Kabanata 4

Nagising si Alea dahil sa ingay ng kaniyang pinto. Kumakatok kasi ang kaniyang ina para gisingin sila para pakainin. 

"Anak! Gumising na kayo at kakain na!"

"Opo inay! Palabas na po!"

Nagising na rin naman ang kaniyang mga kaibigan. Ayaw pa sanang bumangon ni Ash ngunit pinilit ito ni Alea at hinila patayo.

Nasa hapag na sila at tahimik lamang na kumakain nang biglang nagtanong ang ama ni Alea.

"Bakit nga pala kayo napunta roon anak?"

Biglang nabulunan si Alea dahil sa tanong ng kaniyang itay at tumingin sa mga kaibigan. Hindi niya alam kung ano ang kaniyang isasagot. Inabutan din naman kaagad siya ng tubig ng kaniyang ina.

"Ahm ano kasi tito ihahatid ko na sana si Alea nang nakita kami nung driver ng tricycle na sinasakyan mo at nagtanong kay Alea kung tumawag ka ba sa kaniya. So ayun nalaman namin na umalis ka at hindi pa bumabalik kaya nag-alala si Alea at  gustong sumama para hanapin ka. Ayaw rin naman namin siyang iwan kaya sumama na rin kami," pagpapaliwanag ni Ash.

"At humiwalay po ako sa kanila itay nang hindi nila nalalaman at pumasok do'n sa makipot na daan kaya po ako napadpad sa lugar na iyon at nakita ka po," dagdag ni Alea.

"Kahit na anong mangyari huwag na huwag ka nang babalik do'n Alea. Dilikado ang lugar na iyon!" sabi ng kaniyang ama.

"Bakit po ba kayo nagpunta do'n itay?"

Nagkatinginan ang mag-asawa. Nag-aabang si Alea ng sagot ngunit wala siyang narinig mula rito.  

"Ahm anak kumain ka pa. Ano gusto mo pa ba ng kanin?" pag-iiba ng kaniyang ina sa usapan.

Hindi na lang siya nagtanong pa at nagpatuloy na lang sa pag kain.

Umuwi na ang kaniyang mga kaibigan. Linggo pa naman kaya wala silang pasok. Gusto niyang maglakad lakad muna kaya nagpaalam siya sa kaniyang inay na lalabas muna saglit at pinayagan naman siya nito.

Natagpuan niya ang kaniyang sarili sa may simbahan. Katatapos lang ng simba at naglalabasan na ang mga tao. Umupo siya sa bench na nasa gilid. 

Malalim ang kaniyang iniisip kaya hindi niya namalayang may tumabi sa kaniya. Hindi rin naman ito kumikibo. Pareho lang silang tahimik at nagmamasid masid sa paligid.

Lumipas ang dalawang minuto at napagpasyahan niya namang maglakad lakad ulit. Hindi niya alam na may balat sa saging at kaniya itong naapakan kaya nadulas siya. Babagsak na sana siya sa lupa ngunit may sumalo sa kaniya. Napakapit siya dito at nagkatitigan sa mata. Hindi niya maiwasan ang paghanga sa itsura nito nang makita.

"Sa susunod tao, huwag kang lalampa lampa. Hindi sa lahat ng oras may magliligtas sa'yo," sabi ng lalaki.

Umayos din naman ng tayo si Alea at hinarap ang lalaki.

"Pasensya na TAO lang po!" sagot niya. Diniinan niya talaga ang salitang tao. "Pwede naman sanang miss ang itawag diba?" bulong niya sa kaniyang isipan.

"Alis ka na tao, labis mo na akong naistorbo dito," sabi ng lalaki na nakatingin lang sa kawalan.

Hindi nagustuhan ni Alea ang narinig. Kumulo agad ang kaniyang dugo rito.

"Hoy lalaki! hindi mo pag-aari ang lugar na ito kaya wala kang karapatang paalisin ako dito!" 

"Hay ang ingay mo naman! Sige na nga ako nalang ang aalis," sabi nito sabay alis papalayo sa kaniya.

Naiinis siya sa lalaki ngunit hindi niya na lang ito pinansin at umalis na rin sa lugar na iyon.

Agad na tinawagan ni Alea ang kaibigang si Iris para i-kwento ang inis niya sa lalaki. 

"Easy ka lang girl! huwag kang high blood! Ano gwapo bah?" sabi ng kaibigan sa kabilang linya.

"Alam mo gwapo sana eh kaso di ko type ang ugali."

"Oy crush mo pala eh. Baka na inis ka lang dahil walang crush back na nangyari."

"Oy Hindi no!"

Tinawanan lang siya ng kaibigan. Napagtanto rin naman niyang hindi siya nakapagpasalamat sa lalaki kaya wala rin siyang karapatang magalit dito.

Nasa gilid siya ng kalsada at naghihintay na mag "go signal" na pwede nang tumawid ang mga tao ngunit na alarma siya sa nakita.

"Alea nandiyan ka pa ba? Hello?"

Hindi niya na nasagot ang kaibigan at dali-daling tumakbo papunta sa babaeng tumatawid na parang walang pakialam kung masagasaan man. Ang babaeng gusto niyang iligtas ay ang babae sa kaniyang panaginip na kamukhang-kamukha niya. Gusto niya itong iligtas ngunit hindi niya nagawa dahil sabay silang nasagasaan at humandusay sa lupa.

"Nasaan ako? Bakit ang dilim?" 

Nagtataka si Alea kung paano siya napunta sa lugar na iyon. Wala siyang ibang makita sa sobrang dilim ng paligid.

Naaalala niya na tumakbo siya palapit sa babaeng tumawid sa kalsada para ito'y iligtas ngunit siya ay nabunggo at ang babae.

Napatakip si Alea sa kaniyang bibig. 

"Patay na ba ako? Pero ba't ang dilim? Wala ba ako sa langit?" tanong niya sa sarili.

"Lord patawarin mo po ako, alam ko pong masama ang magsinungaling pero ginawa ko pa rin kaya sorry na po talaga. Sana po huwag niyo po akong hayaan dito Lord please po." Taimtim niyang dalangin sabay tingin sa itaas.

Maiiyak na sana siya ngunit may nakita siyang liwanag papalapit sa kaniya.

"Sinusundo mo na ba ako Lord?" tanong niya.

Nang makalapit ay napansin niyang tumatakbo ang may dala ng liwanag. Akala niya ay hihinto ito ngunit nilampasan lamang siya. Hinabol din naman niya ito at sinundan kung saan pupunta.

Nakita niyang huminto ito sa isang kubo at pumasok. Lumabas ito ng may kasama at dali-daling naglakad pabalik sa pinanggalingan. Sinalubong niya ang mga ito at nagulat na lamang ng makilala ang taong kaniyang sinusundan.

"Itay?"

Hahawakan niya sana ito sa braso ngunit hindi niya ito mahawakan.

"Itay! Itay!" tawag niya sa kaniyang ama ngunit hindi man lang siya nito nilingon. 

"Itay! Naririnig mo po ba ako? Itay sa'n ka pupunta? Itay!"

Sinundan niya ang mga ito. Tawag siya nang tawag ngunit hindi man lang ito sumasagot.

Nakarating sila sa isang kubo at pumasok doon ang kaniyang ama pati na rin ang kasama nitong matanda. Agad din naman siyang pumasok at laking gulat niya nang makita ang kaniyang ina na nagtitiis sa sakit dahil manganganak na.

"Inay?"

Pumatak ang luha sa kaniyang mga mata. Nais man niyang ito ay yakapin ngunit hindi niya magawa.

"Inay? Itay?" muli niyang pagtawag ngunit hindi man lang siya pinapansin ng mga ito.

"Nasaan ba ako?"

Comments (2)
goodnovel comment avatar
Lecell Magbanua
paki unlock plsssss ang ganda ng story...️...️
goodnovel comment avatar
Marivic Laid
dapat may karugtong agad Kasi ang Ganda ng story
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status