Share

Chapter 4

“Kailangan ninyong humarap sa aming pinuno para sa kanyang pag-uusisa,” seryosong pahayag ni Matuk sa magkaibigan.

“Okay, fine. Kailangan talaga naming makausap ang manager ninyo. Sobrang stress ang dinanas namin sa resort ninyo, ha!” nagtataray na sabi ni Polly habang itinayo ang nanlalambot pang kaibigan.

“Hindi ba pwedeng magpahinga muna tayo? Nalula ako sa taas ng binaba natin,” ang reklamo ni Seiri.

Mabilis na kinarga ni Matuk si Seiri. Nabigla ito pero wala sa kalakasang makipagtalo kay Matuk. Bumulong naman ng di-pagsang-ayon si Iksum sa ikinilos ni Matuk dahil bawal na bawal sa mga engkantao ang may physical contact sa magkaibang kasarian.

“Hindi pinaghihintay si Piros, Iksum,” yun lang ang maikling tugon ni Matuk at binaybay na nila ang daan papunta sa tahanan ni Piros.

Libang na libang si Polly sa mga nakikita sa paligid. Nagmistula silang mga duwende sa taas ng mga puno. Ang nilalakaran nila ay parang sinadyang pagandahin ng isang landscape architect. May dilaw na bulaklak na ubod ng laki ang gumagalaw at animo’y sumasayaw. Doon lang din siya nakakita ng iba’t-ibang kulay at laki ng mga paru-paro.

“Girl, ang ganda dito. Pagkayari tayong kausapin ng manager nila, mag-picture tayo. Instagrammable ang mga view!” ang patiling sabi ni Polly.

“Girl ang pangalan niya?” ang mausisang tanong ni Iksum.

“Whatever!” ang pataray na sagot ni Polly na inakalang nang-iinis lang si Iksum.

Ang totoo ay nalilito si Iksum sa ikinikilos ni Polly. Sa daigdig ng mga engkantao, dalawa lang ang kasarian---babae at lalaki. Hindi nila alam ang tungkol sa third sex kung kaya naku-curious siya sa mga ikinikilos ni Polly.

Wala namang malay sa paligid ang nakapikit na si Seiri. Buhat-buhat siya ni Matuk na parang malaking sanggol dahil sa panghihina gawa ng pagkalula sa mataas na puno. Pasulyap-sulyap si Polly sa kaibigang nakapikit habang panakaw na tumitingin din sa mga malalaking bisig ni Matuk. Diretso lang ang tingin ni Matuk habang naglalakad, ayaw niyang magkaroon ng pagkakataong matitigan ang magandang mukha ni Seiri. Ngayon lang siya nakaramdam ng matinding paghanga sa isang babae na hindi niya kalahi. Ayaw niyang isiping baka isa itong kapre o tikbalang na nag-anyong magandang binibini upang mapaibig siya. Batid niya ang pagbabalat-kayo ng mga kapre o tikbalang na lalaki upang mapaibig ang mga babaeng mortal na matipuhan. Pero sa kalagayan niya bilang engkantao, ang pagbabalat-kayo ng isang kapre o tikbalang para mapaibig siya ay maaaring isang paraan para mapasok nila ang Talumpit.

Maya-maya pa ay nakarinig na sila ng mga tunog ng musika; mga babaeng engkantao na tila nagpi-piyano gamit ang isang instrumentong gawa sa kristal. Lahat ng mga babae ay naka-damit na puti na magkakamukha. Natigil ang pagpi-piyano ng mga babaeng engkantao sa pagdating nila Matuk. Tumayo ang isang babaeng nasa apatnapung taong gulang at saka lumapit sa kanila.

Ibinaba ni Matuk si Seiri at saka lumapit sa babae. Kinuha ni Matuk ang dalawang kamay ng babae at saka hinalikan.

“Otna, magandang umaga. Ano’t naparito kayo sa tahanan ni Piros?” ang nagtatakang tanong ni Matuk kay Otna.

“Nabalitaan kong may dalawa kayong nahuling mortal kagabi at tinangka sana ninyong ilabas ng portal pero paulit-ulit lang kayong naligaw. Iniisip kong hindi sila mga mortal lamang kung kaya nilang baliin ang kapangyarihan ng Talumpit,” ang may paghihinalang sagot ni Otna.

“Ah, kapatid ng aking ina, ikaw ba ay nag-aaalala na baka mapahamak ang pinakamamahal mong anak ng iyong kapatid?” ang may paglalambing na sambit nito sa tiyahin.

“At bakit naman hindi? Ikaw na lang ang nag-iisang ala-ala ng aking kapatid?” ang malambing din na sagot ni Otna sa pamangkin.

“Kung gayon ay samahan nyo kami sa tahanan ni Piros para maipakita sa kanya ang mga mortal na nakuha namin ni Iksum.”

Naunang lumakad si Matuk papasok ng bahay kasunod si Otna. Magkasabay namang pumasok si Seiri at Polly at nasa likod nila si Iksum. Yumukod sila Otna, Iksum at Matuk nang makita si Piros na nakaupo na sa tila sala ng bahay nito. Hindi agad nakapag-react sila Seiri at Polly dahil namangha sila sa loob ng tahanan. Gawa sa kahoy ang mga kagamitan, napakalinis din ng loob at nakamamangha ang mga palamuting kristal na tila nagbabago ang kulay sa bawat ihip ng hangin.

“Girl, eto na yung resort manager. Mukhang bad mood sa atin,” kinalabit ni Polly si Seiri.

Napatingin naman si Seiri kay Piros na noon ay nakikipag-usap kila Matuk at Iksum. Sa body language ni Matuk ay tila nagpapaliwanag ito kung ano ang nangyari na siya namang sinasang-ayunan ni Iksum. Si Otna ay paminsan-minsang tumitingin sa kanila na parang nagagalit. Tumayo si Piros at nagpunta sa pwesto nila Seiri at Polly.

“Uulitin ko ang tanong kila Matuk at Iksum...paano kayo nakapasok sa portal?” parang kulog na dumaragundong ang boses ni Piros.

“Ikaw na magkwento, Seiri,” natatakot na sambit ni Polly.

“Ikaw na, Polly,” ang sagot naman ni Seiri.

“Bueno, Sir. Aaminin po namin na naging choosy kami sa room. But we’re not expecting na magagalit kayo dahil di ba ang core value ng hotel ninyo ay customer satisfaction? Pero from the looks of it, ayaw ninyo ng bad review kaya promise po. Pauwiin ninyo lang kami, hindi namin kayo bibigyan ng bad review,” ang natatarantang sagot ni Polly.

Lalong kumunot ang noo ni Piros. Sa kabila ng talim ng mga mata nito ay maaninagan ang angking kagwapuhan na animo’y si Gardo Versoza noong kanyang kabataan. Umikot-ikot ito para pag-aralan ang kinikilos ng magkaibigan.

“Ikaw naman, ano ang masasabi mo?” tanong ni Piros kay Seiri.

“Sir, gaya po ng sinabi ni Polly, gusto lang namin ng air-conditioned room,” ang medyo nagulat na sagot ni Seiri.

“Paano kayo nakapasok sa portal?” ang madiing tanong ni Piros.

“Portal? Alin pong portal?” ang halos sabay na tanong ng magkaibigan.

“Napasok ninyo ang daigdig ng mga engkantao. Mabuti pang umamin na kayo kung ano ang pakay ninyo. Isa ba kayong laman-lupa na nag-aanyong tao?” ang malakas na tanong ni Piros.

Pigil-tawa ang magkaibigan sa sinabi ni Piros. Hindi pa rin nila maintindihan na hindi ordinaryong lugar ang napasok nila. Nasa other dimension sila na ang naghahari ay mga engkantao. Hindi rin nila maaalala ang pagpasok nila sa portal dahil sa epekto ng pampatulog na nalanghap nila.

“Mawalang-galang na, Piros. Maaari ko ba silang matanong?” ang nag-aalinlangang tanong ni Iksum.

Tumango si Piros at hinayaan si Iksum.

“Naaalala ba ninyo ang mga alitaptap na nasa ulunan ninyo kahapon?” tinatangka ni Iksum na ipaalala ang mga kaganapan sa magkaibigan.

Nag-isip sila Seiri at Polly. Nanlamig sila dahil unti-unting may naaalala sila pero pira-pirasong memorya mula sa pagbaba nila ng bus hanggang sa pagsunod sa suhestyon ng mga kabataan na mag-short cut sila sa bundok hanggang sa pagkakita nila ng napakaraming alitaptap.

“Pero di ba’t panaginip lang ang lahat?” ang naguguluhang tanong ni Seiri.

Tumingin si Iksum kay Piros at Matuk at sinabing, “Babalik din nang lubos ang alaala nila. Naparami yata ang pampatulog na nilagay ko. Walang alinlangan, mga mortal talaga sila.”

“Pero kung mga mortal sila, ano’ng pangontra ang mayroon sila para mailigaw nila kayo sa lagusan palabas ng portal?” ang tanong ni Piros.

“Hindi namin alam, Piros. Kung ipapaubaya ninyo, ibabalik na namin sila sa lagusan para makauwi na din sila. Nakahanda na din ang bulaklak ng radam para wala silang maaalala sa pagpasok nila dito.

Pumayag si Piros na palabasin ang mga mortal. Sinimulan ulit nilang lakarin ang daan patungong lagusan ng portal. Tahimik ngunit namamangha ang magkaibigan sa mga nakita sa other dimension pero natatakot silang magsalita kila Iksum at Matuk nang mapag-isip-isip nilang mga engkantao ito at hindi staff ng resort na tinuluyan nila.

Si Matuk naman ay hindi maintindihan ang nararamdaman dahil kung siya ang masusunod, hindi niya gustong makalabas ng portal si Seiri. Gusto pa niyang makilala ito at makasama. Kinapa niya ang bulaklak ng radam sa kanyang maliit na bag. Lalo siyang nakaramdam ng lungkot dahil kapag nalanghap ito ni Seiri, ni hindi nito maalalang nagkita sila.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status