Share

Chapter 1

“Ano ka ba, Seiri? Baka naman mapagkamalang pinaiyak kita dyan, ha!” ang pabulong na sabi ni Polly na lilinga-linga pa kung mayroong mga leeg na lumilingon sa kanilang direksyon.

Nasa pang-apat na hilera sila mula sa dulong upuan ng masikip at maliit na mini-bus. Binabaybay nila ang highway sa Carmen, Bohol para makabalik na sa isang hotel sa Panglao simula nang dumating sila kahapon ng umaga.

Lalong lumakas ang paghikbi ni Seiri dahilan para lumapit ang matandang kunduktor na may hawig kay Berting Labra.

“Unsay problema? Ngano nag hilak ka?” ang masimpatyang tanong ng kunduktor.

“Naku, tatay. Tourist lang po kami dito. Pero kung curious kayo kung bakit sya umiiyak, malaki po kasi ang problema nya,” ang sabi ni Polly at saka hinagod sa likod si Seiri.

“Naku, kung kailangan ninyo ng kasama. Sasamahan ko kayo. O kung gusto naman ninyo, isama ninyo ako sa video call at ako ang kakausap sa magulang niya,” napaupo sa bakanteng upuan ang konduktor. Naglingunan naman ang mga nakaupo sa harapan nila Seiri para makiusyoso.

“Hmmm...not a good idea po. Lalo pong magagalit ang parents niya pag nalaman ang problema niya,” ang sagot naman ni Polly.

Tumayo na ang kundoktor nang may malapit ng bumaba at saka binulungan si Polly.

“Dapat kasi, nag-ingat kayo. Mahirap ang buhay ngayon. Mahal ang gatas,” at saka tinapik ang balikat ni Polly.

Nanlaki ang mata ni Polly. Tinakpan ang bibig para hindi makatili ng “HINDI KAMI TALO!”

Medyo kumalma naman si Seiri at may bahagyang ngiti dahil sa pagkakamali ng konduktor.

Si Policarpio Velasco ay pangatlong anak ng mag-asawang abogado sa Maynila. Matangkad, maputi, makinis at malakas ang dating. Opisyal siyang nagladlad noong nagtatrabaho na siya at kaya nang bumukod ng bahay. Isang taong hindi nagkibuan ang mag-amang Velasco dahil sa paglaladlad niya pero nang atakihin ito sa sakit sa puso dalawang taon na ang nakararaan, lumambot ang loob nito sa anak nang ito mismo ang mag-asikaso sa kanya. Pero dahil sa tawag ng machismo, naging kasunduan nila na siya pa rin si Pol kapag nasa bahay at bahala na siya kung ano si Polly sa labas ng kanilang bahay.

Si Sabrina Aileen Santos naman ay panganay sa tatlong anak ng mag-asawang negosyante sa Quezon City. Sa all-girls school nag-aral mula grade school hanggang college kaya nung maka-graduate at makahanap ng trabaho ay piniling maging independent. Hindi naman nila mapipilit na mag-manage ng construction business si Seiri, ang pet name nila kay Sabrina, dahil sa sobrang mahiyain ito at hindi makabasag-pinggan.

Sabay silang pumasok ni Polly sa Financial Management firm at sa unang pagkikita pa lang nila ay magiliw na sila sa isa’t-isa. Sabay silang nagla-lunch. Sabay nag-o-overtime kung kailangan. Sabay na umuuwi. Minsan ay tinutukso na sila ng mga kasamahan sa trabaho dahil sa sobrang closeness. Sa isa sa mga gimik nila, nahalata ni Seiri na panay ang tingin ni Polly sa isang gwapong lalaki sa kabilang table nila. Dito sya nakaamoy na hindi talaga sila talo. Bilang respeto sa kaibigan, wala siyang lakas ng loob na usisain ang gender preference nito lalo na’t lalaking-lalaki ang kilos nito sa opisina. Kung pag-iisipan niya ng masama, iisipin niyang ginagamit lang siya nito para pagtakpan ang tunay nitong damdamin pero napagtanto niyang may tamang panahon ang pagtatapat ng mga bagay-bagay.

Sa bar na iyon niya unang nakita si Gabby. Mutual attraction o love at first sight ang nangyari. Nasa kabilang table lang ang grupo ni Gabby at madalas niyang mahuling nakatingin sa kanya. Napapangiti naman siya pag nagtatama ang mga mata nila. Matangkad ito, maayos ang pangangatawan, moreno at lalaking-lalaki ang mukha. May mga babae itong kasama at naisip niyang isa dito ang girlfriend nito kaya tumalikod na lang siya nang upo para hindi magtama ang mga mata nila. Ilang sandali pa ay nag-vibrate ang cellphone. Nagpaalam siya kay Polly na pupunta lang sa veranda ng bar para magkarinigan sila ng kausap niya.

“Mukhang very busy ka dyan, ah?” ang panimulang bati ng kanyang ama.

“Nagre-relax lang po kami ni Polly, Papa. Dito pa din sa favorite hang-out namin,”sagot naman ni Seiri habang tinatanaw ang nagtatangkarang building sa BGC.

“O, eh baka mapahamak ka dyan kay Polly? Wag kang iinom nang madami,”may pag-aalala sa boses ng ama niya.

“Pa, hindi kami talo,” saka bumungisngis si Seiri na naunawaan naman nang kanyang ama.

Kahit namumuhay na siyang mag-isa ay salitan ang mga tawag at text ng mga magulang niya sa kanya. Naiintindihan naman niya dahil bukod sa panganay siya, nag-iisa din siyang anak na babae. Every Friday night siya umuuwi sa bahay nila sa Quezon City liban na lamang kung may lakad sila ni Polly gaya nang gabing iyon.

“Ang sweet ng father mo,”nagulat siya sa boses na narinig. Hindi niya napansing may kasama siya sa veranda. Ang mas nakapagpapula ng mga pisngi niya ay ang nagmamay-ari ng boses. Ang lalaki sa kabilang table nila ni Polly. Nagsisigarilyo ito at nakatanaw din sa mga building sa BGC. Isang dipa lang ang pagitan nila kaya mas napagmasdan niya ang mga bilugang mata nito at matangos na ilong.

“Yes, father ko yun. He’s checking on me,”sagot ni Seiri saka hinawi ang usok ng sigarilyo.

“Ooops, I’m sorry. You don’t smoke?”pinitpit ni Gabby ang sigarilyo at tinapon sa basurahan. Ngumiti lang si Seiri saka umiling.

“Siguro, sobrang strict ng boyfriend mo. Sabagay, kahit sino naman, kung ganyan kaganda ang girlfriend, mapagbabawalan talaga,” nakapagpula sa mga pisngi ni Seiri ang papuri ni Gabby.

“Boyfriend? NBSB ako,” pagtatama ni Seiri.

“NBSB?”nagtatakang tanong ni Gabby.

“No boyfriend since birth,”napabungisngis ng bahagya si Seiri saka akmang papasok na sa bar.

“Teka..teka. So hindi mo boyfriend yung poging kasama mo? Eh ano sya sa yo? Nanliligaw ba?”sunud-sunod na tanong ni Gabby. Hindi niya namalayang pinigilan niya ang braso ni Seiri na agad naman niyang binitawan nung humarap ang dalaga.

“Best friend ko si Polly. At hinahanap niya na tiyak ako. Ikaw, baka hinahanap ka na din ng girlfriend mo,”tuloy-tuloy na pumasok si Seiri sa bar at naiwan si Gabby na hindi malaman kung susunod ba o magpapaiwan.

Gaya ng dating gawi, ang phone call ng ama niya ay munting babala na kailangan na niyang umuwi. Alam niyang hindi makakatulog ang ama hangga’t hindi niya sinasabing nakauwi na siya sa condo unit niya. Kung sa iba ay masyado pang maaga ang 12:30 AM, naiitindihan ni Polly na hindi ang tipo ni Seiri ang magpapaumaga sa gimikan. Kaya pagkakita sa kaibigan ay nakahanda na ang gamit nito at saka sila lumabas ng bar para umuwi.

Pagbalik ni Gabby mula sa veranda matapos ang isang stick ng sigarilyo ay nanghinayang siya dahil ni hindi niya nakuha ang numero ng dalaga. Nilunod na lamang niya ang munting pagkabigo sa dalawang bote pa ng beer at saka nagsaya kasama ang mga kaopisina.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status