Share

Chapter 4- LADY AND THE LOST GIRL

KASALUKUYANG tinatalunton ni Andrea ang daan papasok sa shopping district nang may mapansin. Napansin niya ang isang batang babae na may hawak na isang malapad na tablet.

Mataman niyang pinagmasdan ito. Nagpalinga-linga pa siya upang subukang tukuyin kung sino sa mga tao sa paligid ang magulang nito ngunit wala ni isa man sa mga ito ang kahawig ng bata.

Pababayaan na lamang sana niya ito at itutuloy na ang pagtakas na ginagawa niya sa mga bodyguard na npalaging nakabuntot sa kaniya nang makitang nilapitan ng tatlong teenager ang bata na sa tingin niya ay nasa anim o pitong taong gulang pa lamang.

Base sa nakikita niya ay pinipilit ng mga teenager ang bata na ibigay sa kanila ang tablet na hawak nito. Hindi naman nagpapatalo ang bata kahit pa mas malaki ang mga ito sa kaniya.

Noong pilit nang inaagaw ng mga teenager sa bata ang tablet nito ay dito na umaksyon si Andrea. Tahimik niyang nilapitan ang mga ito at binatukan ang tatlong ulupong mula sa kanilang mga likuran.

At dahil nga teenager pa lamang ang mga ito ay mas matangkad pa rin si Andrea sa height niyang 5’6 kumpara sa mga ito. “Ang kakapal ng mukha ninyo! Bakit ninyo kinukuha ang mga bagay na hindi naman sa inyo huh? ‘Yan ba ang itinuro ng mga magulang ninyo huh?”

Subalit kahit na mas matangkad si Andrea sa mga ito ay tila ba hindi natatakot ang mga teenager na kaharap. Sa halip na agarang umalis ay humarap pa ang isa sa mga ito sa dalaga at pinandilatan ng mga mata.

Hindi naman nagpatalo ang dalaga at pinandilatan pa ito habang nakapamaywang. The staring contest between Andrea and the leader of the ‘teenager walang nanay group’ begun.

Ilang minuto pa ang lumipas subalit walang nais na magpatalo sa kanilang dalawa. Kapwa naluluha na ang mga ito dahil sa hindi pagkurap na ginagawa.

Nang kumurap ang binatilyo ay napasimangot ito dala nang pagkatalo sa dalaga. “Tara na nga! Mangalakal na lang tayo para makakain na tayo, may paepal dito eh!”

Napahawak naman sa kaniyang dibdib ang dalaga at umaktong ito’y nasaktan sa sinabi ng binatilyo ngunit kalaunan ay tinawanan lang niya ito. Napapailing naman siyang tinalikuran ng mga ito.

Ngunit bago tuluyang makalayo ang mga ito ay muli niyang tinawag ang grupo.

“Kumain na ba kayo?”

“Ano namang pakialam mo kung kumain na kami?” matalas na sagot ng binatang nakalaban niya sa munting staring contest nila kanina.

Hindi na pinatulan pa ni Andrea ang pilosopong sagot ng binata. Hinawakan niya sa kamay ang batang babae na namimilog ang mga matang nakatingin sa kaniya dahil marahil sa paghanga sa ginawa niyang pagtatanggol dito.

“Halika, sundan ninyo ako.”

Napangiti ang dalaga nang maramdaman ang mabilis na pagkilos ng mga binatilyo upang sundan siya.

Dinala niya ang mga ito sa isang fastfood restaurant. Pinaupo ang mga ito at iniwan sandali upang umorder ng kanilang makakain.

Nang dumating ang mga pagkaing inorder ay napansin pa ng dalaga ang ginawang pagtitinginan ng tatlong binatilyo. “Why may problema ba? Hindi ba ninyo nagustuhan ang mga pagkain?”

Ang matapang na binatilyo na napag-alaman niyang Bernard ang pangalan, ang sumagot sa kaniyang tanong. “H-hindi po. Gusto ko lang sanang itanong kung maaari ba na hindi namin dito ito kainin?”

Nagtaka naman si Andrea sa naging hiling ni Bernard. “Huh? Bakit?”

Naging kapansin-pansin naman para kay Andrea ang pag hinga ng malalim ni Bernard bago pikit-matang sumagot.

“Gusto kasi sana namin na ibahagi sa nakababata naming kapatid ang mga ito.”

Ilang sandali pa ang lumipas ay tahimik lamang na pinagmamasdan ng dalaga ang tatlo. Nadudurog ang kaniyang puso na kinakailangan dumaan ng mga ito sa ganitong klase ng kahirapan.

Para sa mga katulad niya na ipinanganak na mayroong gintong kutsara sa mga bibig ay maliit na bagay lamang ang usapin ng pagkain. Kahit wala silang gawin sa kanilang mga tahanan ay hindi nila kinakailangang problemahin ang kanilang mga makakain.

Hindi katulad ng mga batang ito na nasa laylayan ng lipunan na kung hindi kikilos at magbabanat ng buto ay hindi rin makakakain sa mag hapon.

Muling idinilat ni Bernard ang kaniyang mga mata nang walang marinig na kahit na anong tugon mula sa dalaga.

Nabungaran niya si Andrea na seryoso ang mukha at nakatitig lang sa kaniya.

“Hindi puwede.”

Laglag ang balikat hindi lamang ni Bernard kundi pati na rin ng dalawa pa niyang kasama na sina John at Kurt.

“Pero katulad namin ay hindi pa rin sila kumakain! Gusto lang naman naming ibahagi sa kanila ang mga masasarap na pagkaing ito.”

“Kainin na ninyo ‘yan at huwag na kayong madami pang iniisip!” matigas na saad ni Andrea. “Ikaw din, baby girl. Kumain ka na, okay?”

Agad naman siyang sinunod ng apat na bata at tahimik na kumain. Matapos maubos ang burger na binili para sa sarili ay tumayo si Andrea at saglit na nagpaalam sa mga bata na tahimik pa ring kumakain.

Lalo na ang batang babae na maganang nilalantakan ang lahat ng nakahain sa kaniyang harapan. Hindi rin nag tagal ay nagbalik na muli sa kanilang mesa si Andrea.

Narinig pa niya ang mahinang bulungan ng mga binatilyo. Hindi pa marahil siya napapansin ng mga ito.

“Tingnan mo yung bata ang takaw. Mukha namang mayaman. Tingnan mo nga at halos ubusan na tayo ng makakain kanina,” bulong ni John kay Bernard na napaangat bigla ang tingin sa batang babae.

“Hayaan na ninyo siya dahil baka nagugutom talaga siya. Hindi naman porke’t mukha siyang mayaman ay wala na siyang karapatang maging matakaw.

Dapat nga ay humingi pa tayo ng paumanhin sa kaniya dahil tinangka natin siyang pagnakawan,” saway ni Bernard sa mga kasama.

Nang muling mapabaling ang tingin ng binatilyo sa batang babae ay sumilay ang isang matamis na ngiti sa mga labi ni Bernard. Subalit hindi rin nagtagal ang ngiting iyon dahil muling bumalik sa normal ang ekspresyon ng binatilyo nang mapansing nakatayo si Andrea sa kanilang harapan.

Lingid sa kaalaman ni Bernard ay narinig lahat ni Andrea ang kaniyang mga sinabi. Na-touch naman ang dalaga dahil sa mga mabubuting bagay na sinabi nito.

Hindi nga siya nagkamali ng hinala.

Hindi talaga tunay na masasama ang ugali ng mga batang ito. Batid niya na biktima lamang ng kahirapan ang mga ito kung kaya naman ay napipilitan silang gawin ang mga bagay na hindi naman nila tunay na nais gawin.

Napansin ng tatlo ang mga supot na dala ni Andrea. Nang mapagtanto ng dalaga kung saan nakatingin ang mga ito ay ngumiti siya at inilapag ang mga ito sa harapan nilang tatlo.

“A-ano po ito?” tanong ni Kurt sa kaniya.

“Iuwi ninyo ang mga iyan. Umorder ako ng makakain para sa inyo at sa mga maliliit na kapatid na sinasabi ninyo. Tatagal na siguro ‘yan hanggang mamayang gabi,” sagot ni Andrea.

“Wow! Talaga po?” nagniningning ang mga matang pagkumpirma ni John.

Ngunit mabilis na pinalis ni Bernard ang kamay ng mga kasama at seryosong humarap kay Andrea. Lubha naman itong ipinagtaka ng dalaga.

“Hindi ko po gustong mag mukhang walang utang na loob, Ma’am. Pero bakit po ninyo ito ginagawa? May masama po ba kayong tangka sa amin? Virgin po pa kami!” walang kaabog-abog na wika ni Bernard na makikita sa mga mata ang pag-aalangan.

Nabigla naman si Andrea sa naging tanong ng binatilyo. Ngunit agad na nawala ang pagkabiglang iyon dahil napabunghalit siya ng tawa. Hindi niya inaasahan na iniisip pala nitong may kapalit ang lahat ng mga ipinakikita niyang mabuti sa mga ito.

Pinahid niya ang mga namuong luha sa sulok ng kaniyang mga mata nang matapos na siya sa pag tawa. “Oh god, you silly kid. Don’t worry wala akong balak na masama sa inyo at lalo naman na hindi ko gustong kunin ang virginity ninyong tatlo, noh!”

Pinamulahan naman ng mukha si Bernard. Malamang ay na-realize na nito na hindi tama na pinag isipan niya kaagad ng masama si Andrea. “K-kung ganoon po ay bakit ninyo kami tinutulungan, ma’am?”

“Ate Andy na lamang ang itawag mo sa akin. Bakit ko kayo tinulungan? Wala lang. Marami kasi akong pera eh!” biro pa niya sa binatilyo. Ngunit nang mapansin niya na seryoso ito ay muli siyang nag salita. “Hindi ko rin alam kung bakit ko kayo tinulungan. Pero sa tingin ko kasi ay iyon ang tamang gawin sa mga ganitong sitwasyon.”

Hindi nakaligtas sa mga mata ni Andrea ang bahagyang pag ngiti ni Bernard na kaagad namang napalitan nang kaseryosohan.

Batid ni Andrea na nais lamang nitong mag mukhang kagalang-galang sa harap ng mga kasama kaya naman ay palaging stiff expressions lang ipinapakita nito sa lahat.

Hinarap naman ng dalaga ang batang babae na tahimik lamang silang pinagmamasdan. Natapos na pala itong kumain. Pinahid ni Andrea ang kumapit na mga tsokolate sa mamula-mulang pisngi nito galing sa ice cream sundae na kinain.

“What’s your name, baby girl? Where do you live?” Magkasunod na tanong ng dalaga rito.

“My name is Malia Zoe Rodriguez po, I live in Dasmarinas, Cavite,” sagot ng bata na tila ba nag rerecite sa paaralan.

“Dasmarinas? Eh anong ginagawa mo rito sa Tagaytay?” gulat na tanong ni Andrea.

“Kasama ko po si Daddy kanina. Iniwan niya ‘ko sa car namin while I’m playing with my tablet po…”

“And?”

“Then I went outside po to play Pokémon Go. Naghahanap po ako ng mga Pokémon until I arrived here po.”

Napasapo sa kaniyang noo si Andrea nang marinig ang rason kung bakit napahiwalay ito sa kaniyang ama.

“Where’s your Daddy now? Alam mo ba kung saan naka-park yung car ninyo?”

Napakagat labi ang dalaga nang umiling lang sa kaniya bilang tugon ang bata.

Batid niya na mahihirapan siyang hanapin ang ama ng bata. Sigurado pa naman siya na nag-aalala na ito sa mga sandaling iyon. Lalo pa’t napaka-cute ng anak nito.

Napapalakpak naman si Bernard nang may maalala. Kinalabit niya si Andrea na abala sa pagdutdot sa telepono nito.

“Ate, may lalaki po kanina na naghahanap sa anak niya. Hindi po kaya ‘yon ang tatay nitong matakaw na bata?”

Nanlaki naman ang mga mata ni Andrea dahil sa narinig. Kung totoo nga na ito ang ama ng batang babae ay mas mapapadali na ang kaniyang paghahanap dito. “Saan mo siya huling nakita?’

Agad na pinuntahan ni Andrea ang lugar kung saan nakita nina Bernard ang lalaki. Subalit nang sila ay dumating sa lugar ay na ito roon. Sinubukan pa nilang mag-ikot ng ilang beses upang siguruhin kung wala nga ba talaga ito roon ngunit bigo pa rin silang matagpuan ito.

Kulay kahel na ang kalangitan. Indikasyon ito na malapit nang dumating ang takip-silim. Napag desisyunan na rin ni Andrea na isama na lamang sa police station ang bata upang magpatulong sa mga pulis.

“Pwede na kayong umuwi nina John at Kurt, Bernard. Magpupunta na lang ako sa Police Station para magpatulong sa mga pulis na mai-uwi ang batang ito,” wika ni Andrea. 

Hindi naman na tumanggi pa si Bernard at ang dalawa pa. kinakailangan na rin kasi nilang umuwi at ibigay sa mga nakababatang kapatid ang mga pagkaing dala nila.

Dinukot ni Andrea mula sa kaniyang sling bag ang kaniyang pitaka at kumuha roon ng ilang daang piso. Inabot niya ito kay Bernard ngunit magalang lamang siyang tinanggihan ng binatilyo.

“Marami na po kayong naibigay sa amin, Ate Andy. Kalabisan na po para sa amin kung tatanggapin pa namin ang perang ibinibigay ninyo. Kikitain din po namin yan sa pangangalakal.”

Labis naman na hinangaan ni Andrea ang disiplina at kabutihang loob ni Bernard. Nasisiguro niya na sa kasabay ng tamang pag gabay ay malayo ang mararating ng bata.

Ilang beses pang pinilit ni Andrea na tanggapin ni Bernard ang pera ngunit patuloy lamang ang pagtanggi nito hanggang sa magpaalam na ito.

“Dito po ang daan papunta sa amin. Taluntunin lang po ninyo ang daan na ‘yan at makikita na ninyo ang Police station, Ate. Huwag kang mag-alala dahil hindi kayo mapapahamak diyan.”

Kumakaway na nagpaalam na ang tatlo sa kanila. Bago makaliko ang mga ito sa kanto ay kinawayan pa sila ng mga ito.

Nang mawala na sa paningin ni Andrea sina Bernard ay lumuhod naman siya upang panatagin ang kalooban ni Lia.

“Don’t worry, baby girl. I’ll get you home, I promise. Okay?”

Tumango lamang sa kaniya ang bata kasabay nang paghikab nito. Napangiti naman si Andrea dahil sa aktong iyon ng bata. Napaka-cute kasi nitong pagmasdan.

At dahil nga alam niya na pagod na rin sa kalalakad ang bata ay binuhat na lamang niya ito. Hindi naman nag tagal ay nakatulog na rin si Lia habang nakaunan sa kaniyang balikat.

Napakapayapa nitong pagmasdan kapag natutulog. Kung nangungusap ang mata nito kapag ito ay gising na para bang ikaw ay mahuhulog sa kawalan. Tila nasa mapayapang mundo naman siya kapag ito ay nakapikit.

Sa wakas ay narating na ni Andrea ang istasyon ng mga pulis. Agad niyang ini-report sa mga ito ang mga kaganapan at kung paano niya natagpuan si Lia ngunit hindi na niya sinabi pa ang patungkol kina Bernard.

Mabilis namang nahanap ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng ama nito na agad nilang tinawagan. Siniguro naman ng mga pulis sa dalaga na patungo na ngayon sa istasyon ang ama nito.

Maya-maya ay nag ring ang kaniyang cellphone. Ang pangalan ng kaniyang lolo ang rumehistro sa call log niyon. Agad niya naman itong sinagot dahil hindi niya gusto na mag alala ito dahil sa mag hapon na pagkawala niya.

“WHERE ARE YOU?”

Napangiwi si Andrea dahil sa lakas ng boses ng kaniyang lolo. “Calm down, Gramps. Baka atakihin ka sa puso riyan. Pauwi na rin po ako, something just came up kaya mag hapon akong nawala. Nandito ako sa Police station and maya-maya lang ay uuwi na ako.”

“POLICE STATION? ANO NA NAMAN ANG GINAWA MO NGAYONG BATA KA, HUH?”

Napakamot sa kaniyang ulo ang dalaga.

“Wala akong ginawa, Lo! Grabe ka naman eh. Anyway, I got to go! I’ll explain everything na lang when I got home.”

“Come home now, Andrea. Kanina ka pa hinihintay ni Damian dito sa bahay!”

Mariing napapikit naman si Andrea sa narinig. Kaya naman pala hinahanap at minamadali na naman siya ng kaniyang lolo ay dahil dumalw na naman sa kanilang tahanan ang Fiancée niya.

Hindi man niya gusto ang arranged marriage set-up ay hindi naman niya magawang tumanggi dahil utos ito ng kaniyang lolo. At hindi naman niya kayang biguin ang kahilingan ng matanda.

Kaya kahit hindi niya mahal ang lalaki ay hindi niya magawang tanggihan ito sa tuwing darating ito sa kanila.

“Excuse me, sir? Matagal pa po ba ang tatay nitong batang ito?” tanong niya sa mga pulis.

“Naku, Ma’am mga 15 minutes pa raw po bago siya makarating dito. Kung mya pupuntahan po kayo ay pu-puwede naman ninyong iwanan na lamang siya rito.”

Mabigat man sa loob niya na iwanang nag-iisa ang natutulog na si Lia ay hindi na niya magagawa pang hintayin na makarating dito ang ama nito. Isa pa ay nakasisiguro din naman siyang ligtas ang bata sa lugar na ito dahil may mga babaeng police officer din naman sa paligid.

Nilapitan niya ang bata at ikinumot dito ang kulay pink niyang scarf. Hinawakan din niya ito sa pisngi habang taimtim na napangiti. “I’m sorry to leave you behind, baby girl. But I really need to go. Sana ay mag kita pa tayo ulit in the near future.”

Hinalikan niya sa pisngi ang bata. Nagulat naman siya nang awtomatikong yumakap ito sa kaniyang leeg kahit pa natutulog ito na para bang instinct na nitong yakapin ang mga paalis na tao sa kaniyang paligid.

“Your father will be here soon, honey. Everything’s going to be alright now,” bulong niya sa maliit na tainga nito.

Hindi naman nag tagal ay kusa na itong bumitiw sa pagkakakapit sa kaniya.

Matapos magpaalam sa nahimbing na bata ay siniguro niya munang nasa mabuting kalagayan ito sa kamay ng mga pulis bago tuluyang lisanin ang istasyon.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status