CHAPTER 4

CHAPTER 4: NAKAUKIT

Pagdating ko sa aming kubo ay agad akong sinalubong ni Li Wei.

Nakatipikal na suot pang Intsik si Li Wei na ang tawag niya ay Tang Zhuang. Mahabang pulang kasuotan ito na abot na halos sa kanyang talampakan. Nakatayo rin ang kwelyo nito na siyang nagpaiba sa istilo nito at may kakaibang mga butones rin sa kanyang kasuotan. Ito ang laging suot ni Li Wei dahil ito na lang ang huling alaala niya sa lupaing kanyang pinagmulan.

Mahaba rin ang buhok ni Li Wei pero nakatali itong papusod.

Mahahalata mo rin kaagad kung anong lahi niya dahil siya ay singkit at maputi. Medyo may kaliitan siya kumpara sa akin. Hindi rin ganun kalaki ang kanyang katawan pero delikado pa rin siya bilang isang kalaban, dahil may alam siyang paraan ng pakikibaglaban na kung tawagin niya ay Kung Fu.

Matatas na ring magsalita ng tagalog si Li Wei dahil halos dito na siya lumaki sa aming lupain. Sa lupang aking sinilangan.

Isang matalik na kaibigan si Li Wei at dahil sa kanyang kabaitan ay tinanggap namin siya bilang di iba sa amin. Nagkakilala kaming dalawa sa isang palengke sa daungan ng Manila. Hinahabol ako noon ng mga Kastila dahil gustong-gusto nila akong patayin dahil may dugo akong bughaw, pero nakaligtas ako sa kanila dahil kay Li Wei, tinulungan niya akong makatago.

Pinatuloy niya ako sa kanyang tahanan noong mga panahon na yun. Hindi siya nanghingi ng kapalit pero kailangan niyang makatanggap ng isang biyaya. Kaya isinama ko siya noon sa aming tinutuluyan. Kinuwento ko sa aming buong barangay ang kanyang kabutihan kaya itinuring na rin namin siyang kapamilya at kadugo kahit na iba ang lahi niya.

Simula nun ay lagi na kaming nakakapagusap na dalawa at pati sikreto namin ay ibinahagi namin sa isa’t-isa.

“Palan-taw! Galingan mo sa pangangaso!” sabay batok sa akin.

Tumakbo naman ito at tumatawa-tawa pa! Pinipikon ako nitong lalaking to! Hinabol ko siya at binatukan ng malakas. Nawala na yung pagkapikon ko sa kanya dahil nakabawi na ako sa kanya. Umupo kami sa hagdan ng aming kubo at puro tawa na lang ginawa. Pero naputol ito ng bigla na naman akong mangamba. Napahinga na lang ako bigla ng malalim na siyang ipinagtaka ni Li Wei.

“Ano na namang problema mo Palan-taw? Mukhang may malalim kang iniisip?” nagtatakang tanong ni Li Wei. “Natatakot akong matalo Li Wei, inaasahan nilang lahat na ako ang magwawagi dahil dahil ako ang anak ng Datu, kaya mas natatakot akong matalo,” sambit ko sa kanya. Binatukan niya ulit ako at tanging gulat na lang ang aking naging reaksyon, “Bakit mo ako binatukan?! May nasabi ba akong masama?!”

“Wala kang nasabing masama. Yung nasa isip mo yung masama!”

Nagtaka naman ulit ako sa sinambit niya, “Ano ang ibig mong sabihin?”

“Wag mong hayaang pigilan ka ng iniisip ng ibang tao, ang isipin mo ay yung kakayahan mo, maniwala kang kaya mo!” sigaw naman sa akin ni Li Wei. Mukhang galit ang tono niya pero alam kong pinapangaralan niya lang ako. Bigla naman akong natawa dahil sa tono ng pananalita niya.

“Di mo ba sineseryoso ang aking sinasabi?! Bahala ka!” mukhang napikon ang aking kaibigan dahil sa aking pagtawa.

Tinapik ko siya at sabay sambit, “Natutuwa ako dahil may kaibigan akong katulad mo na nawawala ang mata pag nagagalit!” muli akong humalakhak! Nakatanggap naman ulit ako sa kanya ng isang pangbabatok. At medyo masakit ito dahil medyo malatik ang kanyang pagkakahampas. Hindi ko na nagawang makaganti at napahawak na lang ako sa aking batok na mahapdi dahil sa kanyang ginawa.

“Ang sakit ng pangbabatok mo sa akin! Pero ayos lang dahil bahagya namang nawala ang aking takot…”

Tinapik niya ako sa aking balikat at sabay sambit, “Basta gawin mo lang kung anong kaya mong gawin. Kapag hindi mo kaya ay mas mabuting makabalik ka ng ligtas.”

“Salamat, Li Wei.”

“Pumasok ka na sa loob at maghanda ka na sa pangangaso niyo. Kailangan mong maging handa!” tumayo siya at itinutulak-tulak pa ako papasok sa aming kubo.

“Oo na papasok na ako!” gumanti ako ng tulak sa kanya pero hindi na siya bumawi.

 Nagpapasalamat ako dahil may nakakatawa akong kaibigan na mula pa sa iba pang lahi, sa ibang lupain.

Pagpasok ko sa kubo ay agad na sumalubong sa akin ang aliping saguiguilid na akin ring kaibigan mula pa pagkabata na si Himal-ing. Kayumanggi ang kanyang kulay katulad ng sa akin, itim na itim rin ang kanyang mahabang buhok at ang kanyang magagandang mata. Isa siya sa mga pinakamaganda sa aming barangay at maraming kalalakihan ang naghahangad na mapangasawa siya. Marami ng nagtangka pero niisa sa kanila ay walang nagwagi. Natatawa na lang ako sa tuwing maiisip na baka gusto niya lang talagang tumanda ng walang asawa.

“Palan-taw ito ang ipinahandang sibat ng Datu, at ito rin ang kasuotan na iyong susuotin kaya maghanda ka na.” malumanay na sambit ni Himal-ing sa akin. “Bakit naman napakagalang mo sa akin, para namang hindi tayo magkaibigan niyan?” biro ko naman sa kanya. Napangiti naman siya.

“Kailangan kitang galangin dahil anak ka ng Datu,” malumanay na sambit ulit niya.

Hindi ako sanay sa inaasta niya kaya napagdesisyunan kong biruin pa siya. “Huwag mo na akong galangin, matalik tayong magkaibigan kaya ayos lang kahit birubiruin mo din ako,” pahalakhak kong wika kay Himal-ing. Seryoso pa rin ang kanyang mukha at mukhang di siya tinatalaban ng aking mga banat. Mukhang wala siyang oras makipagbiruan. Mukhang malalim ang kanyang iniisip at parang may pangamba at takot din siyang nararamdaman.

“Ihanda mo na ang iyong sarili sa iyong pangangaso mamayang tanghali… bumalik ka kaagad,” nag-aalalang tugon ni Himal-ing bago ito tuluyang umalis sa aming kubo.

Hinayaan na niya akong mag-isa dito dahil kailangan ko na ring magbihis. At ang kausuotang ibinigay sa akin ay ang kasuotang sinuot din ni Ama noong kanyang mga kabataan pa. Ito ang gusto nilang suotin ko dahil swerte daw ito, may unting pagkakaiba lang ito sa burda ng aking suot pero namumukod tangi ang disenyo nito kumpara sa mga normal na kasuotan namin.

Mukhang sa swerte na lang ako maniniwala ngayon. Dali-dali akong nagpalit ng aking kasuotan at mukha pa akong tangang ngumingiti-ngiti dahil may dalawa daw itong swerte. Sana swertehin ako sa pangangaso, at sana ako ang manalo!

Agad namang pumukaw sa aking atensyon ang sibat na ipinapagamit sa akin. Gawa ang patalim nito sa isang purong bakal, pero may nakikita akong maliliit na kapirasong ginto na siyang nagpaiba sa itsura nito. At ang nagsisilbing hawakan ay inukitang kahoy na may nakasulat na mga Baybayin. Mula taas na bahagi ng hawakan hanggang sa bandang ibaba ay may nakasulat. Sinubukan kong basahin ang iba, “Sundin mo ang agos ng hangin sa mga puno, sabayan mo ang pagpanhik ng haring araw sa damo at dun mo makakamtan ang pagkapanalo”

Ano ang ibig sabihin nito?

Nagugulumihanan ako. Masyadong pala-isipan para sa akin.

Muli kong inulit-ulit ang mga salitang iyon. Pero hindi ko talaga ito maunawaan kaya hinayaan ko na lang at hindi ko na ito muling inisip pa. Hindi ko na ring inabala pang basahin ang iba pang nakasulat sa sibat. Sa halip ay itinabi ko ito sa isang sulok at humiga ako para makapagpahinga— pero hindi ko napansin na ako pala ay nakatulog na.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status