang bigla siyang tumayo at mabilis na yumakap. Hindi na malaman ni Austine kung paano magpapaliwanag sa kaniyang nanay. Kaya ganoon na lamang ang kaniyang naging kilos at reaksyon sa tanong ni David. Ilang minuto ang itinagal ng pagyakap niya kay David. Doon lang niya napagtanto na nasa ganoon pa rin siyang posisyon nang maramamdaman ang paglapat ng mga kamay nito sa kaniyang likod. 

Bahagyang naramdaman ni Austine ang paghaplos ng kamay ni David. Para siyang naalimpungatan dahil sa ginawa kaya mabilis na kumawala siya dito.

"Pasensiya na," saad niya habang pupungas pungas.

"It's okay," tugon nito. Nakita ni Austine kung paano ngumiti si David. Hindi niya akalain na ngumingiti pa la ito. May kaunting kiliti siyang naramdaman dahil doon.

Katahimikan ang nabuo sa pagitan nilang dalawa at parang hindi sigurado kung sino ang unang magsasalita hanggang sa makarinig sila ng pag-uusap mula sa labas ng silid-kainan.

Naging mabilis ang kilos ni Austine at saka nagtago sa likod ni David.

"Wait, I have to see it," deretsong sabi nito. Hindi na nito hinintay ang sasabihin niya at agad nang tumayo para sumilip mula sa pintuan ng silid-kainan.

Nakikiramdam naman sa likod ni David si Austine.

"So aling Tisay, ito po ang kabuuan ng bahay. Doon po kayo sa kitchen at sa dining room naka assign." Parang mabibilaukan si Austine nang marinig ang pangalan ng kaniyang nanay. Wala namang kibo si David at parang hindi nito maintindihan kung bakit siya nagtatago sa likod.

Umayos si David ng porma para maghanda na ipakilala ang bagong kaibigan na si Austine sa ina. Nakita nitong nakikipag-usap ang ina sa bagong katulong sa mansyon. Doon lang din nito naintindihan na hindi ito kaagad na nakabalik kanina dahil inasikaso pa ng ina ang mga bagong katulong sa mansyon.

"Kailangan nating magtago," bulong niya kay David na halatang natatakot na baka makita siya ng kaniyang nanay. Hindi niya alam kung anong kwento ang gagawin para hindi magalit ang kaniyang nanay.

"Wait, why are we going to hide? I'm going to introduce you to my mom." halatang hindi nito maintindihan ang ikinikilos niya. Natataranta na siya at ramdam niyang hindi maganda ang mangyayari pag nagkataong maabutan siya ng kaniyang nanay.

Dahil sa kalituhan nilang dalawa kung anong gagawin ay hindi na rin nila namalayan ang pagsulpot ng kanilang mga magulang. Parang huminto ang oras nang sandaling magtagpo ang paningin ni Austine at ng kaniyang nanay.

"Austine, anak?!" sambit nito sa kaniyang pangalan at para bang hindi makapaniwala na nauna pa siyang mapunta sa bahay ng Villa Paula. Pigil ang hininga ni Austine at para bang hindi mahagilap sa sarili kung ano ang mga salitang dapat na ipaliwanag kay sa kaniyang nanay.

"David, nandito ka na pa la," si Loren naman ang nagsalita. May halong pagtataka sa mukha nito at sandaling napalipat-lipat ang paningin kay Tisay at Austine.

Dahil sa hindi na alam ni Austine ang gagawin sa mga oras na iyon ay mahigpit na napakapit siya sa kamay ni David.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status