Share

Capitulo  Cuatro – Nasaan na ako?

Tierra de Oriente, 1871

Volverá…

Cambiará el curso del tiempo y el tiempo,

Se escribirá otro capítulo.

(Babalik…

Babaguhin ang takbo ng oras at panahon,

Panibagong kabanata ang siyang maisusulat.)

             Mga pangungusap na nagpapaulit-ulit sa isipan ni Vahlia habang kinukusot-kusot niya ang kanyang mga mata. Akmang babangon na siya nang sumulpot ang isang mahinhing boses. “Kumusta naman ang iyong siesta, Victoria? Ipinag-init ka nga pala ni Ina ng arroz caldo.”

              Biglaan siyang napaupo sa gulat. Unti-unti ay nilingon nito ang gilid ng kamang kinauupuan niya.  Isang babaeng napakadisenteng tignan ang bumungad sa kanya, nakapusod ang kulay tsokolate nitong buhok at maayos na nakaipit ang peineta nitong palamuti.  Kulay lila naman ang suot nitong pang-itaas at ganoon din ang saya nito.

“Sino ka?” pasigaw na tanong ni Vahlia sa binibining kaharap niya.

“H-Ha? Batid mo ba ang iyong tinuturan, aking kapatid?” nagtatakang pabalik na tanong naman nito sa kanya. “Ahh, ineensayo mo na naman ang tagpong nabasa mo sa aklat, tama ba ako?”

                Kunot-noo namang tumagilid ang ulo ni Vahlia habang ang binibining kaharap niya ay nakangiti at diretso ang tingin sa kanya. Hindi na niya maintindihan ang mga nangyayari.  ‘Sino ba ‘tong babaeng nakatingin sa akin? Sandali, nasaan ba kasi ako?’ Inilibot naman niya ang paningin sa kabuuan ng silid na kinalalagyan niya.

‘Anak ng pating! Don’t tell me… oh no, no, no!!! This can’t be happening!!!’  hindi makapaniwalang sigaw nito sa kanyang isipan. Paano nga naman, napapaligiran siya ng mga makalumang kagamitan. At kompleto pa! Nasa isang sulok ang napakalaking aparador at kuwadradong salamin na nakapatong sa isang tukador. Sa kabila naman ay isang lamesita kasama ang partner nitong upuan.

“What year is it? I mean, ano na ang date ngayon?” kinakabahang tanong niya sa babaeng ngayon naman ay siyang nakakunot-noo. Matagal silang nagtitigan, parehong naguguluhan.

“Ibig kong sabihin ay ano… uhhm ano… I was asking—arrgh.” Napapailing na lamang si Vahlia sa hirap ng pag-iisip sa kung ano na nga ba ang translation ng dapat na itatanong niya sa kaharap. ‘Should I regret? Na hindi ako nakinig kay maam Fontejo at sa Filipino teacher ko noon?’ 

“Itatanong ko sana kung ano na ang petsa ngayon.” Muli ay tinignan ni Vahlia ang babaeng nasa kan’yang harapan na nananatiling nakatingin pa rin sa direksyon niya.

            Maya-maya pa’y kumaripas siya ng takbo paalis sa silid na siya namang ipinagtaka ni Vahlia. ‘Am I in a nightmare? Pwede na ba akong magising?’ nagmamakaawang pakiusap niya.

“Pssst. Vahl!”

           Muling nagulantang si Vahlia sa panibagong boses na nadinig niya. Inilibot niya sa buong kwarto ang paningin upang hanapin ang pinagmumulan ng tinig na iyon.

“Vahl! Dito! Sa may libro!”

          Nang lumingon si Vahlia sa bookshelf na nasa isang sulok ay nakita niyang muli ang librong pilit na iniaabot ni ate Sol sa kan’ya kanina lang. Nagmadali siyang tumayo at hinablot ang librong iyon, ngunit bago pa man niya mabuklat ang aklat ay biglaang lumitaw ang pagmumukha ni ate Sol sa pabalat nito. Nang dahil sa pagkagulat ay naihagis muli ni Vahlia ang aklat palayo.

“Aray naman, Vahl! Masakit!” reklamo ng librong nakadapa na sa sahig.

          Nang makabawi naman sa ulirat ay muling inabot ni Vahlia ang libro.  Hindi nga siya namamalik-mata, totoong nagsasalita ang libro! At nakalantad pa ang mukha ni ate Sol sa pabalat niyon.

“Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, Vahl. Limitado ang oras kong makausap ka. Narito ka ngayon sa taong 1871,” panimula ni ate Sol habang hinihimas ang noo nito. “Sa panahong ito, ikaw muna si Victoria Esperanza. Maliwanag?”

         Nanatili namang nakatitig lang sa kanya si Vahlia, naghihintay ng kompletong dahilan kung bakit nasa ganito na siyang sitwasyon. Bukod doon ay nakapagtataka din ang set-up ng pag-uusap nila. Isang taong kinakausap ang nagsasalitang libro? So weird.

“May kinakailangan kang gawin dito, bukod sa magiging masaya itong paglalakbay. Muling maiguguhit sa mga bituin ang kuwento, magsisimula ang bagong kabanata sa huling talulot ng rosas,”

“Ano ba! Ate Sol! Kung ano man ang dahilan kung bakit mo ako dinala dito, please. Ibalik mo na ako sa panahon ko!!!” sigaw niya sa harap ng libro. Tipid namang ngumiti ang mukha ni ate Sol bago sagutin ang katanungan ni Vahlia. “Lahat ay may dahilan, Hija. Balang araw ay pasasalamatan mo ako sa gagawin kong ito. Ang maipapayo ko lamang ay huwag mong ipapaalam sa kanila ang tunay mong katauhan. Sa oras na malaman nila ang tungkol sa pagpapanggap mo, magwawakas na ang lahat. Sa puntong may makaalam na hindi ikaw si Victoria, ito na ang katapusan mo,” seryosong saad ni ate Sol kasabay ng pagbubukas ng pinto.

“Kakaiba na ang ikinikilos ni Victoria, Ina.” Bungad ng babaeng nakaharap ni Vahlia kanina. Sa tabi nito ay isang panibagong babae na mahihinuhang may katandaan na din, ngunit hindi maipagkakaila ang kagandahang tinataglay nito. Mala-tsokolate rin ang kanyang buhok tulad ng katabi niya.

“Sa aking pakiwari’y nakalimot na siya dulot ng pagkahulog niya mula sa hagdan, Ina.” Magkasabay na lumapit ang dalawang babae kay Vahlia na siya namang patuloy na inaatrasan nito. ‘Anak ng pating!!! Am I dreaming again? Kung oo, please pakisuntok ako! Ngayon na!’

“Anak, mukhang kinakailangan mo muna ng pahinga. Bumalik ka na muna sa iyong higaan, Victoria. Pakiusap.”

“No! I don’t belong here! Please, ate Sol. Hindi na po ako nakikipagbiruan!” Desperadong pakiusap ni Vahlia sa librong kausap niya kanina na ngayo’y nagmukha nang ordinaryong libro na lang. Paulit-ulit siyang umiiling at umaatras palayo sa dalawang babaeng hindi niya kilala.  Agad namang ipinatawag ng ginang ang isa sa mga tagapagsilbi, “Stella, tawagin mo si doktor Flaviano. Ipabatid mo ang nangyayari sa iyong Senyorita.” Tumango naman ang tagapagsilbi at dali-daling lumabas ng silid upang puntahan ang doktor na ipinapatawag ng ginang.

“Anak, ako’y nagsusumamong ipanatag mo muna ang iyong kalooban. Huminahon ka, pakiusap.  Kung hindi mo ako nakikilala, ako si Vivian. Ang iyong ina, Victoria.”

             Sa kabila ng pakikiusap ng ginang ay parang walang naririnig si Vahlia. Tuloy-tuloy lang siya sa pag-atras at ganoon din sa paglapit ang dalawang babae. Ngunit napatigil sa paghakbang ang Ginang nang makitang malapit na sa barikada ng azotea si Vahlia. Sisigaw na sana siya upang balaan ang dalaga ngunit huli na ang lahat dahil sa huling paghakbang paatras ay tuluyan na ngang nahulog mula sa azotea si Vahlia.

“Aaahhh!”

“Victoria!”

“Hija!”

               Dali-daling napatakbo ang dalawang babae pababa ng ikalawang palapag upang tignan ang nangyari kay Vahlia. Naabutan nila itong nakahiga sa kumpol ng mga dayami sa ibaba ng Azotea. Doon na lamang nakahinga nang maluwag ang ginang, mabuti na lamang at sa medyo ligtas na parte bumagsak ang dalaga.

               Inis namang napapikit si Vahlia sa kinahantungan niya. ‘Wala nga ako sa panaginip, I have traveled back in time. And this is where am I now, 1871. Aarrrggghhh’  Isang malalim na buntonghininga ang kanyang pinakawalan sa kabila ng kagustuhan niyang sumigaw at magwala.

*****

“Señorita, bakit niyo po ako pinatawag?” bungad ng isang tagapagsilbi pagkabukas nito sa pinto ng silid kung saan naroroon si Vahlia. Katatapos lang ng pagsusuri ng Doktor sa kanya. Dahil sa wala na ngang atrasan ang pagsulpot niya sa panahong ito ay pinili na lamang niyang pangatawanan si Victoria. Tatangggapin na lamang niya ang misyon na sinasabi ni ate Sol at nang makabalik na siya sa sariling panahon.

“Sinasabi ninyong ako si Victoria Esperanza. Maaari ka bang magkuwento tungkol sa buhay niya— ay este-- sa buhay ko?” tanong ni Vahlia sa tagapagsilbi.

              Ang sinabi niya sa doktor ay hindi na niya maalala kung sino siya. Dinagnagan niya pa iyon ng drama kung kaya’t dalang-dala naman ang dalawang babae na

napag-alaman niyang ina at nakatatandang kapatid pala ni Victoria. Sina señora Vivian Esperanza at señorita Estrella Esperanza.

“Sino ba kayo? Hindi ko kayo kilala! Lumayo kayo sa’kin!” madramang aktingan ni Vahlia habang umiiling-iling pa. Mukhang napaniwala naman nito si señora Vivian kung kaya’t masuyong lumapit ito sa dalaga at niyakap siya. “Victoria, hija. Huwag kang mangamba. Hindi ka naming sasaktan dito.”

“Ibig bang sabihin nito ay hindi na kami maalala ng aking kapatid, doktor Flaviano?” nag-aalalang tanong ni señorita Estrella sa doktor na kasalukuyang nakatayo sa tabi ng nakayukong si Vahlia.

“Ikinalulungkot kong sabihin ngunit tila tama ang inyong nahihinuha, señorita Estrella. Dulot na mismo ng pagkabagok ng kanyang ulo kahapon ay ganoon na nga ang naging akto niya kanina. Nagugulumihanan sa kung sino ang nasa paligid niya at kung nasaan siya,”  mahinahong paliwanag ni doktor Flaviano sa kanila. “Ngunit mayroon bang pagkakataong maaaring bumalik ang mga ala-ala niya?” sabat naman ng señora na inaalo pa rin si Vahlia.

“Hindi ko matitiyak, Señora. Nasa maayos nang kalagayan ang señorita, ipanatag niyo ang inyong kalooban. Inyong patuloy na ipaalala sa kanya ang kanyang nakaraan at kung sino-sino ang mga taong nakakasalamuha niya. Ngunit huwag ninyo munang ipagpilitan ang mga parte ng kanyang nakaraan na hindi niya talaga maalala. Bueno, ako’y mauuna na.” Yumuko ang doktor bago umalis na siya namang pinasalamatan ng mag-inang Esperanza.

            Nang makalabas na ang doktor ay agad namang hinarap ng señora si Vahlia. “May nais ka bang kainin, Anak?” tanong niya na ikinailing naman ng dalaga. “Gusto ko na lang pong magpahinga, m-mama… ay este, ina.”

              Lihim na napapangiti na lamang siya nang maalala ang senaryo kanina. ‘Mag-audition na kaya ako sa PBB? Pero ‘wag na lang muna. Atleast, nakahanap ako ng reason for them not to question my actions’

                Oo nga naman, matalinong paraan na pinangatawanan na lamang niya ang pagkakaroon niya ng amnesia.

“Ipapakilala ko na po muna ang aking sarili, Señorita.” Tumango naman si Vahlia. “Stella Garon po ang aking ngalan, isa po ako sa mga tagapagsilbi dito sa mansiyon”

               Sinenyasan naman nito ang tagapagsilbi na maupo sa silyang nasa tabi ng lamesita habang siya ay nakatayo malapit sa azotea at nakatitig sa labas. “Gusto kong malaman ang tungkol sa pamilya Esperanza.” Alanganin naman siyang sinulyapan ni Stella, nangangambang baka ipagkanulo siya ng señorita sa oras na may masabi siyang hindi dapat.

“Kung iniisip mong baka isumbong kita kay ina, rest assured. Hindi ako ganoong tao,” dagdag ni Vahlia nang Makita ang ekspresyon nito. Napatango na lamang ang tagapagsilbi habang ipinagtataka ang kakaibang salitang binigkas ng señorita na ngayon niya pa lamang narinig.

“Kabilang ang inyong angkan sa mga pinakamayayamang pamilya dito sa isla, Señorita. M-Malawak rin po ang haciendang pagmamay-ari ng inyong pamilya at ganoon rin sa inyong mga negosyo, Señorita.”

                Tipid na ngumingisi naman si Vahlia sa bawat salitang lumalabas sa bibig ni Stella. ‘Kakaiba pala sa pakiramdam na tinatawag akong señorita sa panahong ito. I feel so honorable. Unlike sa present year na kapag tinawag kang señorita eh tamad ka. Should I decide to stay?’

“Ang inyong ama’t ina naman po ay sina don Gonzalo Esperanza at señora Vivian Pineda Esperanza. May nakatatandang kapatid din po kayo, si señorita Estrella.”

“Gonzalo? Parang hindi ko pa siya nakikita ah. Nasaan ba si Gonzalo?” Nilingon ni Vahlia ang kausap na ngayo’y nanlalaki ang mga mata. Hindi makapaniwalang tinawag ng señorita ang kanyang ama direkta sa mismong pangalan nito na isang kawalan ng paggalang.

“I mean, nasaan ba si ama?” pagtatama niya nang mahalata ang kakaibang tingin ni Stella sa kanya. Napamura na lamang siya sa kanyang isipan nang mapagtantong nasa katauhan pala siya ngayon ni Victoria. At marapat lamang na matuto na siyang maging mahinhin at kumilos bilang isang butihing binibini. ‘Ngunit paano? Kung sa simpleng paglakad ay nagiging takbo ko na. Sa simpleng paghakbang ay patalon kong ginagawa. Sa pananalita ko naman ay walang mararamdamang lambing. Magiging mahirap para sa’king maging Maria Clara!’

“Kadadaong pa lamang daw ng galleong sinasakyan ni don Gonzalo sa pier galing Madrid, Señorita. Ang akin pong naulinigan ay mamayang hapon na po ang dating ng Don.” Nakayukong sagot ni Stella. Napansin naman ito ni Vahlia kung kaya’t tinanong nito ang tagapagsilbi.

“Bakit kailangan mo pang yumuko, Stella? Hindi naman ako mataas na tao para yumukod ka sa harap ko.”

“Paumanhin, Señorita. Ako’y isang hamak na tagapagsilbi lamang at wala po akong karapatan upang taas noong banggitin ang pangalan ni señor Esperanza.”

             Saglit na pinagmasdan ni Vahlia si Stella na hanggang ngayon ay nakayuko pa rin. Doon na lamang niya napagtanto kung gaano pinapamukha ng mga dayuhang mananakop ang pagiging mangmang ng mga Pilipino. Dahil doon, bumababa na din ang tingin ng mga Pilipino sa kanilang sarili. ‘Ganito ba talaga sa panahong ito?’

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status