Share

Disorder (Tagalog)
Disorder (Tagalog)
Author: Thrinine

Prologue

IKATLONG

TAUHAN

TUMANGHAL sa mga labi ng anim na taong gulang na batang babae ang ngiting tagumpay. Maliwanag, at bakas ang pagiging dalisay roon.

Kabubukas niya pa lamang sa laruan niyang bahay ng manika, iyon ay handog sa kanya ng kanyang ama.

Kulang na lamang ay magbunyi ang kanyang mga mata sa nakikita.

Bukod sa kumpleto iyon sa mga kagamitan, mas ikinagalak ng kanyang puso ang diwang iyon ang kauna-unahang regalong natanggap niya.

Inabot ng kanyang bulilit na mga kamay ang minyaturang laki ng babaeng manika na kasinglaki ng kanyang hinliliit; sinimulan niyang palibutin iyon sa laruang dalawang palapag na pamamahay.

Kanyang inaawit ang paborito niyang tugmaang pambata na ‘Twinkle, Twinkle, Little Star’, ’di pa rin mawala-wala ang pagkapaskil ng maliwanag na kurba sa kanyang mga labi.

[ tugmaang pambata - nursery rhyme ]

Napabaling ang kanyang titig sa pintuan bago iyon lumagpak sa kung saan-saang dako ng haligi: sinusubukang suriin kung saan nagmumula ang paimpit na hiyaw.

Humigpit ang kapit niya sa manika.

Napatapik-tapik sa kanyang hita.

Saan ’yon galing?

Humagikhik na lamang siya’t ’di na inabala ang naulinigan.

Marahil ay ang kanyang kuya lamang iyon . . . siguro ay naglalaro?

Subalit tumigil.

Huminto sa paggalaw ang kanyang mga kamay nang anino ng kanyang ina sa bukana ng pintuan ang kanyang naaninag. Nagmamadali itong pumasok: tatakbo-takbo.

Hindi niya maiwasan ang makaramdam ng pag-aalinlangan nang matanaw ang nangangatal nitong mga braso’t kamao. Hindi rin mapalagay ang leeg at mga mata nitong palinga-linga na wari’y may hinahanap.

Mahigpit siyang napakapit sa kumot na nakalatag sa kanyang binti. Lumapit ito sa kartong nasa lapag na siyang pinaglagyan ng laruan . . . napapikit na lamang siya

Ingay ng winawasak na papel; malakas na bagsak bago siya muling napadilat.

Huli niyang nasilayan ang pagdukot nito sa kulay pulang laso na nasa sahig bago nilayasan ang kanyang kuwarto.

Sinundan niya lamang ito ng tingin. Bawat paglaki ng distansya nila mula sa isa’t isa ay tila’y paggaan din ng kaninang mabigat na bagay sa kanyang dibdib.

Nang matiyak niyang tuluyan nang naglaho ang presensiya nito, nagmamadali siyang bumaba mula sa higaan.

Dinalo niya at dinukot ang mga piraso ng kartong nagkalat sa lapag.

Kusang kumawala ang mga iyon mula sa kanyang pagkakahawak nang sa pangalawang pagkakataon, lumakbay sa bakuran ng kanyang mga tainga ang sigaw na sa mga sandaling iyon ay naging mas malinaw . . . at malakas.

“Mama!” Banayad siyang napatayo, muling inilapat ang kanyang katawan sa kutson. Napalunok siya’t ilang beses na muling napatapik sa kanyang hita.

[ banayad - slowly ]

Hindi siya maaaring magkamali, boses iyon ng kanyang kapatid!

Dahan-dahan niyang nilakdawan ang bawat dipang layo ng pintuan mula sa kanyang higaan.

Nang makalabas, tanging dingding ang kinapitan niya.

Kinakalinga nito ang kanyang mga kamay na nanginginig. Nagagawa rin nitong alalayan ang kanyang timbang na sa bawat segundo’y bumibigat—nang bumibigat.

Ang kanyang mga binti . . . wari’y nais na nitong umurong, ayaw nang tumuloy.

Subalit hindi pwede, sa tingin niya’y kailangan siya ng kanyang kapatid.

Sinimulan niyang tahakin ang mahabang pasilyo sa ikalawang palapag ng kanilang tahanan.

Bawat hakbang ay may kalakip na pag-aalinlangan.

Patuloy sa paglinga-linga.

Padampi-dampi ang kamay sa dingding.

Isandaang beses na tapik sa hita.

Malakas na kalabog ng dibdib.

Humahaplos sa kanyang balat ang malamig at magaspang na simoy ng hangin; taliwas sa mainit na liwayway na siyang ibinabato ng maliwanag na araw mula sa kanilang salamin na bubungan.

Sigaw.

Napatigil siya: iyon na naman ang dumagundong sa paligid.

Muling lumaktaw ang kanyang mga paa tungo sa silid ng kanyang nakatatandang kapatid na lalaki. Pakiwari niya’y roon nanggagaling ang sigaw.

Nang tuluyang marating ang paanan ng kuwarto, huminga muna siya nang pagkalalim-lalim, bago sumulyap sa loob.

Napasinghap siya.

Nabalutan ng niyebe ang mga kamay.

Nanlaki ang mga mata . . . at mistulang niyapos ng kilabot.

Ang kanyang kapatid, malupit itong sinasakal ng kanyang ina gamit ang pulang laso na kanyang pagmamay-ari.

Sa tiyak na pagkakataong iyon, ibig niyang isigaw ang pangalan nito, subalit tila’y hiniwa ang kanyang dila.

Ibig niyang saklolohan ito at patigilin ang kanyang ina, ngunit higit na lumalamang sa kanyang damdamin ang takot at pangamba.

Naiiyak siya.

Gusto niyang tumulong, pero wala siyang magawa.

Saksi siya sa pilit na paghablot ng kanyang kapatid sa liston at pagtanggol nito sa sariling leeg: pinupuwersang lumaban . . . habang siya’y naroroon at walang imik na tumatangis.

Pinapatay ang kanyang kapatid! Pero wala siyang magawa!

Wala siyang magawa.

Umapaw ang luha sa kanyang mga mata. Nanlalabo ang kanyang bista; pinagsama-samang yupi ng mga kolor at tanglaw ang naghalo sa kanyang nakikita.

Nais niyang ipikit nang mariin ang mga mata.

Nais niyang h’wag makita ang bawat kalmot ng kapatid na unti-unting humihina.

Subalit hindi niya magawa!

Nanatiling dilat ang kanyang mga mata.

Nasaksihan niya ang unti-unting paghina nito’t pagsuko.

Lupaypay . . . naging lupaypay ang mga braso nito bago lumagpak sa piso, kalakip ng ’di na kumikilos nitong katawan.

[ lupaypay - weak ]

Idinako niya ang kanyang paningin sa kanyang ina na ngayo’y tuluyan nang pinakawalan ang kanyang kapatid.

’Di niya mawari kung bakit sa mga sandaling iyon ay ramdam niya ang pagsisisi nito sa nangangaligkig nitong mga kamay at tila’y naguguluhang badya ng mukha.

Ano’ng ginawa ng kanyang ina?

Ramdam niya ang pamamawis ng kanyang likuran, ang pamumula ng kanyang mukha, ang galit sa kanyang ina.

Hindi na niya nagawa pang kontrolin ang pagtakas ng maingay na hikbi mula sa kanyang lalamunan.

Higit lamang siyang napahikbi nang lumugar sa kanyang kinalalagyan ang paningin ng kanyang ina; namumula ang mga mata nito’t doon niya lamang napansin ang ilang butil ng luha na nakapaskil sa pisngi nito.

“M-Mama!” Napahiyaw na lamang siya nang hatakin siya nito sa kanyang palapulsuha’t sapilitang kinaladkad palayo ng silid.

“Mama! Si Kuya!” Hindi pa rin siya tinitigilan ng kanyang ina kahit na siya’y nagsusumamo na.

Buong puwersa niyang pinaghahampas ang kamay nito.

Pinipilit na h’wag dumulas sa sahig ang kanyang talampakan.

Inaabot ang kahit na anong makakapitan upang huminto lang . . . upang hindi lamang siya tuluyang makaladkad nito.

Datapwat mas lalo lamang na humigpit ang pagkakahawak nito sa kanya: ramdam na niya ang mga kuko nito na siyang humuhukay sa kanyang laman.

Nais niyang magsusumigaw sa sakit, subalit matimbang ang pagod sa kanyang lalamunan.

Wala na siyang iba pang nagawa nang itinulak siya nito papasok sa kanyang kuwarto’t marahas na humalik sa kanya ang baldosa.

[ baldosa - tiles ]

Sunod na umalingawngaw sa kanyang pandinig ang pagsara ng pinto’t nakabibinging kabog ng kanyang dibdib.

Napahalinghing na lamang siya nang muli siyang balutin ng kirot.

Masakit.

Napakasakit.

Kinapa niya ang mga palad niyang namumula. Bagaman napapaso pa rin siya niyon, pinilit niyang tumayo.

Pumaroon siya sa kama’t naupo roon.

Patuloy pa rin sa paglandas ang kanyang mga luha. Kagat-kagat niya ang pang-ibabang labi upang kahit papaano’y magmenos ang ingay na kanyang nalilikha.

Hindi niya mapigilan ang walang humpay na pagtapik ng kanyang kanang palad sa kanyang hita.

“K-Kuya,” pagtawag niya sa pangalan nito.

Napatakip na lamang siya sa kanyang bibig nang marahas na bumukas ang pintuan.

At iniluwa nito . . . ang kanyang ina.

Mabilis siyang dinalo’t hinagkan nito at patuloy na hinalik-halikan sa noo’t pisngi. Walang hinto rin ito sa pagluha’t paghingi ng tawad.

Binibisa niyang isangga ang kanyang mga palad upang hindi siya nito magawang yakapin. Nais niyang kumawala.

Ilang beses siyang humiyaw.

At humiyaw.

Takot na takot na siya!

Higit lamang siyang napahagulgol nang muling maramdaman ang mga kuko nito sa kanyang balikat. “M-Mama.”

Nalalasahan na niya ang alat ng kanyang mga luha. Puwersahan niyang itinikom ang kanyang bibig nang tumambad sa kanya ang namumula nitong mga mata.

Nais niyang magmakaawa, ngunit hindi niya kaya. Hindi niya magawa.

Batid niya ang nangyari . . . ang ginawa ng kanyang ina.

Makailan na rin siyang sinakal nito’t sa huli’y hihingi ng tawad, na wari’y hindi nito alam ang ginawa.

Mga Comments (2)
goodnovel comment avatar
Thrinine
omayyy hi, ’te waeng. late reply WAHAHAHAHAHA ...
goodnovel comment avatar
Bamgyu
Preseeentttt
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status